Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Marso 1-15, 2017

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMarso 1-15, 2017

  Jim Paredes
 
Jim Paredes
  Apo Hiking Society
 
Apo Hiking Society
  Lani Mercado Bong Revilla
 
Lani Mercado & Bong Revilla
  Nino Mulach & Alonzo
 
Niño Mulach & Alonzo
  Yassi Pressman & Coco Martin
 
Yassi Pressman & Coco Martin
  Paulo Avelino & Maja Salvador
 
Paulo Avelino & Maja Salvador

Jim Paredes – Kahiya-hiya, kung kailan pa naman tumanda…

Hanggang ngayon ay pinakakain ng apdo ng ating mga kababayan ang miyembro ng APO Hiking Society na si Jim Paredes.

Noong nakaraang linggo ay isinama namin sa mga prayoridad namin sa buhay ang panonood ng viral video. Paulit-ulit naming pinanood ang eksenang tinatalakan ni Jim Paredes ang isang maliit na grupo lang ng mga kabataang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Disente ang hitsura ng mga kabataan, tahimik lang sila. Nabulabog na lang ang kanilang mundo nang lapitan sila at talakan nang talakan ni Jim Paredes. Bumubula ang bibig ng singer-composer sa pagtalak-paghahamon sa grupo. Para siyang nakakuha ng solong permiso para awayin ang kahit sinong nasa selebrasyon ng People Power na hindi niya kaalyado.

Naging kahiya-hiya ang postura ni Jim Paredes dahil ang ipinagmamalaki niyang katalinuhan ay nalambungan ng pananahimik ng mga kabataang tinatalakan niya.

Parang ayaw siyang patulan ng mga ito dahil sa katandaan niya.

“Duwag!” madiin pang sabi ni Jim Paredes sa mismong tungki ng ilong ng kinokompronta niyang kabataan, sabay talikod.

May nakalimutang baunin si Jim Paredes sa selebrasyon ng People Power. Dapat ay binitbit niya ang pagrespeto sa paniniwala ng iba. Dapat ay nanindigan siya sa kaniyang ipinaglalaban nang hindi niya pinanghihimasukan ang posisyon ng kaniyang kapwa Pilipinong nandoon din para makiisa sa pag-alala sa EDSA Revolution.

Sa edad na edad na lang ngayon ni Jim Paredes ay kakambal na dapat niya ang kahihiyan.

Kahapon ay kausap namin sa telepono ang isang mas nakababatang singer na minsan isang panahon ay sumaludo rin sa talentong mayroon si Jim Paredes bilang isang musikero.

Naalala ng aming kakuwentuhang male singer, estudyante pa lang ito sa kolehiyo ay todo na ang kaniyang paghanga kina Buboy Garovillo, Danny Javier at Jim Paredes ng APO Hiking Society.

“Pinag-iipunan ko ang mga concert nila. Kumpleto ako ng album nila. Ilang beses ko silang pinanood sa Folk Arts Theatre, sa Araneta Coliseum, mga concert lang nila sa five-star hotels ang hindi ko napanood dahil sobrang mahal ng ticket.

“Idolo ko talaga sila, sobrang iniidolo, paborito ko ang mga songs nila. Pagkatapos ngayon, makikita ko si Jim Paredes na ganito? Ano na ba ang nangyayari sa kaniya? Wala namang masama kung Dilawan siya, kalayaan niya naman iyon, pero ang makita siyang ganito na parang babaeng talak nang talak?

“Alam mo kung ano ang feeling ko ngayon? Parang wow, ito ang sikat na singer-composer na pinapalakpakan ko noon! Ano na ang nangyari sa kaniya? Bakit parang ibang-iba na siya?

“Bilang performer na rin ngayon, parang ako ang hiyang-hiya para sa kaniya. Sana, hindi na lang niya pinatulan iyong grupong hindi naman siya inaano.

“Nakakahiya siya. Siguradong maraming singers din ang nahihiya ngayon para sa kaniya. Kung kailan pa naman siya tumanda,” eksaktong pahayag ng kausap naming male singer.

APO Hiking Society – Sinira ni Jim Paredes ang magandang image ng APO

Noong kasagsagan ng popularidad ng APO Hiking Society ay hindi namin minsan man nakausap nang kahit ilang segundo lang si Jim Paredes. Para kasing may nakaharang na pader sa pagitan niya at ng ibang tao.

Si Buboy Garovillo ay nakakabiruan namin paminsan-minsan, komedyante rin kasi ang magaling na singer, pero sa kanilang tatlo ay pinakagusto namin si Danny Javier.

Malalim kausap si Danny, siya kung tutuusin ang pinakautak ng APO, lutang na lutang ang kaniyang talento at may tulay siyang itinayo sa pagitan niya at ng kanilang audience.

Ano kaya ang nararamdaman ngayon nina Danny at Buboy sa mga pinaggagagawa ng kanilang kasamahang si Jim Paredes? Tulad kaya ng maraming miyembro ng OPM ngayon ay nagdadalang-hiya rin sila para sa kanilang kaibigan?

Age is just a number, paalala ng isang billboard sa EDSA, pero ilang hakbang lang ang layo mula sa kinapupuwestuhan ng nasabing billboard nagpalutang ng kagaspangan si Jim Paredes.

Totoong hindi tayo dapat matakot sa pagtanda. Ang pinakamahalaga ay ang ating pinagkatandaan.

Sen. Bong Revilla – Karma na ang gumanti kay Sen. Leila De Lima

Ramdam ang pakikiisa ng mas nakararami nating kababayan sa ipinahayag ni Senador Bong Revilla na ngayon ay natitikman na ni Senadora Leila de Lima ang masaklap na karanasan ng kaniyang pamilya sa agarang pagpapakulong sa kanila ni Senador Jinggoy Estrada.

Tama o mali, kalaban man o kaalyado, ay boses ng bayan na maituturing ang social media. At sa bilangan ng kampi at hindi ay liyamado si Senador Bong sa kaniyang pahayag.

Mahigit na dalawang taon na ang nakararaan ay humahalakhak si Senadora Leila de Lima at ang kaniyang mga kasamahan sa agarang pagpapakulong sa tatlong senador. Nagtagumpay kasi sila.

Pero gumulong ang panahon, nagbabago ang pagkakasalansan ng mga bituin, hindi natin hawak ang bukas. Ngayon, ang dating DOJ secretary naman na nagpabilis sa pagpapakulong sa mga senador ang inuulaol ng problemang mas mabigat pa nga, dahil sangkot ang droga sa kaniyang mga kaso.

Iyon ang gustong ipahiwatig ni Senador Bong na pinangalawahan pa ng kaniyang misis na si Mayor Lani Mercado. Kung ano ang damdamin nila noon ang nararanasan din ngayon ni Senadora Leila de Lima, napakasakit pala, sakit na bumabaon sa kalamnan.

Mababasa sa social media, “Karma lang ‘yan! Ano ba kasi ang ginawa ng mga Dilawan na ‘yan noong nakikipaghalikan pa sila sa kanilang posisyon?

“Nasa airport na si PGMA, naka-wheelchair, pinayagan na ng Supreme Court na makapagpagamot sa ibang bansa, pero bilang DOJ secretary, e, hinarang niya!

“Sino ba ang nasa likod ng lungkot na naramdaman ng pamilya ni CJ Corona? Isa-isahin lang ngayon ni Senator de Lima ang mga iyon at baka makatulong para gumaan ang dala-dala niya.

“Ganoon lang iyon! Hello, Carmi Martin (read: karma)! Hello, Boy George, kantahin mo nga ang Karma Chameleon!” isa lang sa mga nabasa naming komento.

Kung may tamang panahon ay mayroon ding weder-weder lang. Ganoon lang talaga. Ang mga humahalakhak noon dahil sa kapangyarihan ay puwede ring pumailalim sa gulong ng buhay.

Niño Muhlach – Namana ni Alonzo ang galing ni Onin

Nakakatuwa si Niño Muhlach. Ang nakikita nating pagiging marespeto sa kapuwa ni Alonzo ngayon ay walang dudang kay Onin nag-uugat.

Ang sobrang sikat na child wonder ang nagpapakilala sa kaniyang anak sa mga reporters. Sasabihin niya, “Beso ka kay lola. Malaki ang naitulong niya kay papa. Say hello to her.”

Ganoon siya umalalay sa kaniyang anak, alam kasi ni Niño ang bituka ng showbiz, dahil ang mundong ito ang nagbigay sa kaniya ng napakagandang kapalaran.

Hindi nagbago si Onin. Siya pa rin ang Niño Muhlach na minahal noon nang todo-todo ng publiko, lahat ng pelikula niya ay pinipilahan, namiruya ng salapi si Onin noong kaniyang kapanahunan.

Hindi nasayang ang lahat ng kaniyang pinaghirapan, bawat sentimong kinikita niya ay nakalagak sa bangko, mahusay magmaniobra sa pananalapi ang kaniyang amang si Alex.

Nand’yan ang El Niño Apartelle, ang milyun-milyong halaga na siguradong hawak na ni Onin ngayon, hindi nalustay ang kaniyang pinagsakripisyuhan.

At masuwerte si Onin kay Alonzo. Magaling nang umarte ang child actor ay marespeto pa, bibung-bibo ito, manang-mana sa kaniyang ama.

May urban legend tungkol kay Niño Muhlach. Noong mga panahon daw na aliw na aliw sa kaniya ang publiko ay pinainiksiyunan daw siya ng pampaliit ng kaniyang ama.

Para raw hindi siya lumaki agad, para raw manatili siyang child actor na sikat na sikat, ganoon ang kalokohang intrigang kumalat noon tungkol kay Onin.

Siyempre’y pinagtawanan lang iyon ng mag-ama, sino nga ba namang tatay ang magkakagustong huwag nang lumaki ang kaniyang anak, nang dahil lang sa salapi at kasikatan?

Ang totoo ay kakaiba ang galing ni Niño Muhlach. Mismong ang scriptwriter-director niyang si Baby Navoa ang nagkukuwento na ibang klase ang talentong mayroon si Onin.

Hindi pa siya halos nakapagbabasa noon, mahahaba ang mga dayalog niya, ipaliliwanag lang sa kaniya ng continuity director kung ano ang buod ng eksena.

Babasahin lang nito kay Onin ang kaniyang mga dapat sabihin at iyon na! Sobra pa sa hinihingi sa kaniya ang ibinibigay ni Onin. Uma-adlib pa siya.

Iyon din ang talentong nakikita ng marami ngayon kay Alonzo, magaling umadlib ang bagets, kaya sabi ng mga nakasaksi sa galing ni Onin ay manang-mana ang bata sa kaniyang pinagmanahan.

Lahat naman ng tao ay may nakalaang regalo. Bigay iyon sa atin ng Diyos at ng kapalaran. Mayroong magaling umarte, kumanta, sumayaw, magpinta, magsulat, magmadyik, magnegosyo at kung anu-ano pang linya.

Ang kayang gawin ng iba ay hindi natin kayang gawin, kung paanong ang kapasidad natin ay hindi rin kaya ng iba na plakaduhin, kani-kaniyang linya ang ibinigay sa atin.

Lahat tayo ay may regalo. May nakalaang pagkakataon sa ating lahat para tayo’y maging produktibo. Lahat tayo’y puwedeng magtagumpay sa ating hanay.

Kung minsan lang talaga ay tamad tayong magbukas ng regalo.

Ang Probinsiyano – Nakakaadik panoorin si Coco Martin

Kapag walang laro ang Barangay Ginebra ay nakatutok kami sa Ang Probinsiyano. Kapag commercial break ng seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin na may katagalan ay lumilipat naman muna kami sa HGTV.

Malaking problema sa amin kapag magkatapat ang laro ng paborito naming koponan sa PBA, saka ang serye ng Dos, dahil may mga napapalampas kaming eksena ng palabas.

Patalastas ang solusyon. Kapag break ng PBA, kunwari’y may tumawag ng time-out, doon naman kami tumututok sa Ang Probinsiyano. Kahirap!

Hindi namin nasimulan ang serye, mga huling buwan na lang noong nakaraang taon namin iyon nasilip, pero sa minsanang panonood ay naadik na kami sa Ang Probinsiyano.

Hindi kasi madaya ang serye, bukod sa maayos na ang daloy ng maaksiyong istorya ay ang dami-dami pang mga datihan at napapanahong artistang nandoon, hindi babad ang mga eksena.

Magaling si Coco Martin. Iyon ang buhay na patunay na kapag mahal ng artista ang kaniyang trabaho ay mas mamahalin siya pabalik ng kaniyang propesyon.

May kamay si Coco sa pagbubuo ng kuwento ng serye. Hindi lang siya basta artista ng palabas bilang si Cardo Dalisay, napupulsuhan niya kung anu-anong mga eksena pa ang kailangang idagdag para kumapal ang istorya.

Gustung-gusto ng mga kababayan natin ang kanilang tambalan ni Yassi Pressman, ang aktres na pinagpala dahil maganda na ay mahusay pang umarte, tumatawid ang pang-screen lang nilang pagmamahalan sa manonood.

Mabilis makakuha ng mga ideya ang mga sumusulat ng script ng Ang Probinsiyano. Kakontemporaryo kasi nila ang panahon.

Salamin ng tunay na nagaganap sa ating lipunan ngayon ang mga ipinakikitang eksena sa serye. Makatotohanan. Si Cardo Dalisay ang sumisimbolo sa kasabihan na marami mang bulok na alagad ng batas ay huwag namang lalahatin dahil may natitira pa ring tuwid at tapat sa kanilang tungkulin.

Maja Salvador – Maganda, may talent, pero bakit parang malas sa takilya?

Masakit na ay nakakalungkot pa para kay Maja Salvador ang mga komentong naglalabasan ngayon sa social media. Jinx ang tawag sa kaniya ng mga netizens dahil flop sa takilya ang pelikula nila ni Paulo Avelino.

Binabanggit din ng mga nagkokomento ang iba pang mga pelikulang pinagbidahan ng young actress na hindi rin kagandahan ang kinita; first day-last day pa nga raw ang iba, kaya itinuturing siyang jinx ngayon.

Sayang na sayang si Maja Salvador dahil magaling naman siyang umarte, maganda ang young actress. Kabog na kabog din niya sa pagsayaw ang kaniyang mga kakontemporaryo.

Hinid pa lang siguro dumarating ang tamang proyekto para sa kaniya. Kailangan pa siguro niyang maghintay, para mapatunayan niya na isa nga siyang Salvador.

May pinagbibidahan siyang serye ngayon sa ABS-CBN, hindi naman siguro siya bibigyan ng ganoon kagandang project kung hindi siya tinatangkilik, di ba naman?

Ano nga kaya ang bitbit ng dalagang ito at inaalat ang kaniyang mga proyekto sa takilya? May mabigat ba siyang bagahe para matawag siyang jinx?

Puhunan na niya ang pagiging Salvador, may talento pa siya, ano pa ba ang kailangan para makalusot ang mga proyekto ni Maja sa takilya?

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Maja is pretty, hamak ganda niya naman sa iba niyang kasamahan d’yan. Pero may kulang sa kaniya, something is really lacking, parang flat ang appeal niya.”

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251