Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Abril 16-30, 2014

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 16 – 30, 2014

manny.bradley
Timothy Bradley & Manny Pacquiao
    mommy.d.bradley
Timothy Bradley & Mommy Dionisia
kris-and-herbert
Kris Aquino & Herbert Bautista
herbert.tates
Herbert Bautista & Tates Gana
anne
Anne Curtis
ara.patrick
Patrick Meneses & Ara Mina
VHONG
Vhong Navarro

 Manny Pacquiao – Ating ipinagbubunyi!

Siyempre, kung sa loob lang ng apat na araw ay siguradong ang Pambansang Kamao pa rin ang palaging bumibida sa mga umpukan kahit saan. Napakalaki nga naman kasing karangalan para sa ating bayan ang pagtatagumpay ni Pacman laban kay Boy Daldal.

Sablay ang kadaldalan ni Timothy Bradley na kung mag-umangas kapag si Manny Pacquiao na ang pinag-uusapan ay parang wala nang bukas. Hindi raw ito tatakbo at yayakap kapag nagduop na silang dalawa sa ring. Pero ano ba ang tumambad sa buong mundo noong makatikim na ito nang malalakas na suntok mula kay Pacman? Para siyang sawang-bitin sa kayayakap kay Pacman at mabilis pa siya sa kangaroo sa pagtakbo para lang makaiwas sa mga pamatay na suntok ng Pilipinong boksingero.

Pagkatapos ng matagumpay na laban ni Pacman ay wala nang nasabi si Bradley kundi, “I have no excuses tonight, Manny is a better man than I.” At ang sabi naman ni Jinkee Pacquiao, “Hindi talaga nananalo ang mayayabang.”

Naipagtanggol ni Pacman ang kaniyang belt. Nagbubunyi ang buong bayan sa kaniyang tagumpay. Siya pa rin ang nag-iisang Manny Pacquiao na kamao lang ang bato at hindi ang puso dahil sa dami ng pinakawalan niyang pagkakataon na dapat sana’y nakikipaghalikan na sa lona ang kaniyang katunggali pero hindi niya ginawa.

Mommy Dionisia – Kakaiba ang nanay ni Pacman

Panalo si Mommy Dionisia! Aliw na aliw sa kaniya ang lahat. Kahit ang mga banyagang personalidad ay nag-tweet pa ng kanilang emosyon ng pagkatuwa sa dakilang ina ni Pacman. Nag-iisa lang talaga si Mommy D sa kaniyang hanay.

Iningles-Ingles niya si Bradley. Walang patumangga siyang nag-sorry sa boksingero sa pagkatalo nito sa kaniyang anak. Sa kasaysayan ng boksing ay si Mommy Dionisia lang ang kaisa-isang nanay ng boksingero na pumagitna sa ring pagkatapos ng laban.

May mga kuwentong kumakalat na ipinakulam daw ni Mommy Dionisia si Bradley kaya ganoon ang kinalabasan ng aksiyon nito sa ring. Kalokohang kuwento lang iyon dahil isang mabuting Kristiyano ang ina ni Pacman.

Sabi nga ng isang nagmamaasim naming kaibigan, “Hindi naman iyon gagawin ni Mommy D. Mukha lang siyang mangkukulam, pero hindi niya masisikmura at makukunsensiya ang magpakulan!”

Kris Aquino at Mayor Bistek – Umamin na sa publiko si Kris

Kung hindi mahigpit ang kapit ng utak mo sa sinapupunan ng bungo mo ay siguradong pupulutin ka sa ospital ng mga baliw sa pagtugaygay sa mga ginagawa at sinasabi ngayon ni Kris Aquino.

Para siyang hanging-bagyo, humahaginit nang walang direksiyon. Para rin siyang panahon na mahirap ispilengin dahil hindi mo alam kung kailan giginaw at kung kailan magiging maalinsangan.

Nitong nakaraang linggo ay may binasa siyang SOHA (State of The Heart Address. Pahiram, SOS.). Nilalaman noon ang pinagkasunduan daw nilang desisyon ni Mayor Herbert Bautista na umamin na tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon, binulabog niya noon ang buong kapuluan.

Beinte kuwatro oras lang pagkatapos ay iba na ang himig na kinakanta ni Kris. Mula kay Mayor Bistek ay tungkol naman kay James Yap ang tutok ng kaniyang atensiyon. Emosyonal siyang nagbalik-alaala tungkol sa kabutihan daw kay Josh ng basketbolista, kasunod ang panghihingi ng tawad sa lahat ng ginawa niya sa ama ni Bimby.

Komento ng isang kausap namin, “Holy cow! Para siyang libro na mahirap basahin! Lumulundag-lundag ng chapter ang istorya niya, magulo, mahirap intindihin!”

Mabuti na lang at naging saksi kami sa pabagu-bagong takbo ng utak ni Kris. Winasak-nilait niya noon ang pagkatao ni Mayor Joey Marquez,. Siya ang literal na pumatay sa karerang-pulitikal noong tao, pero pagkatapos lang nang ilang buwan ay inaalok niya ng kasal si Mayor Tsong.

Unang pagkatalo iyon ni Mayor Joey, kaya ang sabi nito, “Huwag na. Nobody loves a loser.” Pero mapilit si Kris, handa raw siyang magpakasal kay Mayor Joey noong puntong iyon, kung ang kanilang pagpapakasal ang makapagpapaligaya sa natalong pulitiko.

“Okey lang ako, tanggap ko na ang pagkatalo ko, maraming salamat na lang,” magalang na sabi ni Mayor Joey. Paano nga naman si Mark Lapid na karelasyon niya noon? Ang parang wala lang na sagot ni Kris, “I made him governor na!” sa tono at boses na kaniyang-kaniya lang na mayroon mang makaplakado ay kulang pa rin sa panukat iyon.

Heto naman ngayon, magkapareho lang ang sitwasyon, magkaiba lang ang mukha at pangalan ng bumibidang lalaki sa kuwento. Si James Yap naman. Ang lalaking pinakain niya noon ng masasakit na salitang iluluwa kahit ng nagugutom na baka.

Napakabilis niyang kumambiyo. Napakabilis magbago ng timplada ng kaniyang dila. Walang kuwestiyon para sa amin ang pagpapakumbaba, magandang katangian iyon, pero kapag paulit-ulit na lang na ginagawa ang ganoon ay nakauumay na rin.

Pagkokomedya ng isang kaibigan naming nagmamaasim, “Ayoko siyang tawaging anaconda dahil sa ginawa niya kay Tates Gana. Ayoko rin siyang tawaging Galema dahil masyado nang palasak iyon sa mga becki. Mas gusto ko siyang tawaging babaeng pusa.

“Sa lahat ng pets, pusa lang ang kaisa-isang nakasisikmurang kainin uli ang isinuka na niya. Hindi iyon kayang gawin ng aso, pusa lang talaga ang nakagagawa ng ganoon. Kaya mas bagay sa kaniya ang bansag na Cat Woman,” sarkastiko nitong komento.

Bilang panghuli ay may mensahe naman kay Mayor Herbert Bautista ang kaniyang mga kabarong pulitiko. Nasubaybayan kasi ng mga ito ang pagbubuo ng pangarap ng aktor-pulitiko sa larangan ng serbisyo-publiko, kaya sila man ay nagulantang sa bilis ng mga pangyayari.

Kung totoo raw na magpapakasal na sila ni Kris Aquino ay walang kuwestiyon dahil wala pa naman siyang pinakakasalang kahit sino. Balido iyon, legal, pero sana’y linisin muna ni Mayor Herbert ang altar na kanilang lalakaran.

“He has kids, he has a partner of twenty years, marami siyang dapat ayusin at i-consider sa pinasok niyang relasyon. Hindi totoo ang salitang happiness kung may mga taong lumuluha sa kaligayahan mo.

“That’s too selfish of him. Walang pangako ang bukas, good luck na lang kay Mayor Herbert,” nagkakaisang komento ng mga kabaro ng mayor ng Kyusi.

Tates Gana – Inaming nasasaktan ang mga anak dahil sa “Bistetay” affair

Abril 8 ng gabi, habang lantarang umaamin si Kris Aquino sa telebisyon tungkol sa kumpirmado na nilang relasyon ni Mayor Herbert Bautista, ay may mag-iinang magkakayakap nang mahigpit na balot na balot ng lungkot.

Nasa Boracay sina Mayora Tates Gana, Athena at Harvey, nagbabakasyon-nagpapalamig, pangalawa na lang sigurong dahilan ang maalinsangang klima sa siyudad at mas prayoridad na dahilan ang pagtakas sa personal na giyerang pinagdadaanan nila ngayon.

Mula nang ipanganak ang kuwento tungkol sa relasyon nina Kris at Herbert na kung tawagin ng mga kababayan natin ngayon ay Kristek at Bistetay, ni minsan ay hindi namin binulabog si Mayora Tates Gana. Ni isang mensahe sa text ay wala kaming ipinadala sa kaniya para magtanong kahit pa literal siyang “a text away” lang sa amin.

Pero ramdam na ramdam namin siya. Wala na siyang kailangan pang sabihin sa amin para tumawid ang kaniyang depresyon sa mga nangyayari ngayon. May dalawang anak sila ni Mayor Herbert at hindi sila hiwalay.

Miyerkules ng umaga ay tinext namin ng pangungumusta si Mayora Tates Gana, siya ang unang-unang pumasok sa aming isip nang ipagbanduhan ni Kris ang kanilang relasyon ni Mayor Herbert – siya at ang kanilang mga anak.

Sa unang pagkakataon, para makabawas siguro sa kaniyang dinadala ngayon, ay nakatanggap kami ng text message mula kay Mayora Tates. Maigsi, pero punumpuno, “Good morning, ‘Nay. Nasa Bora kami. Inaalalayan ko ang mga anak ko. Kagabi (Martes, nang ilantad ni Kris ang relasyon nila ni Mayor Herbert), nag-usap-usap kami. We hugged each other tight. Thank you sa pagmamahal, ‘Nay. We love you.”

Nagpalitan kami ng mga mensahe. Mahal na mahal kasi namin si Tates. Maraming reporters ang nagmamahal sa kaniya. Siya ang tumatayong tulay sa pagitan ni Mayor Herbert at ng mga manunulat sa maraming pagkakataon.

Ang huli niyang mensahe sa amin, “Sana lang, ‘Nay, kaya nating akuin ang pain ng mga anak natin. Sana, sa akin na lang lahat. Maraming salamat, Nanay ko.”

Napakainit ng panahon. Kumakagat hanggang sa kalamnan ang singaw ng maalinsangang umaga, pero dahil sa mensahe ni Mayora Tates Gana ay nagkaroon ng ulan.

Nagpahinga kami sandali sa pagtipa sa aming makinilya. Bigla kasing lumabo sa aming paningin ang mga tiklado. Napakahirap magsulat kapag hilam sa luha ang iyong mga mata.

Kung naging tahimik ang mga nakaraang pakikipagrelasyon ni Mayor Bistek, kung niyakap niya ang kapribaduhan ng kaniyang mga nakaraang relasyon, ngayon makakatikim ang mayor ng Kyusi ng isang relasyong naka-broadcast sa buong bayan ang kaniyang mga ginagawa.

Kaunting LQ lang nila ni Kris ay paniguradong nasa social media na, pinagpipistahan na at inoopinyunan na ng mga kababayan natin. Tingnan na lang natin kung paano hahawakan ng mayor ng Kyusi ang pinasok niyang mundo ngayon.

Anne Curtis – Rendahan na bago maging isang “alcoholic”

Ilang insidente pa lang tungkol sa pagiging palainom ni Anne Curtis ang nalalantad sa publiko. Hindi pa natin alam ang marami pang ibang karanasan ng magandang aktres kapag nalalasing na siya. Maraming kuwento tungkol doon ang mga kasamahan niyang artista na hindi nakakaramdam ng inggit kundi nagmamalasakit sa kaniya.

Matagal na palang mahilig uminom si Anne; iyon ang kaniyang bisyo. Mahilig siyang uminom at magpainom ng mga kaibigan niya. At kapag naaapektuhan na siya ng agua de pataranta, nagsisimula na siyang maging makulit, hanggang sa maging war freak na siya at naghahamon ng away.

“Siya ang female version ni Baron Geisler, magkapareho lang sila na hindi kayang magdala ng kalasingan nila. Si Anne kapag sumosobra na ang naiinom, wala na siyang pakialam sa pagiging artista niya.

“Noong minsang may puntahan siyang party ng ine-endorse niya, e, uminom na naman siya nang uminom. Madaldal siya, sobrang daldal, in fairness, e, wala naman siyang pinagtripang awayin that night.

“Makulit lang siya, maingay, pero hindi naman siya war freak. Heto na. Noong uwian na, hindi na siguro niya mapigilan ang jingle niya. Tumuwad na lang siya sa gutter, doon siya dyuminggel.

“Iyong ganoon, di ba, mas matindi pa iyon sa may inaway siya? Imagine, Anne Curtis ka na, pero dahil sa sobrang kalasingan, e, makikita kang umiihi sa gilid ng kalye? Nakakahiya siya, sa totoo lang!” madiing kuwento ng aming source.

Hindi puwedeng idenay ni Anne Curtis ang pangyayaring iyon dahil maraming nakakita sa kaniya, hindi gawa-gawa lang ang kuwento. Kaya habang maaga pa ay marendahan na sana ng mga namamahala sa career ng magandang dalagang ito ang bisyong paniguradong makasisira sa kaniya.

At kailangang ngayon na iyon, ngayon na, dahil unti-unti nang naglalabasan ang mga kuwento kapag nalalasing siya.

Ara Mina – Nakunan ng anak kay Mayor Patrick Meneses

Kahit pa malapit sa aming puso si Mayor Patrick Meneses ng Bulacan, Bulacan ay hindi kami nagtangka kahit minsan na idayal ang kaniyang telepono para magtanong ng mga detalye tungkol sa pagkakakunan ng kaniyang girlfriend na si Ara Mina.

Kinumpirma na sa amin ng mga common friends namin ni Mayor Patrick ang nangyari. Nalaglag nga raw ang dinadala ni Ara Mina, pero nagbigay pa rin kami ng espasyo ng katahimikan para sa magkarelasyon.

Napakadali naming tawagan si Ara, siguradong sasagutin niya kami, pero hindi pa rin kami nagtangka. Kahit text, hindi kami nagpadala sa magkarelasyon, pinabayaan lang namin silang manahimik dahil iyon ang kailangan nila ngayon.

May plano na silang magpakasal. Mayroon na lang mga inaasikasong detalye ang politiko, pasasaan ba’t isang araw ay magkakaroon na uli sila ng baby na para talaga sa kanila.

Ang mahalaga ay buong-buo pa rin ang kanilang relasyon, maligaya sila sa isa’t isa, iyon naman ang pinakaimportante ngayon sa kanilang dalawa. Marami pang panahon para sa pagkakaroon ng anak na dahil hindi pa naman sila matatanda.

Lumulusog lang ngayon si Mayor Patrick, kailangan niyang karirin ang pag-e-exercise. Masyado yatang mahusay mag-alaga si Ara kaya patuloy ang paglaki ng kaniyang boyfriend.

Chef si Ara Mina, tapos ito ng kurso, siguradong si Mayor Patrick muna ang pinatitikim nito ng kaniyang mga putahe kaya lumapad nang ganyan ang guwapong mayor ng kaniyang bayan sa Bulacan.

Vhong Navarro – Napakamahal ng natutunang leksyon

Parang eroplanong papel na lumanding sa basurahan ang kasong rape na isinampa ni Deniece Cornejo laban kay Vhong Navarro. Walang naganap na rape, pagdidiin ng panel na nagtilad-tilad ng mga detalye. Kaya ang resolusyon ng DOJ sa halip ay sampahan ng mga kasong serious illegal detention at grave coercion sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at ang iba pa nilang mga kasama sa pagpapahirap-pambubugbog kay Vhong Navarro.

Kunsabagay, noong una pa man ay marami nang umaasa na hindi magtatagumpay si Deniece Cornejo sa asuntong ikinaso niya sa actor-dancer-TV host. Para kasing bunton ng abaka na nagkakabuhul-buhol ang kaniyang mga deklarasyon, walang consistency, nakapagtataka at nakayayamot.

Nand’yan pa ang isinumiteng kopya ng CCTV camera ng gusali, aktuwal na oras ang pinagbasihan ng mga nagrebyu ng kaso. Napakaimposible nga namang ni walang kalapit-kuwarto sa naturang condo na nakarinig sa pagsusumigaw-pagpupumiglas ng babaeng ito habang ginagahasa raw siya ni Vhong.

At ayon pa sa panel ng DOJ, ganoong ginahasa na pala siya ni Vhong ay bakit nasikmura pa niyang lumabas nang gabing iyon para makipagsaya sa kaniyang mga kaibigan, ganoon-ganoon na lang ba ang pagkalugso ng puri ng isang babae para kay Deniece?

At ngayong bokya ang kinalabasan ng mga kuwentong pinagtagpi-tagpi ni Deniece ay bigla nating maaalala ang kaniyang mga pagtataray at pangmamaliit noon sa pagkatao ni Vhong Navarro. Ang pag-iyak-iyak pa niya sa mga palabas sa telebisyon, ang pagsasabi niya na binastos siya nang todo ng aktor.

At hindi rin natin malilimutang balikan ang madidiing salita ng kaniyang Lola Florencia na paulit-ulit na nagsasabing babaeng-simbahan ang kaniyang apo. Ni hindi umiinom at naninigarilyo, sinira raw ni Vhong ang pangalan at imahe ng kanilang pamilya.

Ano naman kaya ang kalalabasan ng dalawa pang kaso ng panggagahasa na isinumbong sa korte ng dalawa pang babae, mawalan na rin kaya iyon ng saysay?

Ayon kay Roxanne Cabanero ay hinalay rin ito ni Vhong, pero palpak naman ang petsa at oras na ibinigay nito bilang patotoo; ang stuntwoman naman na nagsabing pinag-oral sex ito ni Vhong sa kaniyang sasakyan ay taon lang ang ibinigay dahil baka rin sumemplang ang petsang ibibigay sana nito bilang ebidensiya.

Isang malalim na tinik agad sa lalamunan ang nabunot kay Vhong. Ipinagbunyi ng kaniyang mga tagasuporta ang naging resolusyon ng DOJ. Hiling ng kaniyang mga tagahanga ay magkaroon na sana ng katahimikan ng kalooban ang kanilang idolo.

Sino nga ba ang mag-aakala na ang pasayaw-sayaw at pakome-komedya lang na si Vhong Navarro ay masasadlak pala sa ganitong katinding paghamon? Nakikita na niya ngayon ang liwanag, unti-unti nang humuhupa ang mapamuksang unos sa kaniyang personal na buhay, pagkatapos ng lahat ng ito ay aral na lang ang maiiwanan.

Napakamahal na pag-aaral. Nabugbog-sarado na siya ay kinasuhan pa. Nakatikim pa siya ng mga latigo ng salita mula sa kampo ng kaniyang mga katunggali. Hindi simple ang pagbubukas ng taong 2014 para kay Vhong Navarro.

Pero gaano man kamahal ang kinaing matrikula sa kaniyang buhay ng pangyayaring ito ay may linaw pa rin sa bandang dulo, abot-kamay na lang niya ang tagumpay, ang pinakahuli ay ang pag-abot niya sa diploma ng leksiyong natutuhan niya sa napakasaklap na karanasang ito.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles