Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Agosto 1 – 15, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAgosto 1 – 15, 2016

   Alden Richards & Cristy Fermin
 
Alden Richards, sinurpresa ang Reyna ng Intriga, Nanay Cristy Fermin sa kaniyang kaarawan
  Melai Cantiveros
 
Melai Cantiveros
  Jessy Mendiola
 
Jessy Mendiola
  Marian Rivera
 
Marian Rivera
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Ai Ai delas Alas
 
Ai Ai delas Alas
  Jodi Sta. Maria
 
Jodi Sta. Maria

Alden Richards – Marunong tumanaw ng utang na loob

Lalong manggigigil sa galit ang ibang tagahanga ni Maine Mendoza dahil binigyan ng panahon ni Alden Richards ang mga press people na matagal na niyang gustong pasalamatan nang personal.

Ano na naman ang ihihirit ng mga fans ni Maine na kulang sa pang-unawa at basta husga na lang nang husga? Sasabihin na naman ba nilang – inilaglag na naman ni Alden ang kaniyang ka-loveteam, sinolo na naman niya ang pakikihalubilo sa mga manunulat, para lang mas gumanda pa ang kaniyang imahe?

Pagkatapos lumabas ang blog ni Maine Mendoza na ito mismo ang nagdiin na walang kahit sinong makapipilit sa kaniya para gawin ang isang bagay na ayaw nito tulad ng pakikibagay ay wala nang karapatang magreklamo ang kaniyang grupo sa pakikipagkapuwa-taong ginawa ni Alden.

Wala na silang maihihirit pa dahil wala pala sa bokabularyo ni Menggay ang pagpapanggap para lang ito magustuhan ng kahit sino. Ano nga ang kaniyang sabi sa nasabing blog?

“I would never change who I am just to conform to the norms of this industry.” Iyon ang kaniyang paninindigan, taliwas sa nakasanayan nang pakikisama-pakikibagay ng mga baguhang personalidad sa kanilang mga dinatnan, kaya ano pa ang inirereklamo ngayon ng kaniyang mga tagahanga?

Hindi pagpapanggap ang ginawa ni Alden. Lalong hindi kaplastikan ang magpasalamat sa mga taong nakatutulong sa kaniyang mga pangarap. Ang maliwanag na tawag doon ay pagtanaw ng utang na loob.

Kaya bakit kailangang pupugin sa social media ang isang personalidad na tulad ni Alden Richards na marunong magpasalamat at magpahalaga?

Ang dapat ay papurihan pa nga ang Pambansang Bae dahil wala siyang ilusyon na regalo siya sa lupa ng langit para idolohin.

Ganern! That’s how it should work.

Melai Cantiveros – Matagal ding nagtiis sa insecurity ni Jason

Kakambal ng pagiging seloso ang matinding insecurity. Minemenos ng isang insecure na lalaki ang kaniyang kapasidad. Kulang siya sa kumpiyansa, kapos na kapos sa tiwala sa kaniyang sarili, kaya ibinabaling niya iyon sa ibang tao.

Ganoon ang nakikita ng marami sa matagal-tagal ding relasyon nina Melai Cantiveros at Jason Francisco. Mas buhay na buhay kasi ang utak ng babae, napag-iiwanan ang lalaki, kaya nauwi rin sa wala ang kanilang pagsasama.

May mga impormanteng nagpapatotoo na sobrang pinoproblema na ni Melai noon pa ang pagiging insecure ng kaniyang karelasyon. Napakaraming bawal, parang nakatungtong sa numero palagi si Melai, dahil siguradong may pag-aawayan na naman sila kapag hindi nasunod ang gusto ni Jason.

Kuwento ng isang source, “Kung makapag-check si Jason kay Melai habang nagtatrabaho, e, parang siya ang may-ari ng isang telephone company. Panay-panay iyon! Check siya nang check!

“Nagseselos na naman siya, sinasaniban na naman siya ng insecurity, iniisip siguro niya na baka nakikipagharutan na sa iba ang misis niya!” kuwento nito.

Napakahirap pa namang makisama sa isang taong walang tiwala sa kaniyang sarili kaya wala ring tiwala sa ibang tao. Nagkokomedya si Melai pero sa likod ng kaniyang mga halakhak ay ang sobrang sama ng loob dahil sa ugali ng ama ng kaniyang anak.

“Nakakaawa si Melai. Nagtatrabaho siya, pagod na pagod, pero sa halip na maging inspirasyon niya si Jason, e, stress pa ang ibinibigay sa kaniya.

“Talagang sa hiwalayan din sila mauuwi. Bibigay at bibigay rin si Melai sa mga ginagawa ni Jason. Mahirap karelasyon ang isang insecure!” dagdag pa ng aming source na nakakatrabaho ng mag-asawa.

Jessy Mendiola – Walang masama kung sila na ngayon ni Lucky

Nakakaawa naman si Jessy Mendiola. Wala naman siyang kasalanan kundi ang tanggapin ang panliligaw sa kaniya ni Luis Manzano dahil pareho naman silang libre pero puro masasakit na salita ang ibinabato laban sa kaniya ngayon ng mga tagasuprota ni Angel Locsin.

Ang dapat daw pangalan ng numero unong pinakaseksing babae ngayon ay hindi Jessy, kundi Anaconda Mendiola, dahil kinaya niyang ahasin si Luis mula kay Angel.

Maling-mali naman ang akusasyon kay Jessy. Noong Enero nang magbalik sa bansa sina Luis at Angel mula sa mahabang bakasyon na kasama ang kani-kanilang pamilya ay tapos na ang kanilang relasyon, hindi lang sila nagsalita agad para sa kumpirmasyon pero Enero pa lang ay hiwalay na sina Luis at Angel.

Apat na buwan pagkatapos nang manligaw si Luis kay Jessy, mahaba ang apat na buwang pagitan, kaya malinaw ang kuwento na walang inahas si Jessy at walang naahas.

Walang dahilan para maging bitter si Angel sa bagong pakikipagrelasyon ni Luis (kahit ayaw pa nilang aminin ni Jessy); lalong walang dahilan para tawaging ahasera ng mga tagasuporta nito si Jessy, dahil tapos na sila ni Luis nang pumasok sa eksena ang seksing dalaga.

Libre siyang makipagrelasyon dahil wala siyang boyfriend, malaya ring magmahal si Luis dahil matagal na silang break ni Angel, kaya nasaan ang problema kung nagmamahalan man sila ngayon?

Mayroon ba?

Marian Rivera – Magpapahinga muna sa showbiz para kay baby Zia

Matindi ang pinakawalang pahayag ni Marian Rivera. Pagkatapos ng mga kompromiso niya sa GMA-7 ay magpapahinga na siya sa pag-aartista para mabigyan nang sapat na atensiyon ang anak nila ni Dingdong Dantes na si Baby Zia.

Malungkot na malungkot ang kaniyang mga tagahanga. Bakit daw kailangang talikuran ni Marian ang maganda niyang career? Puwede raw naman niyang pagsabayin ang pagiging ina at artista.

Pero sa isang banda ay positibo ang desisyon ni Marian na tutukan si Baby Zia sa mga panahong kailangang-kailangan ng isang anak ang buong atensiyon ng kaniyang magulang.

Minsan lang maging bata si Baby Zia, isang araw ay magugulat na lang tayo dahil dalagita na pala ang kaniyang anak. Ganoon kabilis lumipad ang panahon.

Ang paggabay sa isang bata ay nagmumula sa kaniyang crib. Iyon ang pinakamahalagang panahon ng pagdisiplina sa anak, alam iyon ni Marian.

Kaya habang lumalaki ang anak nila ni Dingdong ay gusto niyang maibigay kay Baby Zia ang lahat ng pangangailangang pagmamahal at atensiyon nito.

Hindi madaling matatanggap iyon ng mga tagahanga ni Marian Rivera, pero kung talagang mahal nila ang kanilang idolo, dapat ay tanggapin at respetuhin nila ang desisyon ng atkres.

Para kay Baby Zia ang kaniyang desisyon, hindi para sa kaniyang sarili lang. Gusto niyang lumaki ang kanilang anak ni Dingdong sa kaniyang bisig at hindi sa yaya.

At hindi naman siya permanenteng magpapaalam, pansamantala lang iyon, habang ginagabayan niya ang kanilang anak ni Dingdong.

Napakadakilang ina.

Kris Aquino – Miss na miss ng mga fans sa umaga

Maraming nag-aabang ngayon tungkol sa naging resulta ng pakikipagmiting ni Kris Aquino sa mga ehekutibo ng ABS-CBN. Ilang taong kontrata raw kaya ang napagtapusan nila, babalik daw kaya agad sa telebisyon si Kris, nagkasundo raw kaya sila ng mga executives ng Dos?

Ang lahat ng tanong na iyon ay siguradong si Kris ang sasagot sa kaniyang mga social media accounts. Si Kris pa? Walang makaka-out scoop sa kaniya.

Pero ayon sa mga nakausap naming impormante ay naging maayos ang kanilang usapan, walang dudang nakaplantilya na ang mga gagawing shows ni Kris sa Dos, kasama na rin sa kanilang usapan ang mga pelikulang gagawin niya sa Star Cinema.

Marami mang naiinis-naartehan sa aktres-TV host ay mas maraming kababayan natin ang nakaka-miss sa kaniya sa telebisyon lalo na sa umaga.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor na matagal nang tagahanga ni Krissy, “Ilang buwan nang hindi kumpleto ang bawat umaga ako dahil sa absence ni Kris. Nasanay na kasi ako na siya ang unang-una kong pinanonood everyday.

“She owns that time slot, kaniya ang umaga, ibang-iba siyang mag-handle ng show, buhay na buhay. I hope she will not stop doing morning shows dahil masarap siyang kasama sa umaga,” kuwento ni prop.

Isang araw ay nasa telebisyon na uli si Kris Aquino. Tumawad lang siya nang konti pang panahon bago sumalang dahil sa maraming pagbabago sa personal niyang buhay ngayon. Pero siguradong babalik na si Kris.

Ai Ai delas Alas – Sa wakas, napawalang-bisa na ang kasal

Masayang-masaya at nagbubunyi ang boses ng Comedy Concert Queen sa kabilang linya. Pagkatapos nang mahabang panahon ng paghihintay ay nabunutan na siya ng tinik sa lalamunan dahil pinawalang-bisa na ng korte ang kasal nila ng lalaking hindi na namin papangalanan dahil sayang ang aming espasyo.

Malayang-malaya na ngayon si Ai Ai delas Alas, dalaga na siya uli. Puwede na siyang magpakasal sa tamang lalaki sa tamang panahon kung gugustuhin niya.

Isang matinding leksiyon ang natutuhan ng magaling na komedyana sa nakaraan niyang pakikipagrelasyon. Nalaman niya na kung minsan pala ay hindi totoo ang sinasabi ng puso. Nalilinlang ang puso kaya kailangang kambalan ng utak ang lahat ng ating desisyon.

Hindi pala lahat ng sinasabi ng lalaki ay dapat paniwalaan. Napakadaling sabihin ng I love you, pero ang tanong, totoong pagmamahal ba naman ang tinatanggap niya?

Ngayon ay makapagsusulat na ng libro si Ai Ai tungkol sa pakikipagrelasyon. Marami na siyang maisusulat na makukulay na karanasan. May masaya, may malungkot, mayroon ding mga kahindik-hindik na sitwasyon na ang akala niya’y sa komiks lang mababasa.

Matagal na silang magkasama ngayon ni Gerald Sibayan, batambatang naturingan, pero kasundo niya sa halos lahat ng bagay. Siya mismo ang makapagpapatunay na ang pakikipagmahalan ay hindi sinusukat sa edad kundi sa malawak na kaalaman sa buhay.

Kailangan nang kalimutan ni Ai Ai ang nakaraan, ang mahalaga ay ang pangkasalukuyan niyang buhay kasama si Gerald Sibayan, ang kaniyang darling na kapag ngumingiti ay nawawala ang mga mata sa kasingkitan.

Jodi Sta. Maria – Nakipagbalikan na ba kay Vice Gov. Jolo Revilla?

Hindi maikukumpara sa isda si Vice-Governor Jolo Revilla. Hindi kasi siya nagkokomento sa napapabalitang pagbabalikan nila ni Jodi Sta. Maria.

Alam niya sa kaniyang sarili na nahuhuli lang naman ang isda kapag nagbubuka ng bibig para kagatin ang pain. Kundi siya magbubukas ng bibig ay walang makukuhang komento sa kaniya ang kahit sino.

Sa isang pictorial ng aktres para sa isang glossy magazine ay dumating ang batambatang aktor-pulitiko. Sandali lang silang nag-usap dahil may interbyu pa si Jodi, pero binalot ng kilig ang kapaligiran, mukhang nagkabalikan na nga sila.

Nang magkita kami ni VG Jolo ay paulit-ulit ang aming tanong kung sila na ba uli, pero puro paniningkit lang ng kaniyang mga mata ang sagot ng aming kaharap. Talagang mahirap kunan ng pahayag ang simpatikong aktor-pulitiko.

Pero hindi man sila parehong nagbibigay ng kumpirmasyon ay may hatol na ang buong bayan. Sila na uli. Kundi ba naman ay bakit madalas silang nakikitang sabay na nagdya-jogging ngayon?

Bakit dumadalaw na uli si VG Jolo sa taping ng magandang aktres? Bakit ibang-iba na ang bukas ng mukha ngayon ng pulitiko, mayroon na uli siyang inspirasyon.

Maganda ang pansamantala nilang paghihiwalay dahil nanatili ang kanilang pagkakaibigan. Wala rin silang ipinautang na salita laban sa isa’t isa. Maganda ang ginawa nina VG Jolo at Jodi.

Kapag walang salitang pinakawalan ay walang dapat bawiin. Kapag walang pautang ay walang dapat magbayad at singilin.

Malakas ang kutob namin na mauuwi sa altar ang kanilang relasyon. Hindi pa ngayon dahil may problema pa si Jodi sa kasal nila ng ama ni Thirdy.

Kapag napawalang-bisa na ang kasal nila ni Pampi Lacson ay siguradong hindi na pakakawalan pa ni Vice-Governor Jolo ang pagkakataong iharap sa altar ang pinakamamahal niyang si Jodi Sta. Maria.

Willie Revillame – Muling pumirma ng one-year contract sa GMA7

Muling pumirma ng one-year contract si Willie Revillame sa GMA-7 para sa kaniyang matagumpay na programang Wowowin. Masayang-masaya ang buo niyang staff dahil ang kahulugan nga naman noon ay trabaho uli para sa isang buong taon.

Masayang reaksiyon ni Willie, “Isang bagong taon, bagong paghamon, bagong inspirasyon ito para sa aming lahat ng staff ko. Lalo kaming magiging inspired dahil heto, pinagkatiwalaan uli kami ng network namin.

“Gaya ngayon, may bago kaming segment, maganda ito, Tawag Ng Pangangailangan. Ang showbiz, e, may Spell M, di ba? Ang ibig palang sabihin noon, e, matinding pangangailangan.

“Kami naman, tatawagan namin ang mga kababayan nating may pangangailangan. Hanggang kaya naming ibigay ang kailangan nila, go lang nang go ang Wowowin!

“Napakasarap kasing makaramdam noong kasiyahang napi-feel ng kausap mo. Iba ang ibinibigay na saya ng pagtulong. Doon ako maligaya,” mahabang komento ng magaling na game show host.

Araw-araw, tulad din ng kaniyang buong staff, ay inspirado si Willie sa pagpasok sa bakuran ng GMA-7. Ramdam niya kasi ang masarap na pagtanggap sa kaniya ng network, ibinibigay ng istasyon ang mga pangangailangan ng kaniyang programa, laging mainit ang pagtanggap sa kaniya ng mga ehekutibo.

“Napakasarap ng feeling na alam mong you belong talaga. Tsine-check nila kung ano ang mga kailangan namin, alagang-alaga kami ng GMA-7, maraming salamat sa tiwala at pagmamahal na ibinibigay nila sa amin,” pagtatapos ni Willie Revillame.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Trending Articles