Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Abril 1-15, 2013

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 1 - 15, 2013

Chiz Escudero & Heart Evangelista
Sen. Chiz Escudero & Heart Evangelista
Kris Aquino
Kris Aquino
James Yap
James Yap
James Yap, Bimby at Kris Aquino – noong masaya pa ang pamilya
James Yap, Bimby at Kris Aquino – noong masaya pa ang pamilya
Nora Aunor
Nora Aunor
Angel Locsin
Angel Locsin
John Prats
John Prats
Jayson Francisco & Melai Cantiveros
 Jayson Francisco & Melai Cantiveros

Sen. Chiz at Heart Evangelista – May kulay ba ng politika ang intriga?

Ang mundo ng showbiz ay walang iniwan sa palengke. Minsang matumal ang benta, minsan namang kinakapos ang mga produkto sa dami ng mamimili, sabay-sabay silang humuhugos at dumarating.

Tulad ngayon. Pagkatapos nang maraming buwan ng kawalan ng mga isyu ay sabay-sabay namang naganap ang mga kontrobersiyang hindi mo malaman kung saan-saan nanggaling at kung alin sa kanila ang iyong uunahin.

Unang pumutok ang kuwento tungkol sa mga disgusto ng mga magulang ni Heart Evangelista laban kay Senador Chiz Escudero. Maraming nagtatanong, itinayming ba iyon ng pamilya ni Heart, kung kailan panahon ng kampanya at malapit na ang eleksiyon?

At sa maraming panahon ng pakikipagrelasyon ni Heart ay bakit ngayon lang lumabas sa kanilang kapribaduhan ang kaniyang mga magulang para maglabas ng kanilang mga hinaing laban sa karelasyon ng dalaga?

Dalawang bagay ang naglalaro ngayon sa isip ng marami nating kababayan. Una, may kulay ba ng politika ang kaganapang ito? Mayroon bang mga tao sa likod ng pamilya ni Heart na ang layunin lang ay ang ilaglag si Senador Chiz sa darating na halalan?

Ikalawa, totoo bang nagpapakita ng kagaspangan ng ugali ang senador kapag nakakainom na? Totoo kayang parang robot ngayon si Heart sa katatango-kasusunod lang sa gustong mangyari ng senador?

Nagkakapalitan sila ng mga patutsada ngayon, ipinaglalaban ni Heart ang kaniyang pag-ibig, na lalo namang ikinagigigil ng kaniyang mga magulang.

Ang buong akala ng ating mga kababayan ay botong-boto kay Senador Chiz Escudero ang pamilya ni Heart Evangelista. Sa biglang paghusga ay sinong mga magulang ba naman ang hindi makatatanggap sa nakaposisyong magiting na lalaki, matalino na siya ay minamanok pa ng publiko, guwapo pa at kamukha raw ni Bamboo?

Pero may mga nakausap ang matapang na kolumistang si Kuya Ramon Tulfo sa isang okasyon, mga kaibigan ng pamilya ni Heart ang mga ito. Nawindang si Kuya Ramon sa kaniyang mga narinig na kuwento tungkol sa mambabatas.

Una, bastos diumano si Senador Chiz. Kapag nagkikita raw ang mga magulang ni Heart at si Senador Chiz sa kaniyang condo unit ay hindi man lang daw tumatayo ang senador para magbigay-pugay sa mga magulang ni Heart. Palagi rin daw lasing ang senador.

Sabi pa raw ng Mommy Baby ni Heart sa kaniyang kaibigan, “Bastos siya, binabastos niya kami, para siyang walang pinag-aralan,” impormasyong ikinagulat ni Kuya Ramon dahil kabaligtaran iyon ng gustong isipin ng kolumnista tungkol kay Senador Chiz.

Reklamo pa ng mga magulang ni Heart, pati raw sila ay hindi na iginagalang ng dalaga. Si Senador Chiz ang itinuturo nilang nagsusulsol sa aktres para gawin sa kanila ang ganoon.

Kontrang-kontra nga raw ang pamilya ni Heart kay Senador Chiz. Nag-aalala ang kampo ng aktres dahil iresponsableng boyfriend daw ang senador, kaya sa ngalan ng pagiging balanse ay kinuha ni Kuya Ramon ang panig ng mambabatas.

Ayon kay Senador Chiz ay wala raw katotohanan ang mga kuwentong nakarating kay Kuya Ramon. May matinding hindi pagkakaunawaan daw na namamagitan kay Heart at sa kaniyang mga magulang, kaya naiipit sa gitna ng mga nag-uumpugang bato si Senador Chiz Escudero ngayon.

Matagal-tagal din naming nakasama si Senador Chiz Escudero. Kongresista pa lang siya noon, tatakbo pa lang na senador, halos linggu-linggo ay regular kaming nagkikita-nagkukuwentuhan.

Wala kaming pakialam sa kaniyang hitsura. Ang mas binigyan namin noon ng timbang at pagpapahagala ay ang kaniyang katalinuhan. Kapag nakausap mo kasi siya nang matagalan ay maiisip mo na lang na noong maghulog yata ng katalinuhan ng utak ang langit ay napakarami niyang nasambot.

Hindi namin kinokontra ang mga pahayag ng mga magulang ni Heart tungkol sa diumano’y kagaspangan ng ugali ng boyfriend ng kanilang anak, iba ang kanilang sitwasyon ngayon sa noon. Pero parang sobra-sobra naman ang negatibong pagkakalarawan ng mag-asawang Evangelista sa senador.

Ang pagbibigay-pugay kahit kanino ay isang katangiang kipkip ni Senador Chiz. Hindi namin lubos na maintindihan kung bakit gagawin niya pa ang kawalan ng respeto sa mismong mga magulang ni Heart.

Pero mahirap pa ring paniwalaan na si Heart Evangelista pa mismo ang magpapabastos kay Senador Chiz sa kaniyang mga magulang. Bababa ang respeto at libido ng lalaki sa ganoong klase ng babae at anak.

Anuman ang totoo sa kuwentong ito ay sila-sila lang ang nakakaalam. Malabo pa sa amin ang kuwento, masalimuot pa ang mga impormasyon. Ang tanging malinaw pa lang sa amin ngayon ay hindi nagsisinungaling si Kuya Ramon Tulfo sa kaniyang istorya.

Kris vs. James – Kanino kayo kumakampi sa labanang ito?

Halos kasunod namang pumutok ng isyu tungkol sa pamilya ni Heart at ni Senador Chiz ang matinding gulo sa pagitan nina James Yap at Kris Aquino. Proteksiyon para sa kanilang anak na si Baby James ang isinangkalang dahilan ni Kris para manghingi siya ng TPO (Temporary Protection Order) mula sa husgado.

Natural, ipinaglaban ni James Yap ang kaniyang karapatan sa bata. Nagpainterbyu ito, naglabas ng kaniyang saloobin tungkol sa mga akusasyon laban sa kaniya ni Kris, na nauwi na sa demandahan.

Nagulantang ang manonood nang sabihin ni James ang may kayabangang sultada ni Kris, ayon sa basketbolista, “Baka hindi mo alam, may three years pa ang kapatid ko?”

Walang nagawa ang petisyon ni James Yap na huwag payagang makaalis ng bansa si Kris Aquino na kasama ang kaniyang anak na si Bimby. Ibinasura lang ng korte ang kaniyang hiling, nakaalis pa rin ang mag-ina papuntang London, nakapuntos doon ang aktres-TV host.

Nanghihinayang naman ang ibang mga nakakausap namin sa pagkasira ng relasyon nina James at Kris dahil ang akala pa raw naman ng mga ito ay nakatagpo na ang TV host ng lalaking tototoo sa kaniya.

Ang kanilang punto ay binata si James, samantalang may anak na kay Phillip Salvador si Kris, pero hindi naging hadlang iyon sa kanilang pagmamahalan.

Naaalala pa nila ang personal na pagpunta ni Kris sa Escalante, Negros Occidental. Sa kaniyang panayam ay sinabi pa ni Kris sa mga magulang ni James na hinding-hindi niya paiiyakin ang basketball player, kaya huwag daw mag-alala ang mga biyenan niya.

“Pero ano ang nangyari? Parang siya pa nga ang namanhikan noon kina James, instead na si James ang mamanhikan sa pamilya niya, di ba? Hindi raw niya paiiyakin si James, pero ano’ng nangyari ngayon?

Tanong naman ng isang ususero, “Bakit noong wala namang napapabalitang girlfriend si James, eh, wala namang mga ganyan? Pero noong mabulgar nang masaya si James sa karelasyon niya, eh, biglang nagkaroon ng ganitong kuwento?

“Ganoon ba talaga si Kris? Kahit tapos na ang relasyon nila ni James, eh, wala pa ring karapatang lumigaya ang ex niya? Ano iyon, insecure na insecure ba siya? O KSP lang talaga?”

Kung totoo ngang sinabi ni Kris kay James na nawawalan ng career ang lahat ng lalaking nakakarelasyon niya nang dahil lang sa minsan niyang pag-iyak ay totoo naman iyon. Pero hindi dapat ipinagmamalaki ang ganoon.

Hindi man lang ba naisip ni Kris na baka matakot na ang mga kalalakihan sa kaniya? Mahirap iyon, ah? Makakarelasyon mo nga si Kris Aquino nang ilang taon, pero pagkatapos naman noon ay maglalaho na ang career ng lalaki, parang may sumpa ang ganoong kalakaran.

Sa lahat ng mga kaganapang ito ay tahimik lang sina Phillip Salvador at Mayor Joey Marquez, bakit pa nga ba naman sila makikisali sa karnabal, samantalang sa magkaibang pagkakataon ay sila ang nasa pinakagitna ng kontrobersiya nang magdadaldal sa himpapawid si Kris?

Mas nanaisin na lang siyempre nilang manood nang malayuan sa teleseryeng ito. Siguradong napapailing ang dalawang dating karelasyon ni Kris, kasabay ang piping komento kay James Yap ng “Welcome to the club, dude!”

Puro pagpalatak ang reaksiyong nakikita namin ngayon sa ating mga kababayang umasang magbibitiw na talaga sa lahat ng kaniyang trabaho si Kris Aquino para tahimik nang manirahan sa ibang bansa kasama ang kaniyang mga anak.

Puro “I told you!” naman ang patambis ng mga nakakausap namin na kailanman ay hindi naniwala sa pahayag ni Kris na nagbibitiw na siya sa lahat ng kaniyang mga programa sa ABS-CBN para mapaglaanan niya nang sapat na panahon ang kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby sa ibang bansa.

Hindi pa man kasi nakakadalawang paligo ang mga tumutok sa kaniyang pagbibitiw ay heto, nag-isyu na agad ng opisyal na pahayag ang network ni Kris, na ganito ang kabuuang sinasabi.

“Ms. Kris Aquino and her kids are going on an earlier planned vacation starting today, March 23. Upon her return, Kris will fulfill her commitments to her soap Kailangan Ko’y Ikaw, which is nearing its end. She will also have to stay as a judge in Pilipinas Got Talent till its end on June. Being a foreign franchise, there are commitments we have to fulfill and rules we need to abide by.

Kris TV had taped advanced episodes in anticipation of her long planned vacation with her sons.

Ms. Kris Aquino and ABS-CBN management are also scheduled to meet upon her return to Manila. Meanwhile, we wish Kris and her sons a peaceful and restful vacation. We respect her need for privacy at this difficult time. – Bong R. Osorio, Head of ABS-CBN Integrated Corporate Communications.”

Sarah Geronimo – Nagwala si Mommy Divine dahil sa kissing scene

Nagkaroon pala ng problema sa set ng pelikulang It Takes a Man and a Woman nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na malapit nang ipalabas. Hindi sila ang naging problema, kundi ang Mommy Divine ni Sarah, nakialam pala ito sa isang eksenang kailangang-kailangan sa kabuuan ng kuwento.

Pagkatapos ipahayag ng pari na husband and wife na ang mga nakaharap sa altar, natural lang na ang kasunod na noon ay ang linyang, “You may now kiss the bride,” sa mga bagong kasal, pero sinira ng ina ni Sarah ang ating nakagisnan na.

Ayon sa aming source, “Talagang umeksena ang mommy ni Sarah, ayaw niyang ipagawa sa anak niya iyong pag-kiss ng groom sa bride, dayain na lang daw. Hindi siya napakiusapan ng mga producers at director, talagang ipinilit niya ang sa kaniya, dayain na lang daw ang eksenang iyon para wala na silang problema,” ayon sa impormante.

Dahil doon ay maraming reaksiyon mula sa ating mga kababayan ang nag-alsahan, kung ayaw raw ni Mommy Divine na mahalikan man lang ng kaniyang anak sa pelikula, di sana’y huwag na lang nitong pag-artistahin ang dalaga?

“Pero parang kalabaw na nakasuga sa bukid si Sarah, nag-aakyat nang limpak-limpak na salapi sa kanila, siya lang ang tanging inaasahan ng family niya.

“Kung ganoon na ang laki-laki ng nagagawa ni Sarah sa pamilya niya nang dahil sa kaniyang pag-aartista, bakit ganyan pa ang mommy niya? Bakit kailangang dayain pa ang mga scenes na puwede niya namang gawin?

“Tama bang makialam siya sa mga eksena? Hindi naman papapakin ang anak niya, kailangan lang maging professional dahil iyon ang hinihingi sa eksena! Nakakaloka talaga iyong ganoong drama!” naiinis pang kuwento ng aming source.

Noranians – Matinding manglait, palpak naman ang suporta sa superstar

Isa kami sa maraming nakatanggap ng mga mensahe ng pangmamaliit at panlalait ng mga tagahanga ni Nora Aunor kay Angel Locsin. Bakit daw tinalo ni Angel ang kanilang idolo sa pagiging Best Actress? Magkano raw ba ang halagang sangkot sa desisyong ginawa ng PMPC… at kung anu-ano pang mga salita ng pangmemenos kay Angel Locsin.

Sa umpisa ay okey lang, madaling unawain ang sentimyento ng mga tagasuporta ng Superstar, pero kapag sumosobra na ang mga panlalait ay nakakaumay na rin iyon at nang-iimbita ng opinyon.

Huwag naman sanang balewalain ang mga ginagawang pagsisikap ni Angel para mapaghusay ang kaniyang pagiging aktres. Hindi naman basta naupo lang sa isang sulok ang dalaga at saka humarap sa mga camera sa ikinapanalo niyang pelikula (One More Try). Ibinigay naman ni Angel ang lahat-lahat sa papel na ginampanan niya, kaya kung tinanghal man siyang pinakamahusay na aktres ay hindi imposible iyon.

Kailangang marunong tumanggap ng pagkatalo paminsan-minsan ang mga tagahanga ng Superstar. Hindi sa kanila ang lahat ng panahon, at hindi ngayon at tinalo ni Angel si Nora ay itatapon na lang sa basurahan nang basta-basta ang lahat ng magagandang nagawa ng Superstar sa kasaysayan ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Manalo man ngayon ng isa pang truck na award si Angel Locsin ay hindi pa rin mapapantayan man lang ng dalaga ang mga markang nagawa ng Superstar sa mundo ng pelikula.

Nagkataon lang na sa panlasa ng mga hurado ay mas magaling si Angel kesa kay Nora (Thy Womb) sa mga pelikulang nirebyu nila. Kani-kaniyang paninindigan at panahon lang iyan, kaya tantanan na sana ang pangmamaliit ng ibang Noranian sa mga artistang tumatalo sa kanilang manok.

Diretsong reaksiyon ng mga nakakabasa ng mensahe ng mga Noranian, “Tantanan na nga nila ang pagrereklamo! Sa halip na magngangawngaw sila, dahil natalo ang idolo niya, eh, bigyan na lang nila ng suporta si Nora.

“Iyon ang dapat nilang gawin para hindi napu-pull-out sa mga sinehan ang pelikula ng idolo nila! Puro reklamo sila, pero kapag mayroon namang pelikula si Nora, eh, hindi sila nanonood!

“Bago sila magreklamo sa Best Actress award na hindi nakuha ng idol nila, eh, burahin muna nila ang bagong title na ibinibigay kay Nora, ang pagiging Pullout Queen!” nagmamaasim pang komento ng aming kausap.

John Prats – Dapat turuan ng leksyon ang traydor na si Jayson Franscisco

Dapat lang bigyan ng leksiyon ni John Prats ang patraydor na umupak sa kaniya, si Jayson Francisco, ang dakilang mangingibig ng komedyanang si Melai Cantiveros.

Kung matapang ang damuhong ito ay napakadali namang harapin ni John. Pero bakit patalikod nitong inupakan ang actor? Hindi ba’t malinaw pa sa sikat ng araw sa tanghaling-tapat na katrayduran lang ang maitatawag doon?

Mayroon pang sinabi ang mokong na ito na pasensiya na raw si John dahil sa kaniyang pagiging probinsiyano. Aba, at mukhang gusto pang palabasin ng Jayson na ito na ganoon ang mga probinsiyano, padaskul-daskol kung umaksiyon, na traydor ang mga probinsiyano?

Pagso-sorry lang ba ang makakatapat ng suntok at batok at sapok? Huwag sanang lumambot ang puso ni John Prats para sa luku-lukong lalaking ito na hindi marunong lumaban nang parehas. Parusa ang dapat ibigay sa mga taong hindi nag-iisip nang maraming beses bago kumilos nang patagilid.

Sa totoo lang, mula sa kaniyang mga magulang hanggang sa kaniyang mga kapatid ay mabuting pamilya ang kinabibilangan ni John Prats. Wala siyang marka ng anumang kalokohan sa showbiz, napakahusay makisama ng kaniyang pamilya. Mabuti ang puso ng young actor na ito.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles