Abril 1 – 15, 2014
![]() |
|
Zsa Zsa Padilla |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta
|
|
![]() |
|
Kris Aquino & Herbert Bautista
|
|
![]() |
|
Herbert Bautista & Tates Gana
|
|
![]() |
|
Darius Razon |
|
![]() |
|
Paolo Bediones
|
|
![]() |
|
Daniel Padilla |
Zsa Zsa Padilla – Nag-move on na, may bago nang boy friend
Sa mga mata makikita ang tunay na nararamdaman natin. Makapagsisinungaling ang bibig, pero hindi ang mga mata, dahil iyon ang bintana ng ating kaluluwa. Maligayang-maligaya ngayon si Zsa Zsa Padilla.
Pagkatapos ng pagluluksa at kalungkutan dahil sa pagpanaw ng Hari Ng Komedya mahigit nang isang taon ngayon ay mayroon pang pangalawang glorya para sa magandang singer-actress.
Kulay rosas ang mudo ngayon para kay Zsazsa dahil sa isang arkitektong mas guwapo pa raw kesa kay Piolo Pascual, si Architect Conrad Onglao, na hindi pa katandaan ang edad at hitsura.
Kuwento ng pamangkin naming si Ferdie de Leon ng MBAI ay naka-Porsche Cayman daw ang arkitekto nang makita nila. Pagkalambing-lambing daw ng arkitekto, dahil palagi nitong hinahalikan ang mga kamay ni Zsazsa Padilla.
Tanggap ng magkakapatid na Quizon ang bagong karelasyon ng singer-actress. Tama ang kanilang katwiran na may karapatang lumigaya si Zsazsa. Libre na siya ngayon at bata pa kaya alangan namang buruhin ng singer-actress ang kaniyang kagandahan?
Hindi na natin sinusukat sa ganitong pagkakataon kung gaano na ba katagal mula nang mabiyuda siya, balewala na rin kung mabilis siyang nakahanap ng kapalit ni Tito Dolphy, wala naman kasing batas na nagbabawal sa mga biyuda at biyudo na lumigaya sa piling ng iba kapag malaya na sila.
Iyon nga lang, sa sobrang bilis kasi ng takbo ng panahon ay sariwa pa rin sa alaala ng ating mga kababayan ang matinding pagluluksa ni Zsazsa noong mawala ang Comedy King. Mahigit nang isang taon iyon, magdadalawa na nga sa Hulyo, pero parang kailan lang nangyari iyon.
Noong lumabas ang balita na mayroon nang bagong karelasyon ang singer-actress, may mga natuwa man para sa kaniya ay hindi maiaalis ang mga nagtatanong kung bakit napakabilis daw naman niyang nakapag-move on.
Natural, dahil artista nga siya ay hindi natin maiaalis ang mga komentong baka lumuha lang si Zsashing dahil balitang palikero raw ang karelasyon niyang arkitekto. Kung totoo man iyon ay si Zsazsa na ang bahalang tumimbang sa kaniyang puso dahil silang dalawa lang naman ang sangkot sa kuwento.
Basta ang mahalaga ay may karapatan siyang lumigaya, pagkatapos ng lungkot ay kailangan niya namang premyuhan ang kaniyang puso. Sana nga’y magtagal nang matagal na matagal ang relasyon nila ng arkitektong mas guwapo pa raw kesa kay Piolo Pascual.
Madam Chairman – Mayor na si Mega pagbabalik ng sitcom sa TV5
Pansamantala lang na nagpapahinga ngayon ang Megastar, pero isang araw ay magsisimula na uli siyang magtrabaho para sa bago niyang proyekto sa TV5, “Magiging mayor na si madam chairman” ayon sa aming source.
Sinasamantala naman ngayon ni Sharon Cuneta ang pakikipag-bonding sa kaniyang asawa at mga anak. Mas madalas sila ngayon sa bahay nila sa Laguna kesa sa Wack-Wack, ayon sa aktres ay lumilipas ang maghapon doon nang hindi niya nararamdaman.
“Mas madalas nang kasama ngayon ni Kiko ang kaniyang mga alaga at halaman, he’s a green thumb, malamig ang kamay niya sa paghahayupan at paghahalaman. And he really enjoys what he’s doing, napakarami niyang kuwento tungkol sa mga alaga niya.
“Iyon talaga ang happiness niya, maaga pa lang, nasa farm na siya. We have workers there, pero iba si Kiko, napaka-hands on niya, talagang nakikita ko how happy he is sa mga pinagkakaabalahan niya ngayon,” kuwento ni Mega noong minsan sa amin.
Marami pa siyang nakalinyang gawin para sa TV5, masaya ang aktres dahil ang pinakahuli niyang tawa-serye ay nag-iwan ng magandang marka sa manonood, kaya siguro iyon din ang susundan ng network sa kaniyang pagbabalik dahil magiging mayor na nga raw ang barangay chairman.
Enjoy siya sa sitcom, masaya rin ang mga katrabaho niya dahil masarap siyang kasama, hindi kasi makasarili si Sharon sa lahat ng bagay.
Hanggang ngayon ay naaalala pa rin ng maliliit na kasamahan niya sa taping ang pagiging bukas ng kaniyang palad, mabait siya sa mga extra at trabahador, isang katangiang kinalakihan niya dahil iyon ang palaging itinuturo ng namayapa niyang ama.
QC Mayor Herbert at Kris Aquino – Magkarelasyon na ngayon
Dalawang linggo na ang nakaraan nang may isang dating kasamahan sa ABS-CBN ang tumawag sa amin. Ang kaniyang tanong ay diretso, magkarelasyon daw ba ngayon sina Mayor Herbert Bautista at Kris Aquino?
Nagulat kami, bakit biglang umeksena ang pangalan ng mayor ng Quezon City, di ba’t isang gobernador at si Daniel Matsunaga ang nauugnay ngayon sa aktres-TV host, bakit biglang pumalaot ang pangalan ni Mayor Bistek sa kuwento, panibagong anggulo ba ito?
Malinaw ang kuwento ng dati naming kasamahan, “Kanina kasi, eh, si Mayor Herbert ang naghatid kay Kris sa taping. Nagulat nga rin kami, bakit si Mayor Herbert, eh, di ba, iyong isang governor ang nali-link sa kaniya, saka si Daniel Matsunaga?
“Nag-stay rin nang ilang minutes si Mayor Herbert sa dressing room ni Kris, taping niya iyon para sa show niya,” tuluy-tuloy na kuwento ng aming kausap.
Mayroon man o wala silang relasyon ni Mayor Herbert ay hindi niya mababawal mag-isip ang mga nakakakita sa kanila na mayroon nga. At kung may romansa ngang namamagitan sa kanila ngayon ng mayor ng Kyusi ay nagiging consistent lang naman si Kris Aquino.
Isa-isahin nga natin ang mga lalaking naugnay sa kaniya? Robin Padilla, Gabby Concepcion, Alvin Patrimonio, Phillip Salvador, Mayor Joey Marquez. Lahat sila’y may karelasyon nang pumasok sa eksena si Kris.
Pero in fairness sa aktres-TV host, walang karelasyon sina Governor Mark Lapid, Rommel Adducul at James Yap nang maging magkarelasyon sila. Naging maigsi nga lang ang kanilang romansa dahil hindi siguro talaga masaya si Kris nang wala siyang kaagaw sa puso ng lalaki.
Tulad ngayon, hindi man kasal si Mayor Herbert kay Tates Gana ay sila ang ipinalalagay na legal na magkarelasyon kahit saan. May dalawa na silang anak at si Tates Gana talaga ang ihinaharap ni Mayor Bistek bilang kabiyak nito sa mga pormal na pagtitipon.
Sabi ng isang nagmamaasim naming kaibigan na talagang sinusundan-tinututukan ang pakikipagrelasyon ni Kris Aquino, “Huwag naman sanang mahawahan ni Kris ng kamalasan si Mayor Bistek, dahil halos lahat ng nakakarelasyon ni Kris, inaalat!
“Balikan n’yong lahat ang mga exes niya, ano ba ang nangyari sa kanila, nasaan na ba sila ngayon? Hindi kaya pakawala ng kalaban ni Mayor Herbert si Kris para malasin din siya?” nagpapatawa pero maasim na komento ng aming kausap.
“Bird in a golden cage” kung tawagin si Kris ng isang kaibigan naming propesor mula sa isang pamosong unibersidad. Sikat siya, milyonarya at mula sa isang buena familia at makapangyarihang angkan, pero malungkot siya.
Kasi nga ay hindi siya makakita ng makakalapat ng puso niya, mailap sa kaniya ang pag-ibig, parang tulog iyon na anuman ang gawin ni Kris ay hindi niya kayang bilhin kahit pa milyones ang presyo ng kama niya.
Parang napakasarap at napakalinamnam na pagkain iyon na nakahain sa harapan niya, pero hindi niya naman makain, dahil taliwas iyon sa kaniyang panlasa. Si Kris Aquino ang buhay na ehemplo sa isang katotohanan na maraming bagay sa mundo na hindi kayang tapatan at bilhin ng salapi.
Tates Gana – Tahimik lang ang ina ng dalawang anak ni Mayor Herbert
Kahit saan kami magpunta ngayon ay inuusisa kami ng marami kung ano ang reaksiyon ni Mayora Tates Gana tungkol sa nagliliyab nang kuwento ng relasyon nina Mayor Hebert Bautista at Kris Aquino.
Wala raw kasi silang nababasa-naririnig mula sa babaeng itinuturing na kabiyak ng puso ng mayor ng Kyusi. Sina Athena at Harvey ang produkto ng matagal nang relasyon nina Mayor Herbert at Tates, na mayora kung tawagin ng mga taga-showbiz.
Kahit kami ay hindi tinatawagan ni Mayora Tates. Wala rin kaming nakukuhang reaksiyon mula sa kaniya. Tulad nang dati ay mananahimik na lang siguro siya uli dahil sa dulo naman ng kontrobersiyang ito ay siya pa rin ang wagi.
Ilang ulit na bang nangyari ang ganito sa kanilang relasyon ni Ka Berto, maraming beses na, pero ang lahat ng babaeng nauugnay sa aktor-pulitiko ay nangawala na pero si Mayora Tates ay nand’yan pa rin.
Sinasarili na lang siguro niya ang inis, huwag namang sabihing bato ang kaniyang puso para hindi siya maapektuhan. Natural lang na dumudugo ang kaniyang damdamin ngayon dahil sa pag-entra ni Kris sa eksena.
Pero malalim man o itch-itch (read: kati-kati) lang ang namamagitan ngayon kina Mayor Herbert at Kris ay maganda na rin ang ginagawa ni Mayora Tates Gana.
Mas magandang magmasid na lang siya, sundan na lang muna niya ang takbo ng kuwento, dahil sa bandang dulo naman ng teleseryeng ito ay siya pa rin ang magbibitiw ng huling linya. “Akin ang huling halakhak!”
James Yap – May sariling yaman, hindi naman istambay nang makuha ni Kris
Hindi namin nagustuhan ang tabas ng dila ni Kris Aquino nang sabihin niya na paano pa raw siya makikipagbalikan kay James Yap pagkatapos nang milyones na kinita-nakuha ng basketbolista mula sa kanilang paghihiwalay?
Sagot ni Kris sa kaniyang tagasuporta na nag-tweet sa kaniya na humihiling na sana’y sila na lang uli ni James ang magsama dahil may anak na sila at huwag nang si Mayor Herbert Bautista, “Would you even entertain the thought of starting over again after the millions he received from our annulment?” bahagi ng buwelta ni Kris.
Mapakla iyon sa panlasa. Napakasakit noon para sa ama ng kaniyang anak, napakasakit noon sa pandinig ng kahit sino. Unang-una, lahat ng ginagawa natin sa ngalan ng pag-ibig ay walang kuwestiyon.
Ikalawa, hindi naman tambay lang sa kanto si James Yap nang maging magkarelasyon sila. Mas nadagdagan lang ang kinang ng pangalan ni James dahil nadikit sa pangalan niya, pero milyon na rin ang halaga ng kontrata noon ng basketbolista sa Purefoods.
Wala namang ganoonan. Minahal mo ang lalaki, nagpakasal ka at nagpaanak pa nga, pero parang isang butil na dumi lang sa hangin ang tingin mo sa kaniya nang dahil sa pera?
Bawat taong nakakahati ng ating puso, matagumpay man o walang kinauwian ang relasyon, ay may dahilan ang pagdating sa ating buhay. Maaaring binago niya ang ating kapalaran o tayo ang bumago sa takbo ng kaniyang buhay.
Darius Razon – Malungkot dahil sa tragic ang pagkamatay ng dalawang anak
Kinapanayam naming sa Showbiz Police ang napakaemosyonal naming panayam sa singer-actor-politician na si Darius Razon. Ginanap ang aming interbyu sa kaniyang bahay sa Mandaluyong, ang mismong bubong na araw-araw na tinitigmak ng luha mula nang mawala ang kaniyang dalawang anak sa paraang napakasakit tanggapin.
Namatay ang kaniyang anak na si Darleen Gaye noong taong 1992, namatay ito sa sunog, ang kaniyang panganay naman na si Denver John ay namatay noong 2006 dahil sa aksidente.
Masakit mawalan ng anak, pero walang kasukat ang mawalan ng mga anak sa kahindik-hindik na paraan, iyon ang mga kaganapang ihinahanap pa hanggang ngayon ng sagot ni Darius Razon kung bakit nangyari.
Nag-iisa na lang siya sa buhay ngayon, pero nasa kaniya sina Mikka at Monikka na anak ni Denver, ang kaniyang mga apo ang literal na reinkarnasyon nina Denver at Gaye dahil kamukhang-kamukha ng mga ito ang magkapatid.
“Noong una, naging napakahirap na para sa akin ng pagkawala ni Darleen, tanong ako nang tanong noon sa Diyos kung bakit, wala akong mahanap na sagot. Naging mahigpit ako kay Denver dahil takot na takot na akong mawala pa siya, nag-iisang anak ko na lang siya, pero kinuha rin siya sa akin.
“Wala pang sagot hanggang ngayon ang mga tanong ko, pero ayoko nang magtanong pa uli, gusto ko na lang tanggapin ang mga nangyari sa mga anak ko, pero araw-araw na ginawa ng Diyos, iniiyakan ko pa rin ang pagkawala nila,” pahagulgol nang kuwento ni Darius.
Paolo Bediones – Mula sa angkan ng Marcos ang guwapong news anchor
Nakapanayam naming ang magaling na news anchor na si Paolo Bediones para sa Cornered By Cristy ng Showbiz Police.
Busog na busog sa impormasyon ang aming paghaharap, wala siyang itinagong detalye tungkol sa kaniyang personal na buhay at karera. Tumalikod na kami sa kaniya pero nakasaludo pa rin ang magkabila naming kamay kay Paolo Bediones.
Mula sa isang buena familia ang magaling na news anchor. Apo siya ni Gng. Fortuna Marcos Barba, bunsong kapatid ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Madalas din siya noon sa palasyo ng Malacañang. Doon ginaganap ang reunion ng kanilang pamilya, pero napakabata pa niya noon para isipin ang pulitika.
“Ang natatandaan ko lang, takbuhan kami nang takbuhan sa paglalaro ng mga pinsan ko, tinatapak-tapakan namin iyong malalaking sofa sa Malacañang, ginagawa naming slide ang napakadulas na sahig.
“Naaalala ko pa rin iyong pagpapapila sa amin ni Madame Imelda Marcos kapag Christmas. Ang dami-dami naming mga bata na nakapila, may aginaldo kaming lahat kay Lola Meldy,” pagbabalik-tanaw ni Paolo.
Masarap maglabas-masok sa Palasyo, pero may naaalala rin siyang hindi kagandahang karanasan noong lumalaki na siya, kinakantiyawan daw si Paolo ng kaniyang mga kaklaseng bully, “Oy, Bediones, manglibre ka naman! Pera naman ng bayan ang ginagastos mo!”
Pero sa kabila ng maganda nilang kabuhayan ay nagsikap siyang magtapos at magtrabaho. Para lang sa kaniya ang kinikita niya kung tutuusin dahil milyonaryo naman ang kanilang pamilya. Pero nakakaramdam siya ng kakaibang kaligayahan kapag nakapag-aabot siya sa kaniyang mga magulang.
Kuwarenta anyos na ngayong Marso si Paolo. Nagkaroon na siya ng mga seryosohang relasyon na akala rin niya’y mauuwi na sa altar pero bigla na lang humuhulagpos sa kaniyang mga kamay.
Pero hanggang ngayo’y dala-dala niya pa rin sa kaniyang puso ang pagkawala ng isang sanggol na dapat sana’y tatawag na sa kaniya ng daddy. Tatlong buwan na ang binhi sa sinapupunan ng kaniyang girlfriend nang malaglag ang sanggol.
“Hanggang ngayon, kapag naaalala ko iyon, napapaluha pa rin ako. Napakasakit pala ng ganoon, hindi ko kayang i-explain ang hurt, sobrang sakit kasi, hinayang na hinayang ako,” pagtatapat ni Paolo.
Bahagi ng pagiging totoong tao ni Paolo Bediones ang paglalantad ng matagal na niyang pinoproblemang sakit sa balat. Mayroon siyang psoriasis. Nakatago lang iyon sa magara niyang suit kapag humaharap siya sa mga camera pero matindi ang pangangati noon, “orgasmic” ang ginamit niyang termino sa kakaibang sarap kapag kinakamot na niya ang kalat-kalat niyang psoriasis sa buo niyang katawan.
Bukod sa pagiging totoo niya ay gustong itawid ni Paolo sa publiko ang impormasyon na hindi nakakahawa ang psoriasis. Hindi lang iyon magandang tingnan at titigan, pero kahit makipagkiskisan tayo sa may psoriasis ay hindi iyon lilipat sa ating balat.
Wala pang direktang resulta ang pag-aaral tungkol sa psoriasis. May mga nagsasabing namamana iyon dahil nasa dugo. Pero ang mas mukhang totoo ay sumasariwa ang sugat kapag masyadong pagod at problemado ang mayroon nito. Walang gamot para sa stress kundi masarap na pahinga sabi nga ng mga doktor.
“Orgasmic ang feeling kapag kinakamot mo na, napakasarap kamutin, lalo na kapag nakabilad ka sa arawan. May lumalabas din sa noo ko, iyon ang sign na magiging active na rin ang mga nasa iba pang parte ng katawan ko,” rebelasyon pa ng magaling na news anchor.
Miyembro ngayon ng Psoriasis Philippines si Paolo Bediones, gusto niyang mas lawakan pa ang pagpapakalat ng impormasyon sa ating mga kababayan na hindi nakahahawa ang naturang sakit sa balat. Totoong tao na ay hindi pa maramot sa mga kapaki-pakinabang na kaalaman ang guwapong tagapagbalita ng TV5.
Dati’y nagbebeso lang kami ni Paolo Bediones kapag nagkakasalubong kami sa pasilyo ng TV5, pero pagkatapos ng aming panayam sa kaniya ay isang napakahigpit na yakap ng pagsaludo at paghanga ang ibinigay namin sa kaniya, idagdag pa ang nakasulat sa kaniyang t-shirt noong mag-interbyuhan kami.
“Hug me… I’m not contagious.”
Daniel Padilla – Very humble, maganda ang family breeding ng heartthrob
Puring-puri ng mga kaibigan namin si Daniel Padilla. Sa kanilang pag-uumpukan ay palaging bumibida ang pinakasikat na heartthrob ngayon, napakaganda raw ng pagpapalaki sa kaniya ni Karla Estrada, dahil kahit pa sikat na sikat na siya ngayon ay walang kaere-ere ang bagets actor.
Nakasabay siya sa eroplano ng isang tropa ng mga nanay noong nakaraang Disyembre, kasama niya ang kaniyang mommy at mga kapatid at pinsan, sa Hong Kong sila nagbakasyon.
“Nakakatuwa ang batang iyon, wala siyang kaangas-angas, saka marespeto siya sa lahat. May po at opo siya kapag nagsasalita, hindi siya nagpapaimportante, pinagbibigyan niya ang mga kababayan nating nagpapa-picture taking sa kaniya. Bibihira na lang kasi ang ganyan kay Daniel Padilla ngayon, karamihan sa mga artista ngayon, mayayabang, suplada!” madiing komento ng aming kausap.
Isang katangian iyon na palaging ipinagmamalaki sa amin ni Karla Estrada, hindi ngayon at sikat na ang kaniyang anak ay puwede nang magyabang at magmalaki, matinding dumisiplina sa kaniyang mga anak ang aktres.
“Nagliligpit pa rin si DJ ng kama niya, pati nga ang kinainan niya, siya rin ang naglalagay sa lababo. Walang sikat-sikat sa bahay namin, kung ano ang itinuro ko sa kanila, iyon pa rin ang nasusunod,” sabi ni Karla.
Harinawang hindi pagbaguhin ng kasikatan at salapi ang batang aktor, kakaunti na lang kasi ang katulad niya na marespeto kahit kanino, bitbit pa rin ni Daniel Padilla ang kagandahang-asal na gumabay sa kaniyang pagbibinata.
Siya talaga ang dapat tularan ng ating mga kabataan ngayon. Marespetong anak, walang kayabang-yabang na artista, modelong kabataan talaga si Daniel Padilla.