Pebrero 16 – 28, 2013
![]() |
|
John Lloyd Cruz & Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Sarah Geronimo |
|
![]() |
|
Mariel Rodriguez |
|
![]() |
|
Cesar Montano & Sunshine Cruz |
|
![]() |
|
Jolo Revilla |
|
![]() |
|
Daniel Padilla |
John Lloyd at Angelica – Tapos na ba ang nilalanggam na relasyon?
May problema ba ngayon sina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban? Tapos na ba ang kanilang dating nilalanggam na relasyon? Kung totoo ang mga kuwentong naglalabasan ngayon na wala na sila ay paano na ang mga papuring binitiwan nang napakaaga ng young actress tungkol kay Lloydie?
May source na nagkuwento, may nakakita sa magaling na aktor sa isang hindi gaanong pansining bar sa Makati na may kasamang ibang babae. Sa tingin ng mga impormante ay mukhang hindi lang basta magkaibigan si JLC at ang ka-date niyang non-showbiz.
Sabi pa ng source, “Hindi puntahan ng mga tao ang bar na pinuntahan nila. Maliit lang iyon, medyo nakatago pa, hindi mo nga aakalaing pupunta doon si John Lloyd, e!
“Baka naman nagsawa na si John Lloyd kay Angelica? Baka nagising na siya sa katotohanan na hindi sila bagay, dahil masyadong palengkera ang karelasyon niya?”
Kung totoo ngang tapos na ang lahat sa kanila ngayon ay napakarami nilang kailangang ipaliwanag sa publiko, lalo na’t napakarami nang binitiwang pahayag ng aktres noong kainitan pa ng relasyon nila ni Lloydie. Kung ano-anong pagkukumpara sa aktor at kay Derek Ramsay ang ginawa noon ni Angelica Panganiban.
Puwede rin namang nagkalabuan lang sila, nagkatampuhan, pero tanong ng mga miron ay sapat na bang dahilan iyon para makipag-date si JLC sa iba?
“Kaya pala may mga tweet na hindi kagandahan si Angelica, kaya pala mayroon siyang pinariringgan na kung sino, mayroon palang nangyayari sa relasyon nila ni Lloydie!” reaksiyon naman ng isang Twitter follower ng aktres na palaban.
Iyon ang latest tungkol sa kanilang dalawa.
Sarah Geronimo – Drama anthology naman ang susunod na project sa Dos
Iniintriga ngayon ng kampo ng kaniyang mga kalaban si Sarah Geronimo. Dahil sa pagtatapos na ng kaniyang show sa Dos ay sinasabi ng mga ito na pabagsak na raw ang career ng magaling na singer-actress. Hindi na raw maningning ang kinang ng kaniyang bituin. Kinakabog na raw siya ng mga mas bata at mas punumpuno ng talentong female personality ngayon.
Ganoon ang palaging iniisip ng iba kapag nawawala ang show sa ere ng mga artista at singer, nababawasan na ang kanilang kasikatan kapag ganoon, hindi raw kasi nagre-rate at kumikita ang show dahil tapos na ang pagsuporta sa kanila ng publiko.
Ang hindi nila alam, ang pagtatapos ng show ng mga personalidad ay parang tao rin na nagbibihis lang. Kailangang magbago ng atake at istilo para may bago na naman silang maihain sa manonood.
Sabi ng isang kaibigan naming taga-Winnipeg, Canada, “Sa lahat ng performers na Pinoy na nag-show sa Canada, e, si Sarah lang ang nakapuno ng iba’t ibang venue doon. Nagkasunod-sunod pa nga ang concert niya doon, pero panalo pa rin!
“Siya lang ang Pinoy celebrity na kahit anong panahon mo dalhin sa Canada, kahit winter pa iyon, e, kumikita pa rin. Marami siyang fans, magaling siyang mag-show, kaya nakakaulit siya,” papuri ng aming kaibigan sa magaling na singer-actress.
Sa halip na variety show ay isang drama anthology pala ang ihinahanda ng Viva Entertainment at ng Dos para sa dalaga. Kailangang baguhin ang kaniyang pakete, kailangan niyang sumubok naman sa pag-arte ngayon, dahil mayroon na siyang napatunayan sa pagho-host at pagkanta.
“Si Sarah pa? Ang dami-dami na nilang dumating at nangawala, pero nandiyan pa rin siya. Sa TV at pelikula, e, napakaganda ng iniiwanan niyang marka!” pagtatanggol pa sa magaling na singer-actress ng isang nakausap namin.
Sa totoo lang!
Mariel Rodriguez – Walang katwiran ang pagseselos sa love scenes ni Binoe
Hanggang ngayon, kahit pa matagal na rin siya sa showbiz, ay hindi pa rin sanay sa kultura at kalakaran ng mundong pinasok niya si Mariel Rodriguez. Naaapektuhan pa rin siya ng mga ginagawa ng kaniyang mister na noong makilala niya ay sikat nang artista at wala namang ginawang pagpapanggap tungkol sa kaniyang nakaraan.
Natural lang para kay Mariel ang magselos, pero para sa mas nakararami, ang pagseselos ay dapat niyang inilalagay sa tamang lugar. Artista si Robin Padilla, sikat at guwapo. Hindi talaga maiiwasan na dahil sa tawag ng pangangailangan para sa papel ng gagampanan nito sa pelikula o sa telebisyon man ay magkaroon ng ma eksena ng lambingan sa pagitan ng action star at ng kaniyang leading lady.
Pero may kakitiran ang isip ni Mariel pagdating sa ganoon. Talagang kontra siya sa mga love scenes, ayaw niyang gumagawa ng maiinit na eksena si Robin sa pinagbibidahan nitong proyekto. Doon sumasablay si Mariel para sa ating mga kababayan.
Pero marunong manuyo ng minamahal si Robin Padilla. Para sa kaniya ay ayos lang ang ganoon, tanda lang iyon nang labis-labis na pagmamahal sa kaniya ng babae, pero sumusumpa si Robin na wala itong ginagawang masama.
Nakakaaliw ang mga mensaheng tinatanggap namin ngayon tungkol sa inasal ni Mariel. Malinaw na malinaw ang mga insinwasyon na sa kanilang relasyon ni Robin Padilla ay mas maraming nakikisimpatya sa actor. Kokonti lang ang nakukyutan sa ginawa ni Mariel, heto ang mga mensahe bilang payo sa aktres-TV host.
Unang texter, “Naiinis ako kay Mariel! Mayroon pa siyang pa-baby-baby talk noong humihingi ng sorry sa kaniya si Robin sa Wowowillie. Nakakainis! May pa-babe-babe pa siya, feeling sixteen years old, may pa-bangs-bangs pa siya, hindi na bagay sa kaniya ang mga ganyang drama!’
Isa pang mensahe ang kumakagat naman, pero sa ayaw at gusto ni Mariel ay siguradong kapupulutan niya ng aral, heto ang mensahe.
“Natural lang para sa isang babae ang magselos, lalo na’t isang Robin Padilla ang husband niya. Pero hindi puwedeng gawin ni Mariel ang ganyan sa lahat ng pagkakataon. Baka siya ang makasira sa career ni Robin.
“Imagine, isang eksena lang iyon na ikinaselos niya, ibinalik na niya ang wedding ring niya, umalis na siya, ano iyon? Kitang-kitang masyado ang pagiging selfish niya, makasarili ‘yang si Mariel, intindihin sana niya na artista ang asawa niya na talagang sasalang sa mga ganoong eksena kahit ayaw pa niya.
“Hindi sa lahat ng panahon, eh, puwede siyang suyuin ni Robin. Walang itinago sa kaniya ang asawa niya. Playboy si Robin, Muslim pa, kaya tantanan na ni Mariel ang pagiging childish niya!”
May katotohanan ang opinyon ng aming source, kailangang mas lawakan nga naman ni Mariel ang kaniyang pang-unawa sa propesyong pinili ng kaniyang asawa, hindi sapat ang selos lang para maharangan niya ang pagiging propesyonal ni Robin.
Ibig bang sabihin, dahil kontrang-kontra siya sa mga eksenang sensuwal ay makukulong na sa kung ano ang gusto lang niya ang pagkaaktor ni Robin? Hindi na puwedeng tumanggap ng mga ganoong proyekto ang kaniyang asawa?
Anong klase ng pag-ibig ang puwede niyang ipagsigawan sa buong mundo kung wala naman pala siyang tiwala sa kaniyang mister? Noong makilala niya, makarelasyon at pakasalan si Robin Padilla ay artista na ito, walang mga barahang nakataob sa mesa ang aktor nang maging magkarelasyon sila hanggang sa maging mag-asawa na, kaya kailangang hindi umaarte ng ganyan si Mariel.
Cesar Montano at Sunshine Cruz – Tuluyan nang naghiwalay
Akala ng mas nakararami ay naayos pa ang personal na problema ng mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz, pero hindi na pala iyon naisalba. Tuluyan na silang naghiwalay at naghahanap na ng malilipatang bahay ngayon ang aktres para matirahan nilang mag-iina.
Mismong si Mama Alfie Lorenzo, manager ni Sunshine, ang kumumpirma sa balita. Tututok na lang daw ngayon ang aktres sa kaniyang career para mabilis niyang makalimutan ang sakit ng damdamin na ibinigay sa kaniya ng action star.
Ang itinuturong dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang starlet na si Krista Miller. Ayon sa mga kuwento-kuwento ay ilang ulit na raw na nahuhuli ni Sunshine ang pambababae ng kaniyang mister, pero itong huli ang talagang hindi na kinaya pang sikmurain ng aktres.
Nag-usap na pala sila nitong nakaraang linggo, pero labas sa paksa ang kanilang pagbabalikan. Ang sustento lang ng kanilang mga anak ang dahilan ng kanilang komunikasyon.
Naghahanap na ngayon ng matitirahan si Sunshine at ang kanilang mga anak, nakikipag-usap na rin si Mama Alfie Lorenzo sa ABS-CBN. Kailangan nga namang magtrabaho-malibang ng aktres para sa mabilisang paglimot sa naganap sa kanilang relasyon ni Cesar Montano.
Hanggang ngayon ay maganda pa rin si Sunshine, hindi niya rin napabayaan ang kaniyang katawan, may maganda pang hinaharap sa showbiz si Sunshine Cruz.
Jolo Revilla – Nasaktan ang pamilya Revilla sa pasaring ni P-Noy
May kalayuan pa ang mid-election, pero ngayon pa lang ay napakainit na ng takbo ng pulitika ng ating bayan, mararamdaman na ang mga parinigan-pasaringan at pagpapalutang ng kulay ng mga kilalang lingkod-bayan.
Noong Huwebes nang hapon ay nabulabog ang marami sa ginawang pagdalaw ni Pangulong Noynoy Aquino sa Imus, Cavite, nakakita ng kakampi sa kaniya ang partidong kalaban ng kampo ni Jolo Revilla, pero hindi naman naging kagandahan ang reaksiyon ng ating mga kababayan sa mga salitang binitiwan ni P-Noy.
Naging napakasakit para sa pamilya Revilla ang mga pinakawalang patambis ng pinakamataas na pinuno ng ating bayan, lalo na nang banggitin nito ang mga salitang anting-anting at agimat, kung saan nakilala ang pamilya Revilla.
Bahagi ng talumpati ni Pangulong Noynoy, “Paalala lamang po. Asahan na po ninyong may mga nagpapanggap at may mga nakikisakay sa ating krusada.
“May mga nakikisuot ng kulay dilaw pero hindi tiyak kung ano ang kulay ang nasa saloobin.
“Huwag na po tayong umasa sa tsamba o agimat o anting-anting.
“Matuto na po tayong kumilatis ng mga susunod na lider ng bansa upang matiyak na aarangkada tayo sa katuparan ng ating mga pangarap at hindi na lumihis pa.
“Magtiwala po tayo sa tapat na paglilingkod at serbisyong nag-aalab, may prinsipyo at siyempre, may liksi,” bahagi ng talumpati ni P-Noy.
Napakaaga pa para sa mga ganoong klase ng pasaring, ni hindi pa nga nagsisimula ang pormal na entablado de kampanya, pero nakapananakit na ang mga ganoong akusasyon para sa mga tumatakbong pulitiko.
Pero sa halip na masaktan ay dapat pa ngang magbigay-inspirasyon kay Chairman Jolo Revilla at sa kaniyang mga kasamahan ang mga ganoong pasaring, senyal lamang iyon ng matitindi silang kalaban na kailangang wasakin para hindi na nila makopo ang mahahalagang upuan sa lalawigan ng Cavite.
Hindi maganda sa panlasa ang ganitong klase ng hirit. Kailangan pa munang atakihin ang kalaban para makakopo ng silya sa gobyerno. Onli in da Pilipins naman talaga!
Daniel Padilla – Makakapuno kaya ng Araneta ang bagets?
Inuupuan na ngayon ng mga prodyuser ang gagawing first major concert ng tinitiliang bagets ngayon na si Daniel Padilla. Tama, magkakaroon na nga ng ganoon katinding concert ang guwapong bagets young actor, sa April iyon mapapanood sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon sa aming source ay makakasama ni Daniel sa kaniyang unang major concert ang kaniyang mga magulang na sina Rommel Padilla at Karla Estrada, inaayos na rin ang page-guest ng kaniyang uncle na si Robin. Siyempre’y kasama rin sa line-up ang kaniyang ka-loveteam na si Kathryn Bernardo.
Ang tanong ng marami, hindi raw kaya napakabilis na paglundag para kay Daniel Padilla ang pagkakaroon ng concert sa Smart Araneta Coliseum? Makakaya kaya niyang punuin ang Big Dome? Sapat na bang garantiya ng concert ang nakabibinging tilian kapag nakikita ng mga kabataang fans ang young singer-actor?
Matapang ang kaniyang mga prodyuser, positibo ang kanilang pananaw na makakayang punuin ng guwapong bagets ang Smart Araneta Coliseum, dahil bukod sa siya ang pinakatinitiliang bagets actor ngayon ay bakasyon na sa mga panahong iyon ang mga estudyante.
“Iyon ang market ni Daniel, kaya itinaon talaga ang concert niya sa pagbabakasyon ng klase,” madiing komento ng aming source na may partisipasyon sa first major concert ng sikat na bagets actor.
Isa pang tanong. Makakasama rin kaya sa kaniyang concert ang tiyuhin niyang si Rustom Padilla, este, BB Gandanghari pala? Ano naman kaya ang gagawin nito kung sakali man?
Akala nami’y nagbibiro lang ang aming source, pero seryoso pala ito, “Si Piolo Pascual ang isa pang pinaplanong maging guest ni Daniel sa first major concert niya.”