Setyembre 1 – 15, 2016
![]() |
|
Alden Richards, sinurpresa ang Reyna ng Intriga, Nanay Cristy Fermin sa kaniyang kaarawan |
|
![]() |
|
Melai Cantiveros |
|
![]() |
|
Jessy Mendiola |
|
![]() |
|
Marian Rivera
|
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Ai Ai delas Alas |
|
![]() |
|
Jodi Sta. Maria |
Kris Aquino – GMA-7 Kapuso na ang dating Kapamilya star
Malakas ang ikot ng balita na ang iniwanang time slot ng morning show ni Marian Rivera ang kukunin ng APT Entertainment para ibigay sa unang proyekto ni Kris Aquino sa GMA-7.
Inaayos na raw ang programa ngayon. Pinagmimitingan na kung paano ang magiging takbo ng unang show ni Kris para sa GMA-7 at sa APT Entertainment ni Tony Tuviera, magiging bonggang-bongga raw ang show.
Panibagong pakikisama ito para sa TV host. Mga bagong mukha ang makakatrabaho niya, hindi tulad sa ABS-CBN na kahit papikit ay kayang-kaya niyang iraos ang kaniyang mga shows.
Ayon sa isang source ay naglatag si Kris ng mga gusto niyang mangyari sa kaniyang show. Natural lang namang ganoon ang gawin ni Kris dahil sa unang programang gagawin niya sa GMA-7 magsisimula ang paghusga ng marami tungkol sa kaniyang paglipat ng network.
Kapag pumalpak ang una niyang show ay doon siya huhusgahan, magkakaroon ng mga pagkukumpara, may sisisi sa desisyon niyang pang-iiwan sa Dos.
Makahulugan ang binitiwang komento ng isang taga-Dos na maraming taon nang nakakasama si Kris, “Good luck na lang sa kanila!” Maigsi lang iyon, pero punumpuno ng kahulugan, mahirapan kaya ang mga taga-APT at GMA na makatrabaho si Tetay?
Dagdag na komento naman ng isa pang kabisado na ang working attitude ni Kris, “Professional siya, yes, pero may mga kakambal na mood swings iyon! Kapag wala sa mood ang lola mo, kailangang maghintay ang lahat kung kailan niya gustong mag-roll!
“Magaling naman siya, in fairness, pero bakit kasi kailangan pang i-set ang mood niya? Hindi ba puwedeng para matapos agad ang trabaho, e, huwag nang mag-inarte pa ang lola mo?”
Masama pa rin pala ang loob ng mga dating katrabaho ng aktres-TV host, napakalayo raw kasi sa kanilang isip ng ginawang paglipat ni Kris, napapailing na lang ang grupo ngayon.
“Nagkagulatan talaga sila, sino nga ba naman kasi ang maniniwalang mayroon palang ganoong plano si Kris? Ang inaasahan nila, eh, sa Dos na puputi ang buhok ng artista nila,” kuwento ng isang source sa umpukan.
Pero hindi basta uupuan lang ni Kris ang paghahanda para sa una niyang show sa GMA-7, gagawin niya ang lahat para maging panggulat ang kaniyang programa, hindi siya makapapayag na mapintasan dahil sa kaniyang desisyong pagtalikod sa ABS-CBN.
Ai Ai delas Alas – Kasama na si ex-BFF Kris sa GMA-7, abangan!
Ngayong nasa pangangalaga na ng APT Entertainment si Kris Aquino ay siguradong magkikita na uli sila ni Ai Ai delas Alas. Ang hinihintay na senaryo ngayon ng mga tagapagmasid ay kung ano ang magiging reaksiyon ng dating mag-BFF kapag nagkita na sila.
May paunang salita na agad ang aming source, “Huwag na huwag mo akong papangalanan kapag isinulat mo ang kuwento. Kapag ginawa mo iyon, idedenay ko na ako ang source mo!”
May kasamang paghalakhak ang kaniyang pagsasalita. Alam mong kaya nitong panindigan ang istorya, kaya nga lang ay ayaw nitong madamay ang kaniyang pangalan hanggang maaari.
Tungkol kay Kris ang chika. At kung gaano katindi ang pagka-insecure ng aktres-TV host sa kaniyang dating BFF na si Ai Ai, maraming kuwentong alam ang aming source, may seryoso at mayroon ding nakakatawa.
Heto ang kaniyang litanya, “Di ba, manipis talaga si Kris kapag success na ng iba ang issue? Di ba, pagkalakas-lakas ng mga movies ni Ai Ai sa Star Cinema?
“Natural, sikat na sikat si Ai Ai, kailangang kaibiganin siya ni Kris! Alam n’yo naman ang babaeng iyon, di ba? Paggising pa lang niya, eh, tinatanong na niya agad sa mga staff niya, ‘Who’s sikat today?’
“So, the sikat today is Ai Ai, pinipilahan kasi ang mga movies niya, successful ang mga concerts niya, marami siyang projects, sikat na sikat nga si Ai Ai!
“Iyon na! Umariba na si Kris sa pagreregalo, flowers lang muna noong una, congratulatory churva, pero noong mga sumunod na linggo, nagpapadala na siya ng mga regalong kung anu-ano.
“Magkaibigan sila, mag-BFF nga ang tawag nila sa isa’t isa, di ba? Mahal ng pamilya ni Kris si Ai Ai, proud naman ang girl dahil pati si Tita Cory, naka-close niya,” simulang kuwento ng aming source.
Nagsasabihan sila ng mga problema, ilang oras silang nag-uusap sa telepono, walang pinipiling panahon iyon basta libre silang dalawa sa trabaho.
Nagkaroon nang matinding away sina Kris at James Yap, iniyakan ni Kris ang kaniyang BFF, sa sobrang pakikisimpatya sa kaniya ni Ai Ai ay nakapagsalita ang komedyana laban sa basketbolista.
Patuloy ng aming source, “Eh, hindi naman nagtatagal ang away-mag-asawa, di ba? So, nagkabati rin sina Kris at James. Aba, sinabi ba naman ni Kris kay James ang mga ipinayo sa kaniya ni Ai Ai?
“Sinabi ni Kris kay James ang sinabi ni Ai Ai na isoli na lang daw niya si James sa pamilya niya. Hiwalayan na raw niya kung ganoon din lang naman na niloloko pala siya!
“Natural, nagalit si James, tinawagan niya si Ai Ai! May mga salitang pinakawalan si James na napakasakit para kay Ai Ai! Imagine, hiningan siya ng payo, nagbigay naman siya out of awa sa kaibigan niya, tapos, siya pa pala ang malalagay sa alanganin?
“Galit si James kay Ai Ai, siya ang naipit, samantalang itong si Kris ang nagkuwento nang nagkuwento sa kaniya ng mga kapintasan ni James!
“Mula noon, tumabang na ang pagkakaibigan nila. Nag-sorry sa kaniya si Kris, pero wala nang tiwala si Ai Ai sa kaniya, dahil para sa kaniya, walang betrayal dapat sa pagitan ng magkaibigan,” emosyonal na kuwento ng aming impormante.
Fast forward tayo. Nagkahiwalay sina James at Kris, nagkaroon ng pagkakataong magpaliwanag si Ai Ai sa basketball player, ang dami-daming nalamang kuwento ng Philippine Comedy Queen tungkol sa kaniyang dating BFF.
Kuwento uli ng aming source, “Kung ikaw si Ai Ai, ano ang mararamdaman mo? Gugustuhin mo pa ba uling maging kaibigan si Kris? At napakaraming sama ng loob ni Ai Ai kay Kris.
“Nadamay pati ang mga executives ng Dos, kinuha niya ang loob ng mga bossing, iyon na ang hindi kinaya ni Ai Ai kaya lumipat na siya ng network,” napapailing na kuwento ng aming source.
Sharon Cuneta – Unti-unti nang bumabagsak ang timbang ni Mega
Isang kaibigan namin ang nakakita kay Sharon Cuneta kamakailan sa ABS-CBN. Malaki na nga raw ang ibinagsak ng timbang ng Megastar, kitang-kita raw iyon sa kaniyang dating nagmumura sa laking balakang na ngayon ay lumiit na, pati raw ang mga braso ni Sharon ay halatang malaki ang iniimpis.
“Malaki na talaga ang ipinayat niya, mapapansin naman iyon, pero huwag naman sanang maging OA ang iba sa pagsasabing sobrang pumayat na si Sharon.
“Malaking timbang pa ang kailangan niyang ibagsak, malaking babae na kasi talaga si Sharon, kaya hindi siya puwedeng pumayat nang mabilisan.
“Kapag malaki ang tao, matagal bago siya makapagbagsak ng weight. Kalat na kalat kasi ang taba niya, marami siyang anggulong dapat ayusin, paisa-isa lang ang process noon.
“Nakakatuwang malaki na nga ang ipinayat ni Shawie, pero matinding discipline ang kailangan niyang gawin, tiis-ganda talaga iyon,” kuwento ng aming source.
Walang problema sa mukha ang Megastar, isa siya sa mga artistang may make-up man o wala ay magandang-maganda, lalo na ang kaniyang ilong na napakaganda ng gapang at lapirutin mo man ay magsisisigaw na hindi iyon retokado.
“Konting-konti na lang at makababalik na si Sharon sa ideal weight niya. Huwag lang uli siyang kakain nang maganang-magana at isang araw, isang bagong Sharon na ang haharap sa publiko,” pagpapatunay pa ng aming source.
Pangulong Duterte at Sen. Leila de Lima – Dinaig pa ang showbiz sa dami ng kontrobersya
Kabog na kabog ngayon ng mundo ng pulitika ang balwarte ng showbiz. Mas mainit na tinututukan ngayon ang mga kaganapan sa pulitika, lalo na ang hidwaan sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senadora Leila de Lima, kumbaga sa showbiz ay ang kanila ang pinakakontrobersiyal.
Grabe ang mga pagpapalitan nila nang maaanghang na salita, personalan kung personalan, lalo na ang mga pagbubunyag ng ating pangulo tungkol sa lovelife ng senadora.
Komento ng kaibigan naming propesor, “Ano ito, kinakabog na ng politics ang mundo ng mga artista! Iyong tungkol lang sa mga personalities na kasama raw sa listahan ng drug users ang maingay, e, off shoot lang naman iyon ng kampanya ng PNP ngayon kontra sa droga!
“Grabe, binubulabog ni Ka Digong ang buong mundo, hanggang sa CNN, may moment siya, nakakaloka! Nasa mundo ng pulitika na ngayon ang malalaking isda, sila na ang pinag-uusapan, ano pa ang naiiwanan sa showbiz ngayon?
“Puro isdang maliliit na lang, mga gurami, walang bagong issue, matamlay ang showbiz ngayon!” tawa nang tawang pahayag ni prop.
Marami pa rin namang maiinit na balitang-artista ngayon, kaya nga lang ay mas mainit ang salpukan ng mga pulitiko, kaya napagkukumpara ang dalawang mundong ito.
Ang inaabangan ngayon ng ating mga kababayan ay ang paglaya ng magkaibigang Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla. Ang tanong, totoo kayang si Senadora Leila de Lima ang ookupa sa kanilang piitan kapag nakalaya na sila?
Dulce – Matindi ang mensahe para kay Sen. Leila de Lima
Kahit kailan ay hindi nasangkot sa kahit anong kontrobersiya ang magaling na singer na si Dulce. Wala siyang nakakaaway, tahimik lang siyang kanta nang kanta, kaya malaking isyung pinagpipistahan ngayon ang kontrobersiyal at kumakagat niyang post kamakailan sa kaniyang FB account.
Matindi ang hugot ng magaling na veteran singer, napakatagal niyang kinimkim ang saloobing ito, pero ngayon lang siya nakasilip ng pagkakataon para maibulalas ang kaniyang damdamin.
Sinserong post ni Dulce, “Simula’t simula, sinabi nang bumitaw ka at huwag nang magsalita. Kahit sekreto na lang sana, isinuko mo na. Heto na at lumalala, naghahamon ka pa! Ano? Nagpa-panic? Umiiyak? Nagmamakaawa daw? Iyong angas n’yang iyon?
“Nadidiktahan ka pa nga. Gusto ko mang maawa pero katotohanan ang kailangang lumabas. Tama na, nagamit ka na nang husto ng amo mo at mga kakulay mo, sabay-sabay din silang pumuputak ngayon, synchronized, to divert the issue.
“Tama na ang tapang-tapangan at pagiging over-confident, hindi ka nila kayang protektahan, only the truth can protect you.
“Marami na kayong pinahirapan, marami nang buhay ang nasira pero tila wala ka nang pakialam, naging manhid ka na at hindi mo ramdam ang sakit at bigat na nararanasan ng libu-libong pamilyang biktima ng droga.
“Inalis at tinerminate mo ang mga taong tapat sa kanilang trabaho dahil lang sa ayaw sumabay sa inyo sa gusto ninyong mangyari. Gusto n’yo, itikom na lang ang mga bibig nila, basta tanggap na lang nang milyones galing sa drug lords.
“Sorry, ha, hindi talaga kaya ang magpaka-bulag, pipi at bingi at ipagkanulo ang bayang ito. Hindi masikmura ng asawa ko ang pakainin kami ng galing sa perang ipinangwasak n’yo ng buhay ng ibang tao.
“Kaya ang pinakamadaling paraan ay tanggalin na lang para walang hadlang sa mga ginagawa ninyo, di ba? Nasaan na ang sinasabi mo sa sambayanan na ‘I love you’? At the back of your mind, ‘I will kill you’? Dahil tuluy-tuloy pa rin ang paglipana ng pabrika ng shabu while you served as head of the Department of Justice?! “Nasaan ang hustisya?! What have you done to your family’s good name? I pray you’d be jolted out from your slumber, and hope it’s not yet too late. I pray for redemption,” kumpletong post ni Dulce.
Mayor Herbert Bautista – Ang kapatid na si Konsehal Hero ay sangkot sa droga
Hindi apektado si Mayor Herbert Bautista sa mga malisyosong kuwento ng pag-uugnay sa kaniya sa usapin ng droga. Lumutang ang balita na isa raw siya sa mga protektor ng droga sa kaniyang pinamumunuang lunsod.
Tanging iling ang reaksiyon ng aktor-pulitiko sa lumabas na istorya, malinis kasi ang kaniyang kunsensiya, kahit minsan ay hindi siya naging protektor at kahit kailan ay hindi siya magiging protektor ng droga.
Matinding lungkot ang umatake kay Mayor Bistek nang umamin ang nakababata niyang kapatid na si Konsehal Hero na positibo ito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Depresyon ang bumagabag sa kaniya, sino nga ba ang mag-aakala na ang mismong kapatid pala ng tagapamuksa ng droga sa lunsod na kaniyang pinaglilingkuran ang kailangang parusahan, pinaghalong awa at pagkabigo ang naramdaman ni Mayor Herbert sa pag-amin ni Konsehal Hero.
Pero hindi lang naman sa kaniya nagaganap ang ganito, maraming iba pang mga pulitikong nabibigo rin sa kanilang kampanya laban sa droga, dahil nasa tungki lang pala ng kanilang ilong ang dapat nilang bigyan ng leksiyon.
Hindi niya naman nakakasama nang beinte kuwatro oras ang kaniyang kapatid, bukod sa pagiging kuya ay ama rin siya ng lunsod ng Kyusi, nakalulungkot lang pero hindi dapat ipaako kay Mayor Herbert ang ginawa ng kaniyang utol.
Walang may gusto sa pagbibisyo ng konsehal, pero maraming kababayan natin ang humanga sa kaniyang katapangan, ang mas malalaking pangalang nasangkot sa usapin ng droga ay puro pagdedenay ang sagot sa ginagawang operasyon kontra sa droga ng PNP.
Pero hindi sapat ang pag-amin, ang mas importante ay ang pagbabago, ang tuluyan nang pagtalikod sa bisyong walang nagagawang maganda sa mga gumagamit nito.
James Reid – Kahanga-hanga, magaling na role model ng mga kabataan
Mas maraming nagkagusto kay James Reid dahil sa kaniyang posisyon ng pagpapa-drug test anumang oras para patunayan na hindi siya kasali sa listahan ng mga personalidad na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang katapangan ng guwapong young actor ay sinaluduhan ng mga magulang, lalong nagkaroon ng dahilan ang mga ito para piliing hangaan ng kanilang mga anak si James, dahil isa siyang ehemplo ng isang huwarang kabataan.
Totoo, nagpa-party siya, pero hanggang doon lang. Hindi siya nagpa-party drugs. Tama na sa kaniya ang pakikinig ng musika habang tumutungga ng inuming medyo nakapagpapagana pero kaya niya namang kontrolin.
Kailangan ni James Reid ang paminsan-minsang pagpunta sa bar. Halos wala nang pahinga ang heartthrob sa pagtatrabaho, siguro nama’y hindi krimen kung magpalipas naman siya ng oras sa labas, regalo na lang niya iyon sa kaniyang sarili.
Pero para pumayag siyang sumailalim sa isang biglaang drug test ay sapat nang dahilan para mapatunayan niya na hindi siya nanghihiram ng lakas ng loob sa droga.
Hindi siya gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, bitamina, tamang pagkain at pagdyi-gym nang regular ang ginagawa niyang panglaban sa sobrang pagod at puyat sa shooting at taping.
Inspirasyon ng anak naming si Bulak sa pag-aaral ang JaDine loveteam. Tutok ang aming bunso sa mga aktibidad ng magka-loveteam, kabisado nito pati ang kanilang mga product endorsements, kitang-kita namin ang kaligayahan nito kapag tinututukan ang serye ng JaDine.
Pinababayaan namin si Bulak, mahusay ang kaniyang panlasa, perpektong modelo para sa mga kabataan ang tambalan nina Nadine Lustre at James Reid.
Maja Salvador – Flirt kasi kaya binabash dahil sa relasyon kay JLC
Ewan kung gaano kalaki ang pang-unawa at lawak ng pasensiya ni Maja Salvador para tanggapin ang mga upak sa kaniya ngayon sa social media.
Ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ngayon ni John Lloyd Cruz ang dahilan kung bakit pinuputakti si Maja ng mga negatibong komento. Wala raw siyang kadala-dala, wala rin siyang pinipiling tuksuhin, ang iniisip lang daw ng aktres ay ang sarili niyang kaligayahan.
At iyon ay ibinabato na agad kay Maja nang wala pa namang pruweba kung totoong magkarelasyon na nga sila ni JLC, paano kung nagsasabi siya ng totoo na magkaibigan lang sila, nakakaawa naman ang young actress.
Pareho naman silang libreng makipagrelasyon ni John Lloyd ngayon, pareho silang malaya, kaya kung sakaling totoo ngang ayaw pa lang nilang umamin pero sila na nga ay walang dapat ipag-alala ang dalawa.
Flirt daw kasi si Maja Salvador, basta nagustuhan niya ang lalaki ay siguradong gagawa siya ng paraan para makuha ang atensiyon nito, manang-mana raw si Maja sa kaniyang pinagmanahan.
Kung sino ang kadugo niyang tinutukoy ng mga umuupak sa kaniya ay hindi namin alam.
Angel Locsin – May bago nang boyfriend ngayon
Nakagaganda para kay Angel Locsin ang pagkakaroon ng bagong karelasyong makapagpapasaya sa kaniya. Mas magandang may bago siyang pinagtutuunan ng pansin para hindi nasasabi ng kampo ni Jessy Mendiola na hindi pa rin siya nakakasulong mula sa nakaraan nilang relasyon ni Luis Manzano.
Galing sa isang maayos na pamilya si Nino Barbers, nirerespeto sila sa Surigao, puro pulitiko ang mga miyembro ng pamilya ng sinasabing nagpapaligaya ngayon kay Angel.
Noong magdesisyon ang aktres na burahin nang lahat ang mga retrato ni Luis sa kaniyang IG account, pati ang mga larawang magkasama sila, ay nagkaroon ng kutob ang marami na mayroon nang bagong karelasyon si Angel.
Bakit pa nga naman siya mabubuhay sa nakaraang kung mayroon namang bagong manliligaw na nagbibigay ngayon ng espesyal na atensiyon sa kaniya? Kalimutan na ang kahapon.
Hindi bawal makipagrelasyon uli si Angel dahil malaya siya, ganoon din si Nino Barbers, mukhang magiging maayos ang kanilang relasyon dahil maginoo ang dating ng binata sa mga retratong ipino-post ni Angel.
Siguro naman ay tatantanan na siya ngayon ng mga pamba-bash ng kampo ni Jessy Mendiola. May bago nang nagpapasaya kay Angel, tapos na ang kung anumang namagitan sa kanila ni Luis.
At sana nga ay magtagal sina Luis at Jessy para magkaroon naman ng kabuluhan at saysay ang matinding pagtatanggol ng TV host sa mga umookray kay Jessy. Kung magiging panandalian lang ang pagmamahalan nila ay sayang na sayang naman ang effort ni Luis Manzano.
Vhong Navarro – Plakado ang galaw ni Papang Chiquito
Kuwento ng staff ng Cineko Productions na abalang-abala ngayon sa paggawa ng Mang Kepweng Returns ay wala raw kahirap-hirap na katrabaho si Vhong Navarro.
Walang kaarte-arte, walang reklamo, trabaho lang daw nang trabaho ang bumibida sa pelikula. Sinesegundahan namin ang mga papuri ng Cineko Productions sa magaling na actor-dancer-TV host.
Sino nga ba naman ang makalilimot sa matinding tagumpay ng pelikula ng pinagbidahan ng yumaong komedyanteng si Papang Chiquito? Mahigit na isang buwan na ipinalabas sa mga sinehan ang Mang Kepweng.
Plakado ni Vhong Navarro ang mga galaw ni Papang Chiquito, pati ang pagsasalita ng pumanaw na komedyante ay kuhang-kuha niya, para ngang nabuhay si Mang Kepweng sa katauhan ni Vhong Navarro.
Markado ang Mang Kepweng Returns dahil ito ang unang pagbabalik-pelikula ni Vhong Navarro pagkatapos ng kontrobersiyang naganap sa kaniyang buhay.
Dalawang linggo naming nakasama sa Canada si Vhong Navarro. Apat na shows ang ginawa namin doon kasama si Vina Morales. Hindi siya kailanman naging problema ng mga prodyuser, kung kailangan nilang mag-promote ng show sa mga Pinoy stores ay wala siyang reklamo, kaya puring-puri ni Lala Aunor si Vhong.
Ang disiplina ay bitbit ni Vhong kahit saan siya magpunta. Nakahanda na siya bago pa tawagin sa hotel room, pati ang kaniyang mga materyales ay nakaayos na rin, masarap siyang katrabaho dahil hindi mo siya poproblemahin.