Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Nobyembre 16-30, 2013

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 16 - 30, 2013

sharon
Sharon Cuneta
KRIS
Kris Aquino
daniel.karla
Daniel Padilla & Karla Estrada
janet.napoles
Janet Napoles
KC.SOLO
KC Concepcion

Typhoon Yolanda – Matinding rehabilitasyon ang ating hinaharap

Bukod sa pagtutok sa mga network dito sa atin kaugnay ng matinding pag-atake ni bagyong Yolanda sa ating bansa ay madalas din kaming tumutok sa CNN.

Sa unang pagkakataon ay napansin namin na bago pa nag-landfall ang bagyo sa Tacloban City, sa Bicol at sa iba pang mga kalapit na probinsiya ay tutok na tutok na ang CNN sa mga pangyayari dito sa ating bayan.

Tuwing ilang minuto ay mayroon silang blow-by-blow update tungkol sa Pilipinas. Sila mismo ay naniniwalang matindi ang magiging pinsala ni Yolanda dito sa atin dahil ito ayon sa CNN, ang pinakamalakas at pinakamatinding bagyong naitala sa ating planeta sa taong ito.

Tatlong news reporters din ang ipinadala dito ng CNN, hali-halili silang nagbabalita tungkol sa nagaganap sa ating mga kababayan sa Visayas. Grabe talaga, nakapanglulumong tingnan ang mga batang nagkamatayan nang walang kalaban-laban dahil sa humahaginit na hangin at malakas na ulan.

May mga footage ang CNN na hindi namin napapanood dito sa atin. Nakapangingilabot ang mga naganap noong kasagsagan ng bagyo; nag-iiyakan ang mga bata, nagdarasal na lang ang matatanda, sigawan nang sigawan ang mga kalalakihan na nagtutulong-tulong para mailigtas sa matinding hampas ng hangin ang kanilang mga pamilya.

Marami nang bagyong dumaan sa ating bayan, pero itong si Yolanda ang nasubaybayan namin ang pananalanta, kapag talaga kalikasan na ang gumanti ay walang-walang magagawa ang sinuman sa atin.

Ang tanong ngayon ay isa lang kung paano makababalik sa kanilang mga lugar ang mga kababayan nating naglikasan noong kasalukuyang nananalanta ang bagyo. Mayroon pa ba silang babalikan?

Nakita namin sa telebisyon ang matinding pangwawasak na iniwanan ni Yolanda sa Kabisayaan, lalo na sa Leyte. Ngayon pa lang ay matinding rehabilitasyon na ang nakikita naming kailangang gawin ng ating pamahalaan para muling makita ang mga Leyteño na nagbalik na ang tiwala sa kanilang mga sarili.

Sharon Cuneta – Bukas ang palad tumulong

Sa mga personalidad na sikat, sa mga artistang pinalad na magkaroon ng magandang karera, ay si Sharon Cuneta ang masasabi naming kumikilos sa mga ganitong klase ng kalamidad na walang mga camerang nakatutok sa kaniya.

Hindi lang dahil sa bilyonarya na si Mega, hindi lang dahil punumpuno na kasi ang kaniyang kaban ng yaman, napakaraming personalidad na umaawas na rin ang bulsa sa kayamanan pero ayaw mabawasan iyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanilang mga biyaya sa ating mga kababayang mas nangangailangan.

Sa ginanap na telethon ng TV5 sa ngalan ng mga sinalanta ng bagyo sa Kabisayaan ay nanguna sa paghahandog ng suporta at ayuda (palagi naman, walang mauuna sa kabutihan ng kaniyang puso) si Mr. Manny V. Pangilinan.

Ang lahat ng kaniyang kompanya ay nagbahagi ng kani-kanilang tulong. Bukod pa iyon sa mas maaga nitong pagpapadala ng mga relief sa mga kababayan natin sa Visayas. Milyon-milyon ang ibinabahagi ng pilantropo sa mga ganitong pagkakataon.

Ang Megastar naman ay nagbahagi ng kaniyang mga tinatanggap na biyaya sa araw-araw. Limang milyong piso ang ibinigay niyang donasyon para sa mga sinalatan sa Kabisayaan. Limang milyong piso rin ang ibinigay niya sa Aboitiz Group na matagal na niyang katrabaho sa pag-eendorso niya ng Super Ferry.

Iyak nang iyak si Sharon dahil sa mga batang kinukuha-binubuhat ng kanilang mga magulang mula sa putikan. Doon talaga nawawasak ang kaniyang puso dahil ano nga ba naman ang kalaban-laban ng mga ganoong edad para iligtas ang kanilang mga sarili sa ganitong uri ng kalamidad?

Kaya nakalulungkot kapag may mga nangba-bash kay Sharon Cuneta. Iniinsulto pa siya sa Twitter ng ilang kababayan nating walang pagpapahalaga. Hindi alam ng mga taong iyon kung gaano kaganda ang puso ng Megastar sa mga ganitong panahong nangangapa sa dilim ang marami nating kababayang inaatake ng kalamidad.

Kris Aquino – Tumulong na nga ay pinipintasan pa

Kahit talaga sa isang panahong dapat ay nakikisimpatya na lang tayo sa mga kapatid nating nagdarahop ngayon at ibinagsak ng kalamidad ang estado ng buhay ay mayroon pa ring intrigang naglalabasan kaugnay ng bagsik ni Yolanda sa Kabisayaan.

Isang pampublikong dokumento nang maituturing ang apat na raang libong pisong tulong na ipinadala ni Kris Aquino para sa mga nasasakupan ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez sa Ormoc, Leyte.

Dahil sa matinding pasasalamat sa ginawa ni Kris ay ipinost nina Richard Gomez at Cong. Lucy ang tsekeng ipinadala ng aktres, isang aksiyon na pinasalamatan ng marami at minasama rin ng marami nating kababayan. Bakit daw kailangang ipagbanduhan pa iyon sa publiko?

Susmaryosep! Ke piso o apat na raang libong piso man ang iniabot na suporta ni Kris ay hindi na ang halaga ng tulong ang pinag-uusapan doon. Ang importante ay ang dikta ng puso na dumamay, iyon ang mayroon si Kris Aquino na hindi nama lahat ng sikat na personalidad ay mayroon.

At walang kinalaman doon ang pagiging kapatid niya ng pangulo, perang pinaghirapang pagtrabahuhan ni Kris ang ipinagtulong niya. Hindi niya ninakaw sa kaban ng yaman ng bayan ang ibinigay niyang donasyon sa mga nagugutom sa Kabisayaan.

Sa eport na eport na lang ni Kris, na kakambal pa ang kaniyang puso sa wagas na pagtulong, sana naman ay huwag na siyang silipan pa ng kung anu-anong butas sa kaniyang ginawa.

Tumulong siya sa kaniyang kapasidad bilang isang Pilipinong nakikisimpatya sa pagdarahop ng ating mga kababayan sa Visayas, nagbigay siya ng donasyon bilang kaibigan ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez. At ang pinakamahalaga ay may butas ang kaniyang mga palad sa pagbabahagi ng mga biyaya at hindi niya sinosolo lang ang mga suwerteng dumarating at darating pa sa kaniyang karera at buhay.

Karla Estrada – Nasa Palo, Leyte ang pamilya

Tubong-Leyte si Karla Estrada, ina ng sikat na heartthrob na si Daniel Padilla. Nasa Palo ang kaniyang pamilya at mga kamag-anak. Nang daluyungin ng kalamidad ang kanilang probinsiya ay hindi na nakatulog pa si Karla. Gustung-gusto na niyang umuwi sa Leyte, pero walang paraan para makarating siya doon.

Isang kaibigan ang nagsabi sa kaniya na matagal lang, pero puwede siyang bumiyahe. Kailangan muna niyang magpunta sa Bicol at saka siya tatawid sa Leyte sa pamamagitan ng roro. Ganoon mismo ang ginawa ni Karla. Pero noong nasa Bicol na siya ay may mga nagpayo sa kaniya na bumalik na lang siya uli sa Maynila, dahil hindi magiging ligtas ang kalagayan niya sa Leyte.

“Iyak nang iyak si Karla, noong makita niya ang sitwasyon ng lugar nila (Palo, Leyte), hindi na siya natahimik. Wipe out ang Palo, walang natira, pero ang pinakamahirap, eh, wala siyang communication sa pamilya niya.

“Nandoon ang mama niya, ang mga kapatid niya at pamangkin, kaya talagang alalang-alala siya. Nakakatakot naman kasi talaga ang mga footage na ipinalalabas sa TV, nasa kalye na ang mga bangkay, iyon ang tumortyur nang husto kay Karla,” kuwento sa amin ng kaibigan ni Karla na si Mayora Tates Gana.

Umuwing bigo si Karla. Mas madalas siyang gising kaysa sa tulog. Naghihintay siya ng tawag o pasabi man lang kung buhay pa ba o wala na ang kaniyang pamilya sa Palo, Leyte.

Para makatulong sa kaniyang mga kababayan ay personal na nanawagan si Karla sa mga tagasuporta ng kaniyang anak na si Daniel at ng kapareha nitong si Kathryn Bernardo. Anumang maaaring ipadala ng mga ito para sa kaniyang mga kababayan ay mula sa puso niyang pasasalamatan. Napakabilis namang tumugon ng tropa ng Kathniel.

Sa Biyernes nang umaga ay bibiyahe na ang nirentahang truck ni Karla Estrada para maghatid ng relief para sa mga taga-Palo, Leyte, sa kaniyang mga kababayang nagugutom ngayon at walang matirhan dahil sa malakas na hagupit ni Yolanda. Si Mayora Tates Gana ang katuwang niya sa magandang adhikaing ito para sa kaniyang mga kababayan.

Janet Lim Napoles – Star ng “My Amnesia Girl”

Tinutukan namin nang buung-buo ang panggigiling-pang-iihaw ng mga senador sa pinakakontrobersiyal na babae ng kaniyang panahon na si Janet Lim-Napoles. Nakakatawang-nakakainis ang naging proseso ng tanungan-sagutan, pero sa bandang huli ay maiisip mo na lang, walang nahita ang mga nagpapaurag na mambabatas kay Aling Janet.

Sa isang panahong ang akala ng ilang senador ay maaagaw nila ang atensiyon ng publiko sa kanilang galing sa pagpapaamin kay Aling Janet ay nadaot sila. Kahit ang sarkastikong si Senadora Miriam Santiago ay walang nagawa kundi ang tumigil na lang, dahil baka kung ano pa ang mangyayari sa kaniya.

Si Aling Janet ang pinakabagong pinutungan ng korona bilang bida sa pelikulang My Amnesia Girl dahil parang tinakasan siya ng pag-alala sa lahat-lahat ng mga naganap sa kaniyang buhay. May isang kaibigan kaming mabilisang nagpaimprenta ng t-shirt na malalaking letra ng “Hindi ko po alam” ang nakasulat. Ang daming nanghihingi sa kaniya!

At kung si Aling Janet ang mabilisang naging bida ng My Amnesia Girl ay mayroon namang bagong sitcom na pinagbibidahan ang mga nabigong pulitiko, ang Beh, Buti Nga!

Sino ngayon ang magsasabing ang mundo ng showbiz ay pukyutan ng mga Denial King at Queen?

Arnold Clavio – Nakatanggap ng bashing mula sa publiko ang news anchor

Ang inabot na pamba-bash ng ating mga kababayan kay Arnold Clavio nitong mga huling araw ay isang malaking paalala sa mga kahanay niyang news anchor na mikropono lang ang kanilang hawak at hindi kapangyarihan.

Oo nga’t sila ang tumitimon sa programa. Oo nga’t sila ang mayhawak ng mikropono. Oo nga’t sila ang tinatawag na kapitan ng barko ng show ay hindi nangangahulugang mayroon silang pasaporteng magpairal ng magaspang na ugali sa himpapawid.

Maraming beses nang ganiyan ang inuugali ni Arnold Clavio sa kaniyang mga panauhin, pero ngayon lang siya natutukan ng mga kababayan natin, sa ginawang pabarubal na pakikipag-usap ng newsman sa abogado ni Janet Napoles ay pinakain talaga ng apdong pagkapait-pait si Arnold Clavio ng ating mga kababayan.

Mayroon pang nagkomentong ginagaya raw niya ang Tulfo Brothers na sina Ramon, Raffy, Ben at Erwin, pero hindi naman bagay sa kaniya, dahil ang layo-layo ng kaniyang atake at itsura sa magkakapatid.

Mababait pa nga ang mga kababayan natin na nang-bash kay Arnold Clavio dahil hindi pinersonal ng mga ito ang kaniyang itsura. Tanging ang pambabastos lang niya sa abogadong iniinterbyu niya ang pinagtuunan ng pansin ng mga bashers niya, samantalang ang dami-daming puwedeng sabihin tungkol doon.

Isang markadong leksiyon na ito ngayon para kay Arnold Clavio. Sa susunod ay siguradong mag-iingat na siya sa pagbibitiw ng mga salita, dahil talagang hindi na naman siya tatantanan ng mga kababayan natin.

Nagpapatawa naman ang mga nakausap namin na nagsabing sana raw ay si Arn-Arn na lang ang nag-interbyu sa abogado at hindi mismong si Arnold. Baka raw sakaling naging maganda pa ang pag-uusap nila ng abogado.

KC Concepcion – Parehong-pareho ng ina sa kabaitan

Nakasabay ng mga kaibigan namin sa eroplano si KC Concepcion. Natural, ang unang pumasok sa kanilang isip, ang magpa-picture taking sa anak ni Sharon Cuneta, dahil sayang nga naman ang pagkakataong iyon na nakasubo na nang malapitan sa kanila.

Pero hindi naman sila nagpaka-excited. Nagpalipas muna sila ng tamang oras. Noong magbigay ng hudyat ang stewardess na puwede na silang mag-alis ng seatbelt dahil payapa na ang kanilang lipad ay lumapit na agad ang isa sa kanila kay KC.

Sabi ng aming source, “Medyo hesitant pa ang friend ko dahil baka maabala niya si KC, pero sobrang bait noong bata. Siya pa ang nagyaya at nagsabing walang problema.

“That was our cue, lumapit na rin kami sa kaniya. Walang arte sa katawan si KC. Napaka-approachable niya. Alam mong sincere siya at pinahahalagahan niya ang mga lumalapit sa kaniya,” kuwento ng aming kaibigan.

Isang stewardess daw ang nagkomento na palaging ganoon si KC. Mamahalin mo talaga, hindi raw nag-uutos ang young actress dahil palaging may please sa pagsasalita ang dalaga.

Isa rin si Enchong Dee sa mahal ng ating mga kababayan. Marespeto raw ang hunk actor, saka madaling pakiusapan para sa picture taking.

Dahil doon ay naging tagadepensa tuloy ni Enchong ang mga taong pinasaya niya. Kapag may nagsasabing becki si Enchong ay agad na silang nakaangil sa pagtatanggol, “Hooooyyyy! Mabait si Enchong Dee, ‘no!”

Sen. Jinggoy – Hindi totoong na-detain sa LAX

Ang mga kuwentong-kutsero nga naman. Siguradong walang magawang maganda sa buhay ang nagpakalat ng kuwento na noong dumating si Senator Jinggoy Estrada sa LAX (Los Angeles Airport) ay hinuli siya ng mga otoridad at ilang oras na kinuwestiyon bago siya nakalabas sa Immigration.

Walang basehan iyon, walang katotohanan, dahil ang mga sumundo sa aktor-pulitiko sa airport ay mismong mga kaibigan din namin. Mula sa airport ay dumiretso na sila sa bahay ng mga Estrada. Naghapunan sila, pagkatapos ay nagpahinga na si Senador Jinggoy.

Ngayon naman ang alis ng kaniyang maybahay na si Precy Ejercito para sa isang mahalagang check-up. Noong huli naming makasama ang mag-inang Precy at Janella ay binabanggit-banggit na sa amin ng misis ng senador ang kakaiba nitong nararamdamang pananakit sa bandang dibdib.

Pagkatapos ng gamutan ay babalik din silang mag-asawa sa bansa. Walang planong tumakas ang aktor-pulitiko sa pagdinig sa mga kasong ibinabato laban sa kaniya ngayon. Haharapin ni Senador Jinggoy Estrada ang mga naturang akusasyon sa marespeto at harap-harapang proseso.

James Yap – Patuloy ang kalbaryo kay Kris Aquino

Sinasabi na nga ba at hindi basta-basta uupuan lang ni Kris Aquino ang mga naging pahayag ng abogado ni James Yap na si Attorney Lorna Kapunan sa Good Morning Club tungkol sa napagkasunduan nila sa hukuman kaugnay sa karapatang mahiram-makasama ng basketbolista ang kanilang anak na si Bimby.

Madiin kasing sinabi ng abogado na mula nang mapag-usapan ang visitation rights ni James sa bata ay hindi naman iyon nangyari, kaya ang sabi ni Attorney Kapunan, “Sana naman, sa mga ganiyang usapin, no one is above the law.”

Siyempre, naalarma si Kris sa pangyayari. Sinabihan niya agad ang kaniyang abogado na sagutin ang mga naging pahayag ni Attorney Kapunan. At lumalabas nga ngayon na si James Yap ang nagkukulang para makasama nito ang kaniyang anak kay Kris Aquino.

Si James daw ang ni hindi tumatawag, ang ni hindi nagpapasabi kung kailan nito kukunin ang kaniyang anak, naghihintay lang daw naman ang kampo ng aktres para doon.

Ano naman kaya ang masasabi ng basketball player tungkol sa depensa ni Kris? Mananahimik na lang kaya ito? Tatanggapin na lang ang mga sagot ni Kris para matapos na ang kanilang argumento?

Dahil doon ay siguradong may mag-iisip na kaya hindi nasusundo ni James ang kaniyang anak ay dahil sa sobrang atensiyong ibinibigay nito sa kaniyang girlfriend na Italyana.

Kaya siguro nawawalan ng panahong makasama ni James ang bata ay dahil nandiyan ang kaniyang karelasyon na minsan-minsan lang namang nandito kaya kailangang samantalahin na nila ang pagkakataong palaging maging magkasama.

May alam kaming kuwento na noong minsang sunduin ni James si Bimby ay wala naman pala sa condo unit ng aktres ang kaniyang anak. Umalis daw ang mag-iina at nagbakasyon sa kung saan, kaya malungkot na lang na umalis si James.

Anuman at sinuman ang nagsasabi ng totoo sa magkabilang panig ay ang kapakanan pa rin ni Bimby ang pinakamahalaga, kung ano ang makabubuti para sa bata habang lumalaki ito, iyon ang dapat bigyan ng atensiyon nina James Yap at Kris Aquino.

Manny V. Pangilinan – Malapit nang makita ang TV5 sa Canada

Kamakailan ay nagkatipun-tipon sa Reliance Studios ng TV5 ang kanilang mga artista para sa Christmas Station ID. Kasabay iyon ng kampanya ng network na pangangalap ng mga biyayang maaaring ipadala sa mga biktima ng bagyo sa Kabisayaan.

Nauna nang kumilos ang chariman ng network na si Mr. Manny V. Pangilinan sa pagbibigay ng suporta. Sa ngayon ay nasa tatlumpu’t limang milyong piso na ang napaiikot ng Alagang Kapatid Foundation para sa pagpapadala ng mga relief goods, tuwing madaling-araw ay apat na truck ang nagtatawid ng suporta ng TV5 sa Bicol, Leyte, Mindoro at Palawan.

Nakatutuwang malaman na ibayong paghahanda na ang ginagawa ng network para palaganapin ang mga programa ng istasyon sa buong Canada. Siguradong ikaliligaya ito ng mga Pinoy sa Ontario, Edmonton, Calgary, Vancouver, Saskatchewan at siyempre, sa itinuturing na naming pangalawang bansa ng aming buhay, ang Winnipeg, Manitoba.

Ginanap ang pinaka-Christmas Special ng TV5 sa The Mega and The Song Writer nina Sharon Cuneta at Ogie Alcasid. Nakikanta ang Superstar na si Nora Aunor. Nandoon din ang mga bagets stars ng Artista Academy, pati ang mga kasamahan namin sa News 5 ay nandoon din.

Sa kabuuan ng programa ay isa lang ang mensaheng gustong itawid ng TV5: maraming-maraming salamat sa mga kababayan nating sumusuporta sa mga programa ng istasyon. Maraming salamat sa tiwala at malasakit sa network na ngayon pa lang pumapasok sa tunay na laban.

Maraming-maraming salamat po talaga.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles