Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Abril 1 – 15, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 1 – 15, 2016

  Alden Richards
 
Alden Richards
  Ai Ai delas Alas
 
Ai Ai delas Alas
   The Lola’s of Kalyeserye - Paolo Ballesteros, Jose Manalo & Wally Bayola
 
The Lola’s of Kalyeserye - Paolo Ballesteros, Jose Manalo & Wally Bayola
  Daniel Padilla
 
Daniel Padilla
  Nora Aunor
 
 Nora Aunor
  Ian De Leon
   
Ian De Leon
  Diego Loyzaga
 
Diego Loyzaga
  Jeyrick Sigmaton
 
Jeyrick Sigmaton
  Cacai Bautista & Ahron Villena
 
Cacai Bautista & Ahron Villena

Alden Richards – Super-kilig ang fans ng Pambansang Bae

Tagumpay ang tatlong shows ni Alden Richards sa Canada. Napuno niya ang Club Regent sa Winnipeg. Tinao rin ang kaniyang concert sa Edmonton, Alberta – pati ang show nila nina Rocco Nacino at Kim Idol sa Vancouver ay panalo rin.

Marami kaming mga kaibigan sa tatlong lugar. Magaganda ang kanilang mga kuwento tungkol kay Alden. Hindi raw suplado ang Pambansang Bae at very generous sa pagpaparetrato sa mga kabataang Pinoy na nanood ng kaniyang konsiyerto.

Natural lang na hinahanap ng mga kababayan natin doon si Maine Mendoza, marami rin kasing tagahanga ang kanilang loveteam sa Canada. Nangako na lang si Alden na kapag lumuwag ang schedule nila ni Yaya Dub ay magkasama silang babalik doon.

Pinuno ng mga tilian at kilig ang mga concert venue. Hindi na masyadong pinansin ng mga kababayan natin ang kaniyang pagkanta, makita lang nila ang biloy sa pisngi ng aktor ay okey na raw.

Trabaho-bakasyon na rin para sa kaniya ang pagso-show sa Canada, nakapagbiyahe na siya ay kumita pa, panalung-panalo ang Holy Week ni Alden Richards.

Kaya lang, nababahala ang aming kaibigan, nagmamalasakit sila kay Alden Richards, gusto nilang makarating sa mga namamahala sa career ng actor-singer ang kanilang suhestiyon.

Kapag napapanood daw nila si Alden sa kaniyang mga programa ay nakakaramdam sila nang matinding awa. Wala na raw kasi ang freshness na dati nilang nakikita kapag natututukan nila ang Pambansang Bae.

Opinyon ng isa sa kanila, “Hindi ba nila puwedeng bigyan ng kahit one day off si Alden para naman makapagpahinga? What is one day na iiwanan nilang libre para sa talent nila?

“Walang gagawin si Alden sa one whole day na iyon kundi ang matulog, magpahinga at kumain lang para naman makabawi siya sa sobrang pagod the whole week! Pagod na pagod si Alden, too exhausted, natatalo na ng pagiging pagod ang kaguwapuhan niya!” kuwento ng unang source.

Sinasamantala lang daw naman kasi ng mga nag-aalaga kay Alden Richards ang pagkakataon. Alam kasi nila na tumatamlay ang karera ng mga artista pagkatapos nang ilang panahon, kaya habang mainit pa si Alden, go lang sila nang go!

“Maawa naman sila doon sa tao! Kahit makina, e, pinagpapahinga! Give him the chance to recharge, baka bumagsak na lang si Alden isang araw!” sabi pa ng grupo.

Ai Ai delas Alas – Inirereto nga ba si Julie San Jose kay Alden?

Deadma lang si AiAi delas Alas sa pamba-bash sa kaniya ng mga nagpapakilalang miyembro ng AlDub Nation. Alam ng Comedy Concert Queen kung ano ang totoo. Alam ng komedyana na wala siyang ginagawang makasasakit ng kahit sino, kaya malinis ang kaniyang kunsensiya.

Habang nasa Amerika si AiAi at nagso-show sa iba-ibang parte ng bansa kasama ang JoWaPao ay sinamantala naman ng mga bashers ang pagkakataon. Kung anu-anong kanegahan ang idinidikit ng mga ito sa komedyana, dahil ang kanilang duda at bintang, inirereto raw ni AiAi si Alden Richards kay Julie Anne San Jose na kasama nila sa Sunday PinaSaya.

Walang ganoong kuwento, walang nangyayaring ganoon ayon sa magkakabarkada sa Sunday show. Talaga lang close sa isa’t isa ang mga singers at artista ng programa.

Sabi ng isang miron, “Saka kahit naman ipagduduldulan ni AiAi si Alden kay Julie Anne, kung hindi naman type ni Alden ang girl, may mangyayari ba? May mabubuo bang relasyon between them?

“E, kung sina Alden at Maine Mendoza nga, milyun-milyon na ang nagrereto sa kanila at umaasang magiging sila na, pero wala pa rin namang nangyayari? Nganga pa rin sila hanggang ngayon!” komento ng impormante.

Sa paglalarawan ng mga nakapalibot ngayon kina Alden at Yaya Dub ay nagiging masyadong maramot na ang kanilang mga tagahanga at ginagawa na silang mga robot na de-buton.

Jose, Wally at Ai Ai – Tagumpay ang mga shows sa US

Kung naging malaking tagumpay ang concert ni Alden Richards sa Winnipeg, Canada ay humahataw rin sa Amerika ang tatlong mahal nating lola. Riot ang mga shows nila kasama ang Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas.

Milagro ang ginawa ng kalyeserye para sa JoWaPao. Dati nang dinadayo ang tambalan nina Jose Manalo at Wally Bayola sa Zirkoh at Klownz pero mas lumakas ang kanilang hatak nang bumida sila sa kalyeserye bilang sina Lola Ninora at Lola Tinidora.

Kahit kami’y hindi pinatatahimik ng mga show promoters na may gustong kumuha sa kanilang serbisyo sa ibang bansa at sa malalayong probinsiya.

At hindi basta-basta ang kanilang talent fee, ang TF nina Jose at Wally para sa isang show na tumatagal nang dalawang oras ay kasinghalaga na ng pampatayo ng isang maliit na bahay, pero sulit na sulit naman ang manonood sa kanilang pagtatanghal.

Kahit saan naman mag-show sina Jose at Wally ay walang umuuwing nanghihinayang at luhaan, sulit na sulit ang ginastos nila sa panonood. Hindi pa nga natatapos ang kanilang show ay may mga producers nang nagpupunta sa backstage para ibalik sila sa lugar na binisita nila.

Paolo Ballesteros – Inamin na lasing kaya nakalimot

Siguradong maraming tagasuporta ni Paolo Ballesteros ang matutuwa dahil sa umiikot na impormasyon na hindi na magtatagal ay mapapanood na siya uli sa Eat…Bulaga! at sa kalyeserye siyempre.

Marami nang nakaka-miss kay Lola Tidora, lalo na ang mga beking ginagaya ang kaniyang mga drama. Iba pa rin ang dating ng mga lola kapag kumpleto sila.

Ayon sa aming source ay binigyan lang ng leksiyon ng produksiyon si Paolo, iyon ang kanilang patakaran sa TAPE, Inc. Pinatunayan na iyon ng prodyuser ng noontime show nang suspendehin din nila sina Jose at Wally sa magkaibang dahilan.

Iba rin ang naging problema ni Paolo. Aminado naman ang komedyante sa kaniyang pagkakamali, pero kailangan pa rin niyang tanggapin ang katapat na leksiyon ng kaniyang pagpapadalus-dalos.

At sana’y iwasan na niya ang pag-inom sa linya ng kaniyang trabaho, ilang oras lang naman ang Eat…Bulaga! Pagkatapos ng programa ay puwede na siyang lumaklak nang lumaklak hanggang gusto niya.

Lasing daw kasi si Paolo ng mga oras na iyon. Simple lang ang argumento. Kapag nasa linya ng trabaho ay huwag iinom. Kahit naman sa pagmamaneho ay malaking kasalanan iyon, kaya ang suspensiyon ni Paolo Ballesteros ay nag-iwan sa kaniya ng leksiyon.

Daniel Padilla – Mukhang matumal na ang career

Kailangan nang makaisip ng bagong atake ang mga humahawak sa career ni Daniel Padilla. Ilang concert na niya sa mga probinsiya ang nagbibigay ng kalungkutan sa mga producers na kumukuha sa kaniyang serbisyo.

Hindi kumikita ang kaniyang mga shows, napakalaki pa naman ng kaniyang talent fee. Umuuwing luhaan ang mga namumuhunan sa concerts ni Daniel Padilla.

May dalawa pa sana siyang concert sa magkaibang lugar sa Norte, pero nagbago na ang isip ng mga prodyuser, hindi na itinuloy ng mga ito ang pakikipag-usap sa mga namamahala sa career ng young actor dahil sa takot na malugi rin sila nang milyon.

Talagang nakaungos na nang husto sa laban si James Reid na ang mga palabas dito at sa iba-ibang bansa man ay punumpuno. Umangat nang husto ang kanilang tambalan ni Nadine Lustre at pinag-iwanan na ang KathNiel loveteam.

May mga nagkokomento naman na may kinalaman ang ina ni Daniel sa pagtumal ng kaniyang career. Mahilig daw kasing magpa-interview si Karla Estrada, kung anu-anong detalye ang ikinukuwento tungkol kay DJ, kaya nawala na ang kaniyang mystery.

Pero mas gusto naming maniwala na ang paulit-ulit na istilo ni Daniel ang dahilan ng hindi kagandahang attendance sa kaniyang mga shows, wala kasing bago sa kaniyang mga ginagawa, pati ang mga kantang ibinibigay niya ay paulit-ulit na lang.

Mapaghanap na ang publiko ngayon, sinisigurado na nilang masusulit ang ipinambili nila ng ticket at sulit ang oras na iuukol nila sa panonood, metikuloso na ang mga kababayan natin ngayon sa pamimili ng kanilang panonoorin.

Nora Aunor – Si Mamay Belen ang dahilan kung bakit may Superstar

Napakahalaga ng pagtanaw ng utang na loob sa ating kultura.

Maraming nalungkot sa hindi man lang pagsilip ni Nora Aunor kahit sa pinakahuling sandali sa bangkay ni Mamay Belen Cabaltera Aunor, kapatid ng kaniyang inang si Mamay Tunying, dahil sa tanggapin at sa hindi ng aktres ay napakalaki ng partisipasyon ng yumao niyang tiyahin sa pagiging Superstar niya.

Si Mamay Belen ang nagturo-umalalay sa kaniyang pagkanta. Ito rin ang naging talent scout nang sumali siya sa Tawag Ng Tanghalan at nagkampeon. Doon nagsimula ang singing-recording career ni Nora Aunor.

Ilang gabi ang lamay. Imposibleng hindi alam ni Nora na namayapa si Mamay Belen, dahil nakarating doon ang kaniyang mga tagahanga.

Gaano man kaabala sa trabaho si Nora ay puwede niya namang ipagpaliban iyon para makasilip lang siya sa burol ni Mamay Belen. Napakahalaga ng yumao sa kaniyang buhay at career. Kung walang Mamay Belen na nagtiyagang tumutok sa kaniyang pagkanta ay baka maraming taon pa siyang nagtinda ng tubig sa riles ng tren sa Bicol.

Kung hindi man niya nadadalaw si Mamay Belen noong nabubuhay pa ito, sana man lang ay bumawi siya sa pinakahuling pagkakataon, pero pinalampas pa iyon ni Nora Aunor.

Ian De Leon – Mahusay na aktor na’y isang good samaritan pa

Paalis na si Ian de Leon nang dumating kami sa lamay ni Mamay Belen Cabaltera Aunor. Kasama niya si Jen, ang maganda niyang misis, at ang limang buwan nilang anak na si Kristoff Jaden.

Hindi na namin tinanong sa aktor kung dumalaw na ba ang kaniyang ina sa lamay. Kapag nagkakakuwentuhan kami ni Ian ay parang wala naman siyang kainte-interes na pag-usapan si Nora Aunor. Malawak pa rin ang distansiya sa pagitan ng mag-ina.

Isa lang ang alam naming dahilan. Hanggang nasa poder pa ng Superstar si John Rendez ay hindi magkakalapit-lapit ang mag-iina, kontra rin sa rapper ang ibang mga kapatid ni Ian.

Pinapupurihan ngayon napakagandang puso ni Ian De Leon. Nahagip ng motorsiklo ang isang sampung-taong gulang na bata, duguan ito, pero nilalampas-lampasan lang ng mga nagdaraan.

May isang lalaking bumuhat sa duguang bata, dinala niya sa emergency room ang duguang biktima ng aksidente, si Ian de Leon ang magiting na lalaki.

Nanawagan sa FB ang ina ng bata, kung maaari raw sana ay malaman nito kung paano mapasasalamatan si Ian de Leon dahil sa pagliligtas sa kaniyang anak. Sa puso ng isang ina ay walang kapantay ang kadakilaang ginawa ng aktor.

Mabuhay ka, Ian de Leon, sana’y madagdagan pa ang bilang ng mga good samaritan na tulad mo!

Diego Loyzaga – May mga death threats na natatanggap

Nakakatanggap na raw ngayon ng mga death threat si Diego Loyzaga dahil sa kinasangkutan niyang gulo ilang araw na ang nakararaan. Sa isang bar nangyari ang gulo.

Nainterbyu ng palabang news anchor na si Raffy Tulfo ang isang nakasaksi sa pangyayari. Ito ang nanindigan na si Diego ang sinugod sa kaniyang mesa ng magkapatid na Lopez, hindi raw totoo ang bersiyon na inabangan ni Diego sa CR ang magkapatid at doon sinaktan.

May babaeng lumapit kay Diego para magpa-picture, mabait at magalang sa mga lumalapit sa kaniya ang binata, inakbayan niya ito na tulad ng karaniwang ginagawa ng mga artista sa mga fans na nagpaparetrato sa kanila.

Bumeso ang babae sa guwapong aktor, nagpasalamat si Diego, pero pagkatapos lang nang ilang sandali ay may sumugod na sa kaniya. Pinitserahan siya ng lalaki, natural ang naging reaksiyon ni Diego na palisin ang kamay nito sabay suntok, bilang depensa.

Pinagkasundo sila ng mga bar security, tapos na dapat ang gulo. Pero noong pauwi na ang grupo ni Diego ay may nagtutungayaw na naman na naghahamon sa kanila ng away.

Doon na sila nagkasakitan, napuruhan si Diego, napuruhan din ang magkapatid. Ayon sa kampo ng nakaengkuwentro ng binatang aktor ay magdedemanda sila, nagbabanta rin diumano ang mga ito na kapag nakita nila uli si Diego ay siguradong may mangyayari sa aktor, iyon ang pinakahuling kuwento.

Ang tanging pakonsuwelong tinatanggap ngayon ni Diego Loyzaga sa kabila ng pangyayari ay ang pagbuhos ng suporta sa kaniya ng mga personalidad na matagal na niyang nakakasama sa trabaho.

Ang kaniyang imahe bilang marespeto sa kaniyang kapwa ang nagsasalita ngayon para sa kaniya. Walang naniniwala na siya ang nagpasimuno sa gulo dahil sa pagkakilala sa kaniya ng maraming taga-showbiz.

Carrot Man – Mag-aartista? Sana’y mag-aral muna

Sana’y magbago ang isip ni Carrot Man. Sana’y yakapin na lang ni Jeyrick Sigmaton ang isang tahimik at simpleng buhay sa Mt. Province.

Walang masama sa pangangarap, libre naman ang pangarap para sa ating lahat, pero hindi lahat ng gusto natin ay nangyayari nang mabilisan. May tamang panahon para sa lahat ng kaganapan sa buhay ng ito.

Balitang mag-aartista na si Carrot Man. Ipina-make over pa si Jeyrick, nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang itsura. Hindi na halos makikita sa kaniyang dating ang dating binatang nagnganganga sa kabundukan habang namimitas-pumapasan ng carrots.

Pinagpistahan noon si Carrot Man, bigla siyang pinagkainteresan sa social media, ang payak na binata ay nakilala sa isang iglap lang.

May guwapo raw palang katulad niya sa gitna ng bundok. Hinanap siya ng media, hanggang sa iluwas na nga siya sa Maynila at lumabas sa telebisyon.

Mas marami ang nagsasabing tama na ang natikman niyang exposure, pero sana’y huwag na siyang mag-artista pa, mawawala na kasi ang misteryo ng kaniyang pagkatao kapag naging pampublikong pigura siya.

Tama nang maalala natin na minsan isang panahon ay may isang umaani ng carrots sa Mt. Province na napansin ng publiko dahil sa natural niyang kakisigan.

Mag-aral na lang siya, tutal naman ay sasagutin na ni Willie Revillame ang kaniyang pangmatrikula hanggang sa kolehiyo, mas malaki ang magiging pag-asa niya sa edukasyon kesa sa pumasok sa showbiz na isang napakabagong mundo para sa kaniya.

Ahron Villena – Ilusyon lang yata ni Cacai Bautista na mag-ON sila

Kahit minsan ay hindi kami nagkaroon ng interes na sulatin ang kumalat na kuwento tungkol sa pagkakaroon ng relasyon nina Ahron Villena at Cacai Bautista. Ngayon pa lang ang una.

Anak-anakan namin si Ahron. Mula pa noong sumali siya sa isang pa-contest sa ABS-CBN, ang You’re Da Man, ay malapit na sa amin ang aktor.

Kilalang-kilala namin si Ahron, wala siyang maaaring itago sa amin, pati ang kuwento ng kaniyang pamilya ay kabisado namin ang takbo.

Hindi namin kilala nang personal si Cacai. Puro hindi kagandahang kuwento ng kaniyang kamalditahan ang nakararating sa amin. Iyon ang lalo pang nagpatingkad ng kawalan namin ng interes na makilala ang komedyana.

Guwapo si Ahron at hindi naman kagandahan si Cacai, nandoon na tayo, pero kapag pag-ibig na ang pinag-argumentuhan ay walang nananalo kundi ang mga nagmamahalan lang.

Bina-bash ngayon si Ahron Villena dahil pinaasa lang daw niya si Cacai. Kaibigan lang daw pala ang turing niya sa komedyana.

May mga naaawa ngayon kay Cacai. Napakasakit daw naman noon para sa komedyanang umasa na mayroon nga silang relasyon ni Ahron, nakapagdududa kung saan nag-uugat ang mga komento ngayon sa social media laban sa aktor.

Kailanman ay hindi sinabi ni Ahron na sila na nga ni Cacai. Sa paglubog ng bawat araw ay matindi pa rin ang aming paninindigan. Hindi kami naniniwalang pina-asa lang ng aktor si Cacai. Pakikipagkaibigan lang ang hangad ni Ahron sa komedyana.

Magbabago lang ang takbo ng kuwento kung nag-ilusyon si Cacai Bautista na sila na nga ni Ahron. Napakalaki ng pagkakaiba ng katotohanan sa ilusyon lang.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251