Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Mayo 1-15, 2014

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 1 – 15, 2014

kris.short
Kris Aquino
    herbert
Herbert Bautista
mommy.dionisia.jpg
Mommy Dionisia
cedric.zimmer
Cedri Lee & Zimmer Raz
vhong
Vhong Navarro

 Mayor Bistek at Tetay – Dalawang linggong pag-ibig? Anyare?

Anyare? Agad-agad? Dalawang linggong pag-ibig? Ganoon kung uriratin ng mga kababayan natin ang kauumpisa pa lang pero nagwakas agad na relasyon nina Mayor Herbert Bautista at Kris Aquino.

Ang pinakalutang na dahilan ay ang hindi na kinayang pangungutya-pagbibintang ng mas nakararami kay Mayor Bistek na ginagamit lang nitong hagdan para sa mas mataas pa nitong ambisyong-pulitikal si Kris.

Tinablan na siguro ang mayor ng Kyusi sa pangmamaliit sa kaniyang kapasidad ng mga kababayan natin. Nawawalan ng saysay ang mga pagsisikap na ginagawa nito. Ang kredito ay mukhang mapupunta pa kay Kris na gagamitin lang daw ng mayor sa kagustuhan nitong maging senador.

Ngayon lang nakatikim ng mapait na apdo ng mga komento si Mayor Herbert. Napakaganda ng kaniyang kartada bilang aktor-pulitiko, pero nang dahil sa pakikipagrelasyon nito kay Kris ay namaho ang kaniyang imahe at nasaktan pa nang husto ang kaniyang mag-iina.

Ang dami-daming naganap na negatibo sa loob lang ng dalawang linggo. Halos ipako na sa krus si Mayor Bistek dahil sa kanilang relasyon ni Kris. Hindi pa naman sanay sa ganitong sitwasyon ang mayor ng Kyusi. Kaya isang gabi ay sinabi nito kay Kris, tama ang kanilang pagmamahalan pero mali ang panahon.

Talagang hindi makakayang sabayan ni Mayor Bistek ang naturalesa ni Kris Aquino. Ibang klase ang aktres-TV host. Wala siyang pinakikinggang kahit sino at ginagawa niya ang bawat magustuhan niya nang wala siyang kunsiderasyon sa damdamin ng ibang tao.

At hindi nakapagtatago ng sikreto si Tetay. Kapag may gusto kang iparating sa publiko sa paraang hindi ikaw ang nagsasalita ay isa lang ang pinakaepektibong paraan, kay Kris mo iyon sabihin at mas mabilis pa sa alas kuwatrong kakalat ang detalyeng gusto mong malaman ng lahat.

Siya ang may hawak ng susi ng relasyon. Siya ang malikot ang aparato. Siya dapat ang masunod at hindi ang lalaki. Magtataka pa ba naman tayo ngayon kung bakit wala siyang nagtatagal na relasyon?

Maaaring hawak na ni Kris Aquino ang lahat-lahat ng materyal na bagay sa mundo. Umaapaw siya sa maraming aspeto, pero mayroon pa ring kulang sa kaniya.

Wala siyang suwerte sa pag-ibig. Marami siyang salapi, pero hindi naman ibinebenta nang nakabilao ang pag-ibig. Lalong hindi ineeskaparate sa mga malls.

Kasi nga ay hindi lang naman siya ang nag-iisang anak ng Diyos. Hindi sa kaniya lang ibibigay ang lahat-lahat ng biyaya. Kung saan kulang ang marami ay mayroon siya at kung saan naman siya kulang ay nag-uumapaw ang iba.

Parehas na parehas pa rin ang buhay.

Ang nakakatakot nito ay kapag talagang naghiwalay na sila (hindi namin binibili ang kuwento ni Kris na tapos na ang relasyon nila ni Mayor Bistek), siguradong may mga pasaring na gagawin si babae laban kay lalaki. Ginawa ni Kris Aquino iyon sa lahat ng nakarelasyon niya.

Iyon ang kailangang paghandaan ng aktor-politiko, medya-medya pa lang itong nangyayari ngayon. Mas nakakaalarma ang senaryo kapag tapos na talaga ang kanilang relasyon.

Sa aming opinyon ay hindi na kailangan pang ipagmakaingay ang ating emosyon. Ang taong maligaya ay hindi nangangailangan ng kakuwentuhan. Lalong hindi niya kailangan ang publiko para pakinggan ang kaniyang mga kuwento, dahil ang kaligayahan ay nagmumula sa puso at hindi sa kung ano ang sasabihin ng ibang tao.

Tates Gana – Nasa US, nag-alsa-balutan kasama ang dalawang anak kay Bistek

Nasa Amerika ngayon ang mag-iina ni Mayor Herbert Bautista. Santo-santo nang umalis sina Mayora Tates Gana, Harvey at Athena. May kapatid sa Amerika si Tates, doon din sila nagbabakasyon kapag walang pasok ang kaniyang mga anak, sa Hunyo na ang kanilang balik.

Umalis sa bansa ang dalawampung taon nang karelasyon ni Mayor Bistek na wasak na wasak ang puso. Kahit naman siguro sinong babae ang lumagay sa kaniyang posisyon ay siguradong masasaktan at mapupugutan ng ulo dahil sa ipinagbanduhang relasyon ni Kris Aquino.

Lihim o lantad ang isang relasyon ay pareho lang naman ng bigat iyon sa usapin ng pangangaliwa. Pero mas masakit kapag ipinaglalantaran pa ng babae, tulad ng ginawa ng aktres-TV host.

Walang kahit anong iginanting salita si Mayora Tates sa kabila ng kakukuda ni Kris. Pinabayaan lang niyang magdadaldal ang karelasyon ng ama ng kaniyang mga anak. Iyon pa naman ang pinakamahirap sa lahat.

Naisip siguro ni Tates, sa halip na masaktan siya nang malapitan dahil parang de-susi ang bibig ni Kris na kapag napihit na ay wala nang direksiyon sa pagdaldal, doon na lang muna silang mag-iina sa ibang bansa para hindi direkta ang tama sa kanila ng sakit.

Pero lagi naming pinaniniwalaan na ang problema sa puso ay walang pinipiling lugar. Sumusunod iyon kahit saan ka magpunta. Palaging nakadikit sa utak iyon at walang pagbabago ng kapaligiran na makapanglilibang sa atin.

Kahit saan pa magpunta ngayon si Mayora Tates, kahit pa uminom siya ng gamot para sa pansamantalang paglimot, ang sakit na dulot ng pakikipagrelasyon ng ama ng kaniyang mga anak kay Kris Aquino ay masakit pa rin.

Walang kasingsakit.

Kris Aquino – Control-freak! Kung makakapagsalita lang ang kaniyang mga “ex”

Tanong ng mga nakakausap namin kahit saan, ano raw kaya ang naiisip ngayon ng mga ex ni Kris Aquino sa mga nagaganap sa pribadong kaluluwang tulad ni Mayor Herbert Bautista, napapailing na lang daw kaya sila?

Para lang kasing nauulit ang kasaysayan ngayon sa mayor ng Kyusi. Wala itong magawa sa mga kapritso ni Tetay. Kung ano ang gustong gawin ni babae ay bow na lang nang bow si lalaki.

Naalala tuloy namin ang kuwento tungkol kay Phillip Salvador noong magkarelasyon pa sila ni Kris. May anak na sila noon, malaki-laki na rin si Joshua, nakita silang namamasyal sa Disneyland ni Senador Jinggoy Estrada.

Malayu-layo pa lang sila ay nasipat na ni Senador Jinggoy ang porma ni Kuya Ipe. Nakapulang pantalon ang action star, berdeng t-shirt at may suot pang pulang suspender, ano ito?

Noong magkita-kita na sila ay palihim na binulungan ni Senador Jinggoy ang kaniyang bestfriend, “Pare, ano’ng nangyayari sa iyo? Ano ‘yang suut-suot mo?”

Walang naisagot si Kuya Ipe, ang tanging naging tugon nito ay ang pagnguso kay Kris na nasa di kalayuan. Iyon daw kasi ang gustong ipasuot sa kaniya ng aktres-TV host.

Si Kris ang nagmamando. Siya ang dapat masunod, positibo man o negatibo ang kalalabasan ng gusto niyang mangyari ay wala siyang pakialam. Tulad din iyon noong sila pa ni James Yap ang nagsasama. Nakikipagbalyahan sa hardcourt ang ama ni Bimby. Pero kumustahin n’yo naman ang suot nito?

Mula ulo hanggang paa ay naka-pink si James Yap. Ternu-terno silang lahat kapag dumarating sa ABS-CBN. May guwardiyang napapakamot na lang ng ulo. May mga dumadaan na manghang-mangha dahil napaka-macho nga naman ng basketbolista sa kanilang pananaw, pero pink na pink ang kaniyang suot?

Sabi ng isang malabigang kaibigan namin, “Kapag nakita natin si Mayor Herbert na naka-pink na T-shirt at mayroon pang suspender na suot, markahan natin iyon, sila pa rin ni Kris!

“Nagpaka-echoserang frog lang siya noong ipagbanduhan niya na wala na sila at mag-BFF na lang sila ngayon! Iyon ang gawin nating barometer kung sila pa o hindi na!” tawa nang tawang komento ng nagmamaasim naming kaibigan.

Mommy Dionisia – Totong-totoo ang nanay ni Pacman kahit ma-eksena

Aliw na aliw ang mga kaibigan naming nakasabay sa eroplano pabalik sa Pilipinas ang matagumpay na Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at ang kaniyang dakilang inang si Mommy Dionisia.

Kuwento ng amin kaibigan, “Siyempre, nandoon na ang chance, hindi na namin pinalampas pa. Lumapit ako kay Mommy Dionisia, nag-ask ako kung puwede kaming magpa-picture taking sa kaniya ng mga anak ko.

“Nakakaaliw ang sagot niya, ‘Puwede bang maya-maya na lang, ‘Day, dahil magme-make-up muna ako, nakakahiya kasi sa inyo!’ Kinuha niya ang pulbos niya sa bag niya, nag-lipstick siya, nagsalamin nang matagal, tapos, niyaya na niya kami para sa picture taking.

“Tapos, sabi niya bago kami magparetrato sa kaniya, ‘Nakakahiya naman kung pangit ako sa picture, dala-dala ko ang name ng anak ko! Kaya dapat talaga, palagi akong naka-make-up ba!’ sabi ni Mommy D sa amin.

“Napakabait niya, kahit si Pacman, palaging may time para sa mga nagpapa-picture taking sa tabi niya. Wala silang kaarte-arte sa katawan, mababait talaga sila,” kuwento ng aming kaibigan.

At bago raw bumaba sa eroplano si Mommy Dionisia ay nagsalamin pa siya uli, tinitigan ang kaniyang itsura, “Kailangang maganda naman ako mamaya dahil maraming priss (press) na sasalubong kay Manny. Isusuot ko ito, binili ng anak ko para sa akin, maganda,” sabi niya habang isinusuot ang bagong-bago niyang branded shades.

Iyon ang magandang katangian ni Mommy D, walang kayabangan sa katawan ang dakilang ina ng Pambansang Kamao. Hindi siya matatawag na stage mother dahil hindi siya pakialamera sa karera ng kaniyang anak kundi maeksena lang.

Umeeksena lang siya.

Cedric Lee – Nakakulong na ang anak-mayamang lumapastangan kay Vhong

Napakalalim pala ng pinag-ugatan ng pagkakabugbog-sarado kay Vhong Navarro noong gabi ng January 22. Hindi pala basta ganoon lang iyon, pinagplanuhan pala iyon. Ilang araw at gabi palang dinisenyo ng mga sangkot sa asunto ang inabot ng actor-dancer-TV host.

Mula mismo sa isa sa mga akusado na si Jed Fernandez ay nalaman ng mga otoridad na iba ang gustong mangyari ni Cedric Lee kung siya ang masusunod. Mas matindi pa sa bugbugan ang kaniyang gusto, ayon sa bumaligtad nilang katropa. Masuwerte pa rin si Vhong dahil hindi iyon ang nangyari.

Nagdadalawang-isip daw ngayon si Fernandez kung itutuloy pa rin nito ang pagiging saksi sa senaryo. Matindi ang takot nito para sa kaniyang kinabukasan at sa magiging kapalaran na rin ng kaniyang pamilya, kaya urong-sulong pa ito sa kaniyang desisyon.

Ngayon ay nakapiit na sa NBI detention cell si Cedric at ang isa pa niyang kasamang nahuli sa probinsiya. Sino nga ba ang mag-aakala na sa ganito pala mauuwi ang lahat at ganito ang kahahantungan ni Cedric Lee, na kauuwian din ni Deniece Cornejo at ng iba pang mga sangkot sa kasong isinampa ni Vhong Navarro?

Walang piyansa ang kasong serious illegal detention. Pinaglalaruan ngayon kahit saan ang pagkadakip kay Cedric Lee at sa isa pa niyang kasamang kinasuhan ng serious illegal detention ni Vhong Navarro. Abangan na lang natin kung saang piitan ililipat si Cedric at ang kaniyang kaibigan.

Sa programa namin sa radyo ay mayroon pang nag-text na ganito ang mensahe, “Napakaguwapong tingnan ni Cedric Lee na naka-orange T-shirt at nakaposas. Napakaguwapo niya, mabuti nga sa kaniya!

Sa social media naman ay naghahabilin sa kaniya ang marami nating kababayan na maghanda na ng pomada, langis at lotion. Kakailanganin daw niya iyon kapag inilipat na siya sa Taguig City Jail mula sa NBI detention cell, para maging maayos ang kaniyang pakiramdam sa loob ng kulungan.

Puro masasakit na salita ang ipinakakain ngayon ng publiko sa lalaking sinasabing naging tagapamuno sa pananakit-pambubugbog kay Vhong noong gabi ng January 22.

Siguro’y hindi matanggap-tanggap ni Cedric sa kaniyang kalooban na ganito ang kahahantungan niya. Sino nga ba ang magsasabi na ang tulad niyang anak-mayaman na ang akala ay kaniya na ang mundo ay ganito pala ang kauuwian?

Pero wala nang magagawa pa ngayon si Cedric Lee at ang iba pa niyang mga kapuwa akusado kundi ang tanggapin ang katotohanan na maghihimas-rehas na sila. Anumang utang ay kailangang pagbayaran, maliit man iyon o malaki.

Nagtatago pa si Deniece Cornejo; pinaghahanap na ito ng mga otoridad. Inaabangan na ng buong bayan ang pagkatiklo sa babaeng ito na sumigaw na ni-rape daw ito ni Vhong Navarro.

Sa basurahan lang lumanding ang asunto nito laban sa actor-dancer-TV host.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles