Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Hunyo 16 – 30, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHunyo 16 – 30, 2016

   Sarah Geronimo
 
Sarah Geronimo
  Charice
 
Charice
  ALDEN AND MAINE
 
Alden Richards & Maine Mendoza
  Vina Morales
 
Vina Morales
  Patricia Tumulak
 
Patricia Tumulak
  lea.aiza
 
 Leah Navarro & Aiza Seguerra

Pasukan na! – Eto na naman ang nakakaumay na trapik!

Maraming paaralan na ang nagbukas, kaya ang resulta ay tripleng tindi ng trapik sa lahat ng mga abalang kalye, siksikan ang mga sasakyan kahit saan. Napakaagang nakasimangot ng ating mga kababayan dahil ang dating ibinibiyahe nilang isang oras ay halos apat na oras na ngayong pasukan na naman.

Pamana ng paalis nang administrasyon ang nakauumay na trapik. Harinawang magawan naman ng solusyon ng administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte ang matinding problemang ito, para makita ng buong bayan ang malaking pagkakaiba ng noon at ngayon.

Hanggang ngayo’y tinututulan ng mga magulang ang dagdag na dalawang taon sa edukasyon. Hirap na hirap na nga naman silang itawid ang pag-aaral ng kanilang mga anak, pagkatapos ay dadagdagan pa ang kanilang paghihirap?

Kasalu-saludo ang mga magulang na ginagawa ang lahat para sa edukasyon ng kanilang mga anak. May mga magulang kaming alam na kapag malapit na ang pasukan ay nagbebenta ng dugo at bato para lang may maipangmatrikula ang kanilang mga supling.

Ganoon kahalaga ang edukasyon para sa mga Pinoy.

Sarah Geronimo – Kailangang ipahinga ang vocal cords

Dahil sa pansamantalang pamamahinga na hinihingi ni Sarah Geronimo ay kung anu-anong kuwento na ang naglalabasan ngayon. Pinagdududahan ng iba na nagdadalantao siya; iyon daw ang dahilan kung bakit napabalitang magpapakasal na sila ni Matteo Guidicelli, pero hindi naman iyon makambalan ng ebidensiya.

May mga kuwento rin na kailangan niyang ipahinga ang kaniyang boses. May punit na raw ang kaniyang vocal cord, baka raw matulad siya kay Nora Aunor kung hindi niya aagapan ang problema.

Pero mas maraming naniniwala na nakakaramdam na ng pagod si Sarah. Katorse anyos pa lang kasi ang magaling na singer-actress ay trabahong-kalabaw na siya. Dumarating din siyempre sa ating buhay ang pagkabagot sa ginagawa nating masyadong rutinaryo, hindi naman makina si Sarah.

At kung totoo ngang gusto na niyang mag-asawa ay madaling maiintindihan iyon ng lahat, lalo na ng kaniyang mga tagahanga, dahil wala na siyang kailangang patunayan pa sa kaniyang career at nasa wastong edad na siya para lumagay sa tahimik.

Napakalaki ng milagrong ginawa ni Sarah para gumanda ang buhay ng kanilang pamilya. Araw-gabi niyang pinagsakripisyuhan ang mga negosyong mayroon sila ngayon, ang pagpapaaral niya sa ibang bansa sa kaniyang mga kapatid, ang lahat-lahat ng mayroon ang kaniyang pamilya ngayon.

Hindi materyal na bagay ang makapagpapaligaya kay Sarah Geronimo. Ang pinakamakabuluhang premyong puwedeng ihandog sa kaniya ngayon ay ang kasiguruhan ng kaniyang kinabukasan. Ang mamuhay na kasama ang lalaking nagmamahal sa kaniya para bumuo sila ng sarili nilang mundo kasama ang kanilang mga anak.

Charice Pempengco – Cover “man” ng Mega Man Magazine

Tatahi-tahimik lang si Charice Pempengco pero may niluluto pala siyang bagong rebelasyon. Nalaman namin mula sa kaniyang manager na si Jed Velasco na siya ang cover ng June issue ng MEGA Man. Sa pinakaunang pagkakataon ay isang babaeng may pusong lalaki ang magiging pabalat ng nasabing magazine, si Charice.

Bagong paghamon ito para sa magaling na international performer. Inaasahan na niya ang kaliwa’t kanang komentong ikakambal sa kaniyang desisyon, pero mula pa naman noon ay kinokompronta na ni Charice ang lahat ng senaryong pinapasok niya.

Pinasok na nga ni Charice ang mundo ng kalalakihan, paninindigan niya ang kaniyang ginawa, sasagutin niya ang lahat ng klase ng tanong na ibabato sa kaniya sa isang presscon na gaganapin ngayong tanghali.

Ang pagpayag niyang maging cover ng isang panglalaking babasahin ay kakambal ng demokrasyang pinapangarap ng bawat isa sa atin. Hindi nga lang naman sa mundo ng pulitika dapat nababanggit ang demokrasya, sa pang-araw-araw nating buhay ay dapat din nating ikambal ang kalayaan sa gusto nating gawin, basta wala tayong sinasaktan at sinasagasaan.

Ibang-iba na nga ang mundo ngayon ni Charice Pempengco at maligaya siya sa kaniyang pagpapakatotoo. Mahirap nga namang magtago sa dilim, mas mahirap magsinungaling sa publiko, lalo na sa ating sarili.

Malayang tao na siya ngayon dahil hindi na siya naninimbang, wala na siyang itinatago. Naniniwala si Charice Pempengco na sa pagpapakatotoo lang tayo lubusang makalalaya.

AlDub – Tumatamlay na ang ningning ni Maine at Alden

Masamang-masama ang loob ngayon ng maraming miyembro ng AlDub Nation sa Eat…Bulaga! dahil maigsi na lang daw ang partisipasyon ng mga idolo nilang sina Alden Richards at Maine Mendoza sa kalyeserye.

Naging lolaserye na raw ang bahaging iyon ng noontime show kung saan sumikat ang loveteam. Bigay raw sila nang bigay ng reaksiyon at nagbibigay rin sila ng mga ideya sa produksiyon pero hidni sila pinapansin.

Lumalabnaw na raw tuloy ang popularidad ng AlDub, hindi na sila gaanong napapansin, dahil mas nakatutok ngayon ang kalyeserye kina Jose Manalo at Wally Bayola.

Nakakaalarma nga naman iyon. Ang tambalan na kinalokahan noon ng ating mga kababayan ay mahinang-mahina na ang dating ngayon. Halos hindi na sila napag-uusapan, pati ang mga commercial endorsements nila ay sinasahugan na ng mga sikat na kabataang artista, ang ibang ahensiya ay hindi na rin nag-renew ng kanilang kontrata.

Dapat ay bukas ang isip ng mga tagahanga nina Alden Richards at Maine Mendoza na darating at darating ang ganitong senaryo. Walang panghabambuhay na popularidad, makikipagsayaw sila sa tagumpay ngayon pero bukas, kailangang handa silang harapin ang pagiging malagihay na ng kanilang tambalan.

Nand’yan pa rin ang AlDub Nation, ang mga tunay na nagmamahal sa kanila, pero labas sa kanilang grupo ay kapansin-pansin na palipas na ang interes sa kanila ng publiko.

Ilang buwan na ang nakararaan ay talagang sila ang pinagpipistahan sa mga umpukan, sila ang palaging paksa ng ating mga kababayan, pero hindi na natin iyon masasabi ngayon. Ramdam na ang pagbitiw ng suporta ng mga Pinoy.

Lalo na si Maine Mendoza, napakalaki ng ibinagsak ng interes sa kaniya ng ating mga kababayan, sa pilian ay si Alden na lang ang nagugustuhan ngayon ng mga dating tagahanga ng loveteam.

Isang kaibigan ang nagpaalala sa amin na ito na nga ang manipestasyon ng pagiging matayog ng ibang fans noon ng AlDub. Iyon ang panahong tinawag nilang basura ang mga tabloids at ang mga manunulat nito.

Milyun-milyon ang kanilang tweets, palaging nagte-trending kahit ang paghahawakan lang ng mga kamay nina Alden at Maine, ganoon pa rin ba ang lakas ng kanilang hatak ngayon sa ating mga kababayan?

Kaya nga sila nagrereklamo. Naiinis sila ngayon dahil ang kalyeserye ay naging lolaserye na raw, kokonti na lang ang exposure ng kanilang mga idolo.

May dahilan ang produksiyon kung bakit ganoon na ang nangyayari ngayon, kailangan nilang gumawa ng paraan para hindi sila mapag-iwanan sa rating, alam nila na hindi na ganoon kalakas ngayon ang loveteam nina Alden at Maine.

Naumay na ang mga kababayan antin sa pangiwi-ngiwi ni Maine Mendoza, nagsasalita na siya at hindi na basta nagli-lipsynch lang, nakita na ang santo kaya lumipas na ang milagro.

Pag-away-awayin n’yo ba naman ang mga hosts ng noontime show. Mapalapit lang ang kahit sinong host kay Alden ay sinasabihan n’yo nang malandi.

May makita lang kayong kasamang ibang babae ni Alden sa retrato ay nagwawarla na kayo at iba-bash n’yo na nang wagas na wagas ang babae.

Ano tuloy ang nangyari? Nabuwisit ang mga kababayan natin, isaksak n’yo na lang daw sa baga ni Alden si Maine, ang kaisa-isang babae sa panlasa n’yo na dapat titigan ng Pambansang Bae sa magdamag at maghapon.

Ngayon ay may bago na naman kayong isyu. Nagpapakita lang daw ng kabaitan at paglalambing si Alden kay Maine sa harap ng mga camera pero kapag nasa backstage na sila ay hindi naman pinapansin ng binata ang kanilang manok?

Ganoon? Bilanggo si Alden, ganoon ang gusto n’yong palabasin, isa siyang robot na kung saan n’yo gustong ipaling ay kailangang sumunod sa inyo.

Ipagpilitan ba kasi ang pagkaing ayaw tikman ng kanilang sinusubuan? Ipagduldulan ba kay Alden ang putaheng ayaw niyang tikman?

At kapag nainis kayo ay ano ang inyong sasabihin? Becki si Alden, bakla si Alden, lalaki at hindi babae ang hanap ni Alden.

Ito na iyon! Ito na ang isinusukli sa inyo ng panahon. Nagaganap na ang mga senaryong ayaw n’yong makita. Humihina na ang mga palakpak. Kumakalog na ang studio. Paos na ang mga tumitili.

Malapit nang bumaba ang kurtina.

Vina Morales – Humingi na ng tulong kay Ka Digong at Robin

Bukod sa piskalya ay humingi na ng tulong sa paupong pangulo ng ating bayan si Vina Morales. Una siyang humingi ng tulong sa dati niyang karelasyong si Robin Padilla.

Aminado si Vina na malaki ang takot niya kay Cedric Lee dahil sa mga koneksiyon nito. Malawak daw ang naaabot ng mga kamay ng ama ng kaniyang anak.

Pero dahil kapakanan na ni Ceana ang nakasalalay ngayon ay kailangan na niyang lumaban, kailangan niyang tutukan ang kinabuksan ng kaniyang kaisa-isang anak, kinalimutan na muna niya ang matinding takot kay Cedric Lee.

Gretchen, Claudine at Mommy Inday – Hindi pa rin magkasundo

Pagkatapos nang mahabang panahon ng kanilang pananahimik, maraming nag-akala na nagkakaroon na ng patagong pagkakasundo ang mga miyembro ng pamilya Barretto, pero hindi pa rin pala.

Magkakontra pa rin sina Gretchen at Claudine, hindi pa rin kasundo ni Gretchen ang kaniyang inang si Mommy Inday Barretto. Sa halip na bumabaw ang problema sa kanilang pagitan ay mukhang mas lumalalim pa.

Mahirap ipaliwanag pero matindi ang kinikimkim na sama ng loob ni Gretchen sa kaniyang ina. Kung gusto mong sirain ang maghapon ng aktres, ang susi lang doon ay ang pangungumusta sa kaniyang mommy.

May mga kuwento kaming alam kung bakit ganoon na lang ang emosyon ni Gretchen laban sa kaniyang ina. Mga balidong rason ang nalaman naming impormasyon, pero dahil ina rin kami ay parang nahihirapan kaming unawain iyon at basta na lang tanggapin.

Ngayon ay nagkakagulo na naman ang mag-iina. Pinagdudahan ni Mommy Inday ang isang basher na si Gretchen daw, nakihalo naman sa argumento si Claudine na nasa ospital pa hanggang ngayon.

At least daw, ang kaniyang ina na 78 years old na ngayon ay hindi sumasailalim sa proseso ng bottox. Pasaring iyon kay Gretchen na alam naman ng publiko na palaging nagpapa-bottox.

Natawa kami sa reaksiyon ng kaibigan naming propesor na parang nawawalan na ng pag-asa tungkol sa pagkakasundo ng mag-iina.

Ang kaniyang sabi, “Pagkagagandang babae, pero hindi kagandahang example ang ipinakikita! Kailangan pa bang bumaba ang Diyos para magkasundu-sundo na sila?”

Patricia Tumulak – Magandang dagdag sa Eat…Bulaga!

Gustung-gusto namin ang gandang mayroon si Patricia Tumulak, isa sa mga co-hosts ng Eat…Bulaga! Kakaiba ang kaniyang ganda na mas lumulutang pa dahil sa kaniyang kulay.

Pinagkakatiwalaan ng noontime show si Patricia sa mahahalagang segments ng programa, magaling din kasi siyang host, ang sarap-sarap niyang panoorin dahil kakaiba ang kaniyang ganda.

Pang-beauty queen ang itsura ni Patricia Tumulak (Pattypush sa social media, sabi ng aming assistant na si Japs Gersin, dahil sa kaniyang pangalan), maraming kalahok na pahihirapan ang kaniyang ganda at talento, iyon siguro ang dahilan kung bakit siya bina-bash ngayon ng mga grupong insekurida.

Nakakatuwa nga dahil dati’y tagabati lang siya ng may birthday sa Eat…Bulaga! pero ngayo’y segment host na siya.

Kuwento ng isang kaibigan naming nagtatrabaho sa noontime show, “Mas maganda si Patty kapag walang make-up, partidang-partida iyon kesa sa mga babaeng naka-make-up na, e, wala pa rin namang pagbabago ang itsura!”

Political epals – Aiza Seguerra at Leah Navarro

Digmaan ng mga epal ang tawag ngayon ng marami sa nagaganap sa pagpapalitan ng tweets nina Aiza Seguerra at Leah Navarro. Magkakaiba ang terminong idinidikit sa dalawang singers, may tumatawag sa kanila ng political epals, may mga nagdidiin din na war of the epals ang namamagitan sa kanila ngayon.

Maka-Duterte si Aiza at si Aling Leah naman ay purung-purong dilaw, magkaiba ang kanilang mga pananaw, doon nag-ugat ang pagpaparunggitan nila sa social media.

Pareho silang bukas ang bibig sa pagsasabi ng kanilang punto. Wala silang pakialam kung mayroon mang kumontra sa kanila, ang mahalaga ay ang mapahalagahan nila ang kanilang paninindigan.

Pero sa pagsubaybay namin sa kanilang pagsasagutan ay kapansin-pansin na mas maraming kumakampi kay Aiza. Mas malinaw raw kasi ang stand ng mas nakababatang singer, para sa bayan ang kaniyang malasakit, dahil nagtagumpay na ang minanok niya sa panguluhan.

Si Aling Leah naman, para sa mas nakararami nating kababayan ay hindi pa rin nakahahakbang nang pasulong, nakapaloob pa rin ito sa isang mundong mahirap tumanggap ng pagkatalo.

Sugatan kasi ang puso ni Aling Leah, halos ipagduldulan na kasi nito sa ilong ng ating mga kababayan si Secretary Mar Roxas, pero natalo pa rin.

Dapat ay mulat sa katotohanan ang nagkakaedad nang singer na nagsalita na ang publiko, manunumpa na bilang bagong pangulo ng bayan ni Juan si Ka Digong, kung papikit nang tinanggap ng kaniyang manok ang pagkatalo ay sino naman si Aling Leah para magkakatsang pa rin hanggang ngayon?

Ganoon ang pagbalasa ng mga kababayan natin sa mga baraha ng kakontrahan sa Twitter ni Aiza Seguerra.

Ai Ai delas Alas – Binigyang hustisya ang papel sa My Mighty Yaya

Isang makabuluhang pelikula ang malapit nang ipalabas. Makapagbubukas ng pananaw ng marami nating kababayan ang bagong pelikula ni Ai Ai delas Alas na My Mighty Yaya.

Mahalagang mapanood ng mga kababayan natin mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ang pelikula para maintindihan natin ang papel na ginagampanan ng mga yaya sa ating buhay.

May mga kilala kaming halos umaangat pa lang sa lupa ang anak ay pinapapasok nang yaya o kasambahay, sa sobrang kahirapan ay parang makina lang sila na pinagsisilbi sa ibang pamilya, masuwerte na kung makatao ang magiging amo nila at pasensiya na lang kung walang puso ang matatagpuan nila.

Noong minsan ay may tinanong kaming artista kung saang probinsiya nag-ugat ang kaniyang pamilya? Saan ba siya lumaki? Ang sagot ng batang aktres, “Lumaki po ako sa yaya.”

Nang laliman namin ang pagtatanung-tanong ay totoo pala ang sinabi ng batang aktres, sa yaya siya lumaki, dahil kahit minsan ay wala siyang matandaang senaryo na inalagaan siya ng kaniyang ina.

Noong minsan namang nasa airport kami papuntang Canada ay nakakita kami ng isang batang babae na halos maglupasay na sa semyento dahil ayaw nitong sumama sa kanilang pamilya para magbakasyon.

Ayaw humiwalay ng bata sa kaniyang yaya, talangang nakayakap ito sa kaniyang yaya na iyak din nang iyak, kundi pa pasinghal na tinawag ng ina ang batang babae ay magpapaiwan ito sa biyahe.

Ganoon katindi ang pagmamahalan ng yaya at ng kaniyang alaga. Pangalawang ina na ang turing ng mga bata sa taong nagmamalasakit at nag-aalaga sa kanila.

Kilalang-kilala at markado ang Comedy Concert Queen sa mga ganoong tema ng pelikula. Bilyon ang kinita ng Star Cinema sa mga serye ng kaniyang mga pelikulang sumesentro sa relasyon ng mag-iina.

Ikinapit na kay Ai Ai ang katawagang tanging ina dahil sa tagumpay ng proyekto at sa malaking impluwensiya ng kuwento sa buhay ng mga pamilyang Pilipino.

Nagpapakayaya si Ai Ai sa kaniyang mga anak, sa kaniyang mga pamangkin at kahit kay Jiro Manio na hindi niya naman kadugo, kaya siya lang talaga ang makapagbibigay ng hustisya sa papel bilang isang mighty yaya.

Nay Cristy – Walang po akong social media account kahit isa

Matagal at paulit-ulit na naming sinasabi-isinusulat na wala kaming kahit anong social media account. Mahigit na 10 Facebook accounts ang nakalagay sa aming pangalan, pero ni isa doon ay wala kaming kinalaman, puro mga posers lang sila na sobra-sobra siguro ang oras sa maghapon kaya ang sisipag magkomento at mag-post ng kung anu-ano.

Isang kaibigan namin na galing sa ibang bansa ang nagpa-add sa isa sa mga FB accounts na amin daw, kinumusta nito ang mga kaibigan namin sa kolehiyo, walang maisagot ang poser.

May isa namang bira nang bira kay President-elect Rodrigo Duterte, kung anu-anong komento ng kabastusan ang pinagsasasabi ng poser, kaya nagagalit siyempre sa amin ang mga tagasuporta ng mauupong pangulo.

Minsan pa ay gusto naming ipagbigay-alam sa publiko na wala po kaming kahit anong social media account, ang mga nakalagay sa aming pangalan ay iba ang gumagamit at hindi kami, kaya anumang opinyon-komentong lumalabas doon ay wala kaming pananagutan.

Ang mga impormasyon sa social media ay nalalaman lang namin mula sa aming assistant na si Japs Gersin, ito ang nagpaparating sa amin ng mga nangyayari, dahil wala kaming kahit anong social media account.

Ang aming damdamin, opinyon at emosyon ay mababasa n’yo lang sa aming mga kolum sa Pilipino Express (Winnipeg) at sa tatlong pahayagan sa Pilipinas at sa aming programa sa radyo (Aksyon TV-41, 92.3 News FM, Cristy Ferminute).

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251