Oktubre 16 – 31, 2013
![]() |
|
Alyssa Quijano & Charice Pempengco |
|
![]() |
|
Vice Ganda |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta |
|
![]() |
|
Derek Ramsay & Cristine Reyes |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
|
![]() |
|
Chito Miranda & Neri Naig |
Charice at Alyssa – Mahal ng mga bagong kapitbahay
Kuwento ng mga kaibigan naming malapit lang ang tinitirhan sa ipinatatayong bahay nina Charice Pempengco at Alyssa Quijano sa Laguna ay punumpuno raw ng pakikisama sa kanilang mga kapitbahay ang magkarelasyon.
“Walang angas si Charice, kapag may dumadaan sa kanila, ready na agad ang smile niya. Kahit si Alyssa, mabait ang bata, kaya love sila sa community nila,” kuwento ng aming kaibigan.
Nakalipat na pala sila sa bagong bahay at garden na lang daw ang pinagkakaabalahan pa ng dalawa. Para silang nagbabahay-bahayan ayon sa aming kaibigan.
Sa nakaraan nilang concert ni Aiza Seguerra ay diretsong sinabi ni Charice na kung siya ang tatanungin ay gusto na niyang maging maayos ang relasyon nila ng kaniyang pamilya.
Naniniwala siyang isang araw ay darating din ang masarap na pagkakataong iyon. Magkakasundo rin silang mag-ina, matatanggap na rin ng kaniyang pamilya si Alyssa Quijano.
Iyon lang naman ang kinokontra ng kaniyang ina, ang pakikipagrelasyon niya kay Alyssa na ayaw na ayaw nito. Ipinaglalaban naman ni Charice ang kanilang pagmamahalan.
“Opo naman, miss ko na ang mommy at kapatid ko, gusto ko na silang makasama uli. Pero right now, mayroon pa kasi silang gustong gawin ko na hindi ko naman magagawa.
“I love Alyssa, I care for her, hindi ko siya puwedeng talikuran just because iyon ang gustong mangyari ng ibang tao,” madiing paninindigan pa ni Charice Pempengco.
Vice Ganda – Nagwala dahil pinakain ng dalawang dulo ng “tasty”
Sa kalye kung saan nakatira si Vice Ganda ay pinagpipistahan ang kuwento tungkol sa kaniyang mga kasambahay. Kalat na kalat na sa kahabaan ng kalyeng iyon ang istorya kung paano bumibili na lang araw-araw ng mga lutong pagkain ang mga kasambahay ng pamosong komedyante.
Ang dahilan, isang araw ay nagwala sa sobrang galit si Vice Ganda, bilang parusa ay nagdeklara siya na mula sa araw na iyon ay bibili na ng sariling pagkain ang kaniyang mga kasambahay.
Ang kasahog lang niya sa pagkain ay ang kaniyang lolo na sa kaniya nakapisan, pero ang kaniyang mga kasambahay pati ang kaniyang driver, kailangang magkani-kaniya na ng bili ng pagkain mula sa kanilang mga suweldo mula kay Vice Ganda.
May nagtitinda ng mga luto nang pagkain sa kanilang kalye. Doon bumibili ang mga kasambahay ni Vice Ganda. Tipid na tipid ang mga ito sa pagbili dahil napakaliit lang ng kanilang suweldo mula sa komedyante.
Ang bawat kasambahay ni Vice Ganda ay sumusuweldo lang nang two thousand five hundred pesos buwan-buwan. Biyayang matatawag iyon, pero napakaliit pa rin kung tutuusin sa itinatadhana ng batas para sa mga kasambahay.
Sa maliit nilang suweldo pa nila kinukuha ang pambili nila ng pagkain mula nang magalit nang todo si Vice Ganda. May mga pagkakataong bumibili na lang ng sardinas ang mga kasambahay niya. Kung iluluto pa nila ang sardinas ay sila rin ang bibili ng sangkap dahil hindi naman nagbibigay ng pamalengke ang kanilang boss kaya iniuulam na lang nila iyon nang hilaw at diretso mula sa lata.
Natural lang na makisimpatya sa mga kasambahay ang mga tagaroon. Napapailing na lang ang mga ito sa mga ginagawa ni Vice Ganda sa kaniyang mga kasambahay, samantalang milyon ang kinikita niya kada buwan.
Subalit palaging may tatlong panig ang bawat pangyayari. Ang panig ng inirereklamo, ng nagrereklamo, at ng katotohanan.
Inimbestigahan namin ang kuwentong nakarating sa amin. Kumampi naman sa amin ang panahon, nalaman namin ang buong kuwento kung bakit humantong ang pangyayari sa pagkakani-kaniya na nila ng pagkain sa bahay.
Isang raw pala ay nagbilin si Vice sa kaniyang mga kasambahay na magbabaon siya ng sandwich sa studio. Sinunod naman iyon ng kaniyang pinagbilinan, pinabaunan siya nito ng sandwich na gusto niya, pero biglang uminit ang tuktok ng becki sa kaniyang nakita.
Sagana sa palaman ang sandwich, pero ang ginamit na tinapay ay ang magkabilang dulo ng tasty, iyong karaniwang piraso na hindi na natin kinakain at naiiwanan lang sa supot nito.
Pagdating ni Vice Ganda sa kaniyang bahay ay parang kumukulong tubig pa rin ang kaniyang temperament. Tinawag niya ang kaniyang mga kasambahay. Nang tanungin ay nagtuturu-turuan naman ang mga ito kung sino ang naghanda ng sandwich na ang tinapay na ginamit ay ang magkabilang dulo ng tasty.
“Ako ang nagpapakamatay sa pagtatrabaho, ako ang nagpapakahirap maghanapbuhay, ako pa ang pakakainin ninyo ng ganitong klase ng tinapay? Ano kayo, mga amo?
“Puwes, mula sa araw na ito, hindi na ako magbibigay sa inyo ng pamalengke, magkakani-kaniya na tayo ng pagkain, kayo na ang bibili ng pagkain ninyo mula sa inyong mga suweldo! Ang lolo ko lang ang responsibilidad kong pakainin!” Bumubula ang bibig na pagtalak ni Vice Ganda sa kaniyang mga kasambahay.
Nauunawaan namin ang sentimyento ni Vice Ganda, totoo namang siya ang naghahanapbuhay para sila kumain nang maayos at disente. Pero bakit kailangang ang mga gitnang hiwa ng tasty ay ang mga kasambahay pa niya ang nagpista at ang ibinigay sa kaniya ay ang magkabilang dulong panaklob sa sliced bread?
Respeto lang naman ang idinidiin ng komedyante, dahil sabi nga, kung sino ang mayhawak ng pitaka ay iyon ang hari. Sa kaniya dapat ihinahain ang pinakamasarap na bahagi, hindi ang mga tira-tira, dahil siya ang humahanap ng ilalaman sa buslo ng kanilang kabuhayan.
Pero sana rin ay matuto si Vice Ganda na alagaan ang kaniyang emosyon. Hindi niya dapat tinikis sa pagkain ang kaniyang mga kasambahay. Ang biyaya ay hindi matatawag na biyaya hanggang hindi natin ibinabahagi sa ating kapuwa.
Ang biyaya, habang binabawasan natin para ibigay sa mga mas nangangailangan ay mas dumadami. Parang kamote na habang tinatalbusan ay mas yumayabong at nagsasanga-sanga.
At ngayon lang naging malinaw sa amin ang sitwasyon ni Vice Ganda sa ABS-CBN. Maraming staff pala niya ang galit sa kaniya, hindi lang makapagreklamo ang mga ito dahil siguradong mawawalan sila ng trabaho.
Pero may ibang staff si Vice na hindi natatakot. Madulas ang kanilang dila sa pagsasabi na power tripper talaga ang becking komedyante. Ang akala raw siguro ni Vice ay panghabambuhay na ang popularidad na tinatamasa niya ngayon.
Sabi ng isang source, “Noong nag-sorry siya kay Ms. Jessica Sojo, may paiyak-iyak pa siya, kung anu-anong kadramahan ang sinabi niya para makuha ang sympathy ng televiewers.
“Sana, kinunan din ng director ang reaction shot ng mga staff habang nagdadrama si Vice. Nakita rin sana ng manonood na nagtitinginan lang sila, ni walang lungkot sa mukha, dahil hindi sila naniniwala sa mga sinasabi ng host nila.
Hindi na raw bago para sa kanila ang kuwento tungkol sa mga kasambahay ni Vice. Kahit walang paliwanag ay paniniwalaan daw agad nila ang kuwento, dahil kilalang-kilala nga nila ang pagiging power tripper ng kanilang host.
Sharon Cuneta – Wagi ang bagong show ni Mega
Prangkahang sinabi ni Sharon Cuneta na kung siya lang ang bibirahin ay walang problema. Ilang dekada na siya sa showbiz, nakilala na raw niya ang lahat ng klase ng tao sa mundong ito. Hindi na bago sa kaniya ang pagkakagatan nang talikuran.
Pagbibigay pa niya ng ehemplo, “Totoo naman kasing may mga taong makikipagkaibigan ka lang dahil gagamitin ka, mayroon namang makikipag-close lang sa iyo para masabing close kayo.
“But there are people who are good to you because they love you. Iilan lang sila. Mabibilang mo lang sa mga fingers mo, and for me, hindi bale nang iilan lang, basta alam mong totoo sa iyo,” pagdidiin ng Megastar.
Iyon din pala ang palagi niyang ipinaaalala sa kaniyang mga anak, ang pamimili ng mga kaibigang totoo, hindi mga kaibigang putik lang. Ilang beses na kasi siyang namuhunan ng puso, pero sa bandang huli ay siya lang naman pala ang sinsero. Paninira pa ang naging premyo sa kaniya sa bandang huli.
“Ako na lang sanang saktan nila, wala silang maririnig. Pero kapag mga mahal ko na sa buhay ang sinaktan, naku, they will never hear the end ot it. Talagang ipagtatanggol ko ang mahal ko!” sabi pa ni Sharon.
Hindi na raw nagtatapat ngayon si KC Concepcion sa kaniya tungkol sa lovelife nito. Hindi na nila iyon pinag-uusapan, dahil baka natatakot na ang anak niya sa puwedeng mangyari kapag nasaktan na naman ang kaniyang dalaga.
“Mabait ang anak ko, pasensiyosa, pero napuno rin. Hindi puwedeng basta pabayaan ko na lang siyang umiiyak at masaktan. I will really make that person na nanakit sa kaniya know that I’m hurt for my daughter.
Sa isang banda, panalo ang bagong programa ng Megastar na si Sharon Cuneta sa TV5, ang Madam Chairman, nakakaaliw ang mga komentong tinanggap namin mula sa mga hindi Sharonians.
Derek Ramsay – Tinapos na ang relasyon kay Cristine Reyes
Malinaw ang kuwento. Si Derek Ramsay ang nagdesisyong makipaghiwalay na kay Cristine Reyes. Pero dahil maginoo ang hunk actor ay hindi siya nagdesisyon nang mag-isa, kinausap niya nang personal si Cristine. Nagulantang man ang dalaga ay wala itong nagawa kundi ang sumang-ayon na lang sa gustong mangyari ni Derek.
Nakapag-iisip ang ganoong senaryo. Napakabukas ng bibig ni Derek noong mga unang araw ng kanilang relasyon kung gaano siya kaligaya. Mahal na mahal daw niya si Cristine. Masayang-masaya raw siya, dahil ang karelasyon niya ay isang dating kaibigan na kilalang-kilala na niya.
Pero pagkatapos lang ng isang buwan ay iba na ang tugtog. Hiwalay na sila, at kay Derek Ramsay pa nagmula ang aksiyon ng kanilang paghihiwalay.
Bakit kaya? Sa ganoon kaaga kayang panahon ay may nadiskubre si Derek tungkol sa tunay na pagkatao ng dalaga?
Nakausap na namin nang personal si Derek. Nakiusap siya na sana’y maintindihan namin kung hindi man siya magpapainterbyu tungkol sa break-up nila ng dalaga, dahil nangako nga siya sa mommy nito na hindi siya magsasalita.
Basta ang malinaw lang na sinabi ni Derek ay walang may kasalanan sa kanilang dalawa. Maayos daw ang kanilang paghihiwalay, magkaibigan pa rin daw sila hanggang ngayon.
Pero malakas ang kutob namin na habang maaga pa ay nakipaghiwalay na si Derek kay Cristine para hindi masyadong magtagal ang kaniyang pagsasakripisyo.
Noong una pa lang kasi ay marami nang nagpayo kay Derek na paglabanan ang nararamdaman niya para sa dalaga dahil kung maldita raw si Angelica Panganiban ay mas matindi si Cristine.
Nahalata rin ni Derek na kakaunti lang ang maligaya para sa kanila ng dalaga. Kulang na lang na tanungin pa siya ng kaniyang mga kaibigan at kakilala kung bakit si Cristine, samantalang napakarami namang ibang babae diyan?
Willie Revillame – Nagpaalam na sa showbiz
October 12, sa kasagsagan ng bagyo, ay tuluyan nang nagpaalam sa himpapawid ang noontime show ni Willie Revillame. Sa ayaw at sa gusto ng kaniyang mga tagahanga ay kailangan nang kumaway ng pamamaalam ni Willie at ng buong produksiyon. Tapos na ang Wowowillie. Kung saan siya muling mapapanood ng kaniyang mga tagasuporta ay wala pang nakakaalam ngayon.
Pagkatapos ng kaniyang show ay naka-text namin si Willie. Ibinalita niya na naging malungkot nga ang kapaligiran sa studio ng Wowowillie – hindi na raw kasi napigilan ang pagluha ng matatanda niyang tagasuporta.
“Nakakalungkot, talagang hindi na sila nakapagpigil, nag-iiyakan na sa studio kanina. Alam naman kasi ng mga mahal naming lola kung paano namin sila pahalagahan. Ang feeling nila, wala nang magmamahal pa sa kanila nang ganoon katindi,” balita sa amin ni Willie.
Maging si Willie Revillame ay maninibago sa bagong ikot ng kaniyang buhay. Hindi biro-biro ang pagso-show sa loob nang siyam na taon, siguradong hahanapin din iyon ng sistema ng kaniyang katawan.
Ang sabi niya sa isang bahagi ng kaniyang pamamaalam, “Huling araw na po ito ng ating programa, ngayon na lang po tayo magkakasama-sama, iba na nga po ang title ng show natin ngayon, Wawawillie na,” na sinabayan naman ng tawanan ng mga nasa studio.
Pero gaano man ang gawing pagpapanggap ni Willie ay lumalabas pa rin ang matindi niyang lungkot sa pagtatapos ng kaniyang show. Lumantad iyon habang kumakanta siya, dahil nakitang lumuluha ang payaso.
Chito at Neri – May bagong sex video na kumakalat na naman
Nagpipista na naman ang buong bayan ngayon sa ikalawang sultada ng sex video nina Chito Miranda at Neri Naig. Magkaiba ang pag-iilaw ng una at nitong pangalawa. Sa kasalukuyang palabas na tinututukan na ng ating mga kababayan ay mas malinaw silang nakikita. May mga bago rin silang atake sa ikalawa nilang sex video.
Tulad ng dati ay “alipin” pa rin ni Chito si Neri. Siya ang pagod na pagod, siya ang hinete ng isang kabayong napakatamad dahil palaging nakahiga lang.
Ang una ay nasundan na, ang ikalawa ay puwedeng masundan pa uli. Ilang sex video nga kaya nila ang laman ng nawalang laptop ng soloista ng Parokya ni Edgar? Ilang pa kaya ang susunod pagkatapos ng dalawang naunang ito? Matumbok na kaya ngayon ng NBI kung sino ang mayhawak ng laptop ni Chito?
Ang malinaw ngayon ay hindi lang minsan nilang ginawa ang pagbibidyo sa kanilang pagniniig, maraming beses iyon, at kung ano ang dahilan nila sa pagre-record ng pag-akyat nila sa langit-langitan ng kaligayahang pisikal ay tanging sila lang ang nakakaalam.
Basta, isa lang ang sigaw ni Mommy Dionisia Pacquiao tungkol sa sex video nina Chito Miranda at Neri Naig, “Malaswa!”
Raymart Santiago – Matagal nang nagtiis kay Claudine
Naiisip lang namin. Ano kaya ang maghapon ngayon para kay Claudine Barretto? Paano kaya niya pinalilipas ang buong araw ngayong napakagulo ng kaniyang personal na buhay?
Madalas siyang magpunta sa korte ngayon para sa pagdinig sa mga kasong pinaglalabanan nila ni Raymart Santiago. Palagi rin siyang nakikipag-meeting sa kaniyang mga abogado. Ano pa ang naiiwanang oras ngayon para sa kaniyang mga anak?
Kahit siguro sa panaginip lang ay hindi inasahan ni Claudine na mangyayari ang ganito sa kaniyang buhay. Natural lang na puro magaganda ang pinangarap niya para sa relasyon nila ni Raymart bilang mag-asawa, pero bakit nga ba sila nagkaganito?
Kung paniniwalaan natin ang mga nakasaad sa depensa ni Raymart sa mga sinumpaang salaysay ng aktres nang maghain siya ng demanda laban sa kaniyang mister ay matagal na panahon na itong nagtitiis lang.
Ang totoo, noong nakaraang taon pa pala ay hindi na kagandahan ang takbo ng kanilang relasyon. Nagtiis lang daw nang nagtiis si Raymart, hanggang sa pumutok na nga ang balita, hanggang sa humantong iyon sa korte dahil sa pagdedemanda ni Claudine sa kaniyang mister.
Nakakalungkot lang dahil pati ang kaniyang mga kapatid ay kaengkuwentro rin ngayon ni Claudine. Kalaban niya na nga ang asawa niya, wala pa siyang kakamping kapatid at ang tanging nakaalalay sa kaniya sa lahat ng kaguluhang ito ay ang kanilang mga magulang.
Komento ng isang kaibigan nina Raymart at Claudine, “Nasubaybayan namin ang relasyon nila, parang napaka-ideal nila noong una, hanggang sa nabarkada si Claudine sa kung sino-sino. Doon na nag-umpisa ang gulo sa relasyon nila.”
Kung paniniwalaan natin ang mga ganoong kuwento ay hindi na pala nakapagtataka kung bakit nauwi sa wala ang relasyon nina Raymart at Claudine. May pinag-ugatan pala naman iyon. Mayroon palang unang bumitiw sa kanilang sumpaan sa harap ng altar.