Oktubre 1 – 15, 2016
![]() |
|
Andi Eigenmann |
|
![]() |
|
Alden Richards |
|
![]() |
|
Daniel Padilla & Kathryn Bernardo |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
|
![]() |
|
Manny Pacquiao |
|
![]() |
|
Hero Bautista |
Alden Richards – Araw-araw ay may death threats na natatanggap
Nagpa-blotter na sa NBI ang ama ni Alden Richards. Kailangan na nitong ipagbigay-alam sa mga otoridad ang sunud-sunod na death threats na tinatanggap ng aktor nitong mga huling araw.
Naisip lang ni Mr. Faulkerson na hindi na biro-biro ang mga pagbabanta sa buhay ng kaniyang anak ngayon. Kapag hindi ito kumilos at may nangyari kay Alden ay mas malaki ang pagbagabag ng kunsensiyang pagdadaanan nito.
Palaging nasa labas ng kanilang bahay si Alden para magtrabaho, hindi nila alam kung sino ang nagbabanta sa buhay ng Pambansang Bae, kaya mas mabuti na nga namang agapan na agad nila ang sitwasyon.
Ang mga tao nga namang walang produktibong ginagawa sa maghapon, pati buhay ng mga taong nananahimik ay binubulabog nila, ano ba ang dahilan para pagbantaan nila ang buhay ng isang tulad ni Alden Richards na mahal na mahal ng buong industriya at ng kanilang mga tagahanga ni Maine Mendoza?
Walang masamang buto sa katawan si Alden. Sa kabila ng kaniyang kasikatan ay nananatili siyang marespeto at mapagkumbaba. Mahal na mahal niya ang kaniyang pamilya, lahat ng mga pagsasakripisyong ginagawa niya ngayon ay hindi niya inaangkin para sa kaniyang sarili lang, ang kinabukasan ng kaniyang pamilya ang palaging matimbang sa pangangarap ng aktor.
Tama ang punto ng kaibigan naming propesor, “Nandoon na tayo na mabait si Alden, marespeto at mabait. Pero pumapatay ang inggit! Nakakainggit ang mga suwerteng dumarating sa buhay at career niya ngayon.
“Hindi dapat i-ignore ang ganito, kailangang aksiyunan talaga ‘yan. Napakadelikado ng buhay ngayon. Kausap mo lang ang kaibigan mo, maya-maya, masi-shock ka na lang dahil pinatay na pala.
“Napakadali pa namang target ni Alden. He’s everywhere. Huwag dapat biruin ang mga ganyang kuwento. Kapag basta pinalampas lang ang ganyan at may nangyari nga kay Alden, napakalaking kargo de kunsensiya noon para sa mga taong dapat, e, nagkaroon ng concern sa kaniya,” madiing komento ni prop.
Tungkol pa rin sa Pambansang Bae: Nagbubunyi ang mga tagasuporta ni Alden Richards sa sinabi ng Pambansang Bae sa Eat…Bulaga na ang hinahanap niya sa isang babae ay simple lang.
“Hindi fake, iyon lang, basic,” sinserong pahayag ng guwapong binata. Natural, nag-aabang lang ng bala ang mga fans, kaya iyon ang kanilang tinutukan, ayaw raw ni Alden sa mga babaeng fake.
Hindi naman nila sinabing fake si Maine Mendoza pero kung alam mong nagbabangayan ang ibang mga tagasuporta ng magka-loveteam ay alam mong may ibig sabihin ang kanilang mga komento.
Parang ang ibig sabihin noon ay hindi nagpapakatotoo si Menggay dahil nakikipagkiligan ito sa harap ng mga camera pero mayroon naman itong totoong karelasyon na hindi artista.
Aba, fake nga naman ang ganoon, hindi lang ang kaniyang sarili ang niloloko ni Maine kundi pati ang mga tagahanga nila ni Alden at ang publiko.
Kapag si Alden nga naman ay hindi puwede, pero kay Maine ay okey lang, hindi nga naman parehas ang ganoong laban. Pagpapakaplastik ang ganoon sa pakiramdam ng mga loyalista ng Pambansang Bae.
May kausapin lang na ibang babae si Alden ay nagrerebelde na ang mga tagahanga ni Maine, bobombahin na agad ng mga ito ang guwapong aktor at ang babaeng nakatabi-kinausap lang naman niya, ano iyon?
Gentleman si Alden Richards, marunong siyang magbigay-pugay sa mga kababaihan, alangan namang kaharap na niya mismo ang kapwa niya artista pero hindi pa niya papansinin?
Hindi naman ibon si Alden Richards na puwede na nilang ikulong sa hawla, may karapatan siyang makipagkapwa-tao, dahil iyon ang ugaling hinihingi sa isang lipunang nagpapahalaga sa kagandahang-asal.
Andi Eigenmann – Nabulgar na! Si Jake Ejercito ang tatay ni Ellie
Kahit saan kami magpunta ngayon ay ang sitwasyon ni Andi Eigenmann ang inuurirat sa amin ng lahat. Paano raw ngayon haharapin ng palabang aktres ang pagkabulgar kung sino ang tunay na ama ng kaniyang anak na si Ellie?
Paano raw niya babawiin ngayon ang lahat ng mga pang-aalipustang ginawa niya noon kay Albie Casino? Paano rin daw niya ipaliliwanag ang mga panlalait niya kay Jake Ejercito noong kasagsagan ng promo ng huli niyang pelikula?
Nagtatanong din ang marami kung paano babawiin ng kaniyang inang si Jaclyn Jose ang maaanghang na salitang binitiwan nito noon laban kay Albie? Halos isumpa na noon ng premyadong aktres ang batang aktor dahil sa paniniwala sa lahat ng mga sinasabi ni Andi?
Ang pinakanakakaawa sa sitwasyong ito ay ang anak ni Andi. Responsibilidad ng isang magulang ang pagbibigay ng pangalan sa kaniyang anak. Hindi ginagawang laro ang pinagmulan ng binhi.
Hindi nagtuturo ng kung sinu-sino ang ina dahil obligasyon niyang ipakilala sa kaniyang anak kung sino ang tunay na dugo at laman nito.
Pero inabot nang halos anim na taon ang pagtatago ni Andi, pinabayaan niyang gawing multiple choice ang ama ng kaniyang anak, kulang na lang na daanin pa niya sa jack en poy kung sino ang dapat tawaging daddy ni Ellie.
Malaki ang utang ni Andi kay Albie, halos mawalan na ito ng career dahil sa kaniyang mga pang-uupak, pero bukod kay Albie at sa publiko ay mas malaki ang utang na dapat pagbayaran ni Andi sa kaniyang anak.
Kaisa-isang pangalan ay hindi pa niya malayang nairegalo kay Ellie, pinabayaan pa niyang sa ibang bibig lumabas ang katotohanan, habambuhay na liligaligin ng kaniyang kunsensiya sai Andi.
Ang tapang-tapang ni Andi, wala siyang kahit anong pinalalampas, kahit nga ang kaniyang ina ay kinakayan-kayanan niya at nilalayasan pa nga.
Ngayon niya ilabas ang tunay niyang katapangan. Ito ang laban na wala siyang kapana-panalo, mahirap kalaban ang katotohanan, truth hurts.
Daniel Padilla at Kathryn Bernardo – tatlong kissing scenes na totoo sa Barcelona!
Hindi binigo nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang kanilang mga tagahanga sa mga eksenang ipinakita sa huli nilang pelikulang Barcelona.
Tatlong kissing scene ang naging dahilan ng paghahampasan ng kanilang mga tagahanga, kilig na kilig ang mga ito, hindi pumayag si Direk Olive Lamasan na dayain ang tatlong kissing scenes nila.
Isang kaibigan-anak-anakan namin ang nanood din ng Barcelona at ang kaniyang komento, “Just watched the movie, okey ang film, standout ang performance ni Daniel Padilla. Okey rin naman si Kathryn, but not as good as Daniel.
“Almost full ang cinema, but not mega-blockbuster, for sure. Pero kung anupaman ang kinita ng movie, e, isang katotohanan ang mahalaga, hindi lugi ang Star Cinema.
“Hindi na dapat pagtalunan kung alin ang mas malaki ang kinita sa first day showing ng Barcelona at Imagine You & Me, ang importante, parehong smash hit ang dalawang pelikula.
“Tantanan na ng AlDub ang pang-aaway, ngayon pa lang naman umaariba ang loveteam nina Alden at Maine, samantalang ang KathNiel, e, matagal na!
“Tamang pagtapatin sa acting sina Daniel at Alden, pareho silang may lalim. Si Kathryn, matagal nang mahusay umarte, hindi siya dapat ikumpara sa ka-loveteam ni Alden.
“Please, huwag. Wala namang bastusan,” panghuling komento ng aming anak-anakan na magaling kumilatis ng mahusay na pagganap at hindi dahil isa itong manunuri ng pelikulang Pilipino.
Kris Aquino – Siya ang pre-program ng Eat…Bulaga! Mag-rating kaya?
Nananahimik ngayon si Kris Aquino tungkol sa mga bagong proyektong gagawin niya sa GMA-7 sa pamamagitan ng APT Entertainment ni Tony Tuviera. Gusto niya sigurong sorpresahin na lang ang mga televiewers sa kaniyang pagbabalik.
Pero siguradong kinakabog na ang dibdib ngayon ng aktres-TV host, kailangan niyang itayo ang kaniyang bandera, kailangang maipamukha niya sa ABS-CBN na kahabul-habol siya.
Maraming nakalinyang gagawin si Kris sa nilundagan niyang bakuran pero ang sigurado pa lang, ayon sa aming source, ay ang programang magiging patikim bago ang Eat…Bulaga.
Ang kaniyang show ang magiging pre-programming ng matagal nang noontime show, siya muna bago ang tropa ng Tito, Vic & Joey at ng sangkatutak pang mga kasamahan nila sa Eat…Bulaga, kailangang galingan ni Kris ngayon dahil kapag bumaba nang bumaba ang rating ng noontime show ay siguradong sa kaniya iyon isisisi ng marami.
Mahalaga ang pre-programming, kapag nakasanayan na iyon ng manonood ay wala nang magiging lipatan ng istasyon, pero kapag nawalan ng interes ang publiko sa show ay siguradong apektado ang kasunod nitong programa.
Hindi kagandahan ang rating ng iniwanang show ni Kris Aquino sa ABS-CBN, nag-single digit na lang iyon noong bandang huli, dahil siguro’y nagsawa na rin ang mga kababayan natin sa kaniyang mga atake.
Kris at Willie – Parehong pinatalsik ng network pero magkaiba ang paraan
Magkaiba ang sitwasyon ng pagkawala sa ABS-CBN nina Kris Aquino at Willie Revillame. Si Kris ay hindi hinabol, walang counter-offer na ibinigay sa kaniya ang Dos nang mapabalitang lilipat na ang aktres-TV host sa APT Entertainment, deadma lang ang istasyon.
Iba ang pinagdaanan ni Willie. Kinasuhan siya nang patung-patong ng network para hindi siya pakinabangan ng ibang istasyon. Ilang taon na tumakbo ang kanilang pagkakasuhan, hanggang sa tumahimik na ang kapaligiran, naipanalo ni Willie ang laban.
Ang kapaniwalaan noon ay mawawalan ng trabaho ang lahat ng mga artista ng ABS-CBN, pero hinding-hindi si Kris, dahil ang pamilya nito ang nagbalik ng network sa mga Lopez nang manalong pangulo ang kaniyang ina.
Opinyon ng isang kaibigan namin, “So, wala palang utang na loob ang network? Kundi dahil sa pamilya ni Kris, eh, hindi naman uli nila mababawi ang istasyon, pero ganoon na lang pala iyon?
“Iyon din siguro ang iniisip ni Kris, na hindi siya mawawalan ng space sa ABS-CBN, dahil nga sa malaking tulong na nagawa ng family niya sa ABS-CBN,” napapailing na pahayag ng aming impormante.
Ang lahat ay kasaysayan na lang ngayon para kay Willie Revillame. Pagkatapos ng matagumpay niyang programa sa TV5 ay nananakit na naman sa rating ang kaniyang Wowowin ngayon sa GMA-7.
Masaya siya sa pag-aalaga sa kaniya ng network, maligaya siya sa suportang walang sawang ibinibigay sa kaniya ng ating mga kababayan, wala nang mahihiling pa ngayon si Willie.
Naniniwala rin siya na walang forever sa career ng mga artista, pana-panahon lang ang mga oportunidad, kaya nga sobra-sobrang pasasalamat ang itinatawid niya sa publiko na nagsisilbing malakas na hangin sa ilalim ng kaniyang mga pakpak.
“Ano pa ba naman ang hihilingin ko? Maayos ang buhay ng mga anak ko, naihanda ko na ang future nila, hindi na sila magugutom.
“Masayang-masaya rin ako sa trabaho ko ngayon sa GMA-7, wala kaming nagiging problema, masarap maging kapuso,” sabi ni Willie.
Sen. Manny Paquiao – Nag-eensayo na para sa laban salas Vegas
Nasa bansa na ang conditioning coach ni Senator Manny Paquiao. Isang araw ay parating na rin si Coach Freddie Roach at ang iba pang staff ng Team Pacquiao dahil dito na siya mag-eensayo.
Tulad ng kaniyang pangako ay hindi maaapektuhan ng kaniyang paghahanda sa salpukan nila ni Jessie Vargas salas Vegas ang kaniyang upuan sa Senado. Magtatrabaho pa rin siya habang nag-eensayo.
Pinalakpakan si Pacman noong isang araw dahil siya ang nagbigay ng suhestiyon na bakantehin ang upuan ng chairman ng justice committee sa pagdinig ng mga kontrobersiyal na kaso sa Mataas Na Kapulungan. Kapag nabakante na ay saka magbobotohan ang mga senador kung mananatili pa ba sa kaniyang posisyon bilang tagapamuno ang kinakalampag ng mga kaso ngayon na si Senadora Leila de Lima.
Sinegundahan iyon ni Senador Tito Sotto, ginanap ang botohan, 16-4 ang kinalabasan kaya napatalsik sa pagiging chairman ang senadora.
Nakakatawang komento ng isang kaibigan namin, “Anong si Pacman ang humalili kay Senador Lito Lapid sa Senado? Ang layu-layo kaya? Huwag maliitin ang kapasidad ng Pambansang Kamao!”
Gaganapin ang kanilang pagtutuos ni Jessie Vargas sa Thomas & Mack Center salas Vegas. Hindi na maninibago ang Pambansang Kamao sa nasabing lugar dahil doon niya pinatumba nang dalawang beses ang Mexicanong si Erik Morales.
Sa November 5 na nila pag-aagawan ang WBO Welterweight belt, siguradong luluwag na naman ang mga kalye na mistulang parking lot sa araw-araw nating pagbibiyahe, kaya ang biruan ngayon kapag sobrang tindi ng trapik ay araw-araw na lang daw sanang makipaglaban si Senador Manny Pacquiao para lumuwag ang mga kalye.
Konsehal Hero Bautista – Magtagumpay sana ang rehab
Kalat na ang balita na habang nasa rehabilitation center ngayon si Konsehal Hero Bautista ay nawawala naman ang kaniyang live-in partner na nagngangalang Rio.
Nag-report na kamakailan ang pamilya nito sa mga otoridad tungkol sa kaniyang pagkawala. Noong isang linggo pa raw nawawala ang karelasyon ni Konsehal Hero na ayon sa balita ay kaibigan ng pinaslang na kapatid ni Maritoni Fernandez na si Aurora.
Pero ayon sa isang source na nakakuwentuhan namin ay matagal nang tapos ang relasyon ni Konsehal Hero kay Rio. Matagal na silang walang ugnayan. Isa nga raw iyon sa mga dahilan kung bakit inaatake noon ng depresyon ang aktor-pulitiko.
Sa kainitan ng kuwentong ito ay patuloy na dumadaan sa maraming proseso si Konsehal Hero sa rehab para maging maayos na ang kaniyang buhay.
Huwag naman sanang ipagkait ng iba ang pangako ng pagbabago sa nakababatang kapatid ni Mayor Herbert, lahat naman tayo’y may karapatang magbagong-buhay, tao lang tayong nakalilimot at nakagagawa ng mali.
Hindi naiiba sa atin si Konsehal Hero at ang marami pang ibang kilalang personalidad na minsan isang panahon ay naging mabuway rin ang disiplina pagdating sa kaway ng bisyo.
Nakalulungkot ngang isipin na nagbago na ang nagkamali, pero nananatiling malupit ang lipunan, kaya ang isandaang porsiyento ng pagtanaw sa mas magandang buhay ay hindi naisasakatuparan.
Sana’y maisip din natin na ang pagkabigo ang nanay ng tagumpay.
Sen. Leila de Lima – Nadidiin dahil sa mga alegasyon kaugnay ng alingasngas sa NBP
Aminado kaming mga taga-showbiz na kinakabog ng mundo ng pulitika ang aming hanay. Matindi ang labanan ngayon sa kanilang mundo, nangingibabaw ang pagsisiraan, kani-kaniyang paksiyon ang mga pulitiko ngayon.
Ang pinakanadidiin ngayon sa mga usapin ay si Senador Leila de Lima. Durog na durog na sa sangkalan ang imahe ng pulitiko dahil sa pinung-pinong pagtadtad sa kaniya ng mga kalaban.
Nakakamangha ang mga naririnig nating milyun-milyong pisong diumano’y ibinibigay sa kaniya bilang proteksiyon ng mga gumagawa ng ilegal na negosyo sa loob ng Pambansang Bilangguan.
Sa mga nagaganap ngayon kay Senador Leila de Lima ay pumapasok tuloy sa aming alaala ang kapalarang sinapit nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla. Sino ba ang nagdiin sa dalawang aktor-pulitiko noong kasagsagan ng pagdinig sa kasong kinasasangkutan ni Janet Napoles?
Hindi naman pinakinggan ang kanilang depensa, naging bingi ang hustisya sa kanilang mga sigaw, ipinakulong agad ang magkaibigang aktor-pulitiko.
Ngayon ay nabaligtad na ang senaryo. Ang humusga noon kina Senador Jinggoy at Senador Bong ang matinding hinuhusgahan ngayon.
At milyun-milyong pisong mula pa sa mapamuksang droga ang sinasabing tinatanggap noon ng senadora, nangangamoy na ngayon ang mga istorya, kailangan na lang nating piliin ngayon kung aling kuwento ang totoo o gawa-gawa lang.
Hindi lang sa mundo ng basketbol totoo ang kasabihang bilog ang bola.