Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Pebrero 1-15, 2014

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminPebrero 1-15, 2014

    Vhong Navarro
Vhong Navarro
PIC-1-VHONG-IN-WPG
Vhong Navarro with Vina Morales and Chocoleit in Winnipeg, April 2008. Front l-r: Vhong Navarro, Vina Morales and Chocoleit; Back l-r: Ely Dolores, Ann dela Cruz, Donna Garcia, Maristel Francisco and Fechie De Guzman (photo courtesy of Donna Garcia)
PICTURE-3-VHONG-IN-WPG
Vhong, Vina and Chocoleit with the GBOYZ and friends in Winnipeg, April 2008. Front l-r: Kelly Legaspi, Vhong Navarro, Vina Morales, Chocoleit and Elmer De Guzman; Back l-r: Red Igne, Lito Dolores, Tony, Francisco, Jeff Villanueva, Jun Adisaz, Norman De Guzman (photo courtesy of Donna Garcia)
BEFORE-AND-AFTER-DENIECE
Deniece Cornejo
CEANAS-FIRST-BIRTHDAY-PARTY
Cedric Lee, Vina Morales at kanilang anak na si Ceana
BONG-REVILLA-PRIVILEGE-SPEECH-JAN-20
Sen. Bong Revilla
Vice-Kris-and-AiAi
Ai Ai, Kris & Vice
THEN-RICHARD-SHARON
Richard & Sharon noon
Sharon-Richard-2
Sharon & Richard ngayon
MAR-ROXAS-AND-KORINA-SANCHEZ
Mar Roxas & Korina Sanchez

Vhong Navarro – Naging biktima ng isang set-up ang mabait na aktor

Nakakalungkot ang nangyari kay Vhong Navarro. Kung kilala namin ang actor-dancer-TV host bilang lalaking walang respeto sa mga kababaihan ay hindi na kami magugulat sa pagkakabugbog sa kaniya.

Tatlong linggo naming nakasama sa isang serye ng palabas sa Canada si Vhong Navarro. Umaga hanggang gabi namin siyang nakakasama, nakakakuwentuhan, at ang haba ng panahong iyon ay isang magandang oportunidad na para makilala mo nang lubusan ang isang tao.

Marespeto si Vhong, sa mga panahong hindi niya alam na sinusundan namin ang kaniyang mga galaw ay ganoon pa rin ang kaniyang dating, kung marespeto siya sa matatanda ay ganoon din sa mga bata.

Nagkahiwalay sila ni Bianca Lapuz at mayroon silang isang anak, pero naging magkaibigan din sila pagkatapos ng kanilang paghihiwalay, ginagampanan din niya ang pagiging ama sa kanilang anak.

Ang kahinaan ng isang lalaki kapag babae na ang nakataya sa usapin ay puwede naming paniwalaan. Kanaturalan nila iyon, pero ang palabasing nang-rape si Vhong Navarro ay isang uri ng pagkaing iluluwa namin.

Buung-buo naming natutukan ang interbyu ng TV5 kina Cedric Lee at Deniece Cornejo na inaakusahan ni Vhong Navarro na dahilan nang matinding pisikal na pananakit sa kaniya kamakailan.

Binalanse naming mabuti ang kanilang mga kuwento, pero kumokontra ang aming isip sa kanilang mga paliwanag. Kailan pa nangahas ang isang rapist na gawin ang kaniyang hangarin nang nakabukas ang pintuan?

Nakalimutang isara? Naiwanang bukas ang pintuan? Agarang nakapanghingi ng saklolo ang babae at mabilis pa sa alas kuwatrong dumating ang kaniyang mga tinawagan?

Isa lang ang opinyon namin sa iskandalong ito. Hawak ni Vhong Navarro ang lahat ng karapatan para humingi ng hustisya sa ginawa sa kaniya nang walang kalaban-laban.

Buking na buking na ang grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo, kahit pinakamahusay na scriptwriter ay mahihirapang magtagpi sa mga butas ng kanilang kuwento. Ano naman kaya ang susunod nilang sasabihin ngayong patung-patong na kaso na ang kailangan nilang dipensahan sa NBI?

Pumapabor na kay Vhong Navarro ang mga lumalabas na resulta ng imbestigasyong pinamamahalaan ng NBI. Sa halip na harapin ang kasong Obstruction of Justice, ibinigay ng pamunuan ng condominium na tinitirhan ni Deniece Cornejo ang kopya ng kanilang CCTV camera. Mismong mga taga-NBI na ang nagsasabi na lahat ng mga binitiwang pahayag ng actor-dancer-TV host ay umaayon sa kopya ng nakuha nilang ebidensiya.

Kung dati’y ang mga pahayag ni Vhong ang kailangang basagin ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo, ngayon ay hindi na si Vhong ang kanilang kalaban. Makipagbasagan sila ngayon sa kopya ng CCTV na tinilad-tilad ng NBI ang mga pangyayari ayon sa pagkakasunud-sunod ng senaryo sa bawat segundo-minuto.

Ang kopya nang iyon ang magpapatunay na walang rape. Walang naganap na pagpipilitan sa pagitan nina Vhong at Deniece, dahil nasa kopya ng mga camera na ilang minuto pa lang na nakapapasok sa unit ng babae si Vhong ay magkakasunod na agad na dumating ang mga lalaking nambugbog sa kaniya nang walang kalaban-laban.

Masusing pinagkumpara ng NBI ang mga pahayag ni Vhong sa kaniyang sinumpaang-salaysay at sa oras na ibinibigay ng CCTV cameras (iba-ibang anggulo ang nakuhang ebidensiya ng NBI mula sa gusali) ng condominium. Nagtutugma iyon, napakalayo sa mga tinagpi-tagpi namang kuwento ng grupo nina Cedric at Deniece.

Lumalabas ngayon na isang napakalinaw na set-up ang nangyari kay Vhong. Talagang pinagplanuhan ang pananakit sa kaniya, pati ang panghihingi nang malaking halaga, para hindi lumabas ang iskandalo.

At natural lang na busisiing mabuti ng mga tauhan ng NBI ang mga records ng magkabilang kampo. Malinis ang pangalan ni Vhong Navarro, “no record on file” ang kanilang komento, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng imahe sa labanang ganito.

Napakalaki ng dapat ipagpasalamat ni Vhong Navarro sa kopyang iyon. Hindi man nakapagsasalita ang mga camera na tulad ng tao ay mas epektibo at kumbinsido ang kaniyang mga sinasabi. Walang makakukuwestiyon sa nilalaman-nakarehistro sa de-oras na makina.

Abot-kamay na ngayon ni Vhong Navarro ang hustisyang karapat-dapat niyang makamtan. Kailangang magbayad ang mga walang pusong nanakit sa kaniya, kailangang maparusahan ang mga taong gustong mabuhay nang mariwasa mula sa pinagpapaguran ng iba.

Cedric Lee – Ex ni Vina Morales at ama ni Ceana ang akusado sa set-up kay Vhong

Ang pinangalanan ni Vhong Navarro na isa sa mga nambugbog sa kaniya na si Cedric Lee ay hindi na bago sa pandinig ng nakararami nating kababayan. Si Cedric Lee ang dating karelasyon at ama ng anak na si Ceana ni Vina Morales.

Kung ilalabas namin ang komento tungkol kay Deniece Cornejo na tinatanggap namin sa radyo ay siguradong malulukaret ang babaeng ito. May naglabas pa ng kaniyang larawan noong hindi pa retokado ang kaniyang mukha. Napakatindi pala ng dapat ipagpasalamat sa heringgilya at sa siyensiya ng babaeng ito, isang huwad na mukha na pala ang kaniyang hitsura ngayon.

Mabilis nating iisipin, pinlano ang lahat, dahil kung hindi ay bakit kasunod niya agad na dumating sa condo unit ang mga lalaking nambugbog sa kaniya?

Bakit nagkaroon ng presyuhan? Bakit kinunan ang kaniyang ari at mas masahol pa sa mug shot ang ipinagawa sa kaniya para sa pag-amin sa isang senaryong hindi niya naman ginawa?

Leksyon – Mag-ingat sa pagtuka ng palay

Ang leksyon.

Matindi ang inabot ni Vhong Navarro, ang patpating actor-dancer-TV host ay tumaba dahil sa pamamaga ng kaniyang mukha. Napakamahal ng binayaran niyang matrikula para sa isang karanasan na kahit pa siguro tawasin siya nang paulit-ulit ngayon ay hinding-hindi na niya gustong pasukin uli.

Isang matinding leksiyon din ang nangyari kay Vhong para sa mga kasamahan niyang artista. Hindi lahat ng klase ng palay ay dapat tukain ng manok.

May palay na nakabubusog pero may palay rin na pain lang pala para sa ikalulugmok ng manok.

Bong Revilla – Napanatag ang loob pagkatapos ng privilege speech

Magkaiba lang ang spelling, pero napapanahon ang mga Bong at Vhong ngayon. Nasa gitna sila ng kontrobersiya at sila ang laman ng halos lahat ng mga pahayagan.

Sa mundo ng politika ay wala pang nakaaagaw sa atensiyon ng publiko kay Senador Bong Revilla, Jr. Hanggang ngayo’y pinag-uusapan pa rin kahit saan ang nakaraan niyang privilege speech, kapag napuno na nga naman ang salop ay kailangan nang kalusin.

Limang buwan kasi siyang nanahimik, kung ipinanganak si Boy Pick-Up ng politika ay siya naman si Boy Kimkim, nang sumabog na ay napakarami niyang nasagasaan sa matitindi niyang rebelasyon.

Ipinalabas na sa Showbiz Police ang mahabaan naming panayam sa kanila ni Congresswoman Lani Mercado, mapuso ang nasabing panayam. Naglantad ng saloobin ang mag-asawa sa unang pagkakataon tungkol sa pinagdadaanan ng kanilang pamilya ngayon.

Hindi napigilan ni Senador Bong ang pangiliran ng luha, akala raw kasi niya ay sa pelikula at sa komiks lang nangyayari ang ganoon katinding paghamon, pero nangyayari rin pala iyon sa tunay na buhay katulad ng nangyari sa kaniya.

Sa kabila ng lahat ng kaganapang ito ay napakaganda pa rin ni Congresswoman Lani. Hindi pa rin ito nauumay sa pagbibigay ng masarap na suporta at pang-unawa sa kaniyang mister. Aminado ang senador na balon ng lakas ng loob ngayon para sa kaniya si Congresswoman Lani.

“Hindi pa ito ang katapusan, nagsisimula pa lang ang laban, alam kong marami pa kaming titiisin at kailangang harapin nang magkakahawak-kamay. Awang-awa na ako sa pamilya ko,” napapailing na pahayag pa ni Senador Bong Revilla, Jr. habang hawak ang kamay ng kaniyang misis.

Lumuluhang pahayag ni Congresswoman Lani, “Ako na ang nagsasabi sa mga anak ko na huwag na lang silang magbasa ng mga comments sa FB at sa Twitter. Kung ako nga, eh, hindi ko kinakaya ang mga nakikita ko, ang mga bata pa kaya?” emosyonal na komento ng aktres-pulitiko.

Pero nagbago ang mukha ng laban nang magdesisyon na si Senador Bong na magsalita, sa pamamagitan ng kaniyang privilege speech ay nabunutan siya ng tinik sa lalamunan, unang masarap na tulog niya ang gabing iyon ng January 20.

“Actually, punyal sa dibdib ko ang nahugot noong magdesisyon na akong magsalita at i-share sa publiko ang emosyon ko. Napakalaking relief noon, may mga nagalit sa mga rebelasyon ko, pero ramdam ko, mas naintindihan ako pagkatapos ng speech ko,” pahayag ng makisig na senador.

Nagsasalimbayan na ngayon ang mga kuwento na bibilisan ang pagdinig sa kasong ibinabato laban sa kanila ni Senador Jinggoy Estrada, nagsisimula pa lang ang paggulong ng proseso ng imbestigasyon, pero mayroon nang mga balita na sa Pebrero ay huhulihin na sila at ikukulong.

Sa pakikipaglaban sa katotohanan ay isa lang ang binitiwang pahayag ni Senador Bong Revilla, Jr., “Hindi ako uurong sa labang ito, hindi ako natatakot. President Aquino, kung anuman ang plano n’yo, nakahanda ako.”

Kris Aquino – Paano kaya tatanggapin ang rebelasyon ni Sen. Bong?

Sa ayaw at sa gusto ni Kris Aquino ay paniguradong damay siya at naaapektuhan sa mga kaguluhang pinapasok ng kaniyang kapatid na pangulo. Kahit pa sabihing wala naman siya sa mundo ng politika ay natural lang na makikiayon ang aktres-TV host sa mga ipinaglalaban ng kaniyang kuya.

Nakakalungkot lang isipin na sinumang kumalaban sa pamunuan ng kaniyang kapatid ay nagiging kalaban na rin ni Kris, natural lang iyon, alangan namang sa kabilang kampo pa siya kumampi?

Tulad na lang ngayong naglabas na ng kaniyang sentimyento si Senador Bong Revilla na hindi lang nasagasaan, talagang direktang naglabas ito ng kaniyang sama ng loob kay P-Noy, nasaang posisyon ba si Kris ngayon?

Magkakaibigan sila, relasyong umusbong noong magkarelasyon pa sina Kris at Phillip Salvador, pero kailangang masakripisyo ngayon dahil sa hidwaan ng kampo ng senador at ng kapatid ni Kris.

Sabihin man ng aktres-TV host na wala siyang kinalaman sa ginagawang pamumuno ng kaniyang kuya ay mayroon at mayroon pa rin siyang makakalaban, ang mga kumokontra sa kaniyang kapatid ay magiging kalaban na rin niya, mababawasan nang mababawasan ang mga itinuturing na kaibigan ni Kris dahil sa pagiging tagapumuno ng kaniyang kuya.

Sabi nga ng isang kausap namin, “Mapersonal pa naman si Kris, tinatatakan niya ang mga nakakalaban ng family nila, kumukurot siya kahit paano para maipaglaban ang mga kapatid niya.

“Ganoon si Kris, e. Very open siya sa pagsasabi noon, nagpapakita siya ng pagkontra kapag ayaw niya sa tao, kaya siguradong may epekto sa pakikitungko niya sa mga Revilla ang away ng kuya niya at ni Senator Bong.”

Kunsabagay…

Ai Ai Delas Alas – May tampo pa rin sa kaniyang ex-BFFs Kris at Vice Ganda

Hanggang ngayon ay dala-dala pa rin ni Ai-Ai delas Alas ang matindi niyang tampo kina Kris Aquino at Vice Ganda. Sa paraang kaniyang-kaniya lang ay mararamdaman sa Comedy Concert Queen ang sama ng loob, ikinokomedya na lang niya iyon, pero nagdurugo ang kaniyang puso.

Nag-ugat ang kaniyang sama ng loob sa pagpanaw ng kaniyang tunay na ina. Maraming nakiramay-nakidalamhati sa kaniya, mga taong nakasama niya sa trabaho nang minsanan lang at mga kaibigan talagang itinuturing niya.

Nailibing na’t lahat ang kaniyang ina ay ni ha, ni hong nagparamdam sa kaniya ang dalawang itinuturing niyang kaibigan. Si Ai-Ai pa naman kung makipagkaibigan, taya pati ang pamato niya, talagang ipinaramdam niya ang pagmamahal at pagmamalasakit sa tunay na pakahulugan ng salitang iyon.

Pero deadma ang dalawa, lalo na si Kris na BFF pa naman ang tawag sa kaniya. Nagpadala ng bulaklak ang programa nito pero walang personal na importansiyang tinanggap si Ai-Ai mula sa aktres-TV host.

Natural lang na magtatampo si Ai-Ai sa ganoong sitwasyon. Kasabihan pa naman na ang tunay na kaibigan ay sa kalungkutan natin nakakasalo, hindi pala iyon totoo sa pagkakaibigan nila ni Kris Aquino.

Ayaw nang magkomento pa ngayon ng sikat na komedyana tungkol sa naganap, basta ang malinaw, sa darating na eleksiyon ay tutulungan niya at ikakampanya si Vice-President Jejomar Binay sa anumang posisyong tatakbuhan ng politiko.

Hindi nga naman kasi sila personal na magkakilala ng bise-presidente, pero nagpadala na ito ng bulaklak ay personal pa siyang sinamahan sa kaniyang pagdadalamhati. Kahit naman siguro sino ay magbabalik ng kabutihan sa ipinakita ng pangalawang ama ng ating bayan.

Sa totoo lang!

Richard Gomez – Guest ni Mega ang kaniyang ex sa Madame Chairman

Special guest sa Madame Chairman si Richard Gomez. Kahit alam na ng mga nandoon na maligaya ngayon si Sharon Cuneta sa piling ni Senador Kiko Pangilinan at ganoon din ang guwapo at morenong aktor sa poder ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez ay marami pa ring kinilig nang magkita ang dalawa.

Nagmarka naman kasi ang tambalan sa harap at likod ng mga camera nina Goma at Sharon. Nagtagal din sila bilang magkarelasyon, kinakiligan ang kanilang tambalan. Marami ring humiling noon na sana’y maging sila na habambuhay.

Maganda ang samahan nina Sharon at Cong. Lucy. Kapag mga edukado ang pinagkukrus ng landas ay nagkakaintindihan sila. Itinatapon nila ang mga nakaraan dahil iyon ang hinihingi ng batas ng kagandahang-asal.

May mga kuwentong hindi kalimut-limot noong sina Sharon at Richard pa ang magkarelasyon. Nakatira noon sa Twin Towers sa Makati si Mega. Kapag dumadaan na sa Ayala si Goma ay ipaaalam niya iyon sa aktres, mayroon silang mga senyasan.

Paiilawin nang todo-todo ni Goma ang blinker ng kaniyang sasakyan, tatakbo naman sa bintana ng kaniyang bedroom si Sharon, bubuksan iyon at magkakawayan silan na parang dadalawa lang silang anak ng Diyos na nabubuhay sa mundo.

Sa kabila ng naganap ay magkaibigan pa rin sila, marespeto si Goma sa kaniyang mga ex. Si Sharon naman ay mapagpahalaga sa mga taong nagmahal sa kaniya.

Kaabang-abang ang Madame Chairman, gustung-gusto namin ang sitcom na ito, napakanatural kasi ni Sharon at nagagawa na niyang bahagi ng katatawanan sa programa ang kaniyang timbang.

Kapag nakikipagtuos tayo sa katotohanan ay gumagaan ang buhay. Wala na kasi tayong ipinagkakaila. Wala nang pretensiyon, katotohanan na lang ang lumulutang.

DILG Sec. Mar Roxas – Mailap talaga ang pagkapangulo

Makabuluhan ang mga opinyong binitiwan sa amin ng isang kaibigang propesor noong isang araw lang. Oo nga naman, mukhang maalat nga ang panguluhan para kay DILG Secretary Mar Roxas, dahil maraming beses nang nakakaladkad ang kaniyang pangalan sa mga sensitibong usapin.

“Alam mo, hindi talaga para sa kaniya ang panguluhan. Imagine, siya na noon ang manok ng partido niya para sa pagkapangulo, pero namatay si Tita Cory (Aquino), bigla siyang nag-slide sa pagka-VP.

“Naunsiyami siya, si P-Noy ang sinuportahan ng partido niya, natalo pa siya sa pagka-vice president, nakakalungkot ang nangyari sa kaniya.

“After noon, sunod-sunod nang indulto ang nangyari sa kaniya, siya ang nagiging shock absorber ni P-Noy, siya ang palaging naiipit sa mga issue. Remember Yolanda? Siya na naman ang nalagay sa alanganin doon!

“Tapos, heto na naman ang isa pa. iyong revelation ni Senator Bong Revilla tungkol sa pagda-drive niya papunta sa Malacañang, ipinanganak si Boy Pick-up, pinagpipistahan iyon kahit saan ngayon!

“Mailap talaga ang presidency sa kaniya, hindi para sa kaniya ang position na gusto niya, nakakapanghinayang naman at nakakalungkot, pero hindi rin naman kasi siya nag-iingat,” mahabang pag-aanalisa ng aming kausap na propesor.

Matindi ang iniwanang marka ng aktor-politiko sa kaniyang privilege speech tungkol kay DILG Secretary Mar Roxas. Iyon ang talagang dinampot ng mga kababayan natin, kailangang maupo uli ang mga kalalakihan sa Palasyo para makapag-isip sila ng maipangsasangga sa senaryong ito.

Sa totoo lang.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles