Pebrero 16 – 28, 2014
![]() |
|
Angel Locsin |
|
![]() |
|
Angel Locsin & Luis Manzano
|
|
![]() |
|
James Yap
|
|
![]() |
|
Kris Aquino
|
|
![]() |
|
Deniece Cornejo, Vhong Navarro & Cedric Lee
|
|
![]() |
|
Wally Bayola
|
Luis at Angel – Mukhang serious ang pagbabalikan
Kuwento ng aming source mula sa ABS-CBN ay mukhang seryosohan na talaga ang pagbabalikan nina Luis Manzano at Angel Locsin. Sa last taping day ng game show na ihino-host ng aktor ay si Angel pala ang huli niyang guest.
“Sweet na sweet sila, nakakakilig silang tingnan, parang sila na uli talaga ngayon. Nagbiro pa nga si Angel kay Luis na kapag nagawa niya ang kailangan sa game, eh, sasagutin na niya si Luis!
“Eh, nakumpleto niya, kaya sigawan nang sigawan ang audience. Sabi ni Luis kay Angel, ‘O, di tayo na?’ Kinikilig ang lahat sa studio, 250,000 ang napanalunan ni Angel,” balita ng aming source.
Si Governor Vilma Santos na mismo ang nagsabi sa aming panayam sa kaniya na tanggap ng kanilang pamilya ang magandang young actress. Nabanggit din ng gobernador ng Batangas na hindi na sila magsusukatan pa ni Angel Locsin dahil dati’y nakakasama pa nila ito sa kanilang mga pagbiyahe sa ibang bansa.
At kung talagang sila na nga ngayon ni Luis ay walang dapat kumontra, pareho na silang malayang makipagpamahalan uli, at sana’y sa altar na rin ang tuloy ng kanilang pagbabalikang ito.
TV5 – Official TV network para sa Sochi Winter Olympics
Pansamantalang hindi napapanood ang mga programa sa Radyo 5 sa AKSYON TV-41 dahil sa ginaganap na Sochi Winter Olympics sa Sochi, Russia. Ang TV5 ang opisyal na network ng Sochi Winter Olympics at hanggang madaling-araw ay abala sa pagtutok sa palabas ang mga kababayan nating mahilig sa ice skating.
Isa lang ang kinatawan ng ating bansa sa naturang labanan, si Michael Christian Martinez, lumaban na siya noong isang gabi sa figure skating at sa talumpong naglaban-laban ay pumuwesto siya sa ikalabingsiyam.
May dalawang dugong-Pinoy ring lumalaban sa Sochi, si Gilmore Junio na Fil-Canadian at si J.R. Celski na Fil-Am naman (malaki ang pagkakahawig ni Celski kay Aljur Abrenica).
Napakasarap sa pakiramdam kapag pinanonood namin ang mga panayam kina Michael, Gilmore at J.R., talagang idinidiin nila ang kanilang dugong-Pinoy, ihahandog din nila sa ating bayan ang malaking karangalang mapabilang sila sa Sochi Winter Olympics.
Mabuhay ang mga kabataang Pinoy na patuloy na nagbibigay ng karangalan para sa ating bayan!
James Yap – Pinagsama si AiAi at Michaella sa San Mig vs Ginebra game
Si James Yap pala mismo ang nagbigay ng ticket kay AiAi delas Alas para makapanood ng Game 7 sa pagitan ng San Mig at Ginebra. Ang kasamang nanood ng Comedy Concert Queen ay ang modelong nauugnay sa kaniya ngayon, ang katabi naman niya sa panonood, ang karelasyon ni James Yap na si Michaella Cazzola.
Para sa mas nakararami nating kababayann ay isang malaking “statement” ang pagtatabi sa panonood nina AiAi at Michaella, hindi kasi nagkakaintindihan ngayon ang komedyana at si Kris Aquino, sadya kaya iyon o nagkataon lang?
At sina James at AiAi, nagkaroon din sila ng hidwaan noon na si Kris ang may kagagawan, umiiyak na nagsumbong ang aktres-TV host kay AiAi na hindi na raw nito kinakaya si James dahil nambababae kaya ang sabi naman ni AiAi bilang pampalubag-loob kay Kris ay isoli na nito ang kaniyang mister sa pamilya nito.
Aba, isang gabi ay nag-ring ang telepono ni AiAi, pangalan ni Kris ang rumehistro pero nang sagutin na niya ang tawag ay naloka ang Comedy Concert Queen.
Si James Yap ang nasa kabilang linya gamit ang telepono ng kaniyang misis, nagagalit ang basketbolista kay AiAi, bakit daw naman sinusulsulan pa niya si Kris na isoli na ito sa kaniyang pinagmulan?
Ang sama-sama ng loob ni AiAi noon, inilagay nga naman siya sa alanganin ni Kris, siya pa ang isinangkalan ni Kris noong magkabati na sila ni James Yap!
Matagal bago naayos ang problema sa pagitan nina AiAi at James, bumilang iyon nang ilang taon, ibang klase nga namang manglaro si Kris ng buhay ng may buhay.
Pinagaan na nga ni AiAi ang kaniyang problema bilang isang BFF, pero si AiAi pa ang kaniyang idiniin kay James Yap, onli in da Pilipins!
Kuwentuhan nang kuwentuhan sina AiAi at Michaella habang nanonood ng laro ni James, anu-ano kaya ang mga paksang tinutukan ng dalawa, ang iniisip kaya namin ay ganoon din sa iniisip ninyo ngayon?
Kris Aquino – Ipinagdadamot pa rin si Bimby kay James
Sa isang panahon na ang akala nati’y naplantsa na ang gusot sa pagitan ng dating mag-asawang sina James Yap at Kris Aquino tungkol sa kanilang anak na si Bimby ay mayroon pa palang mga pinagkasunduan at sinumpaang pangako sa korte na hindi natutupad.
Ang reklamo ng basketbolista ay ilang buwan na ngayong hindi niya nakikita-nakakasama ang kanilang anak ni Kris. Miss na miss na raw ni James Yap ang kaniyang anak, pero may buwelta naman agad doon ang aktres-TV host.
Anumang oras ay puwede raw namang kunin ni James si Bimby, iyon daw ang utos ng korte kaya sumusunod naman ito, pero ang problema ay wala namang ginagawang hakbang si James para makasama ang kaniyang anak.
May naalala kaming kuwento noong katatapos pa lang ng pagdinig sa kanilang kaso, nagpasabi si James na dadalaw siya kay Bimby, pero nabigo ang basketbolista.
Kuwento ng aming impormanteng may malalim na alam tungkol sa pangyayari, “Noong dumating si James sa tinitirhan ni Kris, wala naman ang anak niya, isinama pala ni Kris sa Palawan. Malungkot siyempre si James, iyon ang usapan nila, korte naman ang nag-utos na magkita sila ng anak niya, pero wala,” kuwento ng aming source.
Mahirap nga namang kumilos kapag isang Kris Aquino ang sangkot sa sitwasyon, kayang-kaya nitong bumitiw sa kanilang usapan, kahit nga ang korte ay puwedeng hindi sundin ni Kris kapag gusto nito.
“Sino ba naman si James para magalit, e, isang Kris Aquino ang kalaban niya? Di para naman siyang naghamon ng away? Gusto ba niyang mapag-initan siya, kesehodang tatay pa siya ng anak noong babae?” nasabi na lang ng aming impormante.
Kailangan kumilos si James Yap, kailangang manindigan siya, dapat siyang gumawa ng hakbang para magkita sila ng kaniyang anak. Brusko si James Yap. Sa hardcourt nga ay nakikipagbalyahan siya, nakikipagsukatan ng lakas at gilas sa kaniyang mga kapwa manlalaro, sana’y gamitin din niya ang kabruskuhang iyon sa kaniyang karapatan para sa anak nila ni Kris Aquino na si Baby James.
Vhong Navarro – Hindi pa handang bumalik sa trabaho
Pahupa na ang kontrobersiya tungkol sa walang kalaban-labang pagkakabugbog kay Vhong Navarro, pero hindi nagpapapetiks-petiks ang kaniyang kampo. Masidhi pa rin ang kanilang hangaring pagdusahan ng mga nagkasala ang kanilang ginawa.
Mas maigting pa nga ang ginagawa nilang pag-iipon ng mga ebidensiya ngayon sa tulong na rin ng NBI. Napakarami pa palang kuwentong nakapailalim tungkol sa naganap, sa korte na iyon tatalakayin ng magkabilang kampo sa pang-aasunto nila sa isa’t isa.
Sa ngayon ay nagsisimula nang maging normal ang buhay ni Vhong. Pero hindi pa babalik sa dati ang ikot ng kaniyang mundo sa araw-araw. Hindi pa siya makababalik sa kaniyang trabaho dahil napakarami pa niyang inaasikaso kaugnay ng mga kasong isinampa niya laban sa grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo.
Sa bangungot na naganap sa buhay ni Vhong Navarro ay may natutuhan siyang leksiyon sa mahirap at masakit na paraan. Totoong hindi siya dapat pinagtulung-tulungang bugbugin ng tropa nina Cedric Lee at Deniece Cornejo; totoo ring hindi makatarungan ang ginawa sa kaniya ng grupo, pero bago lumubog ang araw ay alam nating nagkulang din sa pag-iingat ang aktor.
May karelasyon na siya, at sa isang relasyon ay napakahalaga ng pundasyon ng tiwala. Ipinanghingi na ng paumanhin ni Vhong at pinagsisihan na niya ang pagiging marupok sa kaniyang girlfriend.
Tao lang si Vhong, at lalaki pa, kaya raw maiwasan ng mga kalalakihan ang pagkasagasa sa kalye pero hindi ang pagkadapa sa ibabaw ng isang babae.
Komento ni Obet Sapin, “Honesty is such a lonely word po talaga. Aminado naman siya doon, kasi nga, wala na siyang choice kundi ang umamin sa nagawa niya.”
At sa buhay na ito ay napakarami nating makakaengkuwentrong tao na may iba’t ibang katangian. Kilangan nating pag-aralang mabuti kung kaninong palad ang ating kakamayan lang at kung kaninong kamay ang ating hahawakan nang matagalan. Napakahirap nang magtiwala sa mga panahong ito.
Hindi lahat ng bulaklak ay mabango. May maganda lang sa paningin pero delikado. Maganda ang rosas lalo na kapag namumukadkad pero may tinik.
Lola ni Deniece Cornejo – Mas matimbang ang dugo sa tubig
Nagpalabas ng mensahe ang lola ni Deniece Cornejo. Mawalang-galang na po sa lola ni Deniece, nauunawaan namin kung saan sila nanggagaling. Natural lang na nagpupuyos ang kanilang damdamin ngayon dahil dugo ng kanilang dugo si Deniece.
Ang mensahe ng lola ng kontrobersiyal na babae kay Vhong Navarro, “Sinira mo ang pamilya namin, sinira mo ang reputasyon ng pamilya namin.” Sa muli, naiintindihan namin na emosyon ang mas lumulutang sa pagsasalita ng lola ni Deniece at hindi katwiran, kaya ganoon ang kaniyang mensahe sa actor-dancer-TV host.
Pero sandali lang naman po, lola, hindi po namin kinukuwestiyon ang isandaang porsiyento ng kredibilidad ng inyong apo para sa inyo. Lalong hndi na namin kayo tatanungin pa kung napanood ninyo na ba nang buung-buo ang nilalaman ng footage ng CCTV cameras ng tinitirhang condo unit ng apo ninyo. Pero sa palagay ninyo ba’y hindi rin nasira ang buhay at karera at pagkatao ni Vhong Navarro nang dahil sa apo ninyo?
Lola naman, nakita naman po siguro ninyo ang naging resulta ng tulung-tulong na pambubugbog kay Vhong nang dahil sa apo ninyo. Nakita ninyo rin naman siguro sa CCTV na ni hindi naglapat ang mga katawan nina Vhong at Deniece noong gabi ng January 22. Hindi kaya dapat ay si Vhong ang nagbibigay ng mensahe sa inyo na sinira ng apo ninyo ang kaniyang pagkatao at pangalan?
Susmaryosep naman, lola, napakadaldal kasi ng apo ninyong si Deniece, agad siyang nagbigay ng kung anu-anong kuwento noong malaman na niyang pumalag-nagsalita si Vhong tungkol sa insidente, tuloy ay taliwas sa ipinakikitang real time CCTV cameras ang mga nauna niyang pahayag.
At saka lola, bakit hindi po ninyo niliwanag na nagpakita sa inyo ng mga galos at pasa-pasa sa katawan ang apo ninyong si Deniece noong diumano’y pinagtangkaan siyang halayin ni Vhong, mayroon po ba siyang ipinakita sa inyo para paniwalaan ninyo ang apo ninyo na ni-rape nga siya ni Vhong?
Pasensiya na po kayo, lola, kundi namin sinasang-ayunan ang mga opinyon ninyo tungkol sa senaryo. Pero intindido po namin nang mahigit pa sa isandaang porsiyento ang pagmamahal ninyo kay Deniece bilang lola niya.
Sabi ninyo nga po ay hindi ninyo siya iiwan sa labang ito, sasamahan ninyo siya hanggang sa huli, hindi kayo titigil hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang nangyari sa apo ninyo.
Maraming salamat po, lola, dahil minsan ninyo pang ipinaalala sa publiko na talagang mas matimbang ang dugo kesa sa tubig. Nagsasalita po kayo ngayon para idepensa ang apo ninyo, pati nga po ang ninang niya ay nagsalita na rin kahit mukha pang ninenerbiyos, pero ang tanong po ng bayan ay bakit kayo ang nagtatanggol sa apo ninyo?
Nasaan daw po ba ang nanay ni Deniece? Bago ang lola at ninang, siyempre’y ang mommy po ni Deniece ang inaasahan ng mga kababayan natin na nagtatanggol sa kaniya.
Maraming salamat po uli, lola, tanggapin ninyo po ang aming paumanhin sa pagkontra sa opinyon ninyo. Nabubuhay po kasi tayo sa isang malayang bansa, libre po ang espasyo para sa paglalahad ng opinyong pinaniniwalaan natin, at tulad ninyo ay maninindigan din po kami sa aming pinaniniwalaan.
Wally Bayola – Balik na sa Eat…Bulaga ang komediante
Maligaya kami sa muling pagbabalik ni Wally Bayola sa Eat…Bulaga. Kahit pa magagaling ang lahat sa tropa ng noontime show, noong masuspinde ang komedyante ay ramdam pa rin na mayroong kulang sa pananghalian, kung ano ang nakasanayan na natin ay talagang hahanap-hanapin kapag nawala.
Maganda ang ginawang disiplina ni Malou Fagar sa kanilang nasasakupan. Kailangan talagang mawala muna sa programa si Wally, lalo na’t pinagpipistahan pa ang kaniyang sex video.
Sa ilang buwan din niyang pagkawala sa Eat…Bulaga ay siguradong naramdaman ni Wally ang hirap ng mawalan ng trabaho, hindi biro-biro ang ganoon, lumilipas ang mga araw na walang nangyayari sa kaniyang buhay.
At dahil magaling ngang komedyante-TV host si Wally ay palaging mayroon siyang babalikan. Mayroon at mayroon pa rin siyang pupuntahan dahil hindi naman madaling makita sa ibang personalidad ang talentong mayroon siya.
Tama ang kaniyang ginawa, humingi siya ng paumanhin sa mga taong nagtiwala sa kaniya. Humingi rin siya ng sorry sa publikong sumusuporta sa tambalan nila ni Jose Manalo.
May nagagawang milagro ang pagpapakumbaba. Maganda ang kalooban ng ating mga kababayan sa mga taong tumatanggap sa kanilang mga kakapusan at kalabisan, tulad ni Wally Bayola.
Noon ay pansamantala ring nawala sa noontime show si Jose Manalo, pero hindi iyon dahil sa kaniyang kagagawan. Nadamay lang ito sa kontrobersiya nang dahil sa kaniyang misis na nasangkot sa kung ano-anong isyu ng pagkakautang.
Kumpleto na uli ang Eat…Bulaga, wala nang kulang sa ating pananghalian, mula Aparri hanggang Jolo na naman ang tuwang ibibigay sa atin ng paborito nating noontime show.