Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Hunyo 16-30, 2013

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHunyo 16 – 30, 2013

Ai Ai Delas Alas & Jed Salang – noong maligaya pa 
Ai Ai Delas Alas & Jed Salang – noong maligaya pa
Charice 
Charice
Charice at ang kaniyang steady girlfriend, Alyssa Quijano 
Charice at kaniyang steady girlfriend, Alyssa Quijano
Aiza Seguerra 
Aiza Seguerra
 Vice Ganda
Aga Mulach & Charlene Gonzales
Kris Aquino
Kris Aquino

Ai Ai Delas Alas – Gusto pang ipahiya ng abusadong ex

Galit na galit kay Jed Salang ang mga tunay na nagmamalasakit at nagmamahal kay Ai Ai Delas Alas. Sinagot na kasi ng dating karelasyon ng Comedy Concert Queen ang mga ihinain niyang reklamo laban sa lalaking mahigit na isang taon din niyang nakarelasyon at pinakasalan pa nga salas Vegas kamakailan.

Naghain din ng TPO (Temporary Protection Order) si Jed Salang, mayroon pa itong hiling na gag order sa korte. Ibig sabihi’y pinagbabawalan nito ang komedyana na magpainterbyu tungkol sa kanilang umasim na relasyon.

Puwedeng pagbigyan ng korte ang hiling ni Jed, maaaring sabihan si Ai Ai na huwag nang magbibigay pa ng anumang impormasyon tungkol sa kanilang nasirang relasyon. Pero hindi doon nagsisimula at nagtatapos ang lahat.

Kahit pa hindi magsalita ang komedyana ay maraming nagmamahal sa kaniya. Naging mabuti ang pakikitungo ng Comedy Concert Queen hindi lang sa mga manunulat, kundi pati na sa kaniyang mga kapwa artista na aangat at siguradong magsasalita para siya maipagtanggol sa istorya ng pag-iibigan nila ni Jed.

Dapat sana’y paalis ang Comedy Concert Queen para sa isang concert sa ibang bansa, pero hindi niya iyon itinuloy. Gusto niyang dumalo sa unang araw ng pagdinig sa mga kasong isinampa niya laban sa lalaking pinakasalan niya salas Vegas na si Jed Salang.

Kung tutuusin, dahil si Ai Ai delas Alas naman ang nagdemanda ay puwede nang ang kaniyang abogado na lang muna ang dumalo sa hearing, kung kailan na lang siya kailangan ng husgado ay saka siya kailangang pumunta.

Talagang gustong ipahiya ng lalaki si Ai Ai dahil sa sinumpaang salaysay nito ay nakasaad na ang komedyana pa mismo ang lumapit sa kaniya para makipagkilala.

Mabuti na lang at nandiyan pa at buhay at buhay sina Direk GB Sampedro at Erik Santos na kasama ni Ai Ai noong gabing napakalakas ng loob na lumapit sa kanilang mesa si Jed Salang.

Ang lalaki ang lumapit at nakipagkamay kay Ai Ai. Nagulat pa nga ang kaniyang mga kasama kung saan ito humugot ng lakas ng loob na lumapit, dahil hindi naman madalas mangyari ang ganoon.

Noong umalis na sina Direk GB at Erik Santos ay nagpaiwan pa si Ai Ai, pero mayroon siyang kasama. Gusto bang palabasin ni Jed ngayon na sa unang pagkakita pa lang ng komedyana sa kaniya ay ayaw nang humiwalay ng babae?

Ano ba namang klase ng lalaki ang magdidiin pa ng ganoong senaryo? Nakakahiya ang mga gustong palabasin ni Jed. Parang ang gusto nitong palutangin ay patay na patay na agad si Ai Ai sa kaniya sa unang gabi pa lang ng kanilang pagkikilala, kawalan ng respeto ang maitatawag sa ganoong pahayag.

At sabihin na nating ganoon nga ang nangyari. Sakyan na natin ang trip ni Jed Salang na si Ai Ai nga ang nagpaka-trying hard na magkakilala sila. Ano naman ang mga sumunod na pangyayari pagkatapos noon?

Ang kaladkarin si Ai Ai sa casino? Ang hindi man lang bigyan ng pagpapahalaga ang imahe ng kaniyang karelasyon?

Natural, dahil isang bulag na mangingibig si Ai Ai noong mga panahong iyon na puro kaligayahan lang ng lalaki ang gustong ibigay, sumasama naman sa kaniya ang komedyana.

Charice – Diva? Sinayang ang training ni Oprah, David at Ellen

Matinding pang-aabala ang ginawa ni Charice Pempengco noong Miyerkules (June 12) nang gabi sa taping ng Talentadong Pinoy. May kani-kaniyang lakad ang mga hurado, pero hindi makapagsimula ng taping, dahil wala pa si Charice na uupo rin bilang judge sa talent search ng TV5.

Alas sais nang gabi ang calltime, pero alas nuwebe na siyang dumating, nanggaling pa raw kasi siya sa Laguna at nasapul sila sa daan ng malakas na ulan.

Natural, naiinis na ang lahat sa studio habang naghihintay sa kaniya. Hindi nga naman kasi nirespeto ng international singer ang kanilang oras. Alam niya naman na hindi makapagsisimula ang show nang kulang pa ang mga hurado, pero ganoon ang kaniyang ginawa, dumating siya nang gabing-gabi na.

Noong nasa X-Factor pa si Charice bilang hurado ay ganito rin ang mga kuwentong naglabasan tungkol sa kaniya. Masyado raw mapagpaimportante si Charice. Ayaw niyang may kasama siya sa dressing room at napakahirap tawagin kapag kailangan na siya sa stage.

Sayang naman ang training niya kina David Foster, Oprah Winfrey at Ellen DeGeneres kung ganyan ang pinaggagagawa niya. American time dapat ang pinaiiral niya dahil ganoon ang pamamalakad na nagisnan niya sa bansa ni Uncle Sam. Pero bakit kabaligtaran noon ang ipinakikita niya ngayon?

Madiing pinabulaanan ni Aling Raquel Pempengco ang kuwento na ang totoong ikinagagalit niya sa nagaganap ngayong hidwaan nila ni Charice ay ang pagkakatigil ng kaniyang sustento.

Ikinakaila iyon ni Aling Raquel. Mula raw noong 2010 ay mayroon nang humahawak sa kinikita ng kaniyang anak sa Amerika. Ito raw ang kumokontrol sa labas at pasok ng pananalapi ng international singer, kaya walang katotohanan na sustentado pa rin sila hanggang ngayon ng kaniyang anak.

Anuman ang nagaganap sa kanila ngayon ay malinaw ang sinasabi ng pangyayari. Naging mabuting anak si Charice sa kaniyang pamilya, kahit pa hindi niya naman obligasyon ang ganoon.

Mula raw noong 2010 ay hindi na siya umaasa kay Charice, nanggaling daw iyon sa kaniyang anak. Gusto na raw nitong magsolo sa buhay na inunawa niya naman.

Kung totoo raw na hanggang ngayon ay sinusustentuhan pa rin siya ni Charice, bakit daw siya nanghihingi ng tulong sa kanilang mga kamag-anak, talagang pinaninindigan iyon ng ina ng international singer.

Pero kung matatandaan, sa isang panayam ay nabanggit ni Aling Raquel na panay-panay ang pagwi-withdraw ng pera ni Charice, kung saan daw iyon dinadala ng kaniyang anak ay hindi niya alam.

Namo-monitor niya ang labas at pasok ng pera sa bangko ni Charice. Galit na galit siya nang makarating sa kaniya ang impormasyon na naglabas nang milyon ang singer.

“Ang pinagdududahan nilang pinagkakagustusan ni Charice ngayon, eh, si Alyssa Quijano, pati raw ang family ni Alyssa, kay Charice na lang umaasa ngayon. Iyon ang talagang ikinagagalit ngayon ng mommy ni Charice,” sabi ng aming source.

Pero wala na silang magagawa, matindi na ang pagmamahalan nina Charice at Alyssa ngayon. Nakapagbuo na sila ng sariling mundo at sinumang manghimasok at kumontra sa kanilang pag-iibigan ay itinuturing na nilang kalaban.

“Saka pera iyon ni Charice, hindi obligasyon ng anak na buhayin ang pamilya nila. Iyong pagtulong sa ginagawa niya noon, eh, kunsiderasyon na lang, never an obligation!” pagdidiin naman ng isang nakakuwentuhan namin.

Alyssa Quijano – Bakit kaya kinababaliwan ni Charice?

Matindi ang pagkontra ni Aling Raquel at ng ina nitong si Nanay Tessie kay Alyssa Quijano. Ang dahilan, bumiyahe ang mag-ina pabalik sa napakatagal nang panahon noong mga kontesera pa lang sina Charice at Alyssa.

Sinisira-siraan daw kasi ni Alyssa at ng pamilya nito si Charice. Ang mga ito raw ang namimintas-nanglalaglag noon sa batambata pang si Charice, kaya ganoon na lang ang galit ni Nanay Tessie at ni Aling Raquel sa kasalukuyang pag-ibig ng deklaradong tibo na si Charice.

Takang-taka ang mag-ina kung bakit at paanong si Alyssa Quijano ang minahal ni Charice. Napakarami raw namang babae diyan, pero kung bakit si Alyssa pa ang napiling makarelasyon ng international singer?

Ang dalaga ang itinuturing na mundo ngayon ng international singer. Nagsumpaan sila na magmamahalan hanggang sa dulo ng walang hanggan. Iyon ang malinaw na naka-tattoo ngayon sa mismong leeg ni Charice.

Magsisimula raw sila sa forever, kahit pa hindi naman ipinapangako ang bukas para sa mga nagmamahalan. Walang pakikinggang galit, opinyon at katwiran ngayon si Charice dahil lulong na lulong siya sa pagmamahalan nila ni Alyssa Quijano.

Walang ibang dapat gawin ngayon ang lola at ina ni Charice kundi ang maghintay sa takdang panahon na makatatanggap na si Charice ng mga pangaral at suhestiyon.

Aiza Seguerra – Mas may delikadeza kaysa kay Charice

Tama ang obserbasyon ng mga kaibigang nakakausap namin. Ang mga kuwentong nag-uugnay ngayon kay Charice Pempengco at sa kaniyang pamilya ay hindi nangyari kay Aiza Seguerra na aminado ring tibo.

Magkaiba naman kasi ang kanilang istorya. Mula sa pagiging child star ay biglang nawala pansamantala si Aiza. Nang bumalik ito, kakaiba na ang kaniyang dating. Brusko na ang dating batang sumasayaw na parang bibe sa Eat…Bulaga.

Kumbaga ay nagkabiglaan na lang si Aiza at ang publiko. Walang sabi-sabi, basta lalaking-lalaki na ang dating nito nang muling magbalik sa pagkanta.

Ito namang si Charice ay naglantad nang husto. Noon pa napapabalitang pusong-lalaki nga ang international singer, pero wala tayong anumang naririnig mula sa kaniya. Nagulantang na lang ang lahat nang umamin si Charice na totoo ngang babae rin ang hanap niya.

“I find Aiza’s revelation more discreet, iyon ang reason kung bakit wala tayong napanood na negative reaction from her parents. Basta nandiyan na lang siya, tomboy na, walang kung ano-anong kuwento!” pagtatanggol ng aming impormante.

Ang kay Charice kasi ngayon ay naging karnabal. Pinagpipistahan ang kaniyang paglaladlad. Pati ang kaliit-liitang kuwento tungkol sa kanilang pamilya ay bahagi ngayon ng mga kuwentuhan sa bangko, sa palengke, sa talipapa at sa kahit saan.

Mas simple ang pagharap sa katotohanan ni Aiza Seguerra. Ang kay Charice Pempengco naman ay may mga kasamang kuwitis ng pasabog, magkaibang-magkaiba pero iisa lang naman ang rebelasyon.

Vice-Ganda – Binabantayan ng ng MTRCB, dapat noon pa

Binabantayan na ngayon ng MTRCB ang mga programang minamaneho ni Vice Ganda. Iyon ang naging aksiyon ng ahensiya dahil sa dami ng reklamong lumulutang ngayon sa mga social networking sites kontra sa may kagaspangang atake ng komedyante sa kaniyang mga shows.

Kung tutuusin ay huli na ang aksiyong ito dahil matagal nang tinutuligsa ng ating mga kababayan ang hindi napapanahong pagkokomedya ni Vice sa katanghalian. Minantikaan kasi ang kaniyang dila, walang tali, kung ano ang gusto niyang sabihin ay wala siyang pakialam sa kaniyang mga masasagasaan.

Ang mga pagmamaasim kasi ay hinahalakhakan lang sa una, pero sa katagalan ay iniluluwa na rin, tulad ng uri ng pagpapatawa at pagho-host na alam ni Vice Ganda.

Isang gabi ay nag-iiyak daw itong si Vice Ganda sa isa niyang kaibigan. Masakit daw ang hagulgol ng becking komedyante, nagpapalahaw talaga siya.

Tinablan na siguro siya ng super-negatibong komentong nakakalat na parang basura sa halos lahat ng social networking sites. Wala naman kasing pumupuri sa kaniyang ginawa sa respetadong news anchor na si Jessica Soho, puro nega ang inaabot niya ngayon mula sa ating mga kababayan.

Nagmayabang pa kasi siya sa isang interbyu pagkatapos ng ginawa niyang panglalait-paglalaro sa pagkatao ni Ms. Soho. Ang akala raw niya ay mawawasak siya ng mga negatibong komento ng mga kababayan natin, hindi pa rin daw naman pala at mayroon pa siyang ilalakas.

Komento ng isang nakakakilala kay Vice Ganda nang mula ulo hanggang paa, “Kilalang-kilala namin siya. Kahit iyong panghihingi niya ng apology kay Jessica Soho, hindi namin kinakitaan ng sincerity.

“Ginawa niya lang iyon para mabawasan ang mga haters niya, pero hindi iyon galing sa puso, para pa rin sa career niya ang pag-a-apologize na iyon. Si Vice pa? Aysus, kilalang-kilala namin siya,” komento ng aming kausap.

Sa totoo lang. Sobra-sobra na kasi ang paniniwala ni Vice Ganda sa kaniyang sarili, tingin niya ay napakasikat na niya, isang uri ng katanyagan na wala nang katapusan.

Kris Aquino ­– Dapat iwasan ni James Yap ayon sa korte

Kinatigan ng husgado ang hiling ni Kris Aquino na hinding-hindi na siya maaari pang lapitan ngayon ng ama ng kaniyang anak na si James Yap. Kapag nasa paligid-ligid lang si Kris at nalaman iyon ng basketbolista ay ito ang dapat umiwas. Ang ama ni Bimby ang dapat gumawa ng paraan para hindi sila magkaengkuwentro ng aktres-TV host, iyon ang nakasaad sa mga dokumentong legal na kalalabas pa lang mula sa husgado.

Pero sa hiling ni Kris na hindi na puwedeng malapitan ng kanilang anak na si Bimby si James, o ni James si Bimby, ay denied ang kaniyang hinihingi sa korte.

Kunsabagay ay noon pa naman nagsasabi si James na wala na itong pakialam pa kay Kris. May kani-kaniyang buhay na sila ngayon at tanggap na tanggap na ng basketball player nang isandaang porsiyento ang kanilang sitwasyon.

Ang tanging gustong mangyari na lang ni James ay ang makita-makasama ang kanilang anak. Iyon na lang ang inaasahang mangyari ng basketbolista, wala na itong keber kung magkita man sila ni Kris o hindi na habambuhay.

Salamat naman at nasilip ng husgado ang nararapat para sa mag-ama, lalo na para sa lumalaki nang si Bimby. Iyon naman talaga ang ideyal na dapat mangyari sa mag-ama sa pagpapawalang-bisa sa kasal nina James at Kris.

Iyon nga lang lumaki ang isang bata sa isang pamilyang magkahiwalay ang mag-asawa ay napakahirap na. Iyon pa kayang lumaki ang anak na alam niya namang mayroon siyang tatay pero hindi man lang niya makita, dahil ipinagbabawal iyon ng kaniyang ina?

Huwag naman. Mabuti naman at pinahalagahan ng husgado ang pagkakaroon ng isang normal na buhay ni Bimby. Tama na ang mga kapritso. Ang kapakanan na lang ng bata ang kailangang bigyan ng pagpapahalaga sa ganitong sitwasyon.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles