Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Mayo 16 – 31, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 16 – 31, 2016

  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao
  Richard Gomez
 
Richard Gomez
   Zsa Zsa Padilla
 
Zsa Zsa Padilla

Many Pacquiao – Senador na ang pambansang kamao

Ilang araw pa mula ngayon ay Senator Manny Pacquiao na ang itatawag natin sa Pambansang Kamao. May titulo na siya sa mundo ng boksing ay pinalad pa siyang manalong senador sa nakaraang eleksiyon.

Maraming nagsasabi na malaking sampal ang kaniyang pagwawagi para sa mga miyembro ng LGBT na kailan lang ay talaga namang inupakan nang wagas na wagas si Pacman dahil sa kaniyang ipinahayag na hindi nagustuhan ng mga kababayan nating becki at lesbiyana.

Pero nagsalita na ang ating mga kababayan, nagbigay na ng paghusga ang mayorya, pormalidad na lang ang kailangan para itaas ang kamay ng nanalong senador.

At sa kaniyang pagwawagi ay maraming kailangang baguhin si Pacman. Madalas pansinin ng ating mga kababayan ang hindi niya palaging pagdalo sa Congress may laban man siya o wala. Sa Senado ay hindi niya maaaring gawin ang ganoon dahil nakatutok ang maraming mata sa kaniya.

May mga suhestiyon din na kailangang mag-aral nang husto ni Pacman. Kailangang tutukan niyang mabuti ang mga pinaiiral na batas sa ating bayan, dahil ang Senado ay hindi labanan ng bangis ng kamao kundi ng kaalaman.

Maganda ang puso ni Manny Pacquiao, napatunayan na niya iyon nang maraming beses. Malapit ang kaniyang puso sa maliliit nating kababayan dahil siya na rin ang nagsabing nagmula rin siya sa hanay ng maliliit.

Malaki ang inaasahan kay Pacman ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nagtataka pa rin hanggang ngayon kung bakit at paano siya nanalo, kaya kailangan niyang patunayan na hindi lang siya pang-sports kundi pampulitika rin.

Richard Gomez – Sa wakas, nanalo nang mayor ng Ormoc

Dalawang pangalan ang sikat na sikat noong eleksiyon. Lotlot at Winwin. Kapag talunan ay Lotlot ang tawag, kapag panalo naman, Winwin.

Maligayang bumalik sa Maynila ang mag-asawang Richard Gomez at Congresswoman Lucy Torres-Gomez. Sa unang pagkakataon ay masigla ang kanilang kuwentuhan, pareho kasi silang matagumpay, mayor na ng Ormoc City ngayon ang guwapong aktor.

Ilang beses na kumandidato si Goma sa Ormoc, pero hindi siya kinasihan ng kapalaran, si Lucy lang ang nananalo at umuuwing luhaan ang kaniyang mister.

Pero walang masama sa muling pagsubok, walang urungan, muling tinanggap ni Richard ang hamon para lumabang mayor ng siyudad. At sa pagkakataong ito ay tagumpay ang kaniyang kandidatura, tinalo niya ang nakaupong mayor. Sa wakas ay nasungkit din ng guwapong aktor ang posisyon.

Maraming plano si Richard, mas madalas siyang mananatili sa Ormoc kaysa sa Maynila, si Congresswoman Lucy na lang ang magpapabalik-balik dahil nandito sa Maynila ang kaniyang opisina bilang kinatawan ng kaniyang mahal na probinsiya.

Matagal nang gustong tumutok sa serbisyo-publiko ni Goma, pero mailap pa sa kaniya ang pagkakataon.

“Never say die!” sigaw nga ng mga tagasuporta ng Barangay Ginebra.

Ngayong siya na ang mayor ng Ormoc ay patutunayan niya na dapat ay noon pa siya naupo bilang tagapamuno ng siyudad.

Korina Sanchez – Natalo man si Mar, may career pa rin sa broadcasting

Maraming naaawa kay Korina Sanchez. Talaga raw yatang hindi nakaguhit sa kaniyang kapalaran ang maging Unang Ginang ng ating bayan. Pero hindi ganoon ang aming damdamin para kay Ate Koring.

Kaplastikang sabihin na hindi nakapanghihinayang ang nakaalpas na oportunidad sa kaniya para maging First Lady, pero hindi doon nagtatapos ang kaniyang buhay. Bago pa sila nagkakilala ni Secretary Mar Roxas ay nagrereyna na siya sa kaniyang larangan bilang mahusay na news anchor.

Marami siyang puwedeng gawin, ang pagkasabik sa kaniya ng ating mga kababayan sa galing niyang magbato ng mga balita ay nand’yan lang.

Hindi ngayon at hindi na naman nagtagumpay ang kaniyang mister ay magsasarado na ang mga pintuan para sa kaniya. Nakabukas na bubong ng kaniyang hanay ang naghihintay kay Korina Sanchez sa kahit anong oras na gusto na niyang humarap uli sa mga camera.

Kris, Daniel at Kathryn – Pinapakain pa rin ng apdo sa social media

Tapos na ang eleksiyon. Ang pinagtatalunan na lang ngayon ay kung sino ang tunay na nahalal na vice-president. Pero hanggang ngayon ay bala pa rin ang social media sa mga upakan ng mga kababayan nating nakapailalim sa magkakaibang kulay-pulitika.

Si Kris Aquino pa rin ng pinakamatinding pinakakain ng apdo ng ating mga kababayan. Puro parunggit laban sa aktres-TV host ang mababasa sa social media, tuloy ay maiisip mo na lang na parang unti-unti nang umaandap-andap ang ningning ng kaniyang bituin.

Siya pa rin ang pinagpipistahan, pero sa ano namang paraan, kundi siya nilalait sa pagiging presidential sister ay pinalalayas na siya nang tuluyan ng kaniyang mga bashers sa ating bayan.

Ang kasunod ni Kris na binoboldyak sa social media ay sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Sobrang lakas ng mga kaliwa’t kanang bira ng marami sa loveteam na ito. Ikinumpara pa nga sina Daniel at Kathryn sa isang gomang tsinelas na wala raw naman palang itatagal.

Sinisingil sila ng mga bashers, nasaan na raw ang ipinangako nilang tagumpay kay Secretary Mar Roxas, anyare raw sa kanilang popularidad kuno?

Mga ilang linggo pa tatagal ang ganitong klima sa social media. Mainit pa hanggang ngayon, pero siguradong huhupa rin, lalo na’t malapit na ang tag-ulan.

Parang panahon lang iyan na minsang mainit at minsang malamig. Iba na kasi ang eleksiyon ngayon, nakikilahok na ang taumbayan, kaya maraming nagbabanatan sa social media.

Alma Moreno – Talo na, sana’y tantanan na ng mga bashers

Sana nama’y mahimasmasan na ang mga kababayan nating sobrang makapang-api kay Alma Moreno. Natalo na nga iyong tao sa pinasok niyang laban ay kung anu-ano pang pangungutya ang ginagawa sa kaniya ngayon ng mga taong walang magawa sa buhay.

Lumutang ang linyang “I conceive!” na diumano’y nanggaling mismo sa Twitter account ng actress-politician. Pero maraming nagpapatotoo na isang poser lang ang nagpakalat noon, pinagpistahan nang todo ang isyu.

Mula noon hanggang ngayon ay ang mga bloopers pa rin ni Ness ang paboritong gawing panghimagas ng marami nating kababayan.

Pero hindi krimen ang kakapusan ng pagsasalita ng Ingles. Hindi dapat kinokondena ang mga Pilipinong mahina sa lengguwahe ni Uncle Sam. Ang krimen ay ang paglabag sa batas na hindi ginagawa ni Alma Moreno.

Tapos na ang eleksiyon, patahimikin na sana ng mga walang magawa si Alma.

Hindi naman ang husay sa pagsasalita ng Ingles ang barometro ng pagiging mabuting tao. Walang-wala iyon sa basehan, hindi kriminal si Alma Moreno, kaya tantanan na sana siya ng mga kababayan nating wagas kung makapanghusga.

Robin Padilla – Kakasuhan ang basher, sana’y huwag na

Mas maganda siguro kung mananahimik na lang si Robin Padilla sa mga isyung kinasasangkutan niya na nag-ugat lang sa pagpo-post niya ng isang sample ballot noong kasagsagan ng eleksiyon.

Abalang-abala ngayon ang action star sa pagtugaygay sa mga bashers niya. Humingi pa siya ng tulong sa NBI para madakip ang mga ito, hindi nagugustuhan ng mga kababayan natin ang mga ikinikilos niya ngayon.

Punto ng marami, kung wala naman siyang ipinost na sample ballot ay walang maglalakas-loob na birahin siya nang walang dahilan. Si Robin din ang nang-imbita para siya upakan sa social media.

Sino ba ang mag-iisip na sample ballot lang pala ang kaniyang ipinakita? Wala ring nakakaalam na hindi pala siya rehistradong botante dahil sa lantaran niyang pakikipaglaban para sa minamanok niyang si Mayor Digong Duterte.

Kaya kung uugatin ang kuwento ay nagsimula rin ang lahat kay Robin. Siya ang nag-post ng sample ballot. Nang pagpistahan ang kaniyang ginawa ay heto si Robin, idedemanda niya ng libelo ang sinasabi niyang nangyurak sa kaniyang pagkatao, pero ang tanong ng ating mga kababayan ay napakasimple lang.

Alin ba ang mas nauna? Reaksiyonaryo lang ang tao. Una muna ang aksiyon bago ang reaksiyon. Hindi puwedeng mauna ang kariton kaysa sa kalabaw.

Dalawang buwan na palang nagdadalantao ngayon si Mariel Rodriguez. Pagkatapos ng magkasunod na kabiguang magkaanak ay heto, maligayang-maligaya ang misis ni Robin Padilla, dahil may punla na uling hihintayin ang mag-asawa.

Harinawang matupad na ang kanilang hiling na mabuo ang produkto ng kanilang pagmamahalan sa ikatlong pagkakataon. Wala na sanang maging problema dahil anak na lang ang kulang sa kanilang pagsasama.

Zsa Zsa Padilla – Kanselado na ang wedding sa arkitekto

Noong una pa mang pumutok ang balita na may bago nang karelasyon si Zsa Zsa Padilla ay mas nakalalamang ang nagsabing hindi magtatagal ang kanilang relasyon ng arkitektong si Conrad Onglao.

Kung anu-anong kuwento kasi ang naglutangan tungkol sa lalaki, naungkat ang pakikipagrelasyon nito sa mga kilalang socialites, gagamitin lang daw ng arkitekto ang singer-actress.

Pero hindi iyon pinakinggan ni Zsa Zsa, nakipagsugal pa rin siya, gusto pa rin niyang patunayan noon na hindi siya nagkamali sa pakikipagrelasyon kay Conrad.

Pero nangyari na nga ang inaalala ng malalapit sa actress-singer. Naunsiyami ang plano nilang pagpapakasal sa ibang bansa, hanggang sa tuluyan nang bumalik-umuwi si Zsa Zsa sa dati nilang bahay ng yumaong Comedy King.

Aminado naman si Zsa Zsa na sinikap nilang maging matagumpay ang kanilang relasyon pero hindi iyon nangyari. Kung anuman ang mga totoong dahilan ng kanilang hiwalayan ay ang singer-actress mismo ang magbubunyag.

Pero ngayon pa lang ay marami nang kuwentong naglalabasan. Siguro raw ay natuklasan na ni Zsa Zsa ang maraming istoryang kinapapalooban ni Conrad Onglao tungkol sa mga nakarelasyon nito.

Hindi maganda ang imahe ni Architect Onglao kung ang tatanungin ay ang mga taga-alta sosyedad. Negatibo ang mga kuwentong maririnig, puro may isyu ng gamitan, iyon kaya ang nakaapekto sa relasyon nila ni Zsa Zsa Padilla?

Pero mas magandang hintayin na lang nating manggaling ang pagtatapat mula kay Zsa Zsa, mas magiging malinaw at eksakto ang kuwento kapag siya ang nagsalita, sa totoo lang.

Nora Aunor – Masama ang loob sa mga anak

Iniyakan ni Nora Aunor ang hindi raw pagdalaw-pagsilip man lang ng kaniyang mga anak sa nakaospital niyang bunsong kapatid na si Eddie “Buboy” Villamayor. Mabuti pa raw ang ibang tao at natutulungan ni Ian de Leon pero hindi man lang nito mabigyan ng panahong madalaw ang kaniyang tiyuhin.

Isang makahulugang mensahe ang ipinost ni Lotlot de Leon, itinuring na anak ng Superstar, kasama sina Matet, Kiko at Kenneth.

Sa kaniyang pahayag ay walang binanggit na pangalan si Lotlot, pero sa daloy ng kaniyang mensahe na may gustong patungkulan ang anak ni Nora, ang kaniyang sentimyento ay may mga tao raw na walang pagpapahalaga.

Nagawa mo na raw ang lahat-lahat, pero wala pa ring pagpapahalaga ang ibang tao, ano pa raw ba ang kailangan nitong gawin para masiyahan ang taong pinatutungkulan nito?

Isang source ang nakapagsabi sa amin na nakadalaw na si Lotlot de Leon at ang iba pa nitong mga kapatid kay Buboy. Sinabi rin ng aming kausap na hindi dapat sumbatan ni Nora ang kaniyang mga anak dahil noong nasa Amerika siya nang matagal na panahon ay ang magkakapatid ang tumitingin-nagbibigay ng mga pangangailangan ni Buboy sa rehab.

Tanong-opinyon ng aming source, “Teka lang naman muna. Nasaan ba si Guy noong mga panahong nasa rehab ang kapatid niya? Sina Lotlot at Matet ang nagtutulong noon para sa mga needs ng tito nila!

“Kahit si Ian, nagbibigay rin para sa tiyuhin niya. Nagpapadala ba ng panggastos sa kanila si Nora? Mabuti pa nga ang pinsan niyang si Lala Aunor at hindi nagkulang sa kapatid niya.

“May karapatang masaktan si Lotlot, mababait lang talaga ang mga anak niya, kaya hindi siya sinasagot. Si Nora ang dapat sumbatan, hindi ang magkakapatid!” paglilinaw ng aming kausap.

Cesar Montano – Ulirang ama kahit hindi ideal husband

Sunset na pala ang tawag ngayon ni Cesar Montano sa nakahiwalay niyang misis na si Sunshine Cruz. Sunset, paglubog ng araw, hindi na pagsikat.

Hindi naman direktang tinawag ng Sunset ni Cesar ang ina ng kaniyang mga anak, iyon lang ang kaniyang palagay dahil sa pamba-bash sa kaniya, “Sunset, ikaw ba ‘yan?”

Parang kilala raw kasi ni Cesar ang tabas ng dila ng kaniyang basher, parang pamilyar sa kaniya ang mga salitang binibitiwan nito laban sa kaniya, kaya nagtanong ang action star kung si Sunset ba iyon?

Sa isang panahon na ang akala ng publiko ay tahimik na ang kapaligiran para sa dating mag-asawa ay hindi pa rin pala. May pagsasakitan pa rin palang namamagitan sa kanila.

Ayon sa kampo ni Cesar Montano ay hindi na raw kasi napigilan ng action star ang kaniyang sarili dahil sa mga pinalulutang na akusasyon ng kampo ni Sunshine.

Kinailangan nang maglabas ng ebidensiya ni Cesar para linawin ang bintang na iresponsable siyang ama, na walang mahalaga para sa kaniya kundi ang kaniyang pangsariling kapakanan lang, inilabas ni Cesar ang tsekeng pambayad sa tuition fee ng kanilang mga anak ni Sunshine.

Isang kilalang male personality ang nagdiin sa amin noong minsan na puwedeng akusahang playboy si Buboy, na malikot siya sa aparato, pero bilang ama ay walang kahit sinong makapanunumbat sa action star.

“Puwedeng hindi siya perfect partner, pero ideal father siya. Responsible father si Cesar, alam iyon ng mga nakarelasyon niya,” pagpapatunay pa ng nakakuwentuhan naming kilalang aktor.

April “Boy” Regino – Long-time supporter ni Mayor Digong

Dalawang taon na ang nakararaan, sa mismong kolum na ito, ay sinulat namin ang sinserong pasasalamat ng mag-asawang April “Boy” Regino at Madel kay Mayor Rodrigo Duterte.

Napakalayo pa ng eleksiyon noon, magpapaopera ng kaniyang mga mata si April Boy, sa iba pa iyon nalaman ng mayor ng Davao kaya nagtampo ito sa mag-asawa.

Ipinakuha ni Mayor Digong ang account number ng Jukebox King, walang sabi-sabing nagpalipat ng pera, tauhan lang nito ang nagsabi kay Madel na pakitsek kung pumasok na sa account nila ang halagang ipinadala ni Mayor Digong.

Napaluha si April Boy, abut-abot naman ang pasasalamat ni Madel kay Mayor Digong. Hindi sila nagsalita tungkol sa operasyon ng singer pero bukas pala ang magkabilang tenga ng mayor ng Davao tungkol doon.

Maaaring hindi maniwala ang marami pero totoo. Sa bawat pag-akyat ni April “Boy” Regino sa entablado de-kampanya ni Mayor Digong mula pa noong 2001 ay hindi nagpapabayad ang Jukebox King.

May mga kampanyang sa Davao na halos sila naninirahan, dalawang buwan silang nakatira sa hotel, para ikampanya si Mayor Digong. Walang uwian iyon hanggang sa huling entablado.

Noong sa wakas ay tanggapin na ni Mayor Digong ang hamon para kumandidato sa panguluhan ay si April Boy lang ang singer na kumanta sa kaniyang entablado sa Tondo.

Noong May 7, huling gabi ng kampanya, ay nasa Luneta rin si April Boy para sa miting de avance ni Mayor Digong.

Kuwento ni Madel, dakilang misis ng Jukebox King, “Ipinatawag po ni Mayor Digong si April. Niyakap po siya nang sobrang higpit ni mayor. Naiyak si April dahil ramdam niya ang sincerity ng yakap sa kaniya ni mayor.

“Magkayakap po silang nag-usap, sabi sa kaniya ni Mayor Digong, ‘Maraming-maraming salamat. Hindi kita makakalimutan.’ Kasi po, mula noong 2001, si April na ang kumakanta sa mga kampanya ni Mayor.

“Nagbiro po si April, ‘Baka po kapag nasa Malacañang na kayo, hindi n’yo na ako maalala.’ Mabilis ang sagot ni mayor, ‘Hinding-hindi mangyayari iyon. Ipahahanap kita.’

“Sobrang naging close na po kasi kami sa pamilya ni mayor. Kapag campaign period, sa isang hotel na po sa Davao kami nakatira, walang uwian sa Manila iyon.

“Minsan, kumakain kami sa bahay ni mayor. Napakasimple lang po ng mga bahay niya. Parang hindi siya si Mayor Digong. Sapat na po para kay April ang naging kaibigan niya si Mayor Digong, kaya kapag kailangan kami sa kampanya, hindi po siya nagpapabayad,” mahabang kuwento ni Madel Regino.

Tumawag sa amin si Direk Franie Zamora, ang namahala-nagpatakbo sa kampanya nina Mayor Digong at Senador Allan Cayetano dito sa Maynila, pinatunayan nito na sa lahat ng entabladong inakyatan ng Jukebox King ay hindi siya nagpabayad.

“Nagbibigay kami ng honorarium sa ibang performers, pero si April Boy, never na tumanggap,” sabi ng anak-anakan naming direktor.

Totoo, may mga pamosong personalidad pa ring hindi ginagawang raket ang kampanya, tulad ni April “Boy” Regino.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251