Agosto 16-31, 2017
![]() |
|
James Reid & Nadine Lustre |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta / Robin Padilla |
|
![]() |
|
Jake Zyrus & Shyre Aquino |
|
![]() |
|
Vice Ganda |
|
![]() |
|
Tony Calvento |
|
![]() |
|
Erich Gonzales, Paul Soriano & Toni Gonzaga |
|
![]() |
|
Super Tekla |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Empoy Marquez |
|
![]() |
|
Claudine Barretto & mother
|
|
![]() |
|
Coco Martin at Julia Montes |
Nadine Lustre – Pinagpipistahan na naman sa social media
Hindi talaga umaayon ang panahon ngayon kay Nadine Lustre. Pagkatapos siyang pag-initan sa social media dahil sa kaniyang katwiran na hindi krimen ang pakikipag-live-in ay heto na naman ang isa pang kontrobersiyang ewan kung paano niya malulusutan.
Isang lasing na lasing na Nadine naman ang pinagpipistahan ngayon sa social media, ipinakikita siyang nakikipag-inuman, nang malasing na siya ay sigaw siya nang sigaw ng “I love yooooooooo!!!!
Tanong nga mga netizens ay ano na ba ang nangyayari kay Nadine at parang nagiging masokista na siya? Parang siya pa ang nang-iimbita para siya pagpistahan, para siya masaktan, ine-enjoy raw kaya ng dalaga ang mga pamba-bash na natitikman niya ngayon?
Ang iba naman ay may opinyon na ang lahat ng mga ginagawa ni Nadine ay hindi niya naman talaga gusto, iyon daw ang gusto ni James Reid na gawin niya, para walang problema sa kanilang relasyon. At dahil sa sobrang pagmamahal niya sa binatang aktor ay sunud-sunuran na lang siya.
Ang nagmamahal daw ay nagiging bulag sa katotohanan. Para lang mapaligaya ang kaniyang mahal ay gagawin niya ang lahat, ipupusta niya kahit ang kaniyang career, huwag lang silang magkahiwalay ng kaniyang karelasyon.
Kung nasa ganoong sitwasyon si Nadine, sana ay maaga siyang magising sa katotohanan na may sarili siyang buhay, hindi siya nakatitiyak na magiging panghabambuhay na ang relasyon nila ni James Reid.
Walang masama sa pagmamahal na ibinibigay niya kay James, pero sana’y mag-iwan siya para sa kaniyang sarili, para kapag dumating ang ayaw niyang mangyaring paghihiwalay nila ng kaniyang boyfriend ay mayroon pa siyang naitatabi.
May maiiwanan pang puhunan para sa kaniya, hindi siya nasaid nang husto, bantayan dapat ni Nadine ang kaniyang kinabukasan.
Sharon Cuneta – Bored ba kaya si “Robin ko” ang napagdiskitahan?
Sabi ng isang source ay wala na naman daw sigurong magawa si Sharon Cuneta kaya nakatanghod na naman ang Megastar sa kaniyang laptop. Si Robin Padilla naman ang napagtuunan niya ng atensiyon ngayon sa social media.
Binalikan ni Sharon ang nakaraan nila ng action star, ang kanilang relasyon na dapat ay mauuwi na sa kasalan, pero biglang nadiskubre ni Sharon na may Liezel Sicangco pala si Binoe.
Hindi na idinetalye ni Sharon pero sa eroplano niya nalaman ang lihim. May nakapagsabi sa kaniya na ihinatid ni Robin sa Australia si Liezel, nagdadalantao, na malapit nang ikahimatay ni Mega.
Nauwi sa wala ang kanilang pagmamahalan. Galit na galit si Sharon. Napakatagal niyang iniyakan ang senaryo. Gusto na niyang kantahin noon ang pamosong piyesa ng mga lasing na “Pasumpa-sumpa ka pa, #$*%na ka! Na mahal na mahal mo ako, &%$#na mo!”
Pero iba na nga ang eksena ngayon. Ginamot na ng panahon ang galit niya kay Robin. Best friends na sila ngayon. At naglitanya si Sharon na kahit kailan ay hindi siya pinabayaan ng action star kahit pa hindi sila nagkatuluyan.
“Robin ko” ang tawag ni Sharon sa aktor, isang bagay na pinuna sa kaniya ng mga netizens, hindi raw kaya naiisip ni Shawie ang kaniyang mister na senador na puwedeng maapektuhan sa kaniyang post tungkol kay Robin?
Sana raw ay maging sensitibo naman si Mega dahil mayroon na siyang mister, may misis na rin si Binoe, kaya huwag na sana niyang binabalik-balikan pa ang kanilang nakaraan ni Robin Padilla.
“Robin ko” ang tawag niya sa action star sa kaniyang post. Paano kung may isang babae raw namang tumawag sa senador ng “Kiko ko,” hindi raw kaya magwarla si Sharon, tanong ng ating mga kababayan.
Jake Zyrus – Tumibok muli ang puso, may bagong girlfriend
May bago nang pagibig si Jake Zyrus. May kapalit na si Alyssa Quijano sa kaniyang puso. Tumitibuk-tibok na naman ang puso ng international singer na itinambak na sa basurahan ang dati niyang pangalan.
Tanggap na tanggap daw siya ni Shyre Aquino sa kung ano at sino siya. Mahal na mahal daw siya ng girl. Kulay rosas na naman ang paligid ngayon ni Pareng Jake.
May karapatan namang lumigaya si Charice Pempengco. Pagkatapos ng paghihiwalay nila ni Alyssa ay dapat lang namang makahanap siya ng babaeng makapagpapaligaya sa kaniya.
Ito ang inspirasyon ngayon ni Jake Zyrus, ito ang kaniyang bitamina, ito ang bagong nagpapaikot ng kaniyang mundo. Sana lang ay iwasan na ni Jake ang paglilitanya sa social media na naglalagay sa kaniya sa alanganin.
Noong sila pa kasi ni Alyssa Quijano ay parang wala nang katapusan ang kanilang pagmamahalan, parang may forever, kaya nga pati ang kaniyang pamilya ay kinalaban niya sa pakikipagrelasyon sa babaeng ayaw ng mga ito para sa kaniya.
Medya-medya lang, huwag buhos na buhos, matuto na sana si Jake Zyrus na magtira nang kahit kaunti lang para sa kaniya.
Masarap lang namnamin ang salitang forever, pero marami nang nagpatunay na sa kanta lang mayroong ganoon, walang forever sa totoong buhay.
Pero maraming masaya sa bagong pag-ibig ni Jake Zyrus. Sa tindi ng kaniyang pinagdaanan ay kailangan niya ng inspirasyon na magbibigay ng kulay sa madilin niyang mundo.
Vice Ganda – Di na natuto. Mukhang makakasuhan dahil sa pamimintas
Hindi binasang sulat ng panghihingi ng paumanhin ang makasasapat sa nasaktang damdamin ng kilalang peryodista-komentaristang si Tony Calvento.
Si Vice Ganda ang gusto niyang marinig-mapanood na humihingi ng dispensa sa ginawa nitong pagkaladkad sa nananahimik niyang pangalan para lang magpatawa-magkomedya.
Kundi iyon gagawin ng sikat na komedyante-TV host ay malinaw ang posisyon ni G. Calvento, itutuloy pa rin niya ang pagsasampa ng kaso laban kay Vice Ganda, sa It’s Showtime at sa ABS-CBN.
Sa biglang paghusga ay maaaring isipin ng iba na sobra namang makapagbigay ng reaksiyon si G. Calvento, nabanggit lang ang pangalan niya sa himpapawid, ganyan na katindi ang hinihingi niya kay Vice?
Pero kung lalaliman natin ang pag-ugat sa senaryo ay mapapatunayan natin na hindi lahat ng tao ay bukas ang kalooban para gawing katatawanan ang kanilang buhay.
Okey na sana ang mga unang komento ni Vice Ganda. Pinayuhan nito ang kalahok sa Tawag Ng Tanghalan na huwag ikahiya ang kaniyang hitsura, mukha iyon ng kalahok na dapat ay ipagmalaki nito dahil iyon ang kaniyang-kaniya.
Ang nagtanim ng kakaibang dating kay G. Calvento ay ang sinabi ni Vice na kahit pa kamukha ng kalahok ang peryodista ay dapat pa rin itong maging proud, huwag ikahihiya ang kaniyang hitsura, dahil iyon ang bigay sa kaniya.
Kung titilarin natin ang litanya ni Vice Ganda ay ang bahaging “kahit pa kamukha mo si Mr. Tony Calvento” ang nagdiin sa kaniya. Iyon ang ikinasama ng loob ni G. Tony Calvento, minenos ni Vice Ganda ang kaniyang pagkatao, ginawa siyang katatawanan ni Vice on national television.
Matalino si Vice Ganda. Hindi lang siya magaling na komedyante. Mabilis magtahi-tahi ng senaryo si Vice Ganda sa himpapawid na kahanga-hanga dahil napakaaktibo ng kaniyang utak sa pag-iisip.
Pero parang mabilis siyang makalimot. Dapat ay natuto na siya ng leksiyon sa ginawa niyang lantarang pagpapahiya noon sa himpapawid sa magaling na TV host na si Jessica Soho.
Pinakain na siya ng apdo noon ng publiko, halos ibinayubay na siya sa krus noon dahil sa panghihiya sa isang nananahimik na personalidad, pero heto na naman si Vice.
Tama ang pahayag ni G. Tony Calvento na hindi ngayon at sikat na sikat si Vice Ganda ay binibigyan na siya ng pasaporteng manghiya at mampahiya ng mga taong nananahimik.
Inuulit namin, ang mikropono ay parang baril, iyon ang itinuturing na armas ng mga tulad ni Vice Ganda. Oras na nasabi na niya ang mga salitang nakapananakit ay parang kinalabit na rin niya ang gatilyo, hindi na niya mababawi pa iyon, pinal na ang salitang binitiwan niya.
Erich Gonzales – Nagka-relasyon daw noon kay Direk Direk Paul Soriano?
Gusto naming paniwalaan na pagpapaingay lang sa ginagawang pelikula ngayon nina Erich Gonzales at Direk Paul Soriano ang mga lumulutang na alingasngas ngayon sa relasyon ng direktor at ni Toni Gonzaga.
Sa tagal ng kanilang relasyon bilang mag-boyfriend muna na humantong sa pagpapakasal at pagkakaroon na nila ng anak ay napakatibay na ng pundasyon ng kanilang pagmamahalan.
Isa pa ay parehong Christian sina Direk Paul at Toni. Hindi naman namin sinasabing hindi na puwedeng matukso ang mga kristiyano, pero nasa tao iyon, at sa pagkakilala namin kay Direk Paul ay hindi ito agad mahuhulog sa tukso.
Kung kailan nila nalampasan ang napakaraming pagsubok ay ngayon pa ba naman gagawa ng hindi maganda si Direk Paul? Sa aming opinyon ay walang katotohanan ang kumakalat na kuwento tungkol sa kanila ni Erich.
Karaniwan nang nangyayari ang ganyan para paingayin ang proyekto. Kahit may mga taong nasasagasaan ay sige lang, mapag-usapan lang ang pelikula, mabulabog lang ang kamalayan ng publiko.
Hindi sasayangin ni Direk Paul Soriano ang napakalaking tiwala sa kaniya ng mga magulang ni Toni, ang tagal-tagal ng panahong ipinaghintay nila, para masira lang nang dahil sa isang malisyosong istorya.
Ginagawa ni Toni ang kaniyang mga obligasyon bilang ulirang misis at ina, nagtatrabaho man siya ay wala siyang napapabayaan, walang dahilan para maghanap pa ng iba si Direk Paul.
Sila ang literal na pinag-isa na ang nasa gitna ng kanilang pagmamahalan ay ang Diyos. Men will always be men pero gusto naming ihiwalay si Direk Paul Soriano sa kapaniwalaang iyon.
Super Tekla – Lalaking-lalaki pala! Nagbabakla-baklaan lang
Nakagugulat pero totoo. Ang pinakamatinding problemang hindi kayang hanapan ng solusyon ni Super Tekla ay problema ng puso. Babae.
Maraming nagugulantang sa takbo ng buhay ng dating co-host ni Willie Revillame. Akala kasi ng mga kababayan natin ay becki si Super Tekla.
Pero lalaking-lalaki pala siya. Nagbabakla-baklaan lang. Puhunan lang niya ang pagiging becki sa harap ng mga camera. Babae at hindi lalaki ang kinakarelasyon ng komedyante.
Kayang pahintuin ng babae ang ikot ng kaniyang mundo. Kapag nagkakaroon sila ng problema ng kaniyang girlfriend ngayon ay tinatabla ni Super Tekla ang mundo. Tulad ng ginawa niya sa show ni Uge kailan lang.
Napakalinaw ng usapan. Kailangan siya sa studio bago mananghali. Tumawad ang kaniyang handler. Puwede raw bang makapananghali na siya darating? Pumayag naman ang talent coordinator ng Celebrity Bluff.
Alas tres na ay wala pa rin si Super Tekla. Alas singko ay wala pa rin. Tinawagan na ng produksiyon si Boobay para sumalo sa kaniyang posisyon. Agarang dumating si Boobay.
Ang ibinigay na dahilan ng handler ni Super Tekla ay problemado raw ang komedyante, nag-away raw sila ng kaniyang girlfriend, at kapag ganoon na ang sitwasyon ay bumabaligtad na ang mundo ni Super Tekla.
Maglumuhod man ngayon si Super Tekla sa panghihingi ng paumanhin sa show ay handa namang makinig ang staff, pero ang kunin pa uli siyang guest sa programa ay malayo nang mangyari, may ekis na ang kaniyang pangalan sa produksiyon dahil sa kaniyang ginawa.
Walang pakialam si Super Tekla sa kung magkano ang nagagastos ng network sa taping ng isang programa. Milyon ang itatapon ng istasyon kapag hindi natuloy ang taping nang dahil lang sa kawalan ng propesyonalismo ng kanilang panauhin.
Kung hindi dumating si Boobay at walang nagawang paraan ang produksiyon para makahanap ng papalit kay Super Tekla ay siguradong pack-up ang taping.
Napakabilis naapektuhan ng popularidad si Super Tekla. Pinahiram lang siya nang kaunting kapalaran ni Willie Revillame ay nagkaganyan na siya.
Kung si Willie nga, kahit kalalabas lang sa ospital, ay dumarating ito sa set ng Wowowin para magtrabaho. Alam kasi ni Willie na kapag hindi sila nakapag-taping ay milyunan ang itatapon ng produksiyon, walang kikitain ang kaniyang staff, kaya the show must go on.
Matagal din namang naging bahagi ng Wowowin si Super Tekla, dapat ay alam na niya ang kahalagahan ng propesyonalismo, dahil iyon ang unang-unang itinatanim ni Willie Revillame sa utak ng kaniyang staff.
At kalokohan ang katwiran na hindi siya nakarating sa taping dahil nag-away sila ng kaniyang girlfriend. Kung ganoon kababaw ang katwirang ibibigay ni Super Tekla sa tuwing sumisira siya sa pangako ay umalis na lang siya sa mundong ginagalawan niya ngayon. Magsumiksik na lang siya sa pundya ng karelasyon niya.
Nakapanghihinayang ang oportunidad na dumapo pero pinalipad din agad paalis ni Super Tekla sa kaniyang mga palad. Kung alam lang niya na inggit na inggit sa kaniya noon ang maraming stand-up comedian dahil sa magandang kapalarang ibinigay sa kaniya ni Willie Revillame.
Pambihira ang ganoon. Pero hindi iningatan at inalagaan ni Super Tekla. Natatakot na ngayon pati ang mga show coordinators sa malalayong probinsiya na kunin ang kaniyang serbisyo dahil baka hindi siya dumating. Baka nag-away na naman sila ng girlfriend niya.
Si Super Tekla mismo ang naghukay ng libingan ng maganda niyang career. Nakikiramay kami.
Angelica Panganiban – Nakikiangkas ngayon sa kasikatan ni Empoy?
Walang kamalay-malay si Angelica Panganiban na maraming kababayan natin ang naiinis-nayayabangan sa kaniya dahil sa mga sinasabi niyang pangmamaliit sa matagumpay na aktor na si Empoy Marquez.
Biro lang naman siyempre para kay Angelica ang pagsasabi niya na hindi naliligo at nagtu-toothbrush ang komedyante, pero para sa mas nakararami ay hindi niya dapat sinasabi iyon, bigyan daw naman sana niya ng kahihiyan si Empoy.
Sabi ng isang miron, “Matagal na pala silang magkaibigan, pero bakit ngayon lang niya sinasabi ang ganyan? Eh, di sana, noon pa, tutal naman, eh, magkabiruan na sila talaga!
“Kasi nga, eh, biglang sumikat si Empoy, kumita nang daang milyon ang movie nila ni Alessandra, kaya bigla na niyang naging kaibigan at tinutuya-tuya pa niya!
“Napakapalengkera talaga ni Angelica! Wala sa hulog ang mga sinasabi niya! Kaya siguro siya hiniwalayan ni Derek (Ramsay) at ni John Lloyd!” pautang na salita kay Angelica Panganiban ng source.
Ang totoo raw kasi ay nagpaparamdam lang ang dalagang aktres, baka nga naman puwedeng sila naman daw ni Empoy ang magtambal sa susunod, nakikiangkas lang daw si Angel sa kasikatan ngayon ni Empoy Marquez.
O, di ba, nakakawindang ang kuwento? Si Angelica Panganiban na ngayon ang nakikiangkas sa kasikatan ni Empoy?
Claudine Barretto – Dapat payuhang mag-gym at mag-diet
Mausisa ang aming mga kausap. Kailangan daw naming sagutin ang kanilang mga tanong. Isang hapon kasi ay nakasabay raw ng kanilang tropa si Claudine Barretto habang naggo-grocery.
Saludo pa rin sila sa ganda ng aktres, wala kasi siyang ka-make-up-make-up nang makita siya ng mga kausap namin, kaya lang ay hindi sila makapaniwala na ganoon na kalaki ngayon si Claudine.
“Bakit niya pinabayaan ang sarili niya na lumaki nang ganoon? Grabe, halos wala na siyang leeg! Saka ang katawan niya, parang tatlong doble ni Gretchen!
“Sayang naman, ang ganda-ganda pa rin kasi niya, pero kung ganoon naman siya kataba, e, ano ang mangyayari sa kaniya?” hindi na nakapagpigil na komento ng isa sa grupo.
Isa lang ang ibig sabihin noon. Hanggang ngayon, kahit hindi na aktibo sa pag-aartista si Claudine, ay marami pa ring interesado sa kaniya. Hindi naman kasi madaling kalimutan ang mga ginawa niya noong kasagsagan ng kaniyang career sa ABS-CBN.
“Walang nagbago sa face niya, ang ganda-ganda pa rin niya, natural ang ganda niya. Kaya lang, kailangan niya talagang magsakripisyo. Magpapayat siya.
“Mag-gym siya, mag-diet. Kahit hindi na niya maging kasing-sexy ni Gretchen, okey lang, basta magpapayat lang siya,” suhestiyon pa ng grupong kausap namin.
Coco Martin – Sobrang seloso sa mga kapartner ni Julia Montes
Bakit kaya pinagpipistahan ngayon ang kuwentong hiwalay na sina Coco Martin at Julia Montes? Nauna pa ang kuwento ng kanilang break-up kesa sa kanilang pag-amin.
Kahit anong tanong ng mga reporters sa dalawa ay ngiti lang ang kanilang sagot. Kahit pa balitang sa bahay na ni Coco Martin nakatira ang aktres ay wala silang binibitiwang kumpirmasyon na sila na nga.
May isang source na nagkuwento sa amin na hindi raw totoong matindi ang selos ni Julia kina Yassi Pressman at Yam Concepcion na kasama ni Coco sa Ang Probinsiyano.
“Si Coco ang seloso, hindi si Julia. Kahit magtanong kayo sa production, bantay na bantay ni Coco ang mga eksena ni Julia noon sa Doble Kara.
“Hindi siya puwedeng magpayakap at magpahalik, kahit kailangang-kailangan iyon sa eksena. Ayaw ni Coco,” sabi ng aming source.
Marami pang ibang kuwento tungkol sa kanilang relasyon na hindi na namin idedetalye pa pero siniguro ng aming kausap na taon na ang kanilang pagmamahalan.
Nagli-live-in na raw sina Coco at Julia, dagdag pa ng aming source, si Coco rin daw ang nagpatayo ng bahay ng dalaga sa subdivision kung saan nandoon ang mansiyon ng magaling na aktor.
Sana nga ay kuwentong-kutsero lang ang balitang hiwalay na sila ngayon, sayang na sayang naman ang ipunuhunan nilang emosyon, maligaya sila sa tagung-tago nilang relasyon at may karapatan silang ilihim-alagaan ang kanilang pagmamahalan nang malayo sa mga mata ng publiko. – CSF