Disyembre 1 - 15, 2013
![]() |
|
Jessica Sanchez |
|
![]() |
|
Freddie Aguilar & Jovie Gatdula
|
|
![]() |
|
Manny Pacquiao |
|
![]() |
|
Mommy Dionisia Pacquiao |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
Kapatid TV5 – Mapapanood na sa Shaw ch. 545 sa Manitoba
Bago ang lahat ay may magandang balita po ako para sa inyo sa Canada lalo na sa ating mga mambabasa ng Pilipino Express sa Manitoba, British Columbia, Alberta at Saskatchewan. Ikinagagalak ko pong ipaalam sa inyo na mapapanood na ninyo kami sa inyong mga television ngayon. Ang Kapatid TV5 ay dadalhin sa inyong mga tahanan ng Shaw Cable. At kung kayo ay subscriber ng Shaw, mapapanood na ninyo ngayon ang magagandang programa ng Kapatid TV5 sa channel 545 ng libre. Siguradong matutuwa kayo kay Megastar Sharon Cuneta sa kaniyang Madam Chairman, kay Ogie sa Tropa Mo Ko Unli, kay Aga sa Pinoy Explorer at Derek sa For Love or Money. At inaanyayahan ko rin kayo na makipagniig sa amin at alamin ang pinakamaiinit na showbiz balita sa Ang Latest.
Manny Pacquiao – BIR naman ang kalaban ngayon
Naiintindihan namin kung saan nanggagaling si Congressman Manny Pacquiao kaugnay ng kasong hinaharap niya ngayon sa BIR (Bureau Of Internal Revenue).
Sariwang-sariwa pa kasi ang singaw ng malaking karangalang ibinigay niya sa ating bayan, pero sa kaniyang pag-uwi ay isang malakas na sampal ng asunto ang isinalubong sa kaniya. Natural lang na magkaroon siya ng sama ng loob ngayon.
Ayon kay Pacman ay inalisan sila ng karapatan ni Jinkee na mag-withdraw mula sa kanilang mga bangko, kaya ang tulong na ibibigay nila ngayon sa mga sinalanta ng bagyo nating kababayan sa Kabisayaan ay inutang lang nila. Napakalaking problema raw sa kanila ngayon ng ginawang garnishment ng gobyerno sa kanilang pinaghirapang salapi.
Paulit-ulit na sinabi ni Pacman ang linyang hindi siya magnanakaw. Kung kailangan siya ng BIR ay nandito lang naman siya at hindi nagtatago. Perang produkto ng kaniyang pakikipagsalpukan sa boksing ang perang kinukuwestiyon sa kanila at hindi perang ninakaw niya sa kaban ng yaman ng ating bayan.
Pero ayon naman sa tagapamuno ng BIR ay hindi totoo ang mga litanya ng Pambansang Kamao. Sa napakaraming bangkong pinasulatan nila tungkol sa salaping mayroon si Pacman ay dalawa lang ang tumugon, isang milyon at isangdaang libong piso lang daw ang nakadeposito doon.
Kaya ang tanong ng tagapamuno ng BIR, may maniniwala ba naman na 1.1M lang ang naiipong pera sa bangko ng mag-asawa, samantalang daang milyon ang halaga ng mga binibili nilang propyedad?
May pinag-uusapang 2.2 billion, pero ayon sa BIR ay iyon ang kanilang hinahanap, hindi iyon idineklara nang maayos ng kampo ni Pacman kaya binubusisi iyon ngayon ng ahensiya.
Kung pakikinggan at paniniwalaan naman natin ang mga deklarasyon ng Pambansang Kamao ay parang hindi na sila nakakakuha ng pera mula sa mga bangko nila ni Jinkee, talagang hinarang na ng BIR ang paglalabas nila ng pera, kaya nangungutang na lang sila ngayon.
Sabi naman ng isang pilosopong kaibigan namin, “Baka naman masyadong dina-dramatize lang ni Pacman ang BIR problem niya para walang manghingi ng balato sa kaniya. Natural lang na maraming manghihingi ng balato sa kaniya sa pananalo laban kay Brandon Rios, pero kung ganyang may problema pala siya sa BIR, may manghihingi pa kaya sa kaniya ng balato?”
Sana’y maiayos na ng kampo ni Pacman ang mga dokumentong hinihingi ng BIR. Sana rin ay hindi totoo ang pakiramdam ngayon ng Pambansang Kamao na sobrang panggigipit ang ginagawa sa kaniya ng gobyerno. Kahit saang anggulo sipatin ay isang malaking karangalan pa rin ang bitbit ng boksingero sa pagbabalik niya sa ating bayan.
Mommy Dionisia – Galit! Bakit daw pinag-iinitan si Manny ng BIR?
Moment na naman ngayon ni Mommy Dionisia Pacquiao. Palagi na naman siyang naiinterbyu ngayon dahil sa kinasasangkutang problema ng Pambansang Kamao sa BIR.
Galit na galit si Mommy Dionisia sa kaniyang mga interbyu. Bakit daw ginaganito ng gobyerno ang kaniyang anak, samantalang hindi naman iyon perang ninakaw ni Pacman sa kaban ng yaman ng bayan.
Ang dami-dami raw politiko diyan na yumaman nang biglaan, bakit hindi ang mga iyon ang atupagin ng pamahalaan? Bakit daw ang kaniyang anak na nakikipagbasagan ng mukha ang pinag-iinitan ng gobyernong ito?
Karma ang sinasabi ni Mommy Dionisia na naghihintay sa mga taong nagpapahirap sa kaniyang anak. Matakot daw sa karma ang mga namumulitika kay Pacman, dahil siguradong matitikman nila iyon.
Kung maririnig lang sana ni Mommy Dionisia ang punto naman ng ahensiya tungkol sa problema ng kaniyang anak. Isang dokumento lang naman ang hinihintay ng BIR. Ang papeles na magpapatunay na totoong kinunan na ng buwis ng Amerika ang mga pinanalunang laban ni Pacman mula noong 2008. Kapag nakapagbigay na ng kopya ng dokumento ng IRS (Internal Revenue Services) si Pacman ay tapos na ang problema.
Ayon sa tagapamuno ng BIR na si Commissioner Kim Henares ay huwag daw naman sanang gamiting pang-imbita ng simpatya ni Pacman ang kaniyang problema sa BIR.
Ang hamon ng ahensiya, ipakita ang kailangang-kailangang dokumento, tapos na ang kuwento.
Jessica Sanchez – Sobrang ganda ng boses
Kahanga-hanga si Jessica Sanchez na naatasang kumanta ng Star Spangled Banner at Lupang Hinirang. Slang siya sa pagkanta ng national anthem ng Amerika (American-Mexican si Brandon Rios), Kanang-Kana ang kaniyang dating, pero nang simulan na niya ang pagkanta sa pambansang awit ng Pilipinas ay wastung-wasto ang kaniyang pagbigkas sa mga salita at letra.
Napakakinis din ng kaniyang boses. Bumibirit man siya ay matindi ang kaniyang kumpiyansa. May itataas pa kung tutuusin ang kaniyang boses kung gugustuhin lang niya pero hindi niya ninakaw ang atensiyon na nakalaan para kina Pacman at Rios.
Kuwento ng grupo ng mga kaibigan naming dumayo pa sa Macau para sumuporta kay Pacman, “Saka mabait si Jessica, wala siyang reklamo sa picture taking bago nagsimula ang laban, nakangiti siya palagi at buong-ningning pa niyang sinasabi na kay Pacman siya, dahil Pilipino siya.”
Ibang klase talaga ang lahing Pinoy, kuyog tayo laban kaninuman, tulad ni Jessica Sanchez na lumaki man at nagkaisip sa Amerika ay hindi pa rin nakalilimot sa dugong-Pinoy na kaniyang pinag-ugatan.
Freddie Aguilar – Tantanan na sana ng mga kritiko
Kahit tapos nang pakasalan ni Freddie Aguilar ang kaniyang dalagitang karelasyon sa relihiyong Islam ay hindi pa rin siya tinatantanan ng mga taong ang pananaw ay pinagsamantalahan niya ang kahinaan ni Jovie Gatdula.
Kinasuhan pa rin siya ng Qualified Seduction ng isang abogado. Pati ang mga magulang ng babae ay inasunto rin, dahil pumayag daw ang mga ito na makipagrelasyon si Jovie na isang menor de edad sa makasaysayang singer.
Ilang ulit nang nagpaliwanag si Ka Freddie na wala siyang pinagsamantalahang kahinaan. Kusang nahulog ang kalooban sa kaniya ng dalagita, hindi rin ito ipinagduldulan sa kaniya ng mag-asawang Gatdula para makarelasyon niya.
Madaling intindihin kung saan nagmumula si Ka Freddie. Napakalawak nga namang pagdiskusyunan ang usapin ng pag-ibig. Parang paksa rin iyon ng relihiyon na walang nananalo, dahil sa bandang dulo ay pare-parehong may tamang punto ang mga nagtatalo-talo.
Nagmahal lang si Ka Freddie. Nagkataon namang minahal din siya ni Jovie. Walang sapilitang namagitan, hindi niloko ng singer ang dalagita. Inilantad niya ang kuwento ng kaniyang buhay kay Jovie.
Paano nga kaya ang ganoon? Kusa naman kayong nagmahalan, wala namang lokohang namagitan sa inyo, pero puwede pa rin kayong asuntuhin nang dahil lang sa nag-ibigan kayo?
Unang-una ay hindi naman kayang ibigay kay Ka Freddie ng mga nakikialam na iyon ang kaligayahang naibibigay sa kaniya ni Jovie. Tanging ang dalagita lang ang may kakayahang iparamdam sa singer ang emosyong kailangan sa kanilang pagmamahalan. Bakit nga naman pati iyon ay kailangan pang panghimasukan ng ibang tao?
Sa kaniyang edad ngayon na ilang taon na lang at may silyang tumba-tumba nang mag-iimbita sa kaniyang maupo ay ibigay na natin sa makasaysayang si Freddie Aguilar ang itinitibok ng kaniyang puso.
Huwag na nating panghimasukan ang kaligayahan niya. Kung sino ang makapagpapasaya sa kaniya ay unawain na lang natin, tutal naman ay siya ang makikisama sa babae at hindi tayo.
Sa hanay ng mga musikero ay may ilang kasamahan si Ka Freddie na hindi sang-ayon sa kaniyang mga opinyon, pero sa sitwasyong kinapapalooban niya ngayon ay nakatutuwang malaman na kakampi niya ang mga musikerong kaagawan niya sa popularidad. Masama ang loob ng mga ito sa mga tao at sektor na kumokontra sa pakikipagrelasyon ng kanilang kabaro sa isang menor de edad.
Sabi ng isang singer-composer na nakakuwentuhan namin, “Totoong nakakapagpabata ang music, mabagal magkaedad ang mga musikero, pero pabayaan na sana nilang lumigaya si Ka Freddie.
“Tutal naman, eh, walang sinasagasaang kahit sino iyong tao sa pakikipagmahalan niya, hindi naman niya pinilit ang relasyong ito,” madiing pahayag ng aming kapalitan ng opinyon.
Tama ang punto ng kaniyang mga anak. May kani-kaniyang buhay na sila ngayon, at kapag may sariling pamilya na ang mga anak ay nakalulungkot isipin ang pag-iisa lang ng magulang.
Hindi pa naman alagain si Freddie Aguilar. Matikas pa rin ang kaniyang katawan na mas pinababata pa ng pagmamahal niya sa musika, pero kailangang may minamahal din siya at nagmamahal sa kaniya.
Ang kapiraso ba namang kaligayahan ng tao ay ipagdadamot pa natin sa kaniya? Sa dami ng magagandang piyesang ihinandog sa atin ang isang Freddie Aguilar, dito man lang sana sa pakikipagmahalan niya sa isang medor de edad ay mabalikan natin siya ng pasasalamat.
Willie Revillame – Ngayong wala na sa TV, kumusta na?
Nakausap namin kamakailan lamang si Willie Revillame. Marami kaming gustong tanungin-linawin mula sa kaniya mismo. Kilalang-kilala namin si Willie bilang isang taong walang kabisyo-bisyo, ni sigarilyo nga at alak ay hindi siya tumitikim. Wala rin siyang hilig magpalipas ng oras sa labas at maligaya na siya sa sarili niyang bahay.
Pero naalarma na kami sa mga naglalabasang kuwento tungkol sa kaniya ngayon. Malakas daw siyang magpatalo sa casino, nagbenta na raw siya ng propyedad pati ng sasakyan dahil palagi siyang natatalo sa sugal. Gaano ba katotoo ang mga balitang iyon?
Isang napakalakas na halakhak ang naging tugon ng aktor-TV host sa aming tanong. “Pati ba naman ikaw, naniniwala na sa mga kuwentong ganoon?” Nakahinga kami nang maluwag.
Ilang araw na ang nakararaan ay isinulat din namin sa mga pahinang ito ang pagkakabenta niya sa Wil’s Events Place. Hindi patalo ang pagbebenta niya noon, kumita pa siya. Gusto niya kasing tumutok na lang sa kaniyang Wil Tower Mall at hindi na siya naglalagare pa.
Ang lahat ng magagara niyang sasakyan ay naka-display pa rin sa kaniyang mall. Puwedeng magparetrato doon ang kaniyang mga kliyente. Nadagdagan pa ng Rolls Royce ang kaniyang mga koleksiyon at walang nabawas kahit isa lang.
Ang katabing lote ng kaniyang Wil Tower Mall ay nakaplano nang simulan sa susunod na taon. Maraming unit ang gagawin nila, iyon naman ay tatawaging Wil’s Residences dahil nakadisenyo na ang mga unit na pambenta niya.
Tapos na ang isang gusali na pinagsosyohan nila ni Senator Manny Villar, apatnapu’t pitong palapag iyon, ang ikalawang gusali ay kasalukuyan pang kinukumpleto ngayon.
Si Willie Revillame, bukod sa pagiging artista-TV host at negosyante ay isang tao ring gustong maglibang paminsan-minsan. Dahil sikat nga siyang personalidad, kapag nakita siyang nasa casino ay agad nang lulutang ang kuwentong sugarol siya. Kahit isang taya o pindot lang sa makina ang gawin niya ay siguradong matinding balita na ang kakalat.
Kung kilala nga namin si Willie Revillame ay alam naming wala kaming dapat ipag-alala. Marunong siyang humawak ng pera. Alam niya kung saang buslo niya ilalagay ang bawat sentimong pinaghihirapan niyang kitain at ipunin.
Pagkatapos naming mag-usap ni Willie ay naisip lang namin, siyam na mahahabang taon na nga pala siyang nagtatrabaho nang araw-araw. Punumpuno ng tensiyon ang pagho-host at hindi simple ang pagtimon sa isang programang tulad ng sa kaniya.
Kung naglilibang man si Willie paminsan-minsan ay regalo lang niya iyon sa kaniyang sarili. Regalong hindi nakabalot ng maganda at wala sa kahon, pero nakapag-aalis ng kaniyang tensiyon.
At sa pilosopong katwiran ay pera niya naman ang kaniyang ipinangtataya, salapi na siya ang nagsikap at naghirap para mapasakamay niya, hindi naman iyon pera ng bayan na ninakaw niya sa kaban para ipangbisyo niya.
Sa edad at estado ngayon ni Willie Revillame ay alam na alam niya ang kulang, ang sapat lang at ang kalabisan. Hinding-hindi na siya papayag na anumang mayroon siya ngayon ay ipakakain pa niya sa bisyo at granatsa ng katawan.
Walang masama sa pagdidibersiyon bilang pambalanse sa karaniwang ikot ng ating buhay. Ang hindi wasto ay ang pagpapatangay-pagpapatianod natin sa kaway ng bisyo na alam naman nating hukay ng pagkatalo at pagkalulong ang kauuwian sa bandang huli.
PMPC Star Awards for Television – Salamat po sa inyong parangal
Isang mula sa pusong pasasalamat ang nais naming itawid sa mga opisyales at miyembro ng Philippine Movie Press Club (PMPC) sa karangalang ipinagkatiwala nila sa amin bilang Best Female Showbiz-Oriented Talk Show Host noong Linggo (Nov. 24) nang gabi sa 27th PMPC Star Awards for Television 2013. Mula sa pusong salamat po.
Gasgas na ang linya, pero may timbang at katotohanan. Ang mapasama lamang ang iyong pangalan sa listahan ng mga nominado ay isang tagumpay at karangalan na.
Sa lahat ng mga award-giving bodies na mayroon dito sa atin, sa aming opinyon bilang isang talk show host ay pinakamahirap makakuha ng parangal mula sa PMPC at sa ENPRESS, dalawang grupong binubuo ng mga manunulat ng lokal na aliwan.
Iisa lang kasi ang aming linya, at sa proseso ng pagtupad sa aming propesyon, sadya man o hindi ay mayroon kaming hindi nakakasundo sa pananaw at opinyon tungkol sa maraming aspeto.
Pero alam ng mga kasamahan naming manunulat ang respeto at pagmamahal namin sa kanila, nagkikita man kami o hindi, ramdam nila na laban kaninuman basta nasa tamang direksiyon lang ay kamping-manunulat kami.
Sa ngalan ng buong produksiyon ng Ang Latest ng TV5, maraming-maraming salamat PMPC, maraming salamat sa patuloy ninyong tiwala, suporta at pagbibigay-halaga sa munti naming kapasidad.