Marso 16-31, 2017
![]() |
|
Bea Alonzo![]() |
|
Bea Alonzo & Gerald Anderson |
|
![]() |
|
Coco Martin |
|
![]() |
|
Gabby Concepcion & Sharon Cuneta |
|
![]() |
|
Gabby & Sharon noon |
|
![]() |
|
Cesar Montano & Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo![]() |
|
Manny Pacquiao |
|
![]() |
|
Noven Belleza |
|
![]() |
|
Vice Ganda |
|
![]() |
|
Nora Aunor |
Gerald Anderson at Bea Alonzo – Totoong nagmamahalan na
Hindi pa diretsong umaamin sina Gerald Anderson at Bea Alonzo tungkol sa kanilang relasyon. Parang nagdu-duet ang dalawa kapag natatanong sa pagsagot na pareho raw kasi silang busy sa kanilang trabaho.
Pero siyempre’y alam na natin ang totoo, magkarelasyon na sila, humuhugot na sila ng inspirasyon sa isa’t isa. Alam na natin na hindi pa lang sila umaamin pero totoong sila na.
At wala namang mali kung magmahalan man sila dahil pareho na silang malaya. Dalawang puso sila ngayon na naggagamutan ng sakit na inabot nila sa nakaraang pakikipagrelasyon.
Si Gerald mula kay Maja Salvador at si Bea naman mula sa hiwalayan nila ni Zanjoe Marudo. Sa dalawang relasyon ay ang kina Bea at Zanjoe ang ikinabigla at pinanghihinayangan ng marami.
Marami kasing umasa na sa altar na hahantong ang kanilang pagmamahalan pero wala ngang ibinibigay na garantiya ang panahon. Sa hiwalayan din iyon nauwi.
Malaki ang pagkakahawig ni Bela Padilla kay Bea. Sa mga romantiko nilang tagpo ni Zanjoe Marudo sa seryeng My Dear Heart ay si Bea kaya ang nakikita ng aktor habang katitigan-kayakapan nito ang aktres?
Napansin namin sa madalas na pagtutok sa serye na magaling nang umarte si Zanjoe. Maemosyon na. si Bea Alonzo naman ay hinog na sa pag-arte, kahit anong papel ang ipagkatiwala sa kaniya ay naitatawid ng aktres na mahal na mahal ng mga camera sa sobrang ganda, kaya maraming kinikilig sa kanila ni Ian Veneracion sa A Love To Last.
Tuluy-tuloy lang ang pagririgodon ng lovelife ng maraming personalidad. Matira ang matibay. Sumusugal sila sa pakikipagrelasyon.
Coco Martin – Ayaw pa ng mga fans na matapos ang Ang Probinsiyano
Tanong nang tanong ang aming mga kaibigan kung malapit na raw bang magtapos ang mahigit isang taon nang matagumpay na action serye ng ABS-CBN na Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Sana raw ay hindi pa. Sana raw ay magkaroon pa ng ekstensiyon ang palabas, dahil hahanap-hanapin nila ang maaaksiyong eksena sa serye na hinahaluan ng puso at nagtuturo ng kagandahang-asal sa mga manonood.
Sabi ng aming kaibigang si Jojo, “Palagay ko, e, malapit na ang ending, kasi, napanood ko na ang encounter ni Coco at ni Arjo Atayde. Pati ang engkuwentro nila ni Eddie Garcia, ipinakikita na. E, sila ang pinakamatinding magkakaaway sa story, kaya natatakot ako na baka matatapos na ang Ang Probinsiyano.
“Huwag pa sana, iyon ang reason kung bakit nagmamadali akong umuwi. Happy nga ang wife ko, kasi, noong umpisahan ko nang panoorin ang serye, e, hindi ako sumasama sa mga friends ko para mag-happy hour. Diretso na akong umuuwi dahil kailangan kong masubaybayan ang programa,” kuwento ng aming kaibigan.
Punumpuno ng aksiyon ang pinagbibidahang serye ng magaling na aktor na si Coco Martin, huwag kang pipikit sa pagtutok, dahil siguradong may makalalampas na mahalagang eksena sa palabas.
At hindi lang mga kalalakihan ang audience ng Ang Probinsiyano, kahit ang mga nanay ng tahanan ay maagang nagluluto para wala nang mang-aabala sa kanila oras na nagsimula na ang palabas. Ganoon katindi ang panghalina ni Coco Martin at ng kaniyang kasamahan sa programa.
Isang kaibigan din namin ang nagsabi na dahil sa Ang Probinsiyano ay natutuhan nitong mag-ingat, nagbibigay kasi ng mga tips ang serye para makaiwas tayo sa krimen, hindi lang basta puro maaaksiyong eksena ang ibinibigay ng palabas.
Gabby Concepcion – Movie with Mega? 10 million pesos muna
Naunsiyami ang pag-asa ng mga tagahanga nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion para sa kanilang pagbabalik-tambalan. Kasado na sana ang istorya ng gagawin nilang pelikula para sa Star Cinema pero malaki ang posibilidad na hindi na iyon matuloy.
Pinaghandaan nang husto ni Sharon ang proyekto, ginawa nito ang lahat para bumagsak ang kaniyang timbang, pero hindi naman pala matutuloy ang pelikulang pagsasamahan nila ng kaniyang orihinal na ka-loveteam at ama ng kaniyang anak na si KC.
Lumabas ang tunay na dahilan kung bakit. Ayon sa mapagkakatiwalaang source na naglabas ng kuwento ay sampung milyong piso ang hinihinging talent fee ni Gabby, parang may take it or leave it pang drama ang kaniyang pahayag, napakalaking halaga na katumbas na kung tutuusin ng tatlong pelikulang gagawin niya sa produksiyon.
“Ang katwiran ni Gabby, kung sakali raw na hindi kumita ang movie nila ni Sharon, e, kumita na siya. May ten million talent fee na siya, hawak na niya ang datung,” sabi ng source.
Hindi naman kaya presyong ayaw ang ibinigay ni Gabby sa Star Cinema? Presyong hindi kakagatin ng produksiyon dahil sobrang taas. Hindi kaya ayaw lang gawin ni Gabby ang pelikula nila ng ina ng kaniyang panganay?
Hirit ng source, “Si Gabby pa? Kahit ano, e, gagawin niya, ngayon pa ba naman siya magiging choosy? Ngayon pa ba naman na puro father roles na ang ibinibigay sa kaniya?”
Cesar Montano – Nakasandal sa pader! Sinuportahan ni Pres. Du30
Maituturing na nakasandal sa pader si Cesar Montano sa kontrobersiyang kinapapalooban niya ngayon. Napakaraming isyung ibinato laban sa kaniya ang mismong mga kaopisina niya sa Tourism Promotions Board (TPB) pero mukhang maling sigaw iyon dahil sinusuportahan si Buboy ng ating pangulo.
Diretsong nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito naniniwala sa mga upak kay Cesar dahil buung-buo ang kaniyang tiwala sa aktor.
Ibig sabihin noon ay nagsayang lang ng pagod at laway ang mga nagbalangkas ng pagkontra kay Cesar bilang COO ng TPB.
Ayon kay Cesar Montano ay may pinag-ugatan ang mga akusasyong walang basehan, maling-mali at imbento lang. Iyon daw ang naging resulta ng pag-iimbestiga niya sa ahensiya, mayroon daw siyang natuklasang mga anomalya, binabalangkas na nga raw niya ang mga iregularidad na iyon para ihain sa Department Of Tourism pero naunahan lang siya ng grupong nagpakalat ng mga maling kuwento laban sa kaniya.
Sarado na ngayon ang kuwentong hindi naman nagtatrabaho ang aktor bilang COO, gitara lang daw siya nang gitara sa kaniyang opisina.
Ang hindi lang nilinaw ni Cesar Montano ay ang akusasyon na ang ipinasok niyang staff sa ahensya ay mga kadugo niya. Ang kapatid niyang si Rommel. Ang hipag niya sa isang kapatid. Ang isa pa niyang hipag sa isang pinsan. At mga nagkokontrabida sa pelikula na palagi niyang nakakatrabaho.
Napakadaling target ngayon ng mga nakaupong opisyal ng gobyerno. Lalo na ang mga ipinuwesto ni Pangulong Duterte, sinisilipan ngayon ang mga ito ng kahinaan para lang sisihin ang nagtalaga sa kanila na ating pangulo, mahirap ang napasukang balwarte ni Cesar Montano.
Ang mali namang hakbang na ginawa ng grupong kumakalaban kay Cesar Montano ay nagtago sila sa dilim, ni isang pangalan ay hindi lumutang sa ipinakalat nilang dokumento, namamana tuloy sa dilim ang aktor kung sinu-sino ang mga nakikipagngitian sa kaniya sa ahensiya pero sa talikuran pala ay puro kalaban niya naman.
Kung magrereklamo ay kailangang kita ang ulo.
Una, mga duwag sila, gusto nilang magkaroon ng resulta ang kanilang sumbong nang hindi naman sila nagpapakilala.
Ikalawa, puro haka-haka lang ang laman ng dokumento, walang basehan, hindi kayang tumayo para maaksiyunan.
Pero hindi dapat maging kampante si Cesar Montano. Hindi ngayon at buo ang tiwala sa kaniya ng pangulo ay puwede na siyang matulog nang mahimbing. Huwag na huwag.
Sen. Manny Pacquiao – Fan ni Julia Roberts si Pacman
Isang gabing nagkukuwentuhan kami ng magaling na singer-composer na si Lito Camo ay tumawag sa kaniya ang Pambansang Kamao. Mayroon silang pinag-usapan tungkol sa isang kantang ihahandog ni Senador Manny Pacquiao sa isang malaking selebrasyon.
Pagkatapos mag-usap ng magkaibigan ay ibinigay sa amin ni Lito Camo ang telepono, ramdam na ramdam namin ang kasabikan sa boses ni Pacman, sana naman daw ay magkita kami isang araw.
Ang totoo ay palagi kaming sinosorpresa ng Pambansang Kamao. Kapag nanonood kami ng pagdinig sa Senado ay napakaaktibo niyang magtanong-mambusisi ng kanilang iginigisa.
Bago kami nagkausap ay iyon din ang pinagkukuwentuhan namin ni Lito Camo, parang kailan lang kasi iyon, pero ngayon ay mambabatas na ang kampeong boksingero.
Sabi ni Lito, “Wala siyang ipinagbago. Kahit pa napaka-successful na niya, kahit pa sikat na sikat na siya sa buong mundo, napaka-humble pa rin niya.”
At sabay kaming naghalakhakan ni Lito dahil sa isang anekdotang hinding-hindi namin makakalimutan. Isang gabi ay nagyaya si Pacman na lumabas, nabalitaan daw niya kasi na nasa isang bake shop ang paborito niyang si Julia Roberts, magpaparetrato raw siya sa tabi ng sikat na Hollywood actress.
Matindi ang kaniyang pakiusap, kaya kahit napakalamig ng klima ay bumangon kaming lahat para magpunta sa bake shop, makita lang niya si Julia Roberts na pinag-uusapan noon dahil sa tagumpay ng Knotting Hill.
Walang Julia Roberts sa bake shop. Ayon sa mga nandoon ay hindi raw nagpunta ang idolo ni Pacman pero dalawang araw na ang nakararaan ay nandoon nga ang Hollywood actress.
“Sayang! Sana noon tayo nagpunta dito! Hindi tuloy ako nakapagpa-picture sa idol ko!” napakatinding panghihinayang ng Pambansang Kamao.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang boksingerong gustung-gustong makapagparetrato noon kay Julia Roberts ay kasingsikat na rin ng kaniyang idolo ngayon? Baka nga kapag nagkasalubong-nagkita sila sa Amerika ng Hollywood actress ay ito pa ang makiusap ng selfie sa tabi niya.
At isa na siyang senador na nagsusunog ng kilay sa pag-aaral ng batas, napakarami niyang tinatanggap na biyaya ng tagumpay pero ang magkabila niyang paa ay nakatanim pa rin sa lupa nang malalim hanggang ngayon.
Sa kahit anong aspeto ay ang naturalesa ng tao ang palaging lumulutang. Puwedeng magpakumbaba ang iba dahil kailangan pero sa katagalan ay ang tunay na ugali pa rin niya ang mamamayagpag.
“Sana, magkita tayo isang araw. May pahinga naman ako sa Senado, magtawagan tayo. Ang sarap kayang balikan ang nakaraan…Hati-hati lang tayo noon sa hamburger, nangangarap pa lang tayo noon. Napakabait talaga sa atin ng Panginoon,” pahayag ng Pambansang Kamao-senador.
Noven Belleza – Isang inspirasyon ang Kampeon ng Tawag ng Tanghalan
Si Noven Belleza ng Negros Occidental ang tinanghal na pinakaunang kampeon ng Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime, nakuha niya ang boto hindi lang ng mga hurado, binigyan din siya ng standing ovation ng audience habang kinakanta niya ang medley ng Air Supply.
Napakataas ng nakuha niyang score mula sa mga judges at text votes, 99.96%, milya-milya ang layo sa pumangalawa at pumangatlo sa kaniya.
Malaking dagdag na simpatya para kay Noven Belleza ang payak na buhay ng kanilang pamilya. Nakakaantig ang kaniyang rebelasyon na kung minsan ay nagtatanong siya, bakit libro ang hawak ng kaniyang mga kaibigan, samantalang siya ay araro?
Pero hindi naging hadlang ang kahirapan para sa katuparan ng mga pangarap ng anak ng Negros, dumaan siya sa butas ng karayom pero nanindigan siya, gagawin niya ang lahat-lahat para mabigyan ng bagong hugis ang kundisyon ng kaniyang pamilya.
Sa tinanggap niyang premyong dalawang milyong puso, bahay at lote mula sa Camella Homes ng mga Villar at iba pang mga gantimpala sa pagiging unang kampeon niya ng TNT, ay isa-isa nang mabubuo ni Noven Belleza ang kaniyang mga pangarap.
Matutubos na niya ang nakasanglang lupa ng kanilang pamilya, makapag-aaral na uli siya, isang buhay na naman ang binago ng mabait na kapalaran.
Maraming kababayan nating anak-mahirap ang binigyan ng inspirasyon ni Noven Belleza. Isang patotoo ang kaniyang tagumpay na walang kinikilingan ang kapalaran basta ibigay mo lang lahat ang iyong talento.
Maligayang bati kay Noven Belleza!
Vice Ganda – Bina-bash ng mga loyalista ng Superstar
Inuupakan si Vice Ganda sa social media ng mga loyalista ni Nora Aunor. Sumosobra na raw kasi ang kabastusan ng komedyante-TV host. Iyon daw ang dahilan kung bakit biglang nag-back out ang Superstar sa pagiging hurado ng grand finals ng Tawag Ng Tanghalan.
At ang masakit pa ay ikinukumpara si Vice ngayon kay Kris Aquino. Huwag daw masyadong maging kampante sa kaniyang popularidad ngayon si Vice dahil baka mangyari rin sa kaniya ang naging kapalaran ni Kris sa ABS-CBN.
Sabi pa ng isang basher ni Vice Ganda, “Napakayabang niya! Lahat na lang, binabastos niya! Aabangan na lang namin ang pagbagsak mo! Remember, kung si Kris Aquino nga, nawalan ng career sa Dos, ikaw pa kaya?” sabi nito.
Pero kung mapapansin ay wala namang eksaktong depinisyon ng kabastusan ni Vice ang Superstar. Basta, alam daw nito na nagpaparinig sa kaniya si Vice, kung ano iyon ay hindi naman masabi nang eksakto ng aktres.
Mahirap makipag-argumento kapag puro kuwento-kuwento lang ang ating pinagbabasehan. Hindi eksakto ang ganoong istorya lang. Puwedeng may dagdag at puwedeng may kulang.
Huwag nagpapaniwala agad sa mga salitang isinasalin lang sa iba-ibang bibig. At kung sakali ngang minsan ay naparinggan ng komedyante-TV host si Nora, sa mga panahong ito ba naman ay kailangan pa nitong magtago ng galit sa kaniyang dibdib, mamemersonal pa ba naman si Nora?
E, sa lokal na aliwan na nagdalaga at nagkaroon ng puting buhok ang Superstar, dito na siya nabuhay, balat-sibuyas pa rin ba ito hanggang ngayon?
Ganti namang pamba-bash ng isang kapanalig ni Vice kay Nora, “Naku, hindi siya kakulangan sa grand finals ng TNT, ‘no! Nakakapagtaka, umoo na siya, pero biglang umurong! Mas malaki kaya ang talent fee na ibinigay sa kaniya sa kabila?”
Nora Aunor – Positibo man o negatibo, pinag-uusapan pa rin
Ang paglutang ng kontrobersiya tungkol sa hindi pagdalo ng Superstar sa grand finals ng Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime ay isang patunay na kahit paano’y ramdam pa rin natin ang presensiya ni Nora Aunor.
Pinag-uusapan pa rin siya. Positibo o negatibo man ang mga komento ay isang patotoo iyon na mabenta pa rin sa merkado ng mga intriga at kontrobersiya ang aktres.
Iyon nga lang, minsan ay pinapatulan siya ng mga pesonalidad na sangkot sa isyu, minsan naman ay hindi siya pinapansin, depende na lang iyon sa sitwasyon, pero nasa gitna pa rin siya ng entablado.
Marami kasing humuhusga na tapos na ang karera ng Superstar, paganyan-ganyan na lang daw ang estado ng kaniyang pagkaartista, minsang may proyekto at mas madalas na wala.
Tanggap naman ng marami nating kababayan na hindi na siya kasingsikat nang dati, napakalayo na ng takbo ng career niya ngayon sa pagiging super-sikat niya noon, pero ang mahalaga ay nand’yan pa rin siya.
Sana lang ay makatagpo ang aktres ng taong pakikinggan niya ang mga payo, sana’y magkaroon siya ng pambalanse, para hindi nagiging ganyan ang kaniyang disposisyon.
Kunsabagay, kahit naman ang mga taong nakakasama niya dati ay may deklarasyon na may katigasan talaga ang ulo ng aktres, mahirap siyang ispilengin, kaya nagkakawindang-windang ang kaniyang mga desisyon.