Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Disyembre 16-31, 2013

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminDisyembre 16 - 31, 2013

Jodi Sta. Maria
Jodi Sta. Maria
Iwa Moto
Iwa Moto
Charice
Charice
King Rodrigo & Boots Anson Roa
King Rodrigo & Boots Anson Roa
Anne Curtis
Anne Curtis
Alice Dixson
Alice Dixson

Jodi Sta. Maria at Iwa Moto – Nagkasundo na ang dating magkaribal

Masaya kami sa napakagandang pangyayaring naganap sa buhay nina Jodi Sta. Maria at Iwa Moto, dalawang babaeng may mahalagang kaugnayan sa buhay ni Pampi Lacson, panahon at pagkakataon lang ang nagkaiba.

Si Jodi ang orihinal na misis ni Pampi, si Thirdy ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Si Iwa naman ang nagmamay-ari sa puso ngayon ng lalaki at mayroon na rin silang anak.

May pinaglalaanan na ng kaniyang pagmamahal at atensiyon ngayon si Jodi. Karelasyon niya si Vice-Governor Jolo Revilla, malalim na ang pundasyon ng kanilang relasyon at maayos ang kanilang pagsasama.

Maligaya naman si Iwa sa piling ni Pampi. Nagkakaroon sila ng mga tampuhan, pero hindi lumulubog ang araw nang hindi sila nagkakasundo. Hindi uso sa kanila ang pagpapataasan ng pride.

Matagal na panahong hindi nagkita nang mata sa mata sina Jodi at Iwa. Magkaaway ang turing nila sa bawat isa, kahit pa tapos na ang ugnayan nina Pampi at Jodi at si Iwa na ang kasalukuyan nitong karelasyon.

Isang librong pambata lang ang nagsilibing tulay sa pagkakasundo ng dalawang aktres. Pinadalhan ni Jodi ng baby book si Iwa, isang librong hindi lang naglalaman kung paano mag-alaga ng anak kundi patagilid na pagsasabing tanggap na ni Jodi ang kanilang relasyon ni Pampi.

Mababaw pa sa natuyuang ilog ang kaligayahan at emosyon ni Iwa. Masayang-masaya ito nang matanggap ang baby boo. Napakasarap nga naman sa pakiramdam ang malaman na wala nang problema sa pagitan nila ni Jodi.

May kani-kaniya na silang buhay. Bumubuo na ng mundo nila ngayon sina Vice-Governor Jolo at Jodi, maligaya naman ang pagsasama nina Pampi at Iwa dahil may bata nang nagtatali ngayon nang mahigpit sa kanilang relasyon.

Maraming maligaya ngayon para kina Jodi at Iwa pero sigurado kami na si Pampi Lacson ang pinakamaligaya ngayon dahil magkakaroon na ito ng katahimikan ng puso at kalooban.

Charice – Hindi raw siya nagtangkang mag-suicide

Mabuti naman at nilinaw na rin ni Charice Pempengco ang mga naging rebelasyon ng kaniyang lola nang mainterbyu namin ito sa Showbiz Police. Matagal din bago binasag ng magaling na international singer ang kaniyang pananahimik. Naramdaman siguro niya na habang nagtatagal iyon ay baka maniwala na ang publiko, kaya nagpaliwanag na rin siya.

Sa kuwentong nakarating sa kaniyang lola, kay Nanay Tess Relucio, na nagtangka siyang mag-suicide sa pamamagitan ng paglalaslas ng kaniyang pulso ay umalma si Charice. Hindi raw niya kailanman ginawa iyon, dahil mahal na mahal niya ang kaniyang buhay.

Tungkol naman sa istoryang wala na siyang pera ay madiing sinabi ni Chaice na patuloy siyang nagtatrabaho para kumita. Hindi raw totoo ang balitang naghihirap na siya. Katwiran ng magaling na singer ay walang aabot sa ganoong sitwasyon kung magsisipag ka lang.

Sinabi rin ni Charice na hindi man sila nagkikita at nagkakaintindihan ngayon ng kaniyang ina ay mahal pa rin niya ito at ang kaniyang kapatid na si Carl. Alam daw niya na darating din ang panahong magkakasundo-sundo rin sila, dahil gusto niyang isipin na wala namang problemang hindi nareresolbahan.

Mabuti at nagpaliwanag agad si Charice, dahil kung hindi ay nabubuo na talaga ngayon sa isip ng mas nakararami nating kababayan na naghihirap na nga siya. Puwede pa ngang isipin ng iba na ang dahilan ng kawalan niya ng pera ay ang karelasyon niyang si Alyssa Quijano kahit wala naman itong kinalaman sa isyu.

Mas mabuti na nga naman ang malinaw kesa sa malabo. Nakatutuwa lang malaman na nilinaw ni Charice ang isyu nang walang tono ng kawalan ng galang sa kaniyang lola. Naipaliwanag niya iyon nang maayos, dahil iyon naman ang kaniyang naturalesa.

Sa pagkaalala ni Nanay Tess Relucio, nanay-lola ni Charice Pempengco, ay hindi niya kinakitaan ng senyal na magiging tibo pala ang kaniyang apo. Kahit kaunting palatandaan ay wala siyang maalala.

Sabi ni Nanay Tess, “Paano ko naman maiisip iyon, eh, noong bata pa siya na dinadala ko sa mga amateur contest, iyong mga damit ni Regine Velasquez ang ipinagagaya niya sa akin? Di ba’t modista nga ako?

“Sasabihin niya sa akin, ‘Nanay, itahi mo ako ng gaya ng suot ni Regine noong isang gabi, iyon ang gusto ko.’ Ako naman, dahil mahal na mahal ko nga si Charice, igagawa ko na siya agad ng damit na tulad noong kay Regine.

“Hindi man magkatela dahil wala naman kaming pambili, at least, magkalapit naman ang hitsura pati ang style na gustung-gusto ng apo ko. Kahit sa sapatos, hindi ko akalaing magiging ganyan siya. Pambabae ang gustung-gusto niyang isinusuot.

“Kaya noong malaman kong nagladlad na nga siya, umiyak ako, hindi ko kasi naisip na ganoon pala siya, dahil walang-wala naman akong matandaan noong bata pa siya na nagkagusto siya sa kapwa niya babae,” malungkot na kuwento ni Nanay Tess.

Una ay galit, pero nang magtagal-tagal na ay pang-unawa na ang ibinibigay niya kay Charice sa paglalantad nito ng kaniyang tunay na kasarian, hanggang sa ang pag-intindi ay naging pagkaawa na.

Hindi man lang daw kasi natikman ni Charice ang pagiging bata. Sa napakamurang edad ay sumasali na ito sa mga amateur contest. Naging propesyon na para sa magaling na international performer ang pagsali-sali sa labanan kahit sa malalayong probinsiya.

“Una, gusto talaga niyang kumanta. Ikalawa, naging trabaho na iyon para sa kaniya dahil wala namang trabaho ang mga magulang niya! Iyong mga nagiging premyo niya, iyon na ang ikinabubuhay nila,” pag-alala pa ng lola ni Charice.

Rebelyon din ang interpretasyon ni Nanay Tess sa ginawa ni Charice. Kung ano ang ayaw ng kaniyang ina, iyon ang ginusto nito. Maraming sama ng loob ang anak sa kaniyang ina, pero wala itong karapatang magtanong, dahil ayon kay Nanay Tess ay masasaktan lang si Charice.

“Bakit ba banned si Raquel kay Oprah? Itanong n’yo ‘yan kay Charice, ayokong sa aking manggaling iyon. Pero may isinumbong si Charice kay Oprah, iyon ang dahilan kung bakit kapag nagkikita sila ni Oprah, wala ang mommy niya,” pabitin pang rebelasyon ni Nanay Tess.

Boots Anson-Roa – Ikakasal kay Atty. King Rodrigo sa June 2014

Sa June 14, 2014, ay muling magpapakasal ang respetadong aktres na si Boots Anson Roa. Sa edad na sisenta’y otso (68) ay muling tumibok ang puso ng nabiyudang aktres sa sitenta’y kuwatro (74) anyos na abogado, ang kaibigan ng kaniyang mister, si Attorney King Rodrigo.

Sa aming makabuluhang panayam kay Tita Boots na mapapanood sa Showbiz Police ay puro nakaaaliw na anekdota ang ibinahagi ng respetadong aktres.

Magkakaibigan ang kanilang mga pamilya, si Tito Pete Roa na sumakabilang-buhay noong taong 2007 ang kaibigan ni Attorney King, kaya napakakumportable na nila sa isa’t isa.

“Nagsimula lang ito sa tuksuhan. Sinet-up kami ng mga friends namin, noong nasa restaurant na kami, ang sabi niya sa waiter, ‘O, ayusin mo ang pagse-serve sa kaniya. Liligawan ko ito at pakakasalan!’ Wala lang, parang biruan lang ang lahat.

“Hanggang sa ang pagdi-dinner, eh, dumalas na, nagsabi na siya ng intensiyon niya sa akin, hanggang sa nahulog na rin ang loob ko sa kaniya,” nakangiting pag-alala ni Tita Boots.

Nang ilatag na ni Attorney King ang mga plano nito ay sabay silang nagtungo sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Biyudo na rin ang abogado, humingi sila ng basbas sa mga una nilang minahal.

Sinasabi niya kay Tito Pete na gabayan siya, tutal naman ay kilalang-kilala ng namayapa niyang mister ang ikalawang lalaking makakasalo niya sa kaligayahan, ganoon din ang pamamaalam na ginawa ni Attorney King sa namayapa nitong misis.

“I told my children about it, pati ang mga plano ni King, sinabi ko sa kanila. Napakaayos. Walang naging problema. Kung saan daw ako maligaya, doon na rin sila,” nagniningning ang mga matang pahayag ni Tita Boots.

Pinatitingnan na nila ang Archbishop Palace kung kakayanin ang bilang ng mga iimbitahan nila sa kasalan. Napupusuan din nila ang Mt. Carmel Church, nakausap na nila si Archbishop Tagle para magtaling-puso sa kanila.

Napakabukas daw ng puso ni Attorney King sa pagpaparamdam sa kaniya ng pagmamahal nito. Madulas din ang dila nito sa palaging pagsasabi sa kaniya ng I love you, pero dahil makaluma nga si Tita Boots ay parang hindi niya iyon matugunan noong mga unang araw nila.

Pero ngayon ay mayroon na silang tawagan, “Malabs,” na ayon sa aktres ay may dalawang pakahulugan. “Puwedeng my love, puwede rin namang malabo!” At muling nagpakawala ang respetadong aktres ng halakhak na alam naming ang maligayang puso niya ngayon ang balon na pinagmumulan.

Madiing sinabi ni Tita Boots na ganoon pala iyon. Nagkakaedad ang tao, nagbabago ang mga pananaw sa buhay, pero ang puso kailanman ay hindi tumatanda.

Anne Curtis – Napikon kay JLC at Jake Cuenca kaya nanampal

Nagkaroon na ng pagsasanga-sanga ang pagwawala ni Anne Curtis sa isang bar noong madaling araw ng November 23. Mayroon nang naglalabasang ibang bersiyon ng kuwento. Hindi raw naman pala masisisi ang aktres sa ginawa niyang kahihiyan noong mga oras na iyon.

Pinaglaruan daw kasi nina John Lloyd Cruz at Jake Cuenca si Anne. Habang nasa comfort room ang aktres ay magkasapakat na kinalabog nang kinalabog ng dalawang aktor ang pintuan. Kaya nang lumabas ang akala mo kapapanganak na tigreng si Anne ay sinampal niya ang dalawang taong nakatayo sa may pintuan ng CR.

Akmang lalapit naman si John Lloyd para sabihing sila ni Jake ang nangalabog sa pintuan. Pero mas mabilis ang mga palad ng aktres kesa sa bibig ng actor. Sinampal din ito ni Anne at sinabihan pa ng bonggang-bonggang “You’re an addict!”

May mga lasing na nambabato ng bintana ng kanilang mga kapitbahay. Mayroon pa ngang mga langung-lango na nananakit ng kahit sinong makita nila. Pero kinabukasan ay tapos na ang kuwento oras na manghingi ng dispensa ang lasenggo sa mga sinaktan at inabala niya.

Iba kasi ang katayuan ni Anne Curtis. Sikat na artista siya, maganda ang imaheng inirerehistro niya sa publiko, kaya pinagpipistahan ang minsan lang naman niyang nagawang pagkakamali nang malasing siya.

Pero sa lahat ng ginawa niyang kahihiyan, pagmumura at pagtawad sa pagkatao ng mga personalidad na pinag-initan niya ay mas gusto naming pahalagahan ang kagandahan ng kalooban ng aktres na ito na laging nagbibigay ng puwang ng malasakit at pagmamahal sa kaniyang puso kapag may mga kababayan tayong tinatamaan ng kalamidad.

Tahimik siyang tumutulong nang walang mga camera. Hindi siya nagsasalita, basta kumikilos na lang, marunong siyang magbahagi ng kaniyang mga biyaya sa mga mas nangangailangan.

Sa aming pananaw ay hindi kami papayag na ang isang tuldok lang ng pagkakamaling iyon ang sisira at magpapabago sa imaheng itinatak ni Anne Curtis sa aming puso.

Manny Pacquiao – Ipakita na sana ang proof ng tax payment sa U.S.

Ipinakita sa iba’t ibang istasyon maging sa CNN ang kabutihan ng puso ng Pambansang Kamao. Ilang araw siyang namalagi sa Leyte para mamahagi ng suporta sa mga binagyo nating kababayan doon.

Napakaraming pumupuri kay Pacman dahil inutang lang daw niya ang ipinambili ng mga dinala niyang relief goods. Ganoon daw kabusilak ang puso ng boksingero, kaya sana naman daw ay huwag siyang pag-initan ng mga taga-gobyerno ayon sa mga kababayan natin.

May nagtanong nga noong minsan kay Pangulong Noynoy kung puwedeng sumailalim sa proseso ng amnestiya si Congressman Manny Pacquiao. Pero ang sagot ni P-Noy, ang amnestiya ay iginagawad lamang sa isang grupo at hindi sa isang tao lang.

Ikalawa, hindi raw pinag-iinitan ng BIR si Pacman, kundi pinaaalalahanan lang na walang kahit sinong mas mataas pa kesa sa batas. At paano raw patatawarin ang isang taong sa halip na tumanggap sa kaniyang pagkakamali ay nagyayabang pa? Walang remorse, sabi pa ni Pangulong Noynoy, na ang tinutukoy siyempre pa ay ang Pambansang Kamao.

May isang kausap kaming abogado na ganoon din ang pananaw, “Instead of saying that he’ll look over the documents, he’s going too personal. He always thinks that because he’s very much identified with GMA, everybody in the government hates him now. Na pinag-iinitan siya.

“Napakasimple lang naman ng problema. Get hold of the documents that will prove that he really paid his taxes in the States and that’s it! Sabi niya sa presscon noong magpunta siya sa Leyte, inutang lang daw niya ang ipinangtulong niya sa mga tagaroon.

“Minsan lang masarap pakinggan iyon, kapag madalas nang sinasabi, overkill na. OA na ang dating, dahil alam naman natin ang totoo. Too much is too much,” madiing sabi ng aming kausap.

Gov. Vilma Santos – Bakit pinag-iinitan? Takot ba ang kalaban sa 2016?

Sumablay na naman ang isang sangay ng ating pamahalaan sa pangangalampag nila nang wala sa tiyempo sa mga politikong halal ng bayan. Dahil daw sa hindi pagkumpleto ng mga naturang politiko sa hinihinging SOCE ng Commission On Elections ay kailangan na nilang lisanin ang kanilang posisyon.

Isa sa mga tinirador ng ahensiya ay si Governor Vilma Santos na kung pagiging responsable ang pag-uusapan ay makapagbibigay pa sa ibang politico. Ganoon katindi ang kaniyang disiplina bilang serbisyo publiko. Galit na galit sa COMELEC ang mga tagasuprota ng aktres-politiko.

Ano iyon, parang sakit ng tiyan lang, na kapag may nasilip lang na katiting na kakapusan ng isang politiko ay napakadali na para sa kanila ang magpababa sa puwesto ng isang ibinoto ng kaniyang mga nasasakupan?

Si Governor Vilma Santos, si Governor ER Ejercito, ano ba naman ang akala ng mga kalampagerong iyon, nagpapakasarap lang sa kanilang mga upuan ang dalawang politiko, nakikipaglaro lang sa kanilang kapangyarihan?

Suyurin sana ng mga sumisilip sa kanila ang mga lalawigang pinamumunuan nila. Progresibo ang Laguna, ganoon din ang Batangas, sa pamumuno nina Governor ER at Governor Vilma ay maipagmamalaki ang dalawang probinsiyang ito.

Bago pa dumating ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE ay maagap nang nagdeklara at nagsumite si Governor Vilma. Siya pa ba naman ang mabubutasan sa disiplina? Mayora pa lang siya ng Lipa ay lutang na lutang na ang linis ng kaniyang kartada bilang politiko.

Kulang daw sa pirma ang Star For All Seasons sa mga ipinadala niyang dokumento. Kulang pala, pero bakit iyon tinanggap ng COMELEC, di sana’y pinapirma pa siya uli nang kung ilang ulit para lang masolusyunan ang ipinangmamarakulyo ng ahensiyang ito?

Isa bang nakakapanindig-balahibong kalaban si Governor Vilma sa 2016? May kinatatakutan na bang multo ang ibang politiko d’yan kaya ngayon pa lang ay kailangan nang walisin ang mga pigurang kinatatakutan nila?

Mas pinatatangos lang nila ang ilong ng Star For All Seasons.

Alice Dixson – Sa edad 44, mas lalong lumakas ang sex appeal

Nahihiya pang sabi ng aming anak na si Rebo, “Mama, ipapakipadala ko po sa inyo ang copy ko ng FHM, pa-autograph naman kay Alice Dixson.” Kumpleto sa kopya ng nasabing glossy magazine ang aming anak pero ngayon lang ito nagsabi sa amin tungkol sa pagpapapirma sa naka-cover doon.

Sa edad na kuwarenta’y kuwatro ay si Alice nga ang nasa pabalat ng pinakahuling sipi ng magazine. Hindi na siya kabataan, pero ang kaniyang sex appeal ay magpapakain ng alikabok sa maraming kabataang babae diyan, sa totoo lang.

Hindi nakakasawa ang kaniyang itsura, titigan mo man siya nang titigan ay ganoon pa rin ang kaniyang ganda, walang kakupas-kupas. May make-up o wala ay talagang maganda si Alice Dixson.

Tuwing Huwebes nang gabi ay naglalaan kami ng panahon para siya matutukan sa For Love Or Money ng TV5, kakaiba kasing gumanap ang aktres na ito, hindi siya iyong tipong pang-award ang pag-arte pero may kakaiba siyang panghalina para tutukan mo ang kaniyang mga eksena.

Sa pananaw namin ay lumakas ang karisma ni Alice sa mga kalalakihan nang mapabalitang diborsiyada na siya, parang panghalina iyon sa mga kalalakihan, kahit mga bagets nga ay gandang-ganda pa rin sa kaniya.

Nakita na namin siya nang sopistikada, nakasama na rin namin siya nang walang kolorete sa mukha. At nakita na namin siya nang malapitan na humihikbi-hikbi dahil sa matinding pinagdadaanan sa usapin ng pag-ibig.

Pero napakaganda pa rin ni Alice Dixson. Hindi na siya masasabing bagets pa, pero hindi pa rin naman siya katandaan. Ngayon pa nga lang kung tutuusin lumulutang ang matinding karisma ni Alice.

May gagawin siyang bagong programa sa TV5, ang Cougar kasama ang bagets na si Mark Neuman, isa na namang proyekto ito ni Alice Dixson na ngayon pa lang ay paglalaanan na namin ng panahon at atensiyon.

Walang kakupas-kupas na kagandahan.

April Boy Regino – May prostate cancer, sana’y maka-recover na

Maraming naaalarma sa tindi ng ibinagsak ng katawan ng Jukebox King at idol ng bayan na si April “Boy” Regino. Hindi lang siya nangayayat, humpak talaga ang magkabila niyang pisngi, itinatago lang daw siguro ng kaniyang pamilya ang katotohanan pero ang dahilan noon ay ang kaniyang sakit na prostate cancer.

Noong minsang mapanood si April Boy ng isang kaibigan namin sa ASAP ay agad na itong tumawag, “Ano ito, tribute na ba kay April Boy ang napapanood ko? Ano ba ng sakit niya, bakit nagkaganyan ang hitsura niya, napakapayat niya.”

Sa isang pambihirang pagkakataon (dahil ayaw na niyang magpainterbyu, ayaw na rin niyang mag-guest sa mga variety shows) ay napagmasdan namin ang Jukebox King. Maigsi na ang inaalagaan niyang makislap at mahabang buhok, hindi kaputian kundi pamumutla ang napansin namin sa kaniyang balat. Napakalaki nga ng ipinagbago ng hitsura ni April “Boy” Regino.

Nang makaharap pala namin siya para sa Showbiz Police noon nakaraang linggo ay nagkalaman na siya. Sumigla na rin ang kaniyang pakiramdam, kumpara noong mga nakararaang buwan na ang akala niya’y katapusan na ng kaniyang buhay.

Ayaw niyang kumain, huminto na rin siya sa pag-inom ng mga gamot at food supplement, literal na lang niyang hinihintay noon ang kaniyang pagbitiw sa laban.

“Nakiusap lang po kami sa ospital, pero na-ICU po ako nang matagal. Nagkaroon po ako ng problema sa heart, may diabetes din ako, iniyakan na po ako ni Madel at ng mga anak ko.

“Nawalan na po ako ng ganang mabuhay, kinontra ko ang lahat ng payo sa akin ng mga doktor, katwiran ko po kasi, eh, bakit pa ako kakain at iinom ng gamot, eh, mamamatay rin naman pala ako?” paliwanag ni April Boy.

Doon na nagsimulang bumagsak ang kaniyang timbang, sa paglalarawan ng kaniyang misis na si Madel ay mistulang buto’t balat na noon ang kaniyang mister, hanggang sa isinugod na nga siya sa ospital dahil hindi na siya makahinga.

“Nasa kuwarto lang po ako noong lumabas na ako sa ospital. Pinaliliguan na po ako ni Madel dahil naapektuhan na rin ang paningin ko, nagpaputol na rin ako ng buhok dahil pakiramdam ko, naaagaw pa ng buhok ko ang mga vitamins na dapat, eh, para sa katawan ko na lang.

“Iyak ako nang iyak habang pinuputulan ang buhok ko, iyon kasi ang tatak ko, iyon ang packaging ko. Kapag sinabing April Boy, ang naiisip agad ng mga tao, ang mahabang buhok ko.

“Wala na po. Talagang hinihintay ko na lang noon ang kamatayan ko. Hanggang sa kinausap po ako nang masinsinan ni Madel, siya po ang nagpalakas ng loob ko,” kuwento pa rin ng Jukebox King.

Isa nang icon si April “Boy” Regino. Hindi makukumpleto ang kasaysayan ng mundo ng musikang Pilipino kung wala ang kaniyang pangalan. Harinawang makabawi siya agad ng lakas para sa muli niyang pagbabalik.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles