Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Hulyo 16 – 31, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHulyo 16 – 31, 2016

   Maine Mendoza
 
Maine Mendoza
  Maine Mendoza & Alden Richards
 
Maine Mendoza & Alden Richards
  Barbie Forteza
 
Barbie Forteza
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  Ian King & Joey Mead
 
Ian King & Joey Mead
Maribel Aunor
 
Maribel Aunor
  Sugar Mercado
 
Sugar Mercado

AlDub Movie – sigurado na ang tagumpay sa takilya!

Nakakahon na ang tagumpay ng pelikula nina Alden Richards at Maine Mendoza na kamakailan lang ang pagbubukas sa mga sinehan. Huwag lang mabiktima ng pamimirata ang kanilang proyekto ay nakasapatos na ang pera ng bayan para magpunta sa mga sinehan.

Mula umaga hanggang gabi ay laman ng mga programa ng GMA-7 sina Alden Richards at Maine Mendoza. Sila ang nagbubukas at nagsasara ng mga palabas ng network.

Kailangan kasi nilang tutukan ang promo ng kanilang unang solo movie, palabas na ngayon ang Imagine You & Me, ang pelikulang susukat sa katatagan ng kanilang tambalan.

Maraming pelikulang ipinalabas nitong mga huling araw na hindi nagtagumpay sa takilya. Sinisisi ng mga prodyuser ang matindi pa ring pamimirata ng mga kopya ng pelikula. Hindi pa man nagbubukas sa mga sinehan ay ibinebenta na iyon nang murang-mura lang sa kalye.

Sana’y huwag mangyari iyon kina Alden at Maine. Sayang naman ang ganda ng pelikulang kinunan pa sa Italy. Sayang na ang effort ng produskyion ay milyun-milyong halaga rin ang ginastos para sa kanilang proyekto.

At kapag kinuyog ng mga kababayan natin ang kanilang pelikula ay may mas malalim na dahilan iyon kaysa sa kilig lang ng buong bayan sa kanilang tambalan.

Malakas ang tambalan nina Alden at Maine, mayroong pundasyon ang kanilang loveteam, ang AlDub Nation na gustong patunayan na hindi lang sila pangkalyeserye kundi pampelikula rin.

Bukod doon ay puwedeng bigyan ng konsiderasyon ang pulso ng bayan. Sa araw-araw nating panonood ng mga pambalitang programa ay puro patayan ang ibinabalita.

Magkakapamilyang nagpatayan; magkakaibigang nag-inuman lang pero ang ending ay saksakan at bugbugan, mga gumagamit at tulak ng droga na pinagpapatay.

Wala nang laman kundi puro ganoon. Patayan, patayan, patayan. Gusto namang kiligin at pansamantalang sumaya ng ating mga kababayan. Napakabigat na ng sitwasyon ngayon; puro panggagahasa at patayan na lang ang ating natutunghayan, kaya kahit sa loob lang nang dalawang oras ng panonood ng pelikula ay gusto nating makatakas sa reyalidad.

Siguradong hindi pababayaan ng kanilang mga tagasuporta sina Alden at Maine. Gusto nilang patunayan na buhay na buhay pa rin ang AlDub Nation. May kuwentong umiikot na isang bilyon ang target ng grupo para sa kabuuang pagpapalabas ng pelikula ng kanilang mga idolo.

Mataas ang kanilang pangarap, pero walang imposible kung lahat sila’y kikilos. Kailangan nilang patunayan na hindi lang pangkalyserye sina Alden at Yaya Dub.

Mapapanood din ng ating mga kaibigan sa buong Canada ang pelikulang Imagine You & Me, July 22 hanggang August 5. Ipapalabas sa Winnipeg sa Cinema City Northgate.

Alden Richards – nabili na ang pangarap na Jaguar

Naalala namin ang kuwento nang magkita sina Willie Revillame at Alden Richards sa studio ng GMA-7. Nakita ni Alden ang Ghost Limousine ng aktor-TV host.

Mahilig sa sasakyan ang Pambansang Bae, kaya ang sabi sa kaniya ni Willie, “Isang araw, magkakaroon ka rin n’yan, basta alagaan mo lang ang career mo at ang mga taong tumutulong sa iyo.”

Sobrang dami ng sasakyang milyun-milyon ang halaga ni Willie. Kulang na kulang ang kaniyang mga garahe sa magagara niyang sasakyan. Kaya ang iba ay nakaparada na lang sa harap ng kaniyang mansiyon.

Nagdilang-anghel si Willie. Ngayon ay may Jaguar na si Alden. Pangarap nito ang sports car na ginagamit nito ngayon.

Pinabendisyunan nito ang sasakyan nang dumalo ito sa inagurasyon ng mansiyon nina Bossing Vic Sotto at Pauleen Luna. Regalo iyon ni Alden sa kaniyang sarili dahil halos wala na itong pahinga sa katatrabaho.

Sabi ni Willie, “Dapat lang namang regaluhan ni Alden ang sarili niya; nagtatrabaho siya, nagsisikap. Walang imposible basta magsipag ka lang.”

Barbie Forteza – patok ang pangagagaya kay Kris Aquino

Maraming pinasasaya si Barbie Forteza tuwing Linggo ng tanghali dahil sa pabibo at magaling niyang panggagaya kay Kris Aquino. Plakado ng young actress si Tetay.

Mula sa pagsasalita, pagkilos, pananamit at ayos ng buhok ay wala ka nang hahanapin pa sa ginagawang impersonation ng magaling umarteng batang aktres kay Kris.

Hindi siya OA, saktung-sakto lang ang pagplakado ni Barbie Forteza kay Kris, lalo na ang panggagaya niya sa pagtawa ng aktres-TV host na kaniyang-kaniya lang.

Isa si SOS sa mga tumututok kay Barbie sa Sunday PinaSaya. Ang kaniyang komento, “Agree po ako sa inyo na super-galing ang impersonation ni Barbie Forteza kay Kris. ‘Yung pagtawa ni Barbie, si Kris talaga ang ginagaya niya.

“‘Yung pag-ikut-ikot ng mga mata niya at pagkiling-kiling ng ulo kapag nagsasalita, si Kris talaga ‘yun! Magaling si Barbie Forteza!

“Napanood ko rin po ang episode na ‘yun at in fairness, kahit sa pagda-dubsmash nakilala si Maine Mendoza, eh, mas magaling pa siyang umarte kaysa kay Kris!

“Bagay po kay Maine ang mag-horror. Sana nga, eh, gumawa sila ni Alden Richards ng movie na mala-Twilight o rom-hor (romantic-horror). Nakakasawa na po kasi ang mga rom-com, puro ganu’n na lang!” komento ni SOS.

Kinampihan naman ng isang kausap namin ang ginawang pagpuna ng Comedy Concert Queen kay Barbie bilang si Kris, “Totoo lang naman ang sinabi ni Ai Ai, eh! Walang mali sa sinabi niya na bakit ganoon, iisa lang ang klase ng pag-arte ni Kris?

“Napanood ko rin ang movies ni Kris. Ke nakakatakot siya, umiiyak, nagdadrama, masayang-masaya, iisa lang talaga ang facial expression niya! Walang naiiba.

“Alam kaya ni Kris na iisa lang ang acting na alam niya? Di ba, iwino-workshop muna ang mga artista bago nila atakihin ang bagong role na ibinibigay sa kanila?

“Eh, bakit si Kris, walang pagbabago ang acting niya? Bakit iisa pa rin? Excluded ba siya sa mga ginagawang workshop? Siya dapat ang tutukan ng workshop facilitator dahil iisa ang brand ng acting niya!” mahabang pagpansin ng aming kakuwentuhan.

Tama ang kuwento ng aming source na nagsabing walang kaplanu-planong lumipat sa GMA-7 si Kris, sa Dos pa rin siya. Ang haba na lang ng kaniyang bagong kontrata ang inuupuan ngayon kung hanggang kailan.

Hindi kayang manahimik ni Kris; kailangan niyang mag-show. Hindi makatatagal ang aktres-TV host na hindi siya nakikita sa telebisyon.

Hindi magiging masaya si Kris na ibang artista lang ang pinag-uusapan. Kailangang siya rin, at dapat ay siya ang nasa pinakagitna ng entablado habang iniilawan.

Hindi si Kris Aquino ang klaseng magpapaiwan. Kaligayahan na para kay Kris ang pinag-uusapan siya. Ayos lang kung sa anumang paraan, basta ang mahalaga, siya ang nasa gitna ng entablado.

Kris Aquino – epektib ang gimik!

Pinaingay lang ni Kris Aquino ang kaniyang pagbabalik mula sa dalawang buwan niyang bakasyon kasama ang kaniyang mga anak sa Hawaii kaya itinaon niya page-guest sa programa ni Marian Rivera.

Puro usapang-pulitika kasi ang pinagpipistahan noon. Walang laman ang mga pahayagan kundi ang pag-upo ng nanalong pangulo, kaya naisip siguro ni Kris na wala siyang espasyong masisingitan kapag iyon din ang kaniyang sinawsawan.

Eh, magaling na publisista ng kaniyang sarili si Kris, kung tutuusin ay hindi na nga niya kailangan ng mga PRO dahil mas mabilis at mahusay siyang makapag-isip ng mga isyung pagpipistahan tungkol sa kaniya.

‘Yun ang naisip niya – makapag-guest nga sa show ni Marian, para hindi lang ang guesting niya ang mapag-usapan kundi pati ang paglipat daw niya ng network.

Nagtagumpay si Kris. Maraming nabulabog sa kaniyang guesting, pahimakas na raw ba ‘yun na lilipat na siya sa GMA-7? Iiwanan na raw ba niya ang ABS-CBN?

Panalo! Napag-usapan si Kris nang ilang araw. Wala siyang komentong anuman. Mas hindi siya magsasalita ay mas manganganak nang manganganak ang mga kuwento.

Umingay uli ang kaniyang pangalan. Dalawang buwan kasing puro pagbabalita lang sa social media ang kaniyang ginagawa, ang galing-galing talagang PRO ni Kris.

Noong isang araw ay nakipagmiting na si Kris Aquino sa mga ehekutibo ng ABS-CBN. ‘Yun pa rin ang kaniyang network. Sa Dos pa rin siya magtatrabaho. Malapit na uli siyang mapanood sa mga shows na pagbibidahan niya bilang magaling na TV host.

Epektib!

Angel Locsin – frozen delight?

Oo nga, totoo ang maraming obserbasyon: ramdam na ramdam ang pagiging malagihay ng career ngayon ni Angel Locsin. Wala siyang ginagawang proyekto sa ABS-CBN. Napag-iwanan na siya ng kaniyang mga kasabayan. Kapag nagtagal pa ang ganiyang sitwasyon ay hindi na nakapagtataka kung mahirapan na siyang makahabol.

Ano na ang nangyari sa career ng dalaga? Bakit mukhang binabalagoong na siya sa Dos? Bakit malagihay na ang presensiya niya ngayon sa telebisyon at pelikula?

Wala bang makitang tamang proyekto para sa kaniya ang Dos at ang Star Cinema? Nagkaroon ba ng problema sa kanila ng mga ehekutibo ng network kaya nagkakaganiyan na ang career niya?

Isang source ang nagbulong sa amin, “Para kasing may sumumpa sa kaniya. Masiyadong nasaktan ang taong ‘yun sa ginawa niya. Ang kuwento, nagbitiw raw ang taong ‘yun ng sumpa!

“OA naman ang kuwentong gagapang siyang parang ahas; hindi totoo ‘yun, pero ang sabi ng taong sinaktan ni Angel, eh, hindi uusad ang career niya. Kilala ni Angel ang taong iyon, bakit kaya hindi siya makipag-usap para matuldukan na ang sumpa na nagiging sagabal sa career niya?” sabi pa ng aming kausap.

Totoo man o hindi ang kuwento ay hindi na mahalaga. Ang kasalukuyang takbo ng kaniyang karera ang mas nakakaalarma. Milya-milya na ang layo kay Angel Locsin ng mga kasabayan niya.

Ian King – tanggap ng publiko ang asawa ni Joey Mead

Tanggap na tanggap na sana ng ating mga kababayan ang paglalantad ng car racer na si Ian King tungkol sa tunay niyang kasarian. Pinalakpakan siya, sinaluduhan, dahil naging totoo siya sa kaniyang sarili at sa publiko.

Sino nga ba ang mag-iisip na ang balbas-sarado palang lalaking iyon ay may pusong kasinglambot ng mamon at kutsinta? Wala nga pala sa tindig at hitsura ang tunay na gender.

May malambot kumilos pero hindi naman kapuwa lalaki ang hanap at mayroon ding machung-macho ang dating pero hotdog pala ang gusto at hindi naman hamburger.

Hindi barometro ng tunay na kasarian ang pangangatawan at kilos; puso ang nagdidikta kung saan liligaya ang isang tao, tulad ni Ian King na nakikipagkarera pa ng kotse pero ang isinisigaw naman pala ng kaniyang puso ay ang pagtatayo ng sosyal na parlor.

Okey na sana ang kuwento ng kaniyang pag-a-out. Hinangaan na siya, ginawang magandang ehemplo para sa mga personalidad na lalaking matagal nang nagpapanggap, pero nabulilyaso pa.

Hindi naging maganda ang pagtanggap ng mga kababayan natin sa lumabas na video nila ng kaniyang misis na si Joey Mead na ipinakikita silang napakasarap na naghahalikan.

Transwoman na si Ian King sa video, pero kinunan pa nila at inilabas sa social media ang kanilang paghahalikan. Ang uri raw kasi ng kanilang pagmamahalan ay dinisenyo sa langit dahil walang kundisyon ang kanilang pag-iibigan.

Doon na biglang kumambiyo ang mga positibong komento ng mga kababayan natin sa paglaladlad ni Ian King. Ganoon ang ating lahi. Tama na ang minsan-makalawa, ang ikatlo ay hardsell na, masiyadong trying hard na ang dating.

Tutal nama’y nagsalita na si Joey Mead na anuman ang kasarian ni Ian King ay tanggap nito ang katotohanan. Okey na sana iyon, pero kinailangan pa nilang maghalikan na parang sariling-sarili nila ang mundo sa lumabas na video sa social media.

Nasayang tuloy ang paghanga ng mga kababayan natin sa pagpapakatotoo ni Ian King.

Lala Aunor – bukas and mga palad sa pagtulong

Hindi pala nakipaglibing kay Eddie “Boy” Villamayor ang magkapatid na Lotlot de Leon at Kiko pati ang pinsang-buo ng Superstar na si Maribel Aunor.

Totoong nagyakapan na ang mag-iina noong lamay ng dating teen actor, pero hindi nakarating noong libing si Lotlot, si Ian de Leon ang nandoon kasama ang kaniyang asawa at anak.

Sabi ng aming source, “Si Lala ang nagbigay ng paglilibingan ni Buboy. Saludo ako sa kaniya dahil sa kabila ng nangyari sa kanila ni Guy, tumulong pa rin siya.”

Nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ni Lala at Nora Aunor ilang taon na ang nakararaan. Matindi ang sugat na tinamo ni Lala sa pangyayaring ‘yun. Pumanaw si Mamay Belen na hindi nakita kahit ang anino lang ng Superstar.

Malambot ang puso ni Lala. Bukas na bukas din ang kaniyang mga palad sa pagtulong sa kanilang mga kamag-anak, pero hindi pa siguro ito ang takdang panahon para mabura ang masasakit na salitang ipinautang sa kaniya noon ni Nora.

Komento ng aming kausap, “I know, I know, kaya I understand kundi man siya nakipaglibing. Ang mahalaga, ginawa niya ang lahat for the love of Buboy. Saludo ako sa kaniya. Sobrang mapagmahal si Lala sa mga kadugo niya.”

Sabi nga, we forgive, but we remember names.

Sugar Mercado – nakababahala ang sitwasyon

Maraming nahabag sa dating co-host ni Willie Revillame, ang dating dancer ng Eat…Bulaga na si Sugar Mercado, dahil sa ginawa niyang pagsusumbong sa publiko tungkol sa diumano’y ginagawang pangmamaltrato sa kaniya ng ama ng kaniyang mga anak.

Humahagulgol na naglabas ng kaniyang sama ng loob si Sugar sa video. Naghahalu-halo ang kaniyang luha, pawis at laway sa kaniyang pananaghoy. Kinukuwestiyon niya kung bakit siya pang nagmamahal at nagmamalasakit sa kaniyang mga anak ang ipinakukulong ng lalaking matagal din niyang nakasama at minahal.

Kinasuhan siya ng child abuse ng ama ng kaniyang mga anak. Lumaban si Sugar. Ayon sa dancer ay naipanalo niya ang laban pero nag-apela pala ang lalaki.

Nakakalokang panoorin ang kaniyang video. Marami siyang kuwento na hindi naman naiintindihan ng mga tumututok sa kaniyang mga hinaing. Sana raw ay sa husgado na lang nagsumbong si Sugar Mercado at hindi sa social media.

Parang wala na siyang mapuntahan. Ginagamit daw ng lalaki ang pera at koneksiyon nito, kaya pati ang kaniyang ina ay gusto ring ipakulong ng ama ng kaniyang mga anak.

Matagal na niyang dinadala ang ganitong problema, harinawang may magawa ang kaniyang abogado para manatili sa kaniya ang custody ng kaniyang mga anak. Sana’y magkaroon na ng kapayapaan ng kalooban si Sugar Mercado.

Magkaroon na sana sila ng komunikasyon ng dati niyang karelasyon na ayon sa dancer ay ginagawa ang lahat-lahat ng paraan para mawalan siya ng karapatang makasama at palakihin ang kanilang mga anak.

Nakakaawa naman ang mga bata na walang kasalanan sa kanilang problema. Kailan pa ba nagkaroon ng karapatang makapamili ng mga magulang ang mga supling?

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Trending Articles