Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 250

Cristy Per Minute • Agosto 16-31, 2014

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAgosto 16 – 31, 2014

 
  
 

Lyca Gairanod – Pinakabatang biktima ng social media bashers

May umaagapay na ngayon kay Lyca Gairanod, ang nagkampeong anak-mahirap sa The Voice Kids. May nakausap kaming source mula sa kampo ng magaling kumantang bata na nagsabing may umaalalay na sa bata sa kaniyang mga interview.

Pinakabatang biktima ng mga bashers ang bata dahil sa walang malisya niyang pagsasabi na ayaw niyang magkaroon ng malaking nunal sa mukha na katulad ng sa Superstar dahil baka mapagkamalang kulangot iyon.

Buong-prangka rin niyang pinuna ang pasintunadong pagkanta ni Anne Curtis. Nagsasabi lang naman ng totoo ang bata dahil kahit si Anne ay aminadong sintunado itong kumanta pero nakatikim nang maaanghang na salita sa social media si Lyca.

Para makaiwas sa mga hindi kagandahang komento ang bata ay mayroon nang nagtuturo ngayon sa kaniya ng mga puwede niya lang sabihin sa interview. May umaalalay na sa kaniyang inosenteng kataklesan para hindi na siya pupugin ng mga bashers kahit pa wala pa naman siyang ideya tungkol sa diplomasya sa napakamura niyang edad.

Hindi nagsisinungaling ang bata, kung ano ang kaniyang opinyon at paniniwala sa mura niyang utak ay iyon ang lumalabas sa kaniyang bibig, pero iba na ang mundong ginagalawan ngayon ni Lyca Gairanod.

Wala na siya sa mga bundok ng basurahan na tulad noon. May entablado na siyang kinakantahan ngayon, may mga camera na ring palaging nakasunod sa kaniya dahil markado at kilala na siya.

Napakanatural kasi ng bata. Pakiramdam nga lang ng ibang mga kababayan natin ay lumalabis na siya sa kailangan lang; kaya kailangan na siyang i-guide, kailangan na siyang turuan ng kung anu-ano lang ang puwede niyang sabihin at hindi.

Kris Aquino – Halatang kinikilig pa rin kay Mayor Herbert

Sa pinakahuling paghaharap nina Mayor Herbert Bautista at Kris Aquino sa kaniyang programa ay halatang-halata na ang isyu ng pagsampal ng tagapamuno ng Quezon City sa isang drug lord ay gustung-gustong ihapay ng aktres sa nakaraan nilang relasyon.

Magaling lang talagang maglihis ng paksa si Mayor Herbert. Alam nito ang gagawin kapag medyo pasulong na si Kris sa gusto niyang mangyari. Lumalabas tuloy na para siyang naghahabol sa lalaking iwas naman nang iwas.

Ayon kay Kris ay tapos na ang lahat sa kanila ng mayor, pero sa kaniyang pananalita ay hindi niya na naman kayang panindigan ang kaniyang mga sinasabi. Hindi yata kasi matanggap ni Kris na maagang nagising sa katotohanan ang pulitiko at ang pamilya nito ang mas pinahalagahan ng lalaking gusto niyang makarelasyon nang mahabang panahon.

Kuwento ng aming source na nakapanood sa kanilang paghaharap, “Halatang-halata na kilig na kilig si Kris, kakaiba ang galaw niya, si Mayor Herbert naman, simple lang. Halatang inililihis niya ang topic dahil natutunugan na niya na iba ang gustong mangyari ni Kris.

“Sa ending, ang sinabi niya na lang, ‘Yan si Mayor Herbert, hindi nananakit physically… Damdamin lang!’ Sinabayan pa niya iyon ng tawa na kaniyang-kaniya lang, patented na sa kaniya ang tawang iyon!” kuwento ng aming source.

Natawa lang kami sa kuwento, hindi na kasi bago iyon. Kapag si Kris ang tumitimon ng interbyu, hindi puwedeng matapos ang kaniyang panayam nang hindi niya isinasali ang kaniyang sarili sa daloy ng interbyu.

Iyon si Kris Aquino… hindi siya titigil hanggang hindi siya ang bumibida sa kaniyang interbyu.

Erik Santos at Angeline Quinto – Totoo bang may relasyon, ano ba talaga?

Nakukulili na ang magkabilang tenga namin sa pang-uusisa ng aming mga kaibigan at kakilala. Gusto na naming mag-tape na lang ng isasagot para iyon na lang ang iparirinig namin sa mga nagtatanong.

Ang tanong – naniniwala raw ba kami na magkarelasyon sina Erik Santos at Angeline Quinto? Ang dalawa naman kasing ito, kapag tinatanong sila, puro pabitin ang kanilang sagot.

May payo ang kaibigan naming propesor kay Angeline, tungkol nga sa napapabalitang girlfriend siya ngayon ni Erik, para hindi siya napagsasabihan na isa siyang echoserang frog.

Ang punto ng aming kausap ay para rin kay Angeline. Hindi naman para sa ibang tao iyon, paborito kasi ng propesor naming kaibigan ang female singer kaya ganito na lang ang kaniyang malasakit sa dalaga.

“Kung ako kay Angeline, hayaan na lang niyang ibang tao ang magsabi at magpatunay na may relasyon sila ni Erik Santos. Huwag nang sa kaniya manggaling iyon dahil ang impression tuloy sa kaniya ng mga nakakarinig, e, napakaechosera niya.

“Si Erik naman kasi kapag tinatanong, e, hindi ganoon ka-open kay Angeline kung sumagot. Close daw sila, going there na, pero ano ba naman ang meaning noon? Si Angeline naman, bigay na bigay, kesyo nagkakaunawaan na raw sila, kesyo maligaya raw siya, nakakaawa naman iyong tao,” madiing punto ng aming source.

Bakit nga ba pagdating na sa isyu ng relasyon daw nila ni Erik Santos ay palaging pinagtatawanan si Angeline? Walang naniniwala sa kaniya. Mayroon pa ngang mga nagsasabi na kaya maraming kalamidad na nagsusulputan ngayon ay dahil sa rebelasyon ng dalaga na magkarelasyon na sila ni Erik.

Ano ba ang kailangang gawin ng dalawa para maniwala ang mga kababayan natin na may espesyal na nga silang relasyon? Kailangan pa ba nilang gumawa ng sex video at ikalat iyon nang ikalat para lang may maniwalang sila na nga?

Ang kuwento kasi ay babae rin ang type ni Angeline. Kasama raw ang dalaga sa hanay nina Aiza Seguerra, Charice Pempengco at iba pang tivoling singers, kaya ang sinasabi niyang pagkakamabutihan nila ni Erik Santos ay palaging ginagawang joke lang.

Sa dami ng mga male singers ngayon ay iba ang pagmamahal namin kay Erik Santos. Kilalang-kilala namin siya bilang mabuting anak, kapatid at bilang tao, wala kaming maipipintas sa kaniya.

Maraming personalidad na nakakaalala lang kapag may kailangan. Mapipindot lang ang pangalan mo sa kanilang cellphone kapag naiipit sila sa isyu, pero ibahin natin si Erik Santos.

Walang pinipiling panahon ang kaniyang pagmamahal, marunong siyang magpahalaga, mayroon o wala siyang kailangan ay nandoon ang kaniyang pag-alala.

Iyon lang ang masasabi namin. Hanggang doon lang. Walang labis, walang kulang.

Richard Gomez – Mahusay talagang game show host si Goma

Talagang sinadya naming tutukan ang bagong game show ni Richard Gomez sa TV5, ang Quiet Please, hindi lang pala ang mismong audience sa studio ang mapapatahimik kundi pati ang nanonood.

Ang batas ng show ay bawal ang maingay, bawal ang lumikha ng tunog habang ginagawa ang laro, may metrong magsasabi kung malakas ang tunog ng kalahok na magiging dahilan ng kaniyang pagkatalo.

Habang lumalaro ang contestant, pati ang nanonood ay mapapatahimik din, nakakatensiyon kasi ang ginagawa ng kalahok. Tawa kami nang tawa habang nanonood. Kapag nagkakatinginan kasi kami ng mga kasama namin ay parang nagtatanungan din ang aming mga mata – bakit daw pati kaming lahat ay tumatahimik din?

Kani-kaniyang diskarte sa unang sultada ng game show sina Mayor Joey Marquez, Anjo Yllana, Snooky Serna, Alice Dixson, Wendell Ramos at Derek Ramsay.

Maganda ang show ni Goma, nakaka-tense. Nakabibingi ang katahimikan kapag naglalaro na ang mga contestants. Kaya nga Quiet Please (Bawal Mag-ingay) ang titulo nito.

Bilang host ay walang kupas si Richard Gomez. Kayang-kaya niyang manehohin ang kabuuan ng programa, bukod pa sa mababaw rin ang kaniyang tawa na nakadadagdag ng brilyo ng kaniyang show.

Ka-back-to-back ng Quiet Please ang Who Wants To Be A Millionaire ni Vic Sotto na napaaga ang oras.

Daniel Padilla – Kahangahanga anak, bakit naman napipintasan pa?

Kapag iniikutan siguro ng paningin ngayon ni Karla Estrada ang bagong bahay na ipinatayo para sa kaniya ni Daniel Padilla ay hindi niya naiiwasan ang pagbalik sa nakaraan. May aircon ang mga kuwarto, kongkreto ang mga materyales, napakalaki ng bahay.

Hindi na siya magpapaypay ngayon ng mga anak kapag napuputulan sila ng kuryente. Hindi na rin siya magsasahod ng mga banyera at palanggana kapag malakas ang ulan dahil sa mga butas ng kanilang bubong. Hindi na rin sila nagsisiksikan ngayon sa pagtulog.

Ang lahat ng ginhawang tinatamasa ngayon ni Karla ay premyo ng langit sa kaniya. Kung mauutangan lang noon ang mga aso’t pusa, siguro’y nilapitan na niya, mapag-aral lang at mapalaki nang maayos ang kaniyang mga anak na siya ang tumatayong ama at ina.

Si Daniel Padilla na pinakasikat na heartthrob ngayon ang naging tulay sa pagginhawa ni Karla. Maganda ang kalooban ng kaniyang anak, una muna silang binigyan ng atensiyon ni DJ, bago ang mga pangsarili nitong kasiyahan.

At ang mabubuting anak na tulad ni Daniel Padilla ay produkto ng magulang na may ginto ring puso, nakita ng mga bata ang matindi niyang sakripisyo, kaya hinahawakan niya ngayon ang premyo ng kaniyang kadakilaan bilang ina.

Nakakalungkot lang isipin na sa kabila ng kaniyang pagsisikap at pagbibigay ng kaligayahan sa kaniyang pamilya ay pinipintasan pa ang kagandahan ng loob ni Daniel Padilla.

Nang bisitahin ng isang programa ang kanilang bahay ay puro pintas pa ang inabot ni Daniel.

Baduy raw ang ayos ng bahay, wala raw alam sa interior design ang kaniyang nanay, at kung ano-ano pang kapintasan sa bahay na ipinundar ng sikat na young actor.

Ang tingnan na lang sana ng mga naninira sa aspetong ito ay ang pagiging mabuting anak ni Daniel Padilla na sa halip na unahin ang mga pangsarili niyang granatsa ay inuna muna niyang bigyan ng masisilungan ang kaniyang ina at mga kapatid.

Bibihirang kabataan ang gumagawa ng ganoon. Maitatangi ang isang Daniel Padilla na bago ang kaniyang sarili ay ang mga mahal muna sa buhay ang kaniyang inuna, ni hindi nga siya makikita sa bar dahil pagkatapos ng trabaho ay bahay na agad ang tuloy niya.

Isang napakagandang halimbawa si Daniel Padilla hindi lang sa mga kabataang artista ngayon, gawin din sana siyang idolo-ehemplo ng mga kabataan natin, isang simbolo ng tagumpay si Daniel Padilla.

Sa totoo lang.

Vhong Navarro –Hindi pumayag magpa-areglo

Maraming natuwa sa naging desisyon ni Vhong Navarro na hindi makipagkita sa gitna kina Cedric Lee at Deniece Cornejo. Nagtangkang pag-ayusin sila sa pamamagitan ng mediation, pero nabigo ang mga namagitan. Matindi ang paninindigan ni Vhong na hindi siya magpapaareglo.

Na dapat lang naman. Ano iyon, kending kinuha sa kaniya na noong pagsawaang namnamin ay basta isosoli na lang sa kaniya? Ganoon na lang ba naman iyon?

Napakatindi ng nangyari kay Vhong. Buhay niya na ang nakataya doon, pagkatapos ay makikipag-areglo lang siya sa bandang huli? Hindi na niya makakalimutan pa ang nangyari sa kaniya noong nakaraang January 22 nang gabi.

Umuusad na ang hustisya. Ang mga kasong isinampa laban sa kaniya ng tropa nina Cedric at Deniece ay isa-isa nang ibinasura ng korte. Ang mga naiiwanan na lang ngayon na dinidinig ay ang mga asuntong siya mismo ang naghain laban sa grupong nanakit nang pisikal sa kaniya.

Dapat lang magdusa ang mga gumawa noon. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay malulusutan ng mga ito ang kanilang mga ginagawa. Mas matapang pa nga ngayon ang kampo ni Vhong dahil may hawak silang karagdagang ebidensiyang lalo pang magdidiin sa grupo nina Deniece at Cedric Lee.

Sa hawak nilang ebidensiya ngayon ay lalong naging malinaw na ang lahat ng naganap noong January 22 nang gabi ay planado pala, talagang pinag-usapan at inupuan, kaya mas nadadagdan pa ang lakas ng loob ni Vhong Navarro para ipagpatuloy ang kaniyang mga laban.

Claudine Barretto – Nakakaumay na ang mga drama

Nagalit pala si Claudine Barretto kay Raymart Santiago nang maagang umalis ang aktor sa party ni Santino. Pagkatapos mag-blow ng cake ang kanilang bunso ay nagpalipas lang ito nang ilang sandali pa at umalis na.

Ipinost ni Claudine ang retrato nilang magkakatabi. Si Santino ang pinuntahan ni Raymart at hindi si Claudine, nagkataon lang na naging nanay siya ng bata, kaya nagkasama-sama sila sa kaarawan nito.

Nagalit si Claudine dahil dapat daw sana’y magkasama sila ni Raymart sa interbyu. Kahit para man lang daw sana sa kaarawan ng kanilang anak ay ginawa ni Raymart ang magtagal sa party para sabay silang ininterbyu ng mga TV reporters na nandoon.

Napakababaw na dahilan. Kung hindi dumating si Raymart ay siguradong bubula na naman ang bibig ni Claudine, pero nang dumating naman si Raymart, mayroon pa rin siyang kinukuwestiyon.

Maganda na ring umalis agad si Raymart, tutal naman ay si Santino ang kaniyang pinahalagahan at hindi ang interbyu nilang magkasama ni Claudine; panayam na isang araw ay gagamitin na naman laban sa kaniya ni Claudine na ang takbo ng utak ay parang hanging-bagyo na hindi mo alam kung ano ang tinutungong direksiyon.

Ang mga pinaggagagawa ngayon ng aktres ay parang ulam nang nakauumay. Paulit-ulit na lang. Marami namang ibang putahe diyan na mapagpipilian.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 250

Trending Articles