Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Cristy Per Minute • Hunyo 1-16, 2014

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHunyo 1 – 15, 2014

anne
Anne Curtis
   freddie
Freddie Aguilar
maegan.aguilar
Maegan Aguilar
manny.pacquiao
Manny Pacquiao

Anne Curtis – Hindi wagi ang concert

Maraming puwedeng iturong dahilan kung bakit hindi napuno ni Anne Curtis ang Araneta Coliseum sa kaniyang ikalawang konsiyerto. Nagmistulang ilog na umaapaw noon ang nanood sa kaniyang unang pagtatanghal. May mga gusto pang manood pero wala nang ticket.

Kabaligtaran iyon ng nangyari ngayon. Hindi napuno ni Anne ang Big Dome. Ipinamigay na ng Viva Entertainment ang mga tickets sa show niya dalawang araw bago siya umakyat sa entablado, pero kumalug-kalog pa rin ang venue.

Una, sa mga panahong ito na malapit na ang pasukan at kailangan nang paghandaan ang matrikula ng mga estudyante, kesa sa manood ng concert ni Anne Curtis na hindi naman totoong singer ay iipitin na lang nina Juan at Marya ang pera nila sa bulsa.

Ikalawa, nakaapekto kay Anne Curtis ang mga pinagsasabi niya noong gabing inakala niyang kayang-kaya niyang talunin si San Miguel sa paglalasing. Nayabangan sa kaniya ang marami nating kababayan na sinabi niya na kayang-kaya niyang bilhin ang kaniyang mga kaharap pati na ang bar na kaniyang kinaroroonan. Nagmarka iyon sa publiko.

Ikatlo, nagbitiw ng salita ang kaniyang boyfriend na si Erwan Heusaff na bobo ang ating mga kababayan. Bakit? Amerikano, Mexicano at Italyano ba ang dadayo pa sa Pilipinas para lang manood ng concert ni Anne?

Magsisilbing leksiyon na kay Anne Curtis ang pangyayaring ito. Iiwas na siyang maglasing nang walang habas ngayon. Papayuhan na rin niya si Erwan Heusaff na huwag masyadong nagsusuplado at nagmamaangas dahil ayaw ng ating lahi sa mga taong hambog lalo na kung wala pa namang maipagyayabang at napatutunayang kahit ano sa kaniyang hanay.

Ka Freddie Aguilar – Paninirang-puri ang ganti ng spoiled na anak

May bagong drama sa totoong buhay na ang mga bida ng teleserye ay ang mag-amang Ka Freddie Aguilar at Maegan Aguilar. Ayon sa kuwento ay pinalayas ni Kaka sa kaniyang tahanan ang kaniyang anak na si Maegan at ang kaniyang mga apo na ang dahilan lang ay ang mga nabulok nilang gulay sa refrigerator.

Kung ang pagbabasihan lang ng isyu ay ang mga gulay na nabulok ay napakawalang saysay nga naman ng dahilan ng pagpapaalis ni Kaka sa kaniyang anak at mga apo sa kaniyang bahay.

Pero may mga nakausap kaming impormante. May malalim pa palang kuwento sa likod ng mga nabulok na gulay na naging isyu ng away ng mag-ama. Iyon daw ang mas mahalaga.

Umpisang kuwento ng aming impormante, “Iyon na lang ang nag-trigger sa away nilang magtatay, kahit sundot lang ng karayom, talagang puputok na si Kaka. Nabulok na gulay lang ang naging reason, pero matagal nang gustong kumprontahin ni Kaka si Maegan!

“Hindi kasi gusto ni Maegan ang babaeng pinakasalan ng tatay niya, kaya noong magsama-sama na sila under one roof, hindi kagandahan ang pagtrato niya sa kasalukuyang asawa ng father niya.

“Sinisimangutan niya, pinagdadabugan, kinokontrang madalas, hindi lang kumikibo iyong babae, dahil ayaw nga niyang magkagulo ang mag-ama nang dahil sa kaniya! Pero ramdam iyon ni Kaka, alam niya ang mga ginagawa ni Maegan sa asawa niya, kaya noong magkaroon ng dahilan, pumutok ang pasensiya ni tatay!” pagdedetalye ng aming source.

Nagkaroon pala ng engkuwentro sina Jovie at Maegan. Pinansin ng asawa ni Kaka ang mga nabulok na gulay sa refrigerator. Sumagot agad nang pabalang si Maegan na siyempre’y ikinagalit ng kaniyang madrasta.

Doon na nagsimula ang royal rambol sa pagitan ng dalawa. Tinunton na ni Maegan ang malaking tulong na naibibigay ni Kaka sa pamilya ng babae, hanggang sa personalin na rin ng anak ang kaniyang ama.

Anumang labis, anumang sobra sa nararapat lang at kailangan lang, ay hindi maganda. Parang ganoon ang tingin ng mas nakararami sa pinairal na pagpapalaki ni Freddie Aguilar sa kaniyang mga anak.

Ngayon tuloy ay ang musikero pa ang sinisisi ng kaniyang panganay na anak na si Maegan. Pinalaki raw kasi sila ng kanilang ama na walang kaalam-alam sa mga gawaing-bahay. Natuto raw siyang magluto dalawang taon pa lang ang nakararaan, aba’y treinta’y singko anyos na ngayon si Maegan Aguilar.

Katwirang wala sa katwiran ang mga sinasabing depensa ni Maegan Aguilar. Sa halip na pasalamatan niya ang kaginhawahang ibinigay sa kanila ni Ka Freddie ay sinisisi pa niya ngayon ang paraan ng pagpapalaki sa kanila.

Sinisisi pa niya ngayon si Ka Freddie, sana raw ay hindi na lang ito ang kaniyang naging ama.

Binigyang linaw ni Marlene Aguilar, kapatid ni Ka Freddie, ang nangyayaring gulo sa pamilya. Totoong galit si Marlene sa asawa ng kaniyang kuya ngayon na kung tawagin niya’y “kabit ni mayor,” gold digger daw si Jovie --- subalit nagpadala siya ng mensahe kay Maegan sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account na ang sinasabi:

“Bukas na sulat para sa pamangkin kong si Maegan Comet Aguilar:

“Nakausap ko ang nanay mo nang dalawang beses, kagabi at ngayong umaga. Nalaman ko na hindi pala pinalalayas ng tatay mo sa pamamahay niya ang dalawa mong maliliit na anak, ikaw lang.

“Ito rin ang sinasabi ng dalawa mong kapatid na lalaki na saksi sa pag-aaway n’yong mag-ama noong araw na iyon. Kung ganoon nga ang nangyari at naniniwala akong ganoon ang nangyari, may malaki kayong hindi pagkakaintindihan ng tatay mo. Maaaring sa sobrang init ng ulo mo, hindi mo narinig na mabuti ang sinabi niya sa iyo.

“Napag-alaman ko rin sa nanay mo kaninang umaga na hanggang ngayon ay bukas ang pintuan ng tatay mo para sa mga anak mo. Sana naman, magbigay ng liwanag ito para sa iyo.

“Nagmamahal, Tita Lyn.”

Manny Pacquiao – Inabandona ng ama pero kabutihan ang iginanti

Gusto naming iluklok sa ituktok ng tatsulok ang Pambansang Kamao kapag ang paksang pinag-uusapan ay pagmamahal at pagrespeto sa mga magulang. Ayon sa kuwento ni Mommy Dionisia Pacquiao, noong iwan sila ng ama ni Congressman Manny ay talagang dumaan ang kanilang pamilya sa matinding kahirapan, pero hindi sila sumuko sa pakikipaglaban sa buhay.

Nangahoy sa gubat si Pacman, nagtinda ng kutsinta at pandesal. Lahat ng legal na trabahong puwede nilang pasuking magkakapatid ay ginawa nila bilang suporta sa kanilang dakilang ina na mag-isa lang na nagpalaki sa kanila. Sinuwerte si Pacman, kinilala siya sa buong mundo at naging bilyonaryo.

Kinausap ni Congressman Manny si Mommy Dionisia. Isa lang ang hiniling ng anak sa kaniyang ina, “Ma, kung anumang mayroon ako ngayon, gusto ko ring magkaroon si papa.” Umiyak nang umiyak si Mommy Dionisia dahil nagka-anak ito ng kasingdakila ni Pacman.

Sa kabila ng kakapusan ay pinuno pa rin ng pagmamahal at respeto ni Pacman ang kaniyang ama. Isinasama niya ito sa kaniyang mga laban, binibigyan ng sustentong bukal sa puso at hindi bilang panunumbat sa pagpapabaya sa kanilang magkakapatid habang lumalaki sila.

Kipkip na mga anak na marespeto at malingap sa mga magulang ang suwerte. Iyon ang kaisa-isang batas sa Sampung Utos na may nakalaang premyo at pangako. Patuloy na magtatagumpay at hahaba ang buhay ng mga anak na mapagkandili sa kanilang mga magulang.

Pati mga daliri namin sa paa ay sumasaludo sa mga anak na mapagpahalaga sa kanilang mga magulang na naging dahilan kung bakit sila isinipot sa mundong ibabaw.

Mabuhay silang lahat!

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 248

Trending Articles