Mayo 16 – 31, 2013
![]() |
|
Jolo Revilla |
|
![]() |
|
Mayor Joseph Ejercito Estrada
|
|
![]() |
|
Governor Vilma Santos |
|
![]() |
|
Grace Poe
|
|
![]() |
|
Aga Mulach & Charlene Gonzales
|
|
![]() |
|
Charice Pempengco & Ayie |
Vice Gov. Jolo Revilla – Isa sa pinakabatang nahalal sa eleksyon
Isa si Vice Governor Jolo Revilla sa mga pinakabatang politikong nagtagumpay ngayong eleksiyon. Napakasuwerteng aktor-politiko dahil sa unang pakikipaglaban niya sa mas mataas na posisyon ay nanalo siya kaagad.
Noong Martes (Mayo 14) nang hapon ay nakapanayam namin ang nagwaging vice-governor ng lalawigan ng Cavite. Ayon kay Jolo ay hindi lang ang kaniyang pagtatagumpay ang pinaghuhugutan niya ng kaligayahan ngayon, kundi pati ang pananalo ng kaniyang inang si Congresswoman Lani Mercado, Mayor Strike Revilla at tiyahing si Rowena Bautista bilang konsehal.
Matamis ang tagumpay na ito para kay Vice-Governor Jolo Revilla dahil kung matatandaan, noong kasagsagan ng kampanya ay umakyat pa sa entablado ng kanilang kalaban si P-Noy para lang sabihing hindi dapat nagpapadala ang mga botante sa papogian lang at mga agimat na hindi naman totoo.
Ano ngayon ang masasabi ng mga nangmaliit noon kay Jolo Revilla? Paano iyan, gumana at nagtrabaho nang husto ang kaguwapuhan at ang makasaysayang agimat ng kaniyang lolo at ama?
“Basta ang sa akin lang po ay ipagpapatuloy ko ang dati ko nang ginagawang sinserong paglilingkod sa aking mga kababayan sa Cavite. Lahat ng aking ipinangako sa kanila ay kailangan kong tuparin.
“Kailangan kong panindigan ang aking mga sinabi dahil alam ko na doon nila ako susukatin. Nasa puso ko po ang paglilingkod, tututukan ko ang mga pangangailangan ng aking mga constituents,” sinserong sabi pa ni Vice-Governor Jolo Revilla.
Pinasalamatan din ng pangalawang tagapamuno ng lalawigan ng Cavite ang nag-iisang babaeng nagmamay-ari ng kaniyang puso ngayon na malaking tulong at suporta rin ang ibinigay sa kaniya sa labang ito - si Jodi Sta. Maria.
“Maraming salamat sa tiwala at suporta niya sa akin, napakalaki ng naitulong niya sa laban kong ito,” naniningkit pa ang mga matang pahayag ng batambatang aktor-politiko.
Mayor Erap at Vice Mayor Isko – Mga bagong lider ng Maynila
Maligayang-maligaya ang industriya ng lokal na aliwan ngayon dahil sa tagumpay ng mga personalidad na pumagitna sa nakaraang halalan. Minaliit sila noong una, ginamitan ng linyang “artista lang,” pero hindi iyon nagpahina ng kanilang mga kalooban para ituloy ang kanilang laban.
Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay pormal nang ipinahayag ang bagong punong-lunsod ang Maynila. Proklamado na sina Mayor Joseph Ejercito Estrada at Vice-Mayor Isko Moreno bilang mga bagong lider ng lunsod ng Maynila.
Napakasakit ng mga salitang ipinakain ni Gen. Lim kay Pangulong Erap, masyadong pinersonal nito ang laban. Hindi ito sumentro sa tunay na isyu kundi ibinabalik pa nito ang alaala ng kahapon na kung tutuusin ay ipinanghingi na ng tawad ng simbahan kay dating Pangulong Joseph Estrada.
At gusto naming saluduhan nang malayuan ang bagong tagapamuno ng lunsod ng Maynila sa kalinisan ng kaniyang puso sa hindi pagtatago ng galit o kahit sama ng loob lang sa mga taong nakapananakit sa kaniyang damdamin.
Napatunayan na niya iyon sa pagpapatawad kay Governor Chavit Singson na nagsilbing mitsa sa pagkawala niya sa puwesto. Nakaya niyang alisin ang bara sa kaniyang puso nang magkita sila at magkausap. Ganoon din ang sinasabi niya ngayon sa estado nila ni G. Alfredo Lim.
Si Mayor Joseph Ejercito Estrada ang literal na ehemplo ng taong hinahamon-sinasaktan ng kapalaran pero patuloy na itinatayo ng panahon.
Gov. Vilma Santos – Hindi pa ipinapanganak ang tatalo kay Ate Vi
Sa lalawigan ng Batangas ay walang kahirap-hirap din ang pinagdaanang matagumpay na laban ni Governor Vilma Santos. Hindi naman sa minamaliit namin ang kapasidad ng mga nakaengkuwentro niya sa posisyon pero bago pa nag-eleksiyon ay puwede nang magbakasyon sa ibang bansa ang Star For All Seasons para mamahinga-magbakasyon na lang.
Ayon na rin sa kaniyang mga nasasakupan ay hindi pa ipinanganganak ngayon ang tatalo kay Governor Vima sa kanilang lalawigan. Ga-graduate sa pagiging gobernadora ang aktres na kakambal ang malinis niyang pangalan. Malayong biyahe ng serbisyo talaga ang ibinibigay sa mga pulitiko ng sinseridad at katapatan.
Matagumpay rin sa kaniyang laban bilang kinatawan ng kaniyang distrito sa Ormoc ang aming kasama sa Ang Latest na si Congresswoman Lucy Torres-Gomez, pero hindi naging kasingsuwerte niya ang kaniyang mister na si Richard Gomez. Hindi pa siguro talaga nakadisenyo ang mundo ng pulitika para kay Goma sa mga panahong ito.
Sana nga ay huwag nang magbago pa ang numerong inirerehistro ng unang pagtatangka ni Aga Muhlach sa mundo ng pulitika. Panalo na rin siya sa giyerang ito.
Namamayagpag din siyempre si Vice-Mayor Isko Moreno, si Congresswman Alfred Vargas at si Governor ER Ejercito.
Sen. Grace Poe – Karapatdapat talagang ihalal ang anak ni FPJ at Susan Roces
Walang duda ang kasikatan ng dating MTRCB Chairman na si Grace Poe Llamanzarez na gumawa ng milagro sa labanan ng mga senador.
Gustung-gusto namin ang kababaan ng kalooban ni Senador Grace Poe nang sabihin niya na maraming beses siyang nagdasal at hiniling niya sa Panginoon na sana’y maipanalo niya ang laban at mabigyan siya ng magandang numero para sa katahimikan ng kaniyang kalooban.
“Pero nasorpresa ako. Hindi ko inasahan na ganito pala kagandang numero ang isasagot ng Diyos sa aking hiling. Kahit ako’y hindi makapaniwala sa magandang numerong kinaroroonan ko ngayon,” mapagkumbabang pahayag ng nangungunang pangalan sa hanay ng mga naglaban-laban sa pagka-senador.
Gumagana pa rin ang karisma ng namayapang Hari Ng Aksiyon sa kaniyang mga mahal sa buhay. May kampana pa rin sa tenga ng ating mga kababayan ang pangalang Fernando Poe, Jr. Sabi nga ni Senador Grace Poe ay nasa paligid lang ang kaniyang ama na umaalalay sa kaniyang mga pangarap.
Shalani Soledad – Natalo dahil sa sama ng ugali ng isang campaign staff?
Kung maraming personalidad na nagtagumpay sa kanilang laban noong nakaraang eleksiyon ay mayroon din siyempreng nagtangka pero hindi nakalusot.
Isa sa mga dahilan kung bakit nagdesisyon si Shalani Soledad na maging co-host noon ni Willie Revillame ay para umingay ang kaniyang pangalan. Mayroon na siyang inaasintang posisyon noon, mas mataas kesa sa pagiging konsehal, pinag-usapan noon si Shalani Soledad.
Bago dumating ang halalan ay nagpakasal pa sila ni Congressman Roman Romulo, kaya ang komento ng ating mga kababayan ay bagay na bagay sila, dahil tatakbo ring kinatawan ng Valenzuela City si Shalani.
Noong pumutok ang balitang tatakbo siyang kongresista sa Ikalawang Distrito ng siyudad ay maraming nagkomento, pader ang kaniyang babanggain, pero walang nakapigil sa kaniyang ambisyong maging kinatawan.
Mukhang mali ang hindi niya pakikinig dahil ang matagal niyang pinaghandaang ambisyon ay nauwi sa wala. Natalo si Shalani, hindi niya na makakasama sa Mababang Kapulungan ang kaniyang mister.
Pero gaano katotoo ang mga umiikot na kuwento na kung si Shalani lang ay mayroon pa sana siyang tsansang makasungkit ng posisyon pero may mga tao raw sa kaniyang paligid na hindi nagustuhan ng kaniyang mga kadistrito?
Kuwento ng isang source, “Iyon ang nakasira sa kaniya, hindi naging maganda ang dating niya sa mga kadistrito niya, mukhang nagmalabis ang taong iyon na hindi pa man, eh, ang dami-dami nang ginagawang hindi nakaganda sa pangalan ni Shalani,” sabi nito.
Bata pa naman si Shalani Soledad, mayroon din siyang pusong handang maglingkod. Palaging may lugar kahit saan ang mga taong may sinseridad ang ginagawa.
Julia Barretto – Pinakamaganda sa mga batang artista ngayon
Magaling magdala ng problema ang baguhang youngstar na si Julia Barretto. Napaka-cool ng bagets, hindi siya sagot lang nang sagot. Kung iba-ibang kabataang artista lang si Julia ay siguradong nagamit na ngayon ang situwasyong kinapapalooban ng kaniyang ina at mga tiyahin.
Positibo si Julia. Palagi siyang naniniwala na isang araw ay magkakausap din ang magkakapatid na Barretto at matatapos na rin ang hidwaang namamagitan sa kanila.
Napakagandang bata, magaganda talaga ang naging produkto nina Dennis Padilla at Marjorie Barretto, pero ang angat sa kanilang mga anak ay si Julia talaga.
Sa hanay ng mga baguhang artista ngayon sa Dos ay si Julia ang pinakamaganda at matalino. Sana’y mahasa rin siyang umarte mula sa mga workshops na dinadaluhan niya. Maitayo sana niya uli ang bantayog ng mga Barretto na wala naman sigurong kokontra kung sasabihin naming tumagibang talaga nang dahil sa mga kontrobersiyang kinasangkutan nila.
Barretto family – At last, nanahimik na ang bangayan
Tahimik na ang kapaligiran sa pamilya Barretto. Hindi sila nakipagpaligsahan sa eleksiyon. Wala nang umeksena pa uli para makipagkampihan kina Gretchen at Claudine.
Siguro nga ay pinakinggan ni Mommy Inday ang isang kaibigang nagpayo sa kaniya na tumigil na sa paglalabas ng kaniyang emosyon dahil sa kasasalita niya ay lalo lang lumalaki ang gawak ng kaniyang pamilya.
Nagsimula at natapos ang kaguluhan nila nang walang anumang nanggaling na komento mula sa pamilya ni Raymart Santiago na nakipaghiwalay kay Claudine. Maraming nagtangkang mag-interbyu sa action star pero puro ngiti lang ang isinasagot nito at ang pagpapasa kay Claudine ng pagkakataong magsalita.
Si Claudine naman, buking na buking na ngang wala na si Raymart sa kanilang bahay ay nagpakuha pa ng retratong kunwari’y nililinis ang magarang kotse ng kaniyang mister, mapatunayan lang na hindi sila naghiwalay.
Ano kaya ang saloobin ngayon ni Kuya Ramon Tulfo sa lahat ng mga kaganapang ito? Napapailing na lang siguro nang malakas ang matapang na kolumnista.
Daniel Padilla – Inuuna ang kaligayahan ng kaniyang pamilya
Kundi magbabago ang ugali at propesyonalismo ni Daniel Padilla ay siguradong magtatagal ang bagets na ito sa kaniyang pinasimulang posisyon sa showbiz. Ang anak na may magandang kalooban at marunong tumanaw ng utang na loob ay pinagpapala.
Bago ang kaniyang sariling granatsa sa buhay ay inuuna muna ni DJ ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ngayon ay mayroon na siyang ipinagagawang bahay hindi lang para sa kaniya kundi para sa kaniyang ina at mga kapatid.
“Napakabait na bata. The night before niya pinuno ang Araneta Coliseum, e, magkakasama pa kami sa house nila. Natetensiyon na kasi si Karla, kaya kailangan namin siyang samahan.
“Nandoon lang si Daniel, patakbo-takbo lang sa bahay nila, nakikipaglaro siya sa anak kong si Harvey. Simpleng-simple, walang kaere-ere, kaya noong makita ko nang punumpuno ang Araneta, e, napaluha ako.
“Parang hindi kasi siya iyong bagets na wala lang, nakikipaglaro lang the night before his concert. Noong lumabas na siya at halos wala na kaming marinig na boses niya dahil sa dagundong ng buong Araneta, e, naalala kong bigla ang pagkabata ni DJ.
“Iginapang siya nang husto ni Karla, alam na alam ko ang kuwento kung paano siya nakapag-aral, kung paano siya lumaki, alam ko lahat iyon, kaya napakasaya ko sa success niya ngayon,” puring-puri ni Tates Gana ang kaniyang pamangkin-anak-anakan.
Wala ring kahit sinong nagrereklamo sa ginagawang pakikitungo ng bagets actor sa kaniyang mga kapwa artista, kaibigan at katrabaho. Propesyonal siya, tahimik lang, nagdedeliber ng inaasahan sa kaniya ng network na tumutulong sa kaniya.
“May mga kuwentong lumalabas na kung minsan daw, e, parang may attitude na rin si Daniel. Wala po. Talaga lang ganoon ang tao, may araw na parang pagod na pagod siya, kailangan ng pahinga, pero hindi nangangahulugan iyon na nagbago na siya, na nagsusuplado na siya.
“Unang-una, hindi naman nagpanggap si Daniel kahit kailan na si Superman siya, na wala siyang kakulangan, hindi siya perfect,” pagtatanggol sa batang aktor ng isa niyang katrabahong beteranong aktor.
Charice Pempengco – Ibang-iba na ang image, sayang
Ang mga ispekulasyon at haka-haka tungkol sa kasarian ng international star na si Charice Pempengco ay nagkaroon ng hugis at linaw sa ipinalabas na panayam sa kaniyang Lola Tess at sa isang nagngangalang “Mike” sa Ang Latest Updated kamakailan lamang.
Malinaw ang mensahe. Nagrerebelde ngayon si Charice na nagtangka pa palang ipapulis ang kaniyang inang si Raquel. Diumano’y nagpakasal din salas Vegas ang singer at si Courtney Blooding na tumatayo niyang road manager.
Pero ang pinakahuling balita ay may isa pang babaeng napapabalitang karelasyon ngayon si Charice. Ito ang miyembro ng isang all-female band na sumali sa isang talent search kung saan siya naging hurado kamakailan. Nagsasama na sila sa isang bahay sa Laguna pero kumuha ng mga ahente ng NBI ang ina ng dalaga at binawi ito kay Charice.
Windang na windang ang kalooban ng Nanay Tessie ni Charice na nagpalaki sa kaniya, ito ang ina ni Raquel na inaway-away nito noon, pero silang mag-ina ngayon ang magkakapit-bisig para idiretso ang para sa kanila’y maling daan na tinatalunton ni Charice.
“Nakarating din sa akin na lalaki ka na raw, pero ang masasabi ko lang, may monthly period ka pa rin, anak. Matagal ko nang alam na nagrerebelde ka, pero sana, ang sakit na nararamdaman ngayon ng mommy mo, eh, nararamdaman mo rin.
“Ang sabi nga, blood is thicker than water, pero bakit ganyan, sa nakikita ko sa iyo, eh, parang mas matimbang na ang tubig kesa sa dugo para sa iyo,” mensahe ni Nanay Tessie para sa kaniyang mahal na apo.
Ayon sa kampo ni Raquel ay nauubos daw ang pera ni Charice dahil sa babae at sa mga taong nakapalibot sa kaniya ngayon. Nagkaroon pa pala ng insidenteng iniuuwi ni Raquel ang kaniyang anak, pero tumawag ng mga pulis si Charice, sinasaktan daw siya ng kaniyang ina.
Komento ni Nanay Tess, “Pero ang sinabi mo, eh, pagpapapatayin mo silang lahat o magpapakamatay ka kapag pinilit ka. Mali iyon, bunso, maling-mali, salita ‘yan ng mga nagda-drugs.”
Kay Charice kailangang manggaling ang katotohanan, siya lang ang makapagsasabi kung totoo bang nagpakasal na sila ni Courtney Blooding sa Las Vegas, gaano rin katotoo na mayroon siyang planong kasamahin sa kaniyang bahay sa Laguna pero binawi ng kaniyang ina ang babaeng nagngangalang Ayie.
Kuwentong-Singapore naman ito noong minsang nakita ng mga kababayan nating matagal nang naninirahan-naghahanapbuhay doon si Charice Pempengco na nagsi-shopping kasama ang napabalitang pinakasalan niya salas Vegas na si Courtney Blooding.
Kuwento ng aming kausap, “Grabe pala talagang makaporma si Charice! Lalaking-lalaki siya, machung-macho, kung makaakbay siya sa blonde niyang kasama, eh, parang gusto niyang isigaw sa buong mundo na ang laki-laki ng kargada niya!
“Mhin na mhin siya, talagang girl na girl naman ang drama ng kasama niyang tisay, parang kanila lang ang mundo, may pahalik-halik pa si Charice sa girl habang nag-iikot sila!
“At ang twang ng Charice Pempengco, nakuha na niya ang twang ng Lola Oprah Winfrey niya! Ang bigkas niya sa twenty dollars noong may binibili siya, eh, tuweni! Laban kayo doon?
“Nakakagulat ang Charice na iyon! Noong umalis kasi kami dito ng family ko para mag-stay na sa Singapore, eh, kapapanalo pa lang niya sa Little Big Star. Magaling siya, pero hindi ko talaga akalaing maglaladlad pala siya nang ganyan katindi!” napapailing pang kuwento ng aming source.
Aiza Seguerra – Mas may delikadeza kung ihahambing kay Charice
Labas ang pagkondena sa kanilang lantad nang kasarian ay palaging napagkukumpara sina Aiza Seguerra at Charice Pempengco ngayon. Pareho silang produkto ng talent search, sumikat, parehong naging tomboy.
Pero pagpuna ng mas nakararami, nagbukas man ng kaniyang tunay na damdamin si Aiza ay hindi naman ito kasing-OA ni Charice na kailangan pang magparetrato na machung-macho siya. Pino ang ginawang paglalantad ni Aiza kumpara sa parang ipinagsisigawan pang gender ni Charice.
Discreet si Aiza, tahimik lang. Samantalang si Charice ay masyadong maingay at parang uhaw na uhaw na sabihin sa buong mundo na babae nga siya pero ang kaniyang puso at damdamin ay katulad ng sa isang lalaki.
Sabi ng isang kaibigan namin, “Saka hindi inaway ni Aiza ang parents niya sa pag-aming tibo nga siya. Hindi siya bumukod agad, kasama pa rin niya ang mga magulang niya, hindi tulad ni Charice na ipinapulis pa ang mommy niya dahil sinasaktan daw siya.
“Ano ba naman iyon? Kundi siya matanggap agad ng mommy niya sa inilantad niyang gender, eh, di maghintay siya? Alangan namang asahan niyang maiintindihan agad siya, eh, nakakagulat naman talaga ang transformation niya!” komento ng aming source.
Guy & Pip – Magbabalik ang 1970’s love team sa isang TV5 project
Live naming nakasama Ang Latest Updated ang Supestar na si Nora Aunor. Ibang-iba talaga ang kaniyang karisma. Ang mga dinatnan niya sa dressing room na ipinagamit sa kaniya ay parang pansamantalang nagsihinto ang ikot ng mundo, ang iba pa nga ay naglabasan, saka nila pinagpistahan ang Superstar noong nasa labas na sila.
Kababalik lang nila mula sa Nueva Vizcaya kung saan kinunan ang kabuuan ng ginawa nilang pelikula para sa TV5, ang Kuwento Ni Mabuti, ibinalita ng aktres na purong Ilokano ang mga dayalog niya sa nasabing proyekto.
“Doon na lang sa set ko pinag-aaralan ang mga dialogue, magaling kasi ang Ilokano coach namin, mabilis siyang magturo. Lima lang kaming artista sa indie movie, puro locals na ang mga nakasama namin doon,” balita pa ng magaling na aktres.
Pero ang nakatutuwang balita ay ang muli nilang pagsasama ng orihinal niyang ka-loveteam noong dekada 1970 na si Tirso Cruz III. Isang bagsakan lang iyon, When I Fall In Love ang magiging titulo noon para sa telecine ng TV5, si Direk Joel Lamangan ang mamamahala.
Siguradong ikatutuwa ng kanilang mga tagahanga ni Pip ang proyektong sisimulan na nila ngayong May 25 ang shooting. Aminin natin ang katotohanan na ang kanilang tambalang Guy & Pip ang pinakasikat noong kanilang kapanahunan, mga beterano nang personalidad ang nagsasabi na walang tumalo sa katanyagang iyon ng kanilang loveteam.
“Para sa mga tagahanga namin ni Pip ang project na ito. Nasa iba-ibang bansa na ang marami sa kanila, nagkaedad na sila, pero mas marami pa rin ang nandito at nakasuporta sa amin.
“Isang bigay lang ito para sa TV5, minsanan lang, pero sigurado namang masisiyahan sila dahil parang isang buong pelikula na ang mapapanood nila sa pagbabalik-tambalan namin ni Pipo,” nakangiting balita ng Superstar.
John Lloyd Cruz – Ipinagtanggol si Angel laban sa pananakit ni Diether
“Matindi talagang magalit ang taong pasensiyoso at mabait,” ganoon ang paglalarawan ng aming source tungkol kay John Lloyd Cruz. Totoo iyon. Hindi nga naman kasi basagulero ang sikat at magaling na aktor.
May pinag-ugatan ang komento ng aming impormante. Kamakailan lang kasi ay sinugod ni John Lloyd si Diether Ocampo sa set ng seryeng Apoy Sa Dagat.
Galit na galit si John Lloyd, hinamon niya ng suntukan si Diet. Noon lang nakita ng mga taga-ABS-CBN si John Lloyd na pulang-pula sa galit at nagbibitiw ng mga salitang hindi kinayang sikmurain ni Diether.
Ang walang labis at walang kulang na kuwento ng aming source, “Napasugod si Lloydie sa set dahil kay Angelica (Panganiban). Nagsumbong sa kaniya si Angel tungkol sa ginawa sa kaniya ni Diether.
“Sa isang eksena kasi, eh, babatuhin lang dapat siya ng bag ni Diet, pero isinunod na ibinato sa kaniya ang isang flower vase. Tinamaan si Angelica sa paa, masakit na masakit ang tama, kaya sinabi niya iyon kay John Lloyd.
“Galit na galit si Angelica dahil wala namang ganoong kasama sa scene. Bag lang ang ibabato sa kaniya, walang flower vase, pero ganoon ang ginawa ni Diet. Ang sabi ni Angelica, ayaw na niyang makatrabaho si Diet dahil sa mga ginagawa sa kaniya.
“Matagal na pala iyon, eh! Kahit pala sa Ruby noong magkasama sila, eh, mayroon nang ganoong scenario. Kaya ang sabi ni Angelica, ayaw na niyang makasama sa kahit anong project si Diet, tapusin na raw ang serye, dahil punumpuno na siya!” unang kuwento ng aming source.
Walang ama si Angelica Panganiban, walang kapatid, alangan nga namang ang ina nito ang pagsumbungan ng aktres para kumompronta kay Diet? Noon nito tinawagan si John Lloyd, nagsumbong ito sa kaniyang boyfriend, ipinagtanggol naman ng magaling na aktor ang kaniyang girlfriend.
“Galit na galit si Lloydie, sinugod niya talaga si Diet na napatunganga lang noong makita siyang galit na galit. Pinagmumura niya si Diet, talagang pinagmumura siya ni Lloydie!
“Tumigil na lang si Lloydie noong sumigaw ang executive producer ng serye, ‘Not on my set!’ sabi. Marespeto si John Lloyd, pero minsan pa niyang sinabihan si Diet.
“Ang sabi niya, ‘Okey, hindi dito. Pero ayoko nang marinig pa uli na sinaktan mo ang girlfriend ko! Huwag na huwag ko na uling maririnig iyon, dahil tayong dalawa ang maghaharap! Lalaki sa lalaki!’
“Nag-sorry si Lloydie sa staff and crew, pagkatapos noon, nag-usap lang sila ni Angel, umalis na siya. Sabi na nga ba, ibang klaseng magalit at mapuno ang mabait. Ngayon lang nangyari ang ganyan, masamang magalit si Lloydie!” kuwento uli ng aming source.
Gusto naming maniwala na walang intensiyon si Diether Ocampo na saktan si Angelica Panganiban. Mas gusto naming isipin na siguro’y masyado lang siyang nadala sa eksena. Kaya kasunod ng bag na pinag-usapan, naisunod niya ang pagbabato ng flower vase sa dalaga.
Pero ibang usapan na kung mayroon palang pinanggagalingan si Angelica. Panahon pa diumano ng pinagsamahan nilang serye noon ay ganyan na si Diet. May karapatan nang magreklamo ang aktres kapag ganoon.
Dahil ayaw nang makasama pa sa eksena ni Angelica si Diet ay gumawa ng paraan ang produksiyon. Kapag likod lang naman ng dalaga ang ipakikita sa eksena ay mayroon itong double, kapag walang tutok sa mukha ni Diether ang kinukunang eksena ay mayroon din siyang kadobol. Kapag kailangang-kailangan na lang talaga sa istorya na magkaharap sila ay saka nangyayari ang ganoong eksena.
At gaano katotoo ang umiikot na kuwento na si Diether Ocampo ang palaging dahilan ng pagtatagal ng kanilang taping? Bukod sa napaka-late na niyang dumarating sa set, hindi pa niya maitawid ang maiigsi lang namang dayalog sa eksena. Nakalilimot diumano ang hunk actor sa kaniyang mga linya? Ham actor?