Oktubre 1 – 15, 2014
Daniel Padilla – Biktima ng traydor at pekeng kaibigan
![]() |
|
Daniel Padilla & Kethryn Bernardo |
|
![]() |
|
Coco Martin |
|
![]() |
|
Gerald Sibayan & Ai Ai delas Alas |
|
![]() |
|
Jasmine Curtis Smith, Perci Intalan & Nora Aunor |
|
![]() |
|
Heart Evengelista |
|
![]() |
|
Marion Aunor |
|
![]() |
|
Marian Rivera |
|
![]() |
|
Robin Padilla |
Ipinagtatanggol ng kaniyang tiyuhing si Robin Padilla ang pinakasikat na teen actor ngayon na si Daniel Padilla. Sa halip na ang kaniyang pamangkin ang gawing pulutan ng mga bashers, ayon sa action star ay ang traydor na kaibigan ni DJ ang dapat sisihin-upakan, dahil ito ang naglagay sa young actor sa maselang sitwasyon.
Hinahanap na nga ngayon ni Robin ang nangtraydor na kaibigan ni Daniel. Gusto niyang harap-harapang pangaralan ang hunyangong lalaki. Marami siyang gustong sabihin sa nagpapanggap na kaibigan ng heartthrob.
“Kung may pagkakamali man si DJ sa nangyari, iyon, e, ang hindi pag-andar ng radar niya sa pamimili ng kakaibiganin! Pinagkatiwalaan niya iyong tao, inasikaso pa, wala siyang kaalam-alam na ang taong iyon pa pala ang magpapahamak sa kaniya!
“Doon lang siya puwedeng butasan, dahil sa lumabas na voice clip niya, e, wala naman siyang binastos, wala siyang tinapakan, isang kuwentuhang-panglalaki lang iyon na natural na nangyayari sa isang nagbibinatang katulad niya!
“Nakakaawa naman si DJ! Huwag naman nilang masyadong saktan ang bata, dahil wala siyang inagrabyadong tao sa voice clip na inilabas ng nangtraydor niyang kaibigan daw!” sarkastiko pang pahayag ng host ng Talentadong Pinoy.
Wala sa kanilang bahay si Karla Estrada nang mag-imbita ng mga kaibigan si DJ, sa may likod-bahay nila umistambay ang tropa dahil may bilyaran at basketball court doon, natural lang na sa pagitan ng paglalaro ay nagpapahinga rin ang magkakaibigan.
Isang dating kaibigan ni Daniel noong nasa Mandaluyong pa sila ang nag-tape ng kanilang kuwentuhan at saka nito inilabas sa social media, natural lang na napasama na naman ang batang aktor, dahil mayroon na siyang Kathryn ay may type pa pala siyang iba?
Galit na galit si Karla Estrada sa nangyari, inasikaso na nga naman ni DJ ang taong iyon ay nagawa pa rin siyang traydurin, panay-panay ngayon ang pagpapaalala at pangaral ng aktres sa kaniyang anak na piliing mabuti ang kaniyang mga kakaibiganin.
Wala namang partikular na pangalan ng babae na binanggit sa kuwentuhan si Daniel, nandoon lang ang kilig sa kaniyang pagsasalita, pero ginawang malaking isyu iyon ng taong pinatuloy na niya sa kanilang bahay ay kinaya pa siyang wasakin nang walang kalaban-laban.
Kailangang maging maingat na ngayon si DJ sa pakikipagkaibigan, panahon niya ngayon, anumang tungkol sa kaniya totoo man o imbento lang ay puwedeng maging malaking kontrobersiya.
Gabriela – Tinuligsa ang kawalang-galang sa kababaihan ng Bench show
Sentro ng pagpansin-pagtuligsa ngayon ng grupong Gabriela ang partisipasyon ni Coco Martin sa The Naked Truth kung saan ipinakita ang magaling na aktor na balot na balot ang katawan pero may hila-hilang isang tisay na babae na parang asong kinakaladkad ng guwapong aktor.
Tinalian sa leeg ang babaeng pasirku-sirko pa habang rumarampa si Coco. Mistulang aso talaga ang babae na kumikilos ayon sa paghila ng mayhawak ng tali, hindi nga naman kagandahan ang insinwasyon noon.
Para sa grupong Gabriela ay kawalan iyon ng pagrespeto sa mga kababaihan, pantay na karapatan ang kanilang ipinaglalaban, pagkatapos ay makakakita ka ng isang babaeng tinalian sa leeg at hinihila-hila ng isang lalaki.
Makabuluhan ang pananaw ng Gabriela. Hindi dapat pinapayagan ang ganoong akto na nakababawas kundi man nagnanakaw na mismo sa respetong dapat ibinibigay sa mga kababaihan, agad namang humingi ng dispensa ang pamunuan ng Bench sa reklamo ng makababaihang grupo.
Walang ipinakitang hubad na harapan o likuran si Coco Martin sa nasabing rampahan, pero sa kabila noon ay matinding palakpakan pa rin ang isinalubong sa kaniya, hindi na raw kailangan pang magpakita ng anumang tagong bahagi ng kaniyang katawan si Coco Martin para maramdaman ang kaniyang presensiya.
Sa susunod ay dapat nang mag-ingat ang mga utak na bumubuo ng konsepto ng palabas para walang ibang taong nadadamay at walang grupong napapaklahan sa kanilang atake.
Ai Ai Delas Alas – Inamin na ni Gerald na “on” sila ni Ai Ai
Gerald Sibayan ang pangalan ng badminton player ng De La Salle University na sinasabing karelasyon ngayon ng Comedy Concert Queen na si Ai-Ai delas Alas.
Kung wala pang anumang kumpirmasyon ang komedyana tungkol sa pinagpipistahang balita, ang bagets naman ay umamin na, totoong girlfriend nito ngayon ang Comedy Concert Queen.
Nagkalapit ang kanilang loob dahil si Ai-Ai ang isa sa mga tumatayong managers ng Badminton team ng DLSU. Sa madalas nilang pagsasama sa practice at sa mismong laban ng team ay sobrang nagkalapit sina Gerald at Ai-Ai.
Dumadaan na naman ngayon sa matinding pagpansin ang komedyana. Kinukuwestiyon ng mas nakakarami ang katandaan niya nang 30 taon kay Gerald, parang anak na lang daw niya ang atleta.
May mga nag-aalala rin na baka love on the rebound lang daw ito dahil kagagaling lang ng komedyana sa isang masaklap na karanasan kay Jed Salang, sana raw naman ay hindi, sana’y pag-ibig talaga ang dahilan ng pakikipagrelsyon niya kay Gerald Sibayan.
Imateryal na ang pagitan ng kanilang edad, wala namang pinaiiral na kautusan tungkol sa edad ang pakikipagmahalan, kung saan maligaya ang tao ay doon siya dapat lumugar.
Iyon ang pinakamahalaga. Hindi ang katayuan sa buhay, hindi ang edad, hindi ang kung anu-ano pang dahilan.
Nora Aunor – Dapat pasukin ng fans ang Dementia nang hindi langawin sa box office
Kahit para man lang sa unang pagtatangka ni Sir Perci Intalan sa pagdidirek ay gusto naming magtagumpay sa takilya ang pelikulang Dementia ni Nora Aunor.
Nakita kasi namin ang matinding dedikasyon na iniukol ni Sir Perci sa proyektong ito, halos doon na natuon ang kaniyang buong panahon, bukod pa sa totoo namang magaling umarte ang Superstar at maganda ang kabuuan ng pelikula.
Nakapanglulumo ang mga unang pigurang nakarating sa amin tungkol sa resulta sa boxoffice ng Dementia. Hindi kagandahan ang numero, pero umaasa kami na sa dalawang araw na nakaraan ay nakabawi iyon.
Ngayon dapat ipakita ng mga tagahanga ni Nora Aunor ang tunay na pakahulugan sa salitang suporta. Hindi iyon naipakikita sa pagtalak at pang-aaway sa mga taong hindi sumasang-ayon sa mga ginagawa ng kanilang idolo. Ang tunay na suporta ay ipinararamdam sa panonood ng mga proyektong ginagawa ni Nora Aunor.
Ano’ng mangyayari sa pakikipag-away, makadadagdag ba iyon sa ticket sa takilya? Ano rin ang mangyayari sa pamba-bash ng mga taong pumipitik kapag palso ang ginagawa ng kanilang idolo?
Kung totoong milyon pa rin ang tagahanga ni Nora Aunor hanggang ngayon, punuin dapat nila ang mga sinehan. Siksikin nila iyon para hindi sabihin ng ibang tao na nakakakuha nga ng mga parangal dito at sa ibang bansa ang kanilang idolo pero nilalangaw naman ang mga ginagawang proyekto.
SA mga umpukang-showbiz ay paboritong pagpistahan ngayon ang mga pasaring at disgusto ni Nora Aunor sa TV5. Hindi nagustuhan ng mga kababayan natin ang kaniyang mga reklamo, dahil pagkatapos nang walong taong pamamalagi sa Amerika dahil wala na nga siyang ginagawa dito sa Pilipinas, ang TV5 ang nagbigay sa kaniya ng ikalawang pagkakataon para muling makabalik sa gitna ng laban.
Napakalaking tulong ang ibinigay sa kaniya ng network. Hindi matapus-tapos noon ang pagsusuob ng mga papuri at pasasalamat ng Superstar sa TV5, pero ngayon ay iba na ang tono ng kaniyang mga pananalita.
Pinabayaan daw siya ng istasyon. Dalawang tele-serye lang daw ang ibinigay sa kaniya at ang mga sumunod ay puro guestings na lang. Nang magkasakit daw siya ay ibinawas pa ng TV5 ang nagastos sa ospital sa kaniyang kontrata.
Ayaw nang makipag-argumento pa sa kaniya ng mga tagapamuno ng TV5, kung ayaw na raw pumirma uli ng kontrata ni Nora sa istasyon sa pagtatapos ng kaniyang kontrata ngayong Oktubre ay karapatan niya iyon, good luck na lang ang masasabi ng network sa kaniya.
Heart Evangelista – Tinanggap na muli ng magulang, paano si Sen. Chiz?
Totoong nagkaroon na ng puso-sa-pusong pag-uusap si Heart Evangelista at ang kaniyang mga magulang. Sa naganap na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng aktres at ng kaniyang pamilya ay ang kaniyang ama ang unang nagbaba ng bandera.
Lumalambot na ang puso ng kaniyang ama, pero ang mommy ni Heart ay matigas pa rin, ayon sa aming impormante ay natanggap na nito si Heart pero hindi ang kaniyang mapapangasawa.
Naging masalimuot ang relasyon ni Senador Chiz Escudero at ng pamilya ni Heart. Hindi madaling kalimutan ang lantarang pagpapainterbyu ng mga ito tungkol sa pag-ayaw sa mambabatas.
Sino ba naman ang makalilimot sa mga pintas at pagpunang pinakawalan noon ng mag-asawang Evangelista laban sa magiting na senador?
Sa unang pagkikilala pa lang nila, ayon sa mga magulang ni Heart, ay lasing ang senador at pasalampak na naupo sa isang couch.
Nawasak sa pagkakataong iyon ang madalas nating paniwalaan na “best foot forward,” dahil sa unang pagtatagpo pa lang ng senador at ng mga magulang ni Heart ay X na agad ang markang nakuha nito, nakakatakot pa naman ang unang impresyon dahil iyon ang tumatatak.
Komento ng kaibigan naming propesor, “Tinanggap na si Heart ng parents niya, pero siya lang, hindi kasama si Senator Chiz. Clearly, anak kasi nila si Heart, walang magulang na makatitiis sa anak.
“It’s a game of waiting, tingnan na lang natin kung darating ang pamilya ni Heart sa kasal nila ni Senator Chiz,” nag-aalinlangang komento ng aming kausap.
Marion Aunor – New Female Recording Artist of the Year
Maligayang-maligaya ngayon si Maribel Aunor dahil nagwagi ang kaniyang panganay na si Marion bilang New Female Recording Artist Of The Year sa katatapos lang na PMPC Star Awards For Music.
Sa lahat ng anggulo ay karapat-dapat lang namang manalo si Marion Aunor dahil sa sasandaling panahon niya ng pamamalagi sa mundo ng musika ay mayroon na siyang tatak sa publiko.
Noong nakaraang taon ay pinarangalan siya sa Himig Handog dahil sa piyesang siya ang nagsulat at nag-interpret.
May kakaibang tunog ang boses ni Marion Aunor. May katangian iyon na kaniyang-kaniya lang na kapag narinig mo’y siguradong siya nga iyon.
Hindi kailanman inakala ni Lala na ang kaniyang mga anak ay malilinya rin sa pagkanta. Magagaling tumugtog ng iba’t ibang instrumento sina Marion at Ashley, pero ang akala niya’y hanggang doon lang iyon, darating pala ang pagkakataong madudugtungan ang listahan ng mga Aunor sa industriya ng musika bukod sa kanila ng kaniyang pinsang si Nora Aunor.
Sinsero ang pasasalamat na ipinaabot ni Marion Aunor sa kaniyang dakilang ina nang tanggapin niya ang parangal ng PMPC. Emosyonal ang dalaga dahil mula sa unang hakbang ng kaniyang mga pangarap ay nand’yan lang si Lala Aunor na nakasuporta sa kaniya.
Jasmine Curtis Smith – Malamang magtagal sa showbiz
Magtatagal sa showbiz si Jasmine Curtis Smith. Maraming katangian ang magandang teenager na magiging matinding puhunan niya para magtagal sa napili niyang propesyon.
Dahil sa kasasama niya noon kay Anne, siguro nga ay nagmamasid-masid na ang dalaga, pinag-aaralan niya na ang mundong pinasok ng ate niya.
At hindi lang siya maganda, mahusay umarte si Jasmine, bihirang magkambal ang ganda at talento pero masuwerte si Jasmine sa pagkakaroon noon nang sabay.
Sabi ng isang katrabaho niya sa TV5, “Mabait po si Jasmine, saka marunong makibagay sa tao. Kapag humihingi siya ng tubig sa utility, mayroon siyang please. Hindi siya basta mag-uutos lang.
“Wala ring problema ang staff sa kaniya dahil parang wala siyang sumpong. Di ba, may mga artistang minsan, e, wala sa mood? Si Jasmine, palaging maaliwalas ang mukha niya, hindi siya palasimangot, kaya mahal siya ng production staff,” kuwento ng aming kapatid sa TV5.
Iba nga naman ang hatid ng magandang takbo ng career at maligayang puso. Alagang-alaga siya ngayon ng TV5, maayos pa ang relasyon nila ni Sam Concepcion, wala nang mahihiling pa si Jasmine.
Maganda ang pagpapalaki kina Anne at Jasmine ng kanilang mga magulang. Naturingang sa Australia sila matagal na nanirahan pero ang ugali at kulturang Pilipino ay hindi nila pinabayaan.
Marian Rivera – Sinusunod ang tradisyong Pilipino para sa kasal
Kahanga-hanga ang mga pinaiiral na makalumang paniniwala ni Marian Rivera tungkol sa nalalapit nilang pagpapakasal ni Dingdong Dantes.
Caviteña si Marian, probinsiyana kung tutuusin, kaya matindi ang pagpapahalaga niya sa mga kapaniwalaang Pinoy tungkol sa pagpapakasal.
Ilang araw na ang nakararaan ay namanhikan na ang buong pamilya ni Dingdong, pormal na nitong hiningi ang mga kamay ni Marian, isang kulturang Pinoy na pinahalagahan nila kahit gaano pa kamoderno ang panahon ngayon.
Ang paniniwala na bawal isukat ang traje de boda, hindi iyon gagawin talaga ni Marian, kahit pa sikat na designer na hinahangaan niya (Michael Cinco) ang gagawa ng kaniyang damit-pangkasal.
Siguardong napakagandang bride ang lalakad papunta sa altar sa December 30 at isang napakaguwapong groom naman ang naghihintay sa kaniya.
At kung kilala nga natin si Marian na iyakin, malamang na maghulas sa kaiiyak niya ang make-up ni Bambbi Fuentes, pero walang mababawas sa kaniyang kagandahan sa napakahalagang araw sa kaniyang buhay.
Kuwento ng dalaga ay mahirap daw palang magpakasal, lahat ng anggulo ay inaayos nilang mabuti ni Dingdong; may wedding planner man sila ay inaalagaan pa rin nilang mabuti ang lahat ng mga detalye para lumabas na maayos ang kanilang pag-iisang dibdib.
Hindi nakikipagbonggahan sina Dingdong at Marian, isang maayos na kasal lang ang kanilang hangad, hindi nga naman kasi sa pagiging paboloso ng kasal sinusukat ang pagmamahalan.
Marami nang nagpakasal nang bonggang-bongga ang pagkatapos lang nang ilang taon ay nagkahiwalay na. Mayroon namang mga personalidad na sa huwes lang nagpakasal pero hanggang ngayo’y maligaya pa ring nagsasama at buung-buo ang mga pamilya.
Robin Padilla – Papasok kayang muli sa politika?
Si Mariel Rodriguez mismo ang nagkuwento kay Grace Lee sa Aksyon Sa Umaga na maraming pulitikong lumalapit ngayon kay Robin Padilla para kumbinsihin ang action star na kumandidato sa 2016.
“Marami talaga, as in, may mga ibinibigay pa silang figures! Nagpupunta talaga sila, kinakausap nila si Robin para kumandidato sa 2016, pero wala siyang tinatanggap,” pagpapatotoo pa ng magandang host ng Talentadong Pinoy.
Minsan nang nakilahok sa mundo ng pulitika si Robin Padilla nang kumandidato siyang vice-governor sa Nueva Ecija. Bagito pa lang siya noon, hindi pa niya kabisado ang likaw ng bituka ng pulitika sa Pilipinas, natalo siya.
Pagkatapos noon ay parang nawalan na siya ng interes sa anumang posisyon sa gobyerno, sa halip ay naging mapagmasid pa nga siya, isa si Robin Padilla sa iilang artistang nakikilahok sa mga rally kontra sa pamahalaan para idiin ang kaniyang paninindigan.
Sinabi rin ni Mariel na wala pa sa mga prayoridad nila ni Robin ang pagkakaroon ng anak sa ngayon. Aminado ang TV host na hindi pa ito handang humawak ng sensitibong responsibilidad; pero hindi raw naman sila papayag ni Robin na mawalan ng produkto ang kanilang pagmamahalan.
“Siya lang muna ang baby at bine-baby ko sa ngayon. Wala siyang kaagaw sa attention ko,” nakangiti pang kuwento ng halatadong maligayang-maligayang si Mariel Rodriguez.
Cielito Legaspi Santiago – Pumanaw na ang mommy ni Randy, Rowell at Raymart
Isang taos-pusong pakikiramay ang nais naming ipaabot sa pamilya Santiago sa biglaang pagpanaw ni Mommy Chiling, Cielito Legaspi Santiago, ina ng magkakapatid na aktor na sina Randy, Rowell at Raymart.
Dalawang buwan na ang nakararaan ay pinadalhan pa kami ni Mommy Chiling ng paborito niyang lutuing sardinas, noong nakaraan naming kaarawan ay nagpadala pa siya sa amin ng cake, madalas naming ka-text si Mommy Chiling.
Naikuwento pa nga niya sa amin na luto raw siya nang luto ng kakanin na paborito nina Santino at Sabina dahil dadalhin sa kaniya ni Raymart ang dalawa niyang apo, pero hindi naman iyon nangyayari, ikinalulungkot niya ang ganoong pagkabigo.
Naalala pa namin ang kaniyang kuwento na mula nang sumakabilang-buhay ang kaniyang kabiyak na si Direk Pablo Santiago ay natupad niya ang araw-araw na pagbisita sa puntod ng kaniyang mister sa loob nang maraming taon.
“Kapag hindi maganda ang pakiramdam ko, may naka-assign akong tao para magdala ng bulaklak araw-araw sa puntod niya. Mga sariwang bulaklak ang iniaalay namin sa kaniya, hindi namin siya nakakalimutan,” kuwento ni Mommy Chiling.
At kapag lumalabas naman ang buong pamilya para kumain ay kabahagi-kasama pa rin nila si Direk Pablo Santiago. May isang bakanteng upuan doon kung saan nakapatong ang mga abo ng direktor, naglalagay sila ng mga pagkain sa isang pinggan, itinatapat nila iyon sa bakanteng upuan.
“Nand’yan lang siya, hindi niya kami iniiwan. Kapag magkakasama kami ng mga bata, makakakita kami ng paruparo. Mahirap ipaliwanag kung saan lumusot ang paruparo pero may nakikita kami,” masarap na pag-alala ng yumaong ina ng magkakapatid na Santiago.
Nagpaalam si Mommy Chiling na malungkot bilang ina. Palagi niyang iniiyakan ang pinagdadaanang problema ng kaniyang bunsong lalaking si Raymart; umalis siyang bigo dahil hindi niya nakita ang pagtatapos ng isang kuwentong matagal na sana niyang gustong matuldukan.
Isang mapayapang paglalakbay sa dako pa roon para kay Mrs. Cielito Legaspi Santiago. Si Mommy Chiling. Isang dakilang ina at kaibigan-nanay-nanayan.