Enero 1-15, 2013
MMFF 2012 – Pukyutan ng mga kuwestionableng desisyon
![]() |
|
Nora Aunor |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Piolo Pascual |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta |
|
![]() |
|
Jed Madela |
|
![]() |
|
Kathryn Bernardo |
Naiinis ang ating mga kababayan kung bakit tinalo ni Dingdong Dantes si Governor ER Ejercito. Ano at bakit daw nagkaganoon ang resulta. May kinalaman na naman daw ba doon ang mahabang kamay ni Kris Aquino?
Naging best picture ang pelikula nina Dindong at Angel Locsin. Pinag-iwanan nito ang El Presidente at Thy Womb kung saan nanalong pinakamahusay na direktor si Brillante Mendoza. Hindi maunawaan ng mga kababayan natin kung paano nangyari ang ganoon.
Pero MMFF ang tinatalakay natin. Pukyutan ng mga kakuwestiyon-kuwestiyong desisyon sa gabi ng parang nila ang samahang ito, kaya hindi na bago ang mga nanalo noong Huwebes ng gabi sa MMFF.
Walang kuwestiyon sa pananalo ni Nora Aunor. Mga bingi at bulag na lang siguro ang kokontra sa pagiging best actress ng Superstar. Hiling ng ating mga kababayan na sana’y makatulong nang malaki iyon para panoorin ang pelikula para hindi matanggal sa mga sinehan.
Pero markado ang sinabi ng Superstar na kahit tatatlo na lang ang nanonood ng kaniyang pelikula ay hindi pa rin siya titigil sa pagganap. Ito na ang kaniyang buhay. Ito ang nagbigay sa kaniya ng magandang pangalan at kapalaran, kaya patuloy pa rin siyang aarte.
Ang dami-daming tinanghal na panalo na hindi sinasang-ayunan ng mga may malalim na kaalaman sa paggawa ng pelikula. Pero nandiyan na iyan. Ano pa nga ba ang kanilang magagawa ngayon kundi ang magbigay na lang ng kanilang mga opinyon?
Nora Aunor – Best Actress, walang dudang mahusay talaga!
Totoo, para ngang pusa ang Superstar na si Nora Aunor. Mayroon siyang siyam na buhay, ayon na rin sa isang kapaniwalaan, dahil pagkatapos niyang mawala nang mahabang panahon ay nakabalik pa rin siya sa gitna ng labanan nang magdesisyon siyang umuwi na.
Una ay nabigyan siya ng magandang proyekto ng TV5, ang Sa Ngalan ng Ina. Pagkatapos noon ay dalawang pelikula agad ang kaniyang ginawa, ang El Presidente at ang nakasungkit ng maraming parangalan sa MMFF na Thy Womb.
Marami ngang parangal ang kaniyang pelikula, pero hindi sinuwerte sa takilya ang Thy Womb. Sadya nga bang matatanda na ang mga Noranians ngayon at hindi na makabiyahe para manood sa mga sinehan?
Hindi na bago ang pananalo ni Nora Aunor bilang best actress. Kahit sino naman sa mga artistang gumaganap ngayon sa iba’t ibang pelikula sa MMFF ay walang binatbat sa kaniya. Noong una pa man siguro ay handa na ang mga ito na matatalo sila ng Superstar.
Sana ay magkaroon ng ideya ang mga kababayan natin na silipin ang mga makabuluhang kalahok ngayon sa MMFF, tulad ng Thy Womb, saka ng El Presidente na maituturing nang epiko sa mga darating na panahon.
Noranians – Bakit parang natulog sa pansitan ang fans ng supertar?
Ngayon mas naging malinaw sa amin ang malaking pagkakaiba ng mga tagasuporta nina Nora Aunor at Governor Vilma Santos. Matinding sumuporta ang mga Vilmanian. Basta may proyekto ang kanilang idolo ay naghahawak-kamay sila, kahit hindi sila sabihan ng Star For All Seasons ay nakahanda ang kanilang grupo.
Nanghihinayang kami sa markadong pelikula ni Nora Aunor, ang Thy Womb, umani ng tagumpay sa gabi ng parangal ng MMFF ang proyekto at tinanghal pa siyang Best Actress pero hindi tinao ang pelikula.
Ngayon mas kailangan ng Superstar ang suporta ng kaniyang mga tagahanga pero mukhang hindi man lang sila nagparamdam. Parang natutulog sila sa pansitan, kaya tuloy ay nasasabihan sila na magagaling lang sila sa pakikipag-away pero kulang na kulang naman sa aksiyon na kailangan ng kanilang idolo.
Sabi’y nandiyan pa rin sila hanggang ngayon. Sabi’y sabik na sabik na sila sa kanilang idolo. Bakit kung kailan nila dapat ipinakita ang kanilang pagkasabik ay saka naman sila nakalimot?
Nakapanghihinayang talaga.
Kris Aquino – “Boobs” ang inilaban sa MMFF Awards Night
Maigsi lang ang komentong ito na itinext ng isang balikbayan naming kaibigan na kinukuwestiyon ang mga nanalo sa nakaraang gabi ng parangal ng MMFF. Maikli, pero maanghang at nagmamaasim dahil ang kaniyang sabi, “May chef sa kusina ng MMFF, kaya lang, hindi magaling – buking na buking na lutong-Macau.”
Sabi naman ng isang male personality na nag-text din sa amin, pero ayaw namang magpabanggit ng pangalan, “Nakakatawa ang mga comments sa Twitter noong Thursday (Dec. 27) ng gabi. Ang isa pa raw sa mga anomalya sa MMFF awards night, eh, ang boobs ni Kris Aquino. It’s a fake!”
Tanong naman sa amin ni anak-anakang Richard Pinlac, ano raw kaya ang ibinulong ni Nora Aunor habang nakayakap nang patingkiyad kay dating Pangulong Erap Estrada, I love you raw kaya?
At mayroon namang nagkomento ng ganito, “Si Ai-Ai delas Alas ang saving grace ng Sisterchaka (sic). Baklang acting na nga si Vice Ganda, pero kinabog pa siya ng bakla at trying hard acting ni Kris Aquino. Sisterchaka dapat ang title ng movie nila.”
Piolo Pascual – Maging buwenas kaya ngayong 2013?
Bagong Taon na. Isang panibagong taon na naman ang ating makakaengkuwentro. 2013 na may kakambal na suwerte, mga paghamon at kung anu-ano pang pangyayari, depende na lang sa atin kung paano iyon tatanggapin at lalabanan.
Sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ay napagtuunan ng kuwentuhan si Piolo Pascual. Hindi nga naman kasi naging masyadong mabait sa guwapong aktor ang taong 2012. Napakaraming kuwento at pangyayaring nakaapekto nang negatibo sa kaniyang career at personal na buhay.
Sana nga naman ay makabawi si Piolo sa papasok na taon para hindi siya napag-iiwanan ng kaniyang mga kapuwa aktor. Para rin hindi lumulutang ang mga kuwentong matindi ang nararamdaman niyang insekuridad kina Coco Martin at John Lloyd Cruz at inis naman sa kanilang network na parang nakalilimot nang nandiyan pa siya.
Sana’y mabigyan siya ng mga proyektong nababagay sa kaniya. Iyong muling palulutangin ang kaniyang talento sa pagganap, tulad noong magkatambal pa sila ni Judy Ann Santos.
At harinawang makatagpo na siya ng babaeng mamahalin niya at magmamahal sa kaniya, iyong kaparehang hindi niya kabaro, para matigil na ang mga pagkuwestiyon sa kaniyang kasarian at mga kuwentong kabaklaan.
Nabawasan ng ningning ang pangalan ni Piolo Pascual noong 2012. Sa tatanggapin niya at sa hindi ay bigla siyang nawala sa gitna ng labanan. Iyon ang kailangan niyang mabawi sa taong 2013.
Sharon Cuneta – Hindi nakakalimot tuwing Pasko
Taun-taon, mula pa noong bata siya, ay hindi nakalilimot si Sharon Cuneta sa pag-alala at pagpapahalaga sa mga taong nakasabay niya sa pag-akyat sa tagumpay.
At hindi lang tuwing Pasko. Kapag dumarating ang Valentine’s Day ay nakakaalala rin siya. Nagpapadala ang Megastar ng mga hugis-pusong tsokolate at iba’t ibang klase ng kending matatamis para iparamdam ang kaniyang pagmamahal.
Nilalahat na namin ang mga artista, bukod-tanging si Sharon Cuneta lang ang taun-taong nagpapadala ng regalo ng pasasalamat sa mga kasamahan niya sa trabaho – sa mga reporters at kahit sa maliliit na manggagawa ng pelikula at telebisyon.
Kuwento ng isang malapit sa Megastar, July pa lang ay iniaayos na niya ang kaniyang mga pangregalo. Nakatago sa kaniya ang listahan ng mga taun-taon niyang pinadadalhan ng sorpresa. Walang natatanggal pero siguradong nadadagdagan ang mga pangalan.
Mahilig siyang magsulat. Si Sharon mismo ang matiyagang nagsusulat ng dedication sa mga cards na ipinadadala niya. Kahit sa taping ng Megastar ay hindi maaaring maiwanan ang isang maleta niya na punumpuno ng mga stationery at stickers.
Sa aspektong iyon, pinag-iiwanan ni Sharon nang milya-milya ang maraming artista. Pagdating sa pag-alala at pagpapahalaga ay nangunguna siya sa listahan, wala siyang ipinupuwera. Basta nakasama ka niya ay siguradong nakalista ka na sa kaniyang puso.
Jed Madela – Nag-Tweet, nag-taray, nagsisisi kaya ngayon?
Think before you click. Iyon ang gasgas nang kasabihang alay sa mga mahihilig sa pagtu-Tweet, pagpe-Facebook at pag-i-Instagram. Mag-isip muna nang maraming beses bago mag-post ng anuman dahil mula doon ay maaari kang husgahan.
Ilang sikat na personalidad na ba ang nalagay sa alanganin dahil sa pagpatol nila sa Twitter? Hindi ba’t sa halip na unawain sila ng marami ay sila pa ang naiipit sa bandang huli dahil sa maaanghang nilang pananalita?
Hindi kaya alam iyon ni Jed Madela, ang singer na pinupupog ngayon ng mga tagahanga nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, dahil sa pakikialam niya sa kapribaduhan ng magka-love team?
Sa mga hindi pa nakakaalam sa kuwento, kinunan ng retrato ni Jed ang mga iniwanang pagkain nina Daniel at Kathryn sa mesa, saka ipinost sa Instagram.
Ang nagmamahadera at nagmamalditang komento ni Jed, sana raw ay hindi ganoon sina Daniel at Kathryn, hindi raw ngayon at sikat na ang mga ito ay basta na lang nila iiwanan ang kanilang mga basura.
Dahil sa ginawang pagpo-post ni Jed ng itsura ng lugar na kinakainan ng dalawa na may bonus pang pagtataray ay nalalagay ngayon sa alanganin si Jed Madela.
Kaliwa’t kanang bira mula sa mga tagasuporta ng sikat na tambalan ang tinatanggap niya ngayon. Kung anu-anong salita ang ipinakakain sa kaniya, dahil ipinahiya niya ang mga ito.
“Ipagpalagay nang medyo makalat nga ang kinakainan nina Daniel at Kathryn, ano naman ang pakialam niya? Bakit hindi ang sarili niya ang pakialaman niya, e, hindi naman siya inaano nina Daniel at Kathryn?” Inis na kuwento ng isang taga-production ng ABS-CBN.
Binura na ng singer ang ipinost niyang retrato ng mga iniwanang pagkain ng dalawang young stars. Nakialam na ang mga tagapamuno nila sa network. Balita nami’y nakatikim ng mga hindi kagandahang salita si Jed mula sa mga ito.
Dapat lang, dahil hindi naman hinihingi ng pagkakataon ang ginawa niyang pagtataray sa magka-loveteam. Lalong wala siyang karapatang manghimasok sa buhay ng may buhay.
Isang leksiyon ang natutuhan ni Jed nang dahil sa nangyari. Sa susunod siguro ay hindi na siya manghihimasok sa buhay ng may buhay. Hindi na siya makikialam kahit pa nasa tungki na ng ilong niya ang tinutukoy niyang basura. Mananahimik na lang siya nang bonggang-bongga.
Malayo na ang narating ng kuwento ng pagtataray ni Jed. May kani-kaniyang bersiyon na ng istorya ng katarayan ang mga kababayan natin kung saan sangkot si Jed. Matagal na raw ganiyan kabastos ang singer.
Isang kababayan natin sa Canada ang nag-text na ganito ang laman, “Dito rin, nagtaray iyang si Jed Madela! Ayaw niyang sumalang sa show dahil mayroon daw silang problema sa promoter nila sa Toronto.
“Eh, doon naman pala ang problema nila, hindi tagarito sa amin, kaya bakit ayaw niyang mag-show? At least, vindicated na kami ngayon dahil sa ginawa niya kina Daniel at Kathryn, binaligtad niya kasi kami noon!” mensahe ng aming impormante.
May isang source namang nag-text sa amin na ito ang sinasabi, “Ang favorite song dapat ngayon ni Jed, eh, Kung Maibabalik Ko Lang. Dahil kung alam lang niya na lalala pala nang ganito ang pakikialam niya sa buhay nina Daniel at Kathryn, eh, hindi na siguro niya ginawa iyon!
“Ano ang gusto niyang mangyari ngayon? Ang purihin pa siya ng mga fans ng mga bagets? Eh, siya itong nagmahadera, siya ang nag-post ng pagtawag ng basura sa kinakain ng mga bata, kaya iyon ang napala niya!” sabi ng text message.
May isa pa kaming impormanteng nagkuwento na noong minsan daw ay tinarayan din ni Jed ang isang deejay nang magkamali siya sa pagli-lipsynch sa mismong kanta niya.
“Siya na nga ang nagkamali, eh, siya pa ang may ganang magalit?” pag-alala pa ng aming source na nanood kay Jed sa nasabing event.
Isang malaking leksiyon ng buhay ang natutuhan ni Jed sa karanasang ito. Uli-uli, kapag nakakita siya ng isang insidenteng para sa kaniya ay hindi pasable ay manahimik na lang siya. Huwag na siyang mag-tweet at mag-Instagram, para hindi siya nalalagay sa dalisdis ng intriga at kontrobersiya.
Hinihingi niya ito, at ibinigay naman sa kaniya. Wala siyang masisisi ngayon kundi ang sarili lang niya. Huwag makikialam sa buhay ng may buhay. Huwag magtataray kung hindi naman hinihingi ng panahon. Huwag na huwag papatol sa mga bata dahil siya ang mas nakatatanda na dapat umunawa.
“At huwag ding iirap! Huwag tatalikod kapag kinakausap siya! Gawain ba ng isang tunay na lalaki ang pang-iirap?” nagmamaasim namang sundot ng isang nakausap naming tagahanga nina Daniel at Kathryn.