Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Mayo 1 – 15, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 1 – 15, 2016

  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
   Maine Mendoza
 
Maine Mendoza
  Daniel Padilla
 
Daniel Padilla
  Angelica Panganiban
 
Angelica Panganiban
  JC Intal, Bianca Gonzales and baby Lucia
   
JC Intal, Bianca Gonzales at si baby Lucia

Halalan – Hindi maiaalis ang personalan, onli in da Pilipins!

Dahil sa pulitika ay maraming magkakaibigan ang nagsasaulian na ng kandila ngayon. Sayang na samahan na nag-ugat pa noong kanilang kamusmusan; ang iba naman ay magkakaeskuwela pa sa elementarya at high school, pero winasak lang ng pulitika ang kanilang pagkakaibigan.

Kahit magkakapamilya nga ay damay rin sa pagpepersonalan sa pulitika. Magka-apelyido sila, pero magkaiba ang kandidatong binibigyan nila ng suporta, kahit pa gasgas nang kasabihan ang isang araw lang naman ang halalan.

Lalayo pa ba tayo? Iisang dugo kung tutuusin sina Senadora Grace Poe at Sheryl Cruz, pero sa halip na suportahan ang itinuring na anak ni Manang Inday, puro pagkontra pa kay SGP ang pinaiiral ni Sheryl.

Ang pamilya Cojuangco, isang sinapupunan lang din ang kanilang pinagmulan, pero kung nasa kanan si P-Noy ay nasa kaliwa naman ang kaniyang mga kamag-anak at kadugo.

Hindi talaga maiaalis ang pagpepersonalan sa larangan ng pulitika. Kapag maka-Grace Poe ka o maka-Binay o maka-Mar Roxas, siguradong iba-bash ka ng mga maka-Duterte, banye-banyerang apdo ang ipalulunok nila sa iyo na para bang ang kinakain mo sa araw-araw ay sila ang bumibili.

Pero iyan na ang pulitika sa Pilipinas. Onli in da Pilipins!

Manny at Kris – Pinagplanuhang dukutin ng Abu Sayyaf

Dahil sa rebelasyon mismo ni P-Noy na pinagplanuhan palang dukutin ng grupo ng Abu Sayyaf ang kaniyang bunsong kapatid at si Congressman Manny Pacquiao ay umariba na naman ang mga bagong kuwento.

Sangkatutak na naman ang nam-bash sa magkapatid. Nagngalit na naman ang mga bagang ng kanilang mga bashers, pati raw ba usapin ng rebeldeng grupo ay kasali pa rin si Kris Aquino?

Hindi sinakyan ni Pacman ang rebelasyon ni P-Noy. Ayon kay Pacman ay kontra iyon sa kaniyang paniniwala dahil mahal ng boksingero ang lahat ng mga Pilipino at kasama na ru’n ang mga Muslim nating kapatid.

Komento ng isang basher, “Nagpairal ang gobyerno ni P-Noy ng no ramsom policy. Hindi bale nang patayin o pugutan ng ulo ang bihag, pero hindi pa rin magbibigay ng ransom ang gobyerno!

“Kung natuloy kaya ang pagdukot sa sister niya, eh, ganoon din ang paiiraling policy ni P-Noy?

“Siyempre, hindi siya makapapayag na masaktan si Kris, lalong hindi niya maaatim na pugutan ng ulo ang kapatid niya dahil sa hindi nila pagbibigay ng ransom!”

Kris Aquino – Milyon-milyon ang ibinabayad sa taxes taun-taon

Mabuti na lang at tuwing lumalakad si Kris Aquino ay marami siyang kasamang security. Kahit sa pintuan ng kaniyang dressing room ay may dalawang nakabantay sa kaniya.

Kahit ang kaniyang mga anak ay may mga bantay rin, na dapat lang naman, dahil malaki ang peligrong may dumukot kina Josh at Bimby para ipatubos sila nang daang milyong piso.

Ayaw man ng aktres-TV host na palaging may nakabuntot sa kaniya ay kailangan iyon para sa kaniyang seguridad. Bukod sa kapatid na siya ng pangulo ay alam ng buong mundo kung gaano siya kayaman, lalo na’t buong-ningning pa niyang inilabas sa social media kung magkano ang kabuuang buwis na ibinayad niya mula noong 2008, hanggang noong nakaraang taon.

Hindi kaya sumagi man lang sa isip ni Kris na sa ginawa niyang paglalantad sa social media nang daan-daang milyong pisong ipinambayad niya sa BIR ay may kakambal na disgrasya iyon sa kaniyang nag-iisang buhay?

Tama, napanindigan niya ang katwiran ng kaniyang kuya na isa siya sa mga top taxpayers ng ating bayan kaya hindi siya dapat upakan sa paggamit niya ng chopper ng gobyerno, pero napakalaking risko para sa kaniyang seguridad ang inilantad niya.

Huwag na ang Abu Sayyaf. Marami pang ibang grupong gumagawa ng ganoon para sa mabilisang pera. Natural lang na isang napakalaking target para sa oplan-dukot si Kris Aquino sa kanila.

May mga bagay-bagay na inilalabas. Mayroon ding mga detalyeng ipinakakatagu-tago. Iyon kasi ang pinag-uugatan ng imbitasyon, ng maitim na plano, ng tiwaling gawain.

Maine Mendoza – Hindi ang Pambansang Yaya ang partner ni Alden

Siguradong magwawala na naman ang mga tagahanga ni Maine Mendoza dahil hindi siya ang makakapareha ni Alden Richards sa seryeng pagbibidahan ng Pambansang Bae.

Kailangan na rin bang ihanda ni Jennylyn Mercado ang kaniyang sarili sa pamba-bash ng mga tagahanga ng Pambansang Yaya? Walang sinasanto ang mga fans ni Yaya Dub, kahit mga personalidad na nananahimik ay binubulabog nila, dahil para sa kanila ay si Maine lang ang dapat napapalapit kay Alden at wala nang iba pa.

Naalala tuloy namin ang sabi ng isang maka-Alden na minsan ay kumausap sa amin, ang komento nito, “Bakit kapag si Maine ang nali-link sa iba, okey lang sa kanila? Di ba, noong nakikipag-close sa kaniya si Derrick (Monasterio), kinikilig pa nga sila?

“Bakit kapag si Alden ang nababalitaan nilang nakikipag-close sa iba, galit na galit sila? Kahit nga mga dating friends ni Alden, bina-bash nila! Unfair naman ang ganoon. Napaka-double standard, di ba?

“Puwede kay Maine, pero hindi puwede kay Alden? Sobrang selfish nila, ano’ng gusto nilang mangyari kay Alden, robot na kung saan nila gustong dalhin, e, hindi na puwedeng tumanggi sa kanila?” sentimyento ng tagahanga ni Alden.

Pero pepreno naman siguro sila kay Jennylyn Mercado dahil may karelasyon na ito. At walang gusto ang aktres kay Alden, trabaho lang ito, kaya walang dapat ipag-alala ang mga tagasuporta ni Maine Mendoza na baka maagaw ng iba sa kaniya ang Pambansang Bae.

Daniel Padilla – Buking ang pagka-sintunado sa live singing

Pagkatapos ganapin ang Himig Handog noong isang gabi ay hindi muna umuwi ang mga nanood. Nagkape-kape muna sila, pinagkuwentuhan ang mga naganap, bumibida sa kanilang kuwentuhan si Daniel Padilla.

Special guest si Daniel Padilla, siya ang pinakahuling kumanta, pansin na pansin ng mga nagkukuwentuhan ang pagiging sintunado ng young singer-actor.

“Ano ba iyon? Mahirap talagang isalang sa live ang mga artistang kapos naman sa singing talent! Live band kasi iyon, hindi lip-sync, doon talaga nagkakaalaman kung sino ang singer talaga at nakakakanta lang!” komento ng isang miron sa umpukan.

May naalala ang isang nandoon, “Tama ka. Hindi sapat na guwapo lang ang artista. Si Elmo Magalona, sintunado rin noong kumanta siya sa birthday celebration niya.

“Aysus! Pareho lang sila ni Daniel na umeekis ang boses, pareho silang sintunado!” sabi ng isa.

Komedya naman ang hatid ng opinyon ng isang nasa umpukan, “Ayan, kasi, masyadong busy si Karla Estrada sa sarili niyang career! Tuloy, napababayaan na niya ang career ni Daniel!”

Angelica Panganiban – Aminin na sanang wala na sila ni JLC

Nang-uurirat na tanong-opinyon ng aming mga kaibigan, kailan daw ba aaminin nina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban ang kanilang hiwalayan, samantalang obyus na obyus namang tapos na ang kanilang relasyon?

Ideya pa ng isa naming nakausap, “Hindi kaya instead na sa TV lang niya sinasabi ang stand niya tungkol sa break-up nila ni John Lloyd, eh, gayahin ni Angelica si Joey de Leon na nagpapa-print ng t-shirt para idiin ang statement na gusto niyang iparating sa publiko?

“Naku, maraming ipagagawang statement t-shirts si Angelica pag nagkataon. Puwede siyang magpa-print ng ‘Sa umpisa ka lang pala, pero wala ka namang itatagal!’ Puwede ring ‘Para kang kotse, arangkada lang ang alam mo, pero nawawala na sa rektahang takbo!’

“Marami pang iba! Si Angelica pa naman, she’s witty! Kapag nainis ang ale, siguradong mapapahiya si JLC!” napapailing na komento ng isa naming kaibigan.

Produkto ng kalye si Angelica Panganiban, hindi siya laking-kumbento, kaya hindi niya kailangan ng kakampi sa bawat labang pinapasok niya.

Bianca Gonzales ­– Alam na ngayon ang pakiramdam ng bina-bash

Alam na siguro ngayon ni Bianca Gonzales ang pakiramdam ng bina-bash. Hindi sanay ang TV host na bina-bash siya. Mas sanay si Bianca na siya ang namba-bash.

Sa maraming pagkakataon ay palaging nakikisahog sa mga isyu si Bianca. Kahit wala namang nanghihingi ng kaniyang opinyon, na karapatan din naman niya, ay naglalabas siya ng emosyon sa social media.

Kahit mga kasamahan pa niyang personalidad ang sangkot sa kuwento ay may opinyon si Bianca Gonzales. Nagbibigay siya ng kaniyang komento. Palagi siyang kasali.

Noong malagay sa isang matinding sitwasyon si Willie Revillame ay opinyon kung opinyon ang ginawa ni Bianca. Parang wala nang bukas sa kaniyang pagkontra sa aktor-TV host. Minarkahan siya ng mga nagmamahal kay Willie.

Baligtad na ang sitwasyon ngayon. Siya na ang bina-bash. At ang masaklap pa ay sangkot ang anak nila ni JC Intal sa usapin.

Nang mag-post siya ng mga retrato nilang mag-ina sa social media ay naging aktibo ang mga bashers. Pinintasan nang todo ng mga ito ang kaniyang anak na maitim daw kaya kailangan niyang ipa-bleach paglaki ng bata.

Pangit daw ang produkto nila ng basketbolista bukod sa maitim pa, kaya mas makabubuting huwag nang ipino-post ni Bianca ang kanilang mga retrato, ipang-album na lang daw niya.

Napakasakit ng mga ganoong salita para sa isang inang tulad ni Bianca. Walang karapatan ang kahit sino na mamintas-mangyurak sa hitsura ng anak ng kahit sino.

Maling-mali ang atake ng mga namba-bash sa anak ni Bianca. Maaaring hindi pa nabibigyan ng oportunidad na magkaanak ang mga iyon kaya hindi nila alam ang damdamin ng isang ina.

Sana’y si Bianca na lang ang kanilang sinentruhan at hindi na ang bata dahil wala namang kasalanan ang anak ng TV host sa mga nangyayari. Lalong hindi pa kayang ipagtanggol ng bata ang kaniyang sarili.

Mali ang personal na atake ng mga bashers sa kaniyang anak, pero may mahalagang leksiyong matututuhan si Bianca Gonzales sa senaryong ito, masakit ma-bash.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251