Nobyembre 1-15, 2013
![]() |
|
Enchong Dee |
|
![]() |
|
Sebastian Castro |
|
![]() |
|
Piolo Pascual |
|
![]() |
|
Luis Manzano |
|
![]() |
|
Kim Chiu
|
|
![]() |
|
Ai Ai delas Alas
|
|
![]() |
|
Meryll Soriano |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta |
Enchong Dee – Hindi totoong may sex video with Sebastian Castro
Diretsong sinagot ni Sebastian Castro sa panayam ni Direk Joey Reyes sa Showbiz Police na walang katotohanan ang kuwentong kumakalat na mayroon silang sex video ni Enchong Dee. Sumumpa pa ang baguhang personalidad, wala raw talaga, dahil hindi pa sila personal na magkakilala ng guwapong hunk actor.
Si Sebastian Castro ang itinuturong nakaulayaw ni Enchong sa isang sex video. Pinagpistahan agad ang kuwento kahit wala pa namang nakapanonood noon. Ipinalagay na agad ng mga nakarinig ng istorya na totoo ngang nagromansahan na sila ni Enchong Dee at ini-record pa raw nila iyon!
Takang-taka ang lumantad nang becki kung paano at sino ang nagpasimuno sa pagpapakalat ng kuwento tungkol sa kanila ni Enchong, samantalang minsan lang daw niyang nakita ang aktor sa isang premiere night, pero pagkatapos noon ay ni hindi na sila nagkita pa uli kahit sa panaginip lang.
Nakakaawa naman si Enchong Dee. Nalalagay ang young hunk actor sa isang alanganing posisyon, samantalang wala namang katotohanan ang balitang kumakalat na nakipag-ulayaw ito sa baguhang si Sebastian Castro.
Si Sebastian Castro ay isang Peruvian na lumaki at nag-aral sa Amerika. Maraming kababaihan ang kinikilig sa kaniyang kaguwapuhan, pero sorry na lang, nag-out na si Sebastian Castro bilang isang becki.
Magaling din siyang pintor, ipinakita na niya sa amin ang kaniyang mga piyesa, ang paborito niyang medium ay oil pastel at ang pinakagusto niyang iginuguhit ay mga hubad na katawan ng lalaki.
Piolo Pascual – Bakit laging si Iñigo ang idinadahilan sa hindi paglagay sa tahimik?
Rebelasyon ni Piolo Pascual, dalawang taon pa mula ngayon ay nagpaplano na siyang mag-asawa. Disiotso anyos na raw kasi ngayon ang kaniyang anak na si Iñigo at gusto raw muna niyang magabayan ang binata sa paglaki nito.
May sampung taon na ang nakararaan ngayon ay ganoon na rin naman ang deklarasyon ng papa ng bayan, dalawang taon pa at mag-aasawa na siya, gusto raw niyang magkaanak habang bata pa siya para sabay lang silang lumaki.
Pero 2013 na ngayon, ganoon pa rin ang madalas sabihin ni Piolo. Palaging future tense ang kaniyang isinasagot. Kaya ang tanong ng ating mga kababayan ay kung kailan ba talaga siya mag-aasawa?
Kapansin-pansin din na palagi niyang ginagamit na dahilan si Iñigo. Ayaw raw kasi niyang masaktan ang kaniyang anak, sobra raw kasi ang pagiging seloso nito.
Bakit hindi niya maipaliwanag sa kaniyang anak na magkaiba naman ang klase ng pagmamahal na maibibigay ng lalaki sa kaniyang asawa at anak? Bakit hindi niya masabi kay Iñigo na gusto na niyang magkapamilya, dahil hindi na siya bumabata?
Bakit palaging si Iñigo ang isinasangkalan niya? Bakit hindi niya na lang kausapin ang kaniyang anak na gusto na niyang magpamilya? Napakaramot ba naman ng anak niya para hindi maintindihan ang kaniyang gusto?
At bago siguro magsabi si Piolo na dalawang taon pa mula ngayon ay gusto na niyang mag-asawa ay kailangan muna niyang makilala ang babaeng pakakasalan niya.
Wala naman kasi siyang karelasyon. Palagi niyang ibinibitin ang kuwento tungkol sa kanila ni Shaina Magdayao. Samantalang nagpainterbyu na nga ang dalaga na wala namang namamagitang kung ano sa kanila at magkaibigan lang talaga sila?
Luis Manzano – Perfect gentleman pa rin sa break-up nila ni Jen
Napakamaginoo ni Luis Manzano, siya ang mas nakababatang bersiyon ng maginoo ring si Derek Ramsay, hindi sila ang tipo ng mga lalaking unang magsasalita tungkol sa pagkawasak ng kanilang pakikipagrelasyon.
Medyo nakauusad na ngayon mula sa paghihiwalay nila ni Cristine Reyes si Derek, pero si Luis ay hindi pa. Kailan lang kasi sila naghiwalay ni Jennylyn Mercado.
Marami nang nagtangkang magtanong kay Lucky kung ano ang mga naging dahilan ng break-up nila ni Jennylyn, pero bigo ang lahat, pagdating sa kaniyang lovelife ay pribado ang guwapong aktor-TV host.
Pero dahil ayaw niyang magsalita ay maraming haka-haka ang naglalabasan tungkol sa kanilang break-up. Kesyo nahuli raw kasi ni Luis na nakikipagkita pa rin si Jen kay Dennis Trillo na dating karelasyon nito.
Masyadong mabenta si Dennis. Palaging nasasangkot ang pangalan ng aktor sa mga hiwalayan. Ganiyan din kasi ang umikot na kuwento nang maghiwalay sina Derek at Cristine.
May mga nagpapalagay naman na hindi rin tumagal si Luis sa kakaibang ugali ni Jen. Kalat na kalat na kasi na may sariling mundo ang aktres, napakayaman daw sa pagiging sumpungera ni Jen na ikinaiinis ng kaniyang mga nakakarelasyon.
Mas gusto naming maniwala sa ikalawang bersiyon. Dati na kasing reklamo iyon ng mga nakakarelasyon ni Jen. Mahirap daw pakibagayan ang kaniyang ugali na kung minsan ay maayos ang kaniyang mood, pero kadalasan ay may sarili itong mundo.
Kim Chiu – Ayaw tantanan ng walang kaluluwang basher
Mabait si Kim Chiu. Edukada pa siya. Lumalagay pa sa tamang lugar ang batang aktres. Pasalamat ang kaniyang basher dahil mas ginagamit ng dalaga ang kaniyang edukasyon at hindi nalalambungan iyon ng emosyon.
Dumudugo ang aming puso para kay Kim Chiu dahil sa ubod nang bastos at walang urbanidad niyang hater. Bilang isang manunulat at bilang isang ina ay gusto naming yakapin nang mahigpit ngayon ang isang anak na nagdurugo pa ang emosyon dahil sa pagkawala ng kaniyang ina.
Sa panahong hinihilot pa ni Kim ang kaniyang puso ay heto ang isang halang ang kaluluwa (kung mayroon pa nga ito) na nagsabing baliw ang kaniyang namayapang ina at salot silang magkakapatid.
Isa sa mga palatandaan ng kababuyan-kabastusan ng isang tao ang pangungutya at paglapastangan sa isang namayapa na. Wala nang laban ang isang patay, walang-wala nang kapasidad na maipagtanggol ng isang namayapa na ang kaniyang sarili. Kaya ang kawalan ng respeto sa isang patay na ay senyal ng kawalan ng kunsensiya at kaluluwa ng isang nilalang.
Pero sa kabila ng paglapastangan sa kaniyang namayapa nang ina ay nagpakaedukado pa rin si Kim Chiu. Inako na lang niya ang kung anumang galit na mayroon ang bastos niyang basher, siya na lang sana ang babuyin nito, huwag ang kaniyang inang nasa kabilang buhay na.
Walang dapat ikatakot kay Kim Chiu ang kaniyang bastos na basher, sa Diyos ito dapat magkaroon ng takot, dahil anumang masamang gawain ay mayroong kaparusahan sa dakong huli.
Ai Ai at Marian – Nilangaw sa takilya ang pelikula
Kung totoo ang mga numerong nakarating sa amin ay nakapanghihinayang naman ang ibinigay na effort nina Ai-Ai delas Alas at Marian Rivera sa nakaraan nilang pelikula.
Matindi na ang napatunayan sa box-office ng Comedy Concert Queen, billion star nga ang tawag sa kaniya sa Star Cinema dahil sa laki ng biyayang naiakyat na niya sa produksiyon. Pero ano’ng nangyari at naging malagihay lang ang kinita ng pelikula nila ni Marian?
May nagkuwento pa nga sa amin na sobrang lungkot ni Ai-Ai nang malaman niya ang kinita ng kanilang pelikula. Napakababa kasi noon sa inaasahan ng marami, ano nga ba ang naganap at hindi kinagat sa takilya ang kanilang proyekto ni Marian Rivera?
Sabi ng isang nakausap namin, “May hatid talaga si Marian, pati tuloy si Ai-Ai, naapektuhan ang lakas sa box-office. Hindi talaga siya pampelikula, hanggang sa TV lang talaga si Marian, bilang na bilang ang mga pelikula niyang kumikita!”
Sayang naman ang kanilang effort, hindi sila gaanong niregaluhan ng suporta ng ating mga kababayan, pero hindi pa naman ito ang katapusan ng karera ni Marian Rivera. Marami pang araw.
Ramon Tulfo – Batas ng karma ang naghiganti para sa kaniya
Noong maging panauhin namin sa Showbiz Police ang matapang na komentarista at kolumnistang si Mr. Ramon Tulfo ay diretso namin siyang tinanong kung ano ang damdamin niya ngayon sa kaguluhang nagaganap sa pagitan ng mag-asawang nanakit sa kaniya nang literal noong nakaraang taon.
Naiisip din ba niya na bendikasyon para sa kaniya ang mga pagbabatuhan ng putik ngayon sa harapan ng publiko ng mag-asawa? Simple lang ang kaniyang sagot sa aming tanong.
“If I will say that, it’s too self-serving. Pero alam mo, totoong-totoo na kung ano ang ginawa mo sa kapuwa mo, babalik din sa iyo,” banayad pero madiing tugon ng palabang kolumnista at mamamahayag sa radyo at telebisyon.
Hindi na pala niya ipinagpatuloy ang mga kasong isinampa niya laban sa mag-asawa, wala na raw kasing saysay ang hustisya sa bansang ito, bukod pa sa isang malaking abala lang ang pagdalu-dalo sa pagdinig ng kaso.
Hindi man niya ginusto ay ano pa ba naman ang hihilingin pa ngayon ni Kuya Ramon, ano pa bang tagumpay ang gugustuhin niyang makamit, samantalang ang mismong mga kalaban na niyang sina Raymart at Claudine ang nagkakasuhan at nagbabatuhan ng akusasyon ngayon?
Noong pagtulungan siyang saktan ng mag-asawa at ng mga kaibigan nito noong Mayo nang nakaraang taon ay isang payo ang minarkahan niya, mula iyon sa isang taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kaniya, “Huwag mo na silang kasuhan. Gagaling din ang mga pasa mo at mawawala rin ang sakit ng katawan mo.
“Wait for the retribution, siguradong may balik ‘yan sa kanila. Always remember, digital na ang karma ngayon, it will surely come. Just wait. Darating iyon sa isang panahong hindi mo inaasahan.”
Meryll Soriano – Masama ang loob sa amang si Willie Revillame
Hindi namin natutukan ang panayam kay Meryll Soriano, pero ayon sa mga nakapanood ay may tulis daw ang dila ng aktres patungkol sa kaniyang ama, may namamagitan daw bang tampuhan sa kanila ngayon ni Willie Revillame?
Ang huli naming pagkikita ni Meme (palayaw ng atkres) ay noong imbitahan kami ni Wilie na silipin naman ang kaniyang mall. Sinabi sa amin ni Meryll na tinanggihan niya ang pamamahala sa mga negosyo ng kaniyang ama, pero wala naman siyang ipinahiwatig sa amin na mayroon silang hindi pagkakaintindihan.
Basta ang sabi lang niya ay ihininto na raw ni Willie ang pagbibigay ng pang-tuition fee niya sa London, iba na raw ang sumasagot noon, pero hanggang doon lang ang impormasyong nakuha namin kay Meme.
Kuwento ng aming kausap, “May inis kay Willie ang anak niya, ramdam na ramdam iyon sa pagsasalita ni Meryll, hindi maikakaila iyon! Parang gusto niyang sabihin na natutulungan ni Willie ang ibang tao, pero siyang mismong anak, eh, hindi. Pakitanong nga kung may away ang mag-ama?” pang-uusisa pa ng aming kakuwentuhan.
Sa pagkakaalam namin ay si Willie ang sumagot-gumastos sa pag-aaral ni Meryll sa London, pero kung ang aktor-TV host ang tatanungin, mas gusto nitong pamahalaan na lang ng kaniyang panganay na anak ang mga negosyong ipinupundar nito.
“Noon ko pa sinasabi kay Meryll na siya na ang mag-supervise ng mga investment ko. Para naman sa kanilang magkakapatid ang lahat ng ito, kanino ko pa ba naman ipamamana ang mga pinagpapaguran at ipinupundar ko?” natatandaan pa naming sabi noon ni Willie.
Hindi lang namin alam kung pagkatapos noon ay nagkaroon sila ng argumento, puwedeng gusto nang bumalik ni Meryll sa London pero ayaw siyang payagan ni Willie, kaya lumapit na siya sa ibang tao para maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.
Ka Freddie Aguilar – Kontrobersyal ang relasyon sa 16-anyos na dalagita
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling nasa gitna ng usapan si Kaka Freddie Aguilar. Palagi siyang laman ng mga pahayagan ngayon, laging bida sa mga talk shows. Libreng publisidad ang nakukuha ngayon ng magaling na singer dahil sa sinasabi ng DSWD na maling pakikipagrelasyon niya.
Pero kung bilangan ng ulo ang gagawing botohan ay panalong-panalo si Ka Freddie. Kakampi niya ang husgado ng bayan, katwiran ng mas nakararami ay sinusunod lang niya ang sinasabi ng kaniyang puso.
Ganoon din ang aming pananaw sa senaryong kinapapalooban ni Ka Freddie ngayon. Kung may kalayaan tayo sa pamamahayag at sa pagsamba, mayroon din tayong kalayaang magmahal at mahalin.
Hanggang wala silang sinasaktan at sinasagasaan ay walang mali sa kanilang ginagawa, silang dalawa lang ang makapagbibigay sa isa’t isa ng uri ng kaligayahang hinahanap nila. Walang ibang makapaghahandog noon sa kanila kundi silang dalawa lang.
At nasaan ba ang problema? Kinausap na ng DSWD ang mga magulang ng disisais anyos niyang karelasyon. Sinabi ng mga ito na hindi sila kontra sa pakikipagrelasyon ng dalagita kay Ka Freddie. Nasaan ngayon ang anggulo ng problema doon?
Ang mga anak din ng singer ay boto sa babae at sa kanilang relasyon. Labingdalawang taon nang hiwalay si Ka Freddie sa kaniyang huling pakikipagrelasyon, nasaan uli ang anggulo ng problema doon?
Kung may asawa si Ka Freddie at kung may karelasyon din ang babae ay may problema sa kanilang relasyon, pero dahil pareho naman silang malaya, sa ikatlong pagkakataon ay gusto uli naming itanong kung nasaan ang anggulo ng problema doon?
Kung minsan ay masyadong nagiging abala ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagbibigay ng panahon sa mga problemang hindi naman sila dapat ang manghimasok. Napapabayaan tuloy nila ang mga mas mahahalagang aspeto ng kanilang trabaho, at doon sila napapansin ng sambayanan.
James Yap – Masaya sa kaniyang Italian girl friend
Masayang-masaya si James Yap dahil binigyan siya ng pagpapahalaga ng kaniyang Italian girlfriend na si Michaela Cazzola. Pansamantalang lumiban ang dalaga sa kaniyang trabaho bilang bank teller at lumipad papunta sa Pilipinas para lang suportahan ang kaniyang karelasyon sa paglalaro ng basketball.
Gustong-gusto ng pamilya ni James si Michaela. Naipakilala na ito ng basketbolista sa kaniyang mga magulang at kapatid. Masaya ang mag-anak dahil maligaya na uli ngayon ang kanilang kapamilya.
Noong maayos pa ang samahan nina James at Kris Aquino ay nanonood din ang aktres-TV host ng mga laro ng ama ni Bimby. Ang kaniyang mga kapatid naman ang kasa-kasama ni Kris sa panonood, malaking suporta rin ang ibinigay ng namayapang si Tita Cory sa propesyon ni James noon.
Pero umasim nga ang kanilang relasyon, naghiwalay sila at nagkademandahan pa. Ngayon ay may bago nang nanonood kay James Yap sa kaniyang pakikipagbalyahan sa hardcourt.
Puring-puri ng mga tagasuporta ng San Mig Coffee ang girlfriend ngayon ni James Yap na si Michaela Cazzola. Wala raw kasing kaere-ere ang Italyana, saka hindi rin maepal, lumalagay raw sa lugar ang karelasyon ngayon ng pambatong basketbolista ng kaniyang team.
Napakasimpleng babae rin daw ni Michaela, palangiti pa, maganda raw ang PR ng inspirasyon ngayon ni James Yap. Iyon daw ang dahilan kung bakit gustong-gusto ng mga tagasuporta ni James ang Italyana. Pati kasi ang mga ito ay pinahahagalahan ng dalaga, wala itong pinipili.
Ayon kay Michaela ay isang magandang kinabukasan daw ang pinaghahandaan nila ni James, may plano raw silang magpakasal, pero hindi pa sa ngayon.
Kuwento ng isang basketbolistang anak-anakan namin, “Masaya palagi ngayon si bro (James), mayroon na kasi siyang inspiration. Panahon na naman talaga para sumaya si bro, matindi ang pinagdaanan niya, kailangang may inspirasyon na siya ngayon.”
Tama. Kung may karapatang lumigaya si Kris ay ganoon din si James, total naman ay tapos na ang lahat-lahat sa kanila, maayos naman ang usapan nila tungkol sa kustodiya kay Bimby.
Sharon Cuneta – Waging-wagi ang role sa Madam Chairman
Sa wakas, natumbok din ng TV5 ang isang proyektong huhuli sa manonood para kay Sharon Cuneta. Kahit mga bata ay hawak na ngayon sa leeg ng kaniyang Madam Chairman. Aliw na aliw ang mga bagets kay Sharon, ngayon nga lang naman siya gumawa ng ganoong palabas na komedyang-komedya mula umpisa hanggang sa huli ng episode.
Ito ang klase ng panooring hindi niya ginagawa palagi, puro drama ang napupuntang proyekto sa kaniya, bibihira ang katulad ng Crying Ladies noon sa nagustuhan ng ating mga kababayan.
“Ito iyong matagal ko nang gustong gawin, nakakaaliw kasi, walang work kapag ganito, ine-enjoy ko ang taping, masasaya kaming lahat,” kuwento ng Megastar.
Pagkatapos ng kaniyang trabaho ay diretso na agad siya sa bahay. Walang hilig ang Megastar sa pag-istasyon muna sa kung saan-saang lugar kapag tapos na siya, iyon naman ang kaniyang panahon para sa mag-aama niya.
Kapag mahaba-haba ang pahinga ay nagpupunta sila ni Senador Kiko sa kanilang farm, pampaalis niya naman iyon ng stress, nahihilig na rin ngayon ang Megastar sa paghahayupan at paghahalaman.
Hindi raw siya masaya, ayon sa Megastar, maligaya raw siya sa takbo ng kaniyang personal na buhay at karera ngayon. At nakikita naman iyon ng kaniyang mga katrabaho, bumalik na uli ang bungisngis na si Sharon, ang babaeng napakababaw lang ng kaligayahan kung tutuusin sa kabila ng kaniyang yaman at tagumpay.