Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Hulyo 16-31, 2013

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHulyo 16 – 31, 2013

My Husband’s Lover – Mainit na mainit, paborito ng bayan

my.husbands.lover
Dennis Trillo, Tom Rodriguez & Carla Abellana
jolo.jodi
Jolo Revilla & Jodi Sta. Maria
zoren.carmina
Zoren Legaspi & Carmina Villaroel
claudine.raymart
Claudine Barretto & Raymart Santiago
toni.gonzaga
Toni Gonzaga
daniel.karla
Daniel Padilla & mom, Karla Estrada

Ibang klase talaga ang ating lahi. Kung ano ang mainit, iyon ang sinasalat natin, kung ano ang pinipigilan at ipinagbabawal ay iyon ang gusto nating matikman.

Laganap na nga ang lagnat ng bayan ngayon sa seryeng My Husband’s Lover dahil wala nang pinipiling lugar at okasyon ang pagpipista ng ating mga kababayan sa istoryang pinagbibidahan nina Carla Abellana, Tom Rodriguez at Dennis Trillo.

Kuwento ng isang kaibigan naming nagtatrabaho sa isang malaking laboratoryo ng mga gamot, “Naku, bago kami nagtrabaho, mayroon muna kaming chikahan portion ng mga officemates ko. Ang topic namin, ang mga pinakahuling eksenang napanood namin sa My Husband’s Lover. Kawawa ang hindi maka-relate, kilig na kilig kami kina Vincent at Eric, nakakaloka naman kasi ang mga tinginan nila.

“Saka sa opisina namin, mayroon din kaming sariling Vincent at Eric, may girlfriend sa office namin iyong isang kasamahan namin, pero mas madalas niyang kasabay kumain at umuwi iyong isang officemate namin na medyo mahinhing kumilos.

“Sila ang topic namin palagi, ang peg namin, eh, sina Dennis Trillo at Tom, awang-awa kami sa officemate naming girl na mukhang natutulog sa pansitan!” kuwento ng aming kaibigan.

Sa isang lamay na pinuntahan namin ay ang seryeng iyon din ang pinagkukuwentuhan ng mga bagets. Mga Atenista silang naturingan pero ang My Husband’s Lover ang pinagpipistahan nila.

Mayroon pa silang blind item, “Sino naman ang guy na inis na inis kapag matindi ang traffic? So, para mapanood niya ang favourite series niya, bumili siya ng phone with TV, wala na nga namang nakalalampas na eksena sa kaniya!” sabi ng isang napakaguwapong tisoy na bagets.

Sagot ng pinatatamaan nito, “So, is it a crime? Bakit ba, eh, sa ayokong palampasin ang istorya na iyon! Bakit, ako lang? Sino naman ang classmate natin na hindi mo makakausap sa phone habang nanonood ng My Husband’s Lover?

“At mayroon pa siyang text, ‘Don’t call me, guys, I’ll just call you later.’ O, di ba, puwede ka lang kausapin pag tapos na ang My Husband’s Lover?” ganti naman ng pangalawang bagets.

Hindi mo aakalain na pati sila ay na-magnet na rin ng nasabing serye. Iisipin mo kasi na ang mga anak-mayaman ay hindi mag-uubos ng panahon sa panonood ng mga ganoong programa, pero kabisado nila pati ang pagkakahuli ni Carla kina Dennis at Tom na pasimpleng naglalambingan.

Kinabog talaga ng GMA-7 ang ABS-CBN sa pamamagitan ng seryeng iyon na buong-tapang na pinanindigan ng Siyete, bakit nga naman sila magpapaapekto sa mga umeepal na ihinto ang programa dahil hindi magandang panoorin iyon ng mga kabataan? Sa panahon ngayon na dalawa-singko na lang ang tatsulok na relasyon na ang ikatlong parte ay becki?

Kung gusto ng Dos ay sobrang kayang-kaya naman nilang plakaduhin ang My Husband’s Lover ng Siyete. Kesehodang sabihin pa ng ating mga kababayan na manggagaya lang sila, napakarami nilang artistang puwedeng gumanap sa ganoon ding papel na mas kapani-paniwala pa nga.

Jolo Revilla – Ang tunay na “Sir Chief” ni Jodi Sta. Maria

Hindi na sila mga bagets pero kapag magkasama sila ay parang mga teenagers na kinakikiligan sina Vice-Governor Jolo Revilla at Jodi Sta. Maria. Kahit noong magbakasyon sila sa Boracay ay kinikilig ang mga nagkukuwento sa amin habang pinagmamasdan sa di kalayuan ang dalawa.

Sabi ng isang kaibigan naming becki na super-pintasera at parang palaging nakainom ng purong calamansi juice sa pagmamaasim, “Alam mo iyong pagmamahalang mata lang ang nagsasalita? Sila iyon! Sa pagtitinginan pa lang nina Jolo at Jodi, kikiligin ka na!

“Hindi sila iyong tipong nagpi-PDA (public display of affection) na kuyangyangan nang kuyangyangan sa harapan ng mga tao, basta wala lang, nagtitinginan lang sila. Pero from there, eh, mararamdaman mo na lang na kinikilig ka na sa kanila,” paglalarawan pa ng aming kaibigan.

May anak na si Vice-Governor Jolo kay Grace Adriano na anak ni Rosanna Roces. May anak na rin si Jodi kay Pampi Lacson na ama naman ng ipinagdadalantao ngayon ni Iwa Moto. Pero ang mga kuwento ng kanilang nakaraan ay hindi nakaaapekto sa ganda ng kanilang relasyon ngayon.

Kapag pumasok talaga ang respeto sa isang relasyon ay wala nang kakuwestiyun-kuwestiyon ang pagmamahalan. Sa pagrerespetuhan kasi ay sakop na ang nakaraan, ang ngayon at ang bukas ng mga nag-iibigan.

Malaki ang porsiyento na kapag naayos na ang mga dapat ayusin sa poder ni Jodi ay sa kasalan na mauuwi ang relasyong iyo.

Noong una naming makapanayam si Vice-Governor Jolo Revilla sa radyo ay sinabi niya, “Maraming salamat sa nag-iisang babaeng nagmamay-ari ng aking puso. Ako ang tunay na Sir Chief ng kaniyang buhay, si Jodi Sta. Maria.”

Ilang panahon pa mula ngayon ay magiging ama na ng Cavite ang aktor, at kapag gobernador na si Jolo ay napakaganda ng ipakikilala niyang ina ng kaniyang nasasakupan. Parang si Congresswoman Lani Mercado rin noong maging ama ng mga Caviteño si Senador Bong Revilla.

Zoren at Carmina – Isinawalat ng alalay ang pang-aapi

Sa simula pa lang ng isyung ito ay inuuna na namin ang pagsasabi at pang-iimbita kina Zoren Legaspi at Carmina Villaroel na bukas ang kolum na ito para sa kanilang panig. May ilalaan din kaming espasyo para sa kanila bilang sagot sa idinulog na reklamo ng kanilang driver-alalay-boy-yayo na si Moises sa Ang Latest.

Si Moises ay kasa-kasama na ni Zoren mula pa nung 1996, binata pa siya noon. Dating utility sa Regal Films si Moises na kinuhang alalay ng aktor at tumira na rin sa kanilang babay sa Doña Juana Subdivision.

Mula noong 1996 hanggang noong 2012 ay isang libo lang ang suweldo ni Moises kina Zoren at Carmina, pero dahil sa paulit-ulit nitong pakiusap na taasan naman ang kaniyang suweldo. Ngayong 2013 ay apat na libo na ang buwanang suweldo ni Moises mula sa mag-asawa.

“All around po ako sa kanila. Minsan, driver ako, minsan naman, PA. Kapag wala kaming trabaho sa labas, nasa bahay po nila ako, naglilinis. Nasabi ko na po kay Boss Zoren na baka naman puwedeng taasan nila ang suweldo ko, pero ang sagot po niya, eh, wala naman akong pamilyang binubuhay.

“Gusto ko po sana na kapag nagkita kami ng mga magulang ko, ng mga kapatid ko, eh, may maibigay naman ako sa kanila. Pero wala po, hindi pa rin niya tinataasan ang sahod ko.

“Mahal ko po sila, pati ang kambal, mahal ko. Masyado lang po akong nasaktan dahil noong pinagbakasyon nila ako, pagbalik ko po sa Maynila, tsinek ko ang SSS at Philhealth ko, walang laman.

“Wala pong kalaman-laman ang SSS ko, ang Philhealth ko naman, noong February lang nila hinulugan, 1,800 po. Sinabi nga po sa akin ng nakausap kong officer ng SSS na puwede ko raw silang ireklamo dahil hindi nila hinuhulugan ang SSS ko.

“Nag-text po ako kay Boss Zoren, tinanong ko siya kung bakit walang laman ang SSS ko. Ang sabi niya, kausapin ko raw si Karina, iyong secretary nila ni Ma’m Carmina. Ang sabi naman po ng secretary, nanggaling daw siya sa opisina ng SSS, in-update daw po niya ang bayad mula 2011 hanggang ngayong 2013. Pero wala po talagang kalaman-laman. Hawak ko po ang record ko.

“Ilang ulit po akong nag-text kay Boss Zoren, nagmamakaawa po ako sa kaniya, baka puwede akong makahiram ng pera para maipambigay sa magulang ko. Pero wala po siyang reply, kaya nagbaka-sakali akong mag-text kay Ma’m Carmina.

“Pero ang sagot po niya sa akin, ‘Kailan mo kukunin ang mga gamit mo dito, ipamimigay na ba ito o ibebenta, nilinis na kasi ni Z ang kuwarto mo!’ Z po ang tawag niya kay Boss Zoren.

“Hindi po ako galit sa kanila, iyong kambal, napamahal na rin po sa akin. Sinabi ko kay Boss Zoren na kung nilagyan lang nila ang SSS at Philhealth ko, hindi naman ako magkakaganito. Inilabas ko lang po ang nararamdaman ko,” umiiyak na pagtatapat ni Moises sa Ang Latest.

Kinuha ng programa ang panig ni Zoren Legaspi tungkol sa usapin ng SSS at Philhealth na ipinagdaramdam ni Moises, ang kaniyang sagot, “Me laman ang SSS niya, hindi lang nag-reflect. You can verify sa main office. Mayroon din siyang Philhealth.”

Mula 1996 hanggang 2012 ay isang libo kada buwan lang ang naging suweldo ni Moises mula kay Zoren. Ibig sabihi’y labing-anim na taong isang libo lang ang buwanang sahod nito mula sa mag-asawa.

Iiwanan po namin sa inyo ang pagbabalanse kung sino ba sa kanila ang nasa wastong lugar para magreklamo sa ganitong takbo ng kuwento.

Caludine at Raymart – Sala sa lamig, sala sa init

Sala sa init, sala sa lamig. Ganoon kung ilarawan ng mga taong malapit kay Raymart Santiago si Claudine Barretto. Hindi na umaasa ang kampo ng aktor na magkakabalikan pa sila ni Claudine, napakarami na kasing nagaganap na hindi maganda sa kanilang relasyon. Malabo na ang pagbabalikan nila ngayon.

Ang pinakahuling kuwento ay maghahatian na ng kanilang mga properties ang mag-asawa. Mauuna na ang hatian kesa sa petition for annulment na nakatakdang ihain sa husgado ng aktres. Marami nang sikat na personalidad ang gumawa ng ganoon.

“Ang gustong mangyari ni Claudine, e, ang ayusin muna ang hatian nila ng properties, okey naman iyon sa mga abogado niya, kaya tinimbrehan na nila si Raymart na ganoon ang mangyayari.

“Madali lang namang kausap si Raymart, kaya ang sagot niya, e, okey lang, maghihintay na lang siya ng pasabi mula sa kampo ni Claudine kung ano-anong documents ang kailangan niyang pirmahan.

“Sinabihan na si Claudine ng manager niya na huwag na muna siyang magsasalita habang hindi pa nakapipirma si Raymart, pero ano’ng ginawa niya? Inupakan niya si Raymart sa Facebook, galit na galit siya, kung ano-ano na namang paninira ang ibinabato niya sa mister niya!

“Nainsulto siguro siya dahil umoo agad sa hatian ng properties si Raymart. Nainsulto siya, dahil ang akala siguro niya, e, papalag si Raymart, hindi papayag, dahil umaasa pa rin siyang maaayos ang lahat sa pagitan nila ni Claudine.

“E, hindi ganoon ang nangyari, sumagot agad ng oo si Raymart, kaya sobrang insult ang na-feel ni Claudine! Sira na naman ang pangako niya sa manager at mga lawyers niya na mananahimik na siya.

“Ano ba kasi ang gusto niyang mangyari? Sala sa init, sala sa lamig ang babaeng iyon, mahirap siyang ispilengin! Pagod na sa kaniya si Raymart, kaya magiging ilusyon na lang ang pagbabalikan nila!” inis na kuwento ng aming source.

Toni Gonzaga – Suplada na ba ngayon dahil sikat na sikat na?

Bakit kaya palaging laman ng mga blind items at mga kuwentong pabulong si Toni Gonzaga? Napakaraming istoryang nagsasangkot sa singer-actress sa pagsusuplada, sa pagmamaldita, nakararating kaya sa kaniya ang mga ganoong reklamo?

Kapag may mga nakararating na kuwento sa amin tungkol doon ay napapailing na lang kami. Hindi kasi ginagawang biro ang mga ganoong komento, ginagamot ang ganoon para mabura ang hindi kagandahang impresyon tungkol sa kaniya.

Wala kaming ganoong karanasan kay Toni. Ang totoo ay ipinagmamalaki pa nga namin siya dahil sa ganoong estado ay wala naman kaming nararamdamang pagbabago sa kaniyang ugali. Pero bakit kalat na kalat ang mga kuwento ng pagmamaldita ni Toni?

Sabi ng ilang kasamahan namin sa panulat ay kailangan daw bumalik uli sa kolehiyo si Toni Gonzaga para kumuha ng subject tungkol sa tamang pakikitungo sa tao.

Kung kami naman ang tatanungin ay walang eskuwelahang tumututok sa ganoong aspeto, ang naturalesa ng tao ay nagsisimula sa tahanan, sa bahay muna bago sa kalye.

Kris at James – Gag order para sa kabutihan ni Bimby

Nakabuti para kina James Yap at Kris Aquino ang pinairal na gag order ng husgado. Kung tutuusin ay hindi naman kailangang pigilan ng korte sa pagsasalita ang basketball star. Talaga namang wala na itong kibo kahit noon pa, pero nakaganda para kay James ang gag order ng husgado.

Imadyinin natin ngayon kung walang ganoon, ano ang mangyayari kay James? Dahil kapag nagsimula nang magsalita si Kris ay para siyang gripong hindi nauubusan ng tulo.

May mga PRO si Kris. Puwede rin siyang magpainterbyu sa ibang manunulat para lang mailabas ang kaniyang saloobin. Pigang-piga sigurado si James kung walang gag order sa kanila ang korte.

Nang makausap namin si Attorney Lorna Kapunan, abogado ni James, ay sinabi nito sa amin na lahat ng napagkasunduan ng magkabilang panig sa huling pagdinig ng kaso ay para sa kapakanan at kabutihan ni Baby James.

“Everything is for the good of their son,” maigsing komento lang ni Attorney Kapunan. Kahit ang mga abogado nina James at Kris ay kailangang sumunod sa gag order.

May bago nang karelasyon si James ngayon, Italyana ang kaniyang girlfriend. Si Kris naman ay loveless pa rin dahil ayaw raw ng kaniyang mga anak na makipagrelasyon siya.

Si Kris pa? Sinasabi lang niya ngayon ang ganiyan dahil wala pa naman talagang nanliligaw sa kaniya. Sino ba namang lalaki ang maglalakas-loob na manligaw sa aktres-TV host, mayroon ba?

Pero kapag nakakita na siya ng lalaking makikipagtagisan sa kaniyang estado ay siguradong wala nang magagawa ang kaniyang mga anak. Papasok pa rin siya sa relasyon, may karapatan naman kasing lumigaya rin si Kris.

Sana nga ay magkaroon na siya ng lovelife para hindi na niya binubulabog ang nananahimik na si James Yap. Harinawa.

Daniel Padilla – Tapos na ang sakripisyo ng inang si Carla Estrada

Pinakamainit at pinakasikat na young actor ngayon si Daniel Padilla. Kahit saan ay si Daniel ang gustong makuha sa kanilang mga selebrasyon, mabentang-mabenta siya talaga ngayon, kaya unti-unti rin niyang natutupad ang kaniyang mga pangarap para sa pamilya niya.

Nasaksihan naman kasi ni Daniel kung gaano katinding pagsasakripisyo ang pinagdaanan ng mommy niyang si Karla Estrada para lang maitaguyod silang magkakapatid.

Matindi iyon, lahat halos ng mga promoters na nagdadala ng mga artista sa malalayong probinsiya ay tinatawagan ni Karla para lang siya kumita, dahil maraming gastusin ang kaniyang mga anak na nagsisipag-aral na.

Naaalala pa namin ang paglapit noon ni Karla sa kaniyang mga kaibigan, halos lahat yata ay nautangan na nito. Alam iyon ni Daniel kaya noong kumikita na siya nang malaki-laki ay inuna niya ang kanilang pamilya.

Napapanood namin ang TV commercial ng mag-ina ngayon. Bagong pag-ibig ni Daniel si Lily, ang makasaysayang Lily’s Peanut Butter na kinalakihan na ng sambayanang Pinoy ang sarap at ang lasa.

Dahil kay Daniel ay buhay na buhay ngayon ang career ni Karla. Nagkakaroon ito ng mga raket na kasama ang kaniyang anak. Naging mabait ang kapalaran kay Karla Estrada dahil sa ginawa nitong pagsasakripisyo at pagsisikap para sa kapakanan ng kaniyang mga supling.

Masaya kami para kay Karla Estrada. May paraan talaga ang kapalaran para bigyan ng regalo ang mga taong masikap at matiyaga.

Jinkee Pacquiao – Hindi naman suplada, insecure lang

Walang gaanong kuwentong lumalabas ngayon tungkol sa mag-asawang Congressman Manny Pacquiao at sa kaniyang vice-governor na misis na si Jinkee. Bakit kaya?

Kahit noong iniisa-isa na ang mga personalidad na tumakbo noong nakaraang eleksiyon, nanalo man o natalo, ay hindi ganoon kaingay ang pangalan ng mag-asawa.

Kumusta naman kaya ang serbisyong ibinibigay ngayon ng vice-governor ng Saranggani? Pumapasok kaya siya sa kaniyang opisina sa Kapitolyo na dala-dala ang kaniyang mga branded bags? Iyon kasi ang naging isyu kay Jinkee noong panahon ng kampanya.

Sabi ng aming source na may kamag-anak na taga-Saranggani, “Nasusupladahan sila kay Jinkee. Hindi raw kasi approachable ang itsura niya! Mas lumalapit pa sila kay Pacman, ma-PR daw kasi ang congressman nila, unlike Jinkee na palaging nakasimangot!” kuwento ng aming source.

Mukha lang namang maldita ang itsura ng misis ng Pambansang Kamao, pero kapag nakasama mo na siya nang matagal-tagal ay mabubura ang ganoong impresyon. Ang totoo ay matindi ang insekuridad sa katawan ni Vice-Governor Jinkee.

Kapos siya sa tiwala sa kaniyang sarili, parang nalulula pa siya sa mga biyayang dumarating sa kanilang buhay. Mula nga naman kasi sa napakasimpleng buhay ay biglang bumongga ang kanilang kabuhayan.

Matalim lang tumingin ang misis ni Pacman, pero wala sa kaniya iyon. Simpleng-simple pa nga siya kung tutuusin kesa sa ibang personalidad diyan na nagkaroon lang ng kaunting suwerte ay akala mo pag-aari na ang buong mundo.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles