Setyembre 1 – 15, 2013
![]() |
|
Gretchen Barretto |
|
![]() |
|
Claudine Barretto |
|
![]() |
|
Gov. Vilma Santos
|
|
![]() |
|
Piolo Pascual |
|
![]() |
|
Carlos Agassi |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
James Yap |
Raymart at Claudine – Child custody na ang pinaglalabanan
Nakikipag-agawan ang mundo ng politika sa ingay ng mundo ng lokal na aliwan. Ang dahilan, ang makasaysayang si Janet Lim Napoles, ang negosyanteng nagdadamay ngayon ng mga kilalang politiko sa napakalaking anomalyang kinapapalooban nito.
Sumuko na sa Malacañang noong isang gabi (Agosto 28) ang pinaghahanap na puganteng may nakapatong na sampung milyong pisong pabuya sa kaniyang ulo, tapos na ang laban, sabi ng ating mga kababayan.
Sa totoo lang, ang ingay ni Napoles ay nakipag-agawan sa mga isyung kinasasangkutan ng nag-aaway na mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto, Cesar Montano at Sunshine Cruz at ng iba pang mga pinagpipistahang kontrobersiya sa showbiz.
Muling nagharap sa korte noong Martes (Agosto 27) ng hapon sina Raymart at Claudine. Kasamang dumating ng aktor ang kaniyang mga kapatid. Si Claudine lang at ang kaniyang abogado ang dumating sa Marikina-RTC.
Ang kustodiya ng kanilang mga anak ang sinesentruhan ngayon ng korte. Kanino nga ba mas dapat mapunta ang pangangalaga kina Sabina at Santino? Sino ba sa mag-asawa ang mas karapat-dapat pagtiwalaan sa pagpapalaki sa kanilang mga supling?
Kung ang batas ang susundin, hanggang wala pang pitong taon ang anak ay mananatili ito sa kaniyang ina, maliban na lang kung may malalalim na dahilan para hindi mapunta sa babae ang pangangalaga sa mga bata.
Kung si Gretchen Barretto ang tatanungin ay mas gusto nitong mapunta kay Raymart ang kaniyang mga pamangkin. Hindi na nagdetalye pa ang aktres kung bakit, pero kampi ito kay Raymart kung ang pangangalaga kina Sabina at Santino ang pag-uusapan.
Bakit kaya?
Kampeon ng Wikang Filipino
Salamat sa parangal mula sa Komisyon sa Wikang Filipino
Makulimlim ang paligid, pabugsu-bugso ang ulan. Malakas ang ihip ng hangin nang iabot sa amin ng isang guwardiya ng TV5 ang isang sulat. Pagkatapos naming basahin nang buo ang nilalaman ng liham, pakiramdam namin ay nagpaalam nang wala sa panahon ang bagyo, umaliwalas ang kapaligiran.
Narito po ang liham na tinanggap namin mula sa Komisyon sa Wikang Filipino na pinangunguluhan ng Pambansang Alagad Ng Sining Sa Panitikan na si G. Virgilio S. Almario.
Republika ng Pilipinas
Tanggapan ng Pangulo
KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
02 Agosto 2013
Kgg. CRISTY S. FERMIN
TV Host
Mahal na Bb. Fermin:
Magalang na ipinababatid ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na ipagdiriwang nito ang Buwan ng Wikang Pambansa sa 1-31 Agosto 2013 alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041. Ang tema ng pagdiriwang sa taong ito ay “Wika Natin ang Daang Matuwid.”
Kaugnay po nito, malugod naming ipinababatid na bilang batikang alagad ng media, kayo ay gagawaran ng pagkilala ng KWF bilang Kampeon ng Wikang Filipino dahil sa pagpapamalas ng matalino at mahusay na paggamit ng pambansang wika sa larangan ng pamamahayag. Gaganapin ang paggawad sa pagbubukas ng Pambansang Kongreso sa Wika sa 19 Agosto 2013, 10:00 nang umaga, Leong Hall, Pamantasang Ateneo de Manila, Lungsod Quezon.
Magsisilbing inspirasyon ang pagpaparangal sa nabanggit na gawain na dadaluhan ng mga guro at superbisor sa Filipino, iskolar, manunulat, at kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiyang pampamahalaan at pribado upang matalakay at makapaglatag ng kaukulang solusyon sa mga suliraning pangwika sa iba’t ibang larang lalo na sa mga dominyo ng kapangyarihan (power domains).
Inaasahan namin ang inyong pagpapaunlak sa aming hiling at nagpapasalamat kami sa inyong patuloy na pagtangkilik sa wikang Filipino tungo sa bisyong daang matuwid at maunlad para sa kinabukasan ng bansa.
Sumasainyo,
VIRGILIO S. ALMARIO
Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan
Tagapangulo, Komisyon sa Wikang Filipino
Hindi po malululan kahit sa isang malaking kahon ang taos-puso naming pasasalamat sa pamunuan ng Komisyon sa Wikang Filipino sa matinding pagpapahalagang iginawad nila sa pagyakap namin sa wikang Filipino.
Maraming salamat dahil kami’y lumaki sa pusod ng Nueva Ecija. Mas maraming salamat dahil kami’y produkto ng isang mag-asawang guro sa elementarya at maraming-maraming salamat, dahil kami’y isang Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa.
Maraming-maraming salamat pong muli sa Komisyon sa Wikang Filipino sa hindi mapapantayang karangalang ito na ipinagkatiwala n’yo sa amin. Mabuhay po kayo!
Gov. Vilma Santos – Pinarangalan bilang isang Kampeon ng Wikang Filipino
Malakas ang buhos ng ulan, humahaginit ang hangin, bahang-baha na sa halos lahat ng lugar pero walang nakapigil sa paghahandog ng parangal ng Komisyon Sa Wikang Filipino noong Lunes nang umaga sa Ateneo de Manila University.
Dumating bilang panauhing-pandangal si Pangulong Benigno Aquino III (na ipinakilala ng Pambansang Alagad Ng Sining Sa Panitikan at tagapangulo ng Komisyon Sa Wikang Filipino na si G. Virgilio Almario bilang “Pangulong Benigno S. Aquino Ikatlo”). May nakabantay na isang baso ng maligamgam na tubig sa tabi ng pangulo dahil sa madalas nitong pag-ubo.
Dumalo rin ang maraming miyembro ng akademya mula sa iba’t ibang rehiyon, ang mga tagapamuno ng kani-kanilang departamento sa Komisyon. Isang umaga iyon na ramdam na ramdam mong Pilipino ka dahil sa lamyos ng mga salitang binibitiwan ng mga tagapagsalita.
Ikasiyam nang umaga ang hiniling na oras ng mga taga-Komisyon Sa Wikang Filipino para sa pagdating ng kanilang mga pararangalan. Alas siyete pa lang nang umaga ay nagpapalitan na kami ng mge mensahe sa text nina Governor Vilma Santos at Tita Aida Fandialan.
Pinaghandaan ni Governor Vilma ang katangi-tanging parangal na ito, kahit napakalakas ng bagyo ay nag-ayos pa rin siya, pero ang problema ay wala siyang makakasamang drayber at security papunta sa pagdarausan ng parangal.
Text ng Star For All Seasons, “Naka-ready na ako, nakaayos na ako, pero ayaw akong patuluyin ni Ralph dahil pati ang mga kasama ko, ang mga security ko, eh, hindi rin makapupunta dito. Nag-flashflood sa Carmona.
“Ayaw akong payagan ni Ralph dahil baka raw ako maipit sa baha. Sayang talaga, pinaghandaan ko na ito, pero nagkabagyo naman. Pakisabi na lang sa lahat na gustung-gusto kong makarating pero bahang-baha dito sa SLEX, wala talagang madaanan pati ang mga kasama kong papunta diyan.”
Ayon sa mga nakausap naming miyembro ng Komisyon ay mahigit na isandaang pangalan ng mga personalidad mula sa iba’t ibang larangan ang pinagtalun-talunan nila sa deliberasyon.
Ilang beses na ginanap ang deliberasyon. Lahat ng mga pangalang pumasok sa pilian ay karapat-dapat, kaya lamang ay tatlong personalidad lamang ang dapat parangalan sa pinakauna nilang pagpapahalaga.
Sabi ni G. Leo Cantillang, miyembro ng Komisyon at propesor sa De La Salle, Arellano University at PUP ay walang tumutol sa Star For All Seasons para gawaran ng parangal bilang Kampeon Ng Wikang Filipino, higit pa sa karapat-dapat siyang pahalagahan dahil sa ginagawa niyang pagsusulong sa wikang Filipino sa mga ginagawa niyang pelikula at sa kaniyang pagtatalumpati bilang pulitiko.
Maligayang bati kay Governor Vilma Santos sa ipinamamalas niyang pagmamahal sa sarili nating wika. Mabuhay ang Kampeon Ng Wikang Filipino!
Piolo Pascual – Kinansel ang lahat ng koneksyon sa social media
Kami agad ang pinuntirya ng marami nang biglang kumalat ang isyu na diumano’y may video scandal din sina Piolo Pascual at Carlos Agassi. Sa gitna ng baha at malakas na ulan at humahaginit na hanging-habagat ay wala pa ring patawad ang mga kababayan nating walang magandang magawa sa buhay. Nakapag-iimbento pa rin sila ng mga nakakaalibadbad na senaryo. Kinakaya pa rin ng kanilang kunsensiya ang mangwasak ng imahe ng mga taong nananahimik.
Tama lang ang desisyon ni Piolo na ihinto na ang lahat ng paraan ng pakikipagkomunikasyon niya sa kaniyang mga kasamahan at kaibigan. Wala na siyang Facebook, Twitter at Instagram account ngayon, isa sa mga pinakatamang desisyong ginawa ng aktor sa buong buhay niya.
Napapanahon ang paglalaglag ni Piolo sa social media. Dapat lang naman siyang magkaroon ng katahimikan ng kalooban. Wala siyang sinasagasaang kahit sino kaya dapat lang siyang maligtas sa mga komentong hindi kanais-nais.
Hindi tayo bumibili ng kalungkutan. Lalong hindi tayo bumibili ng mga taong manghuhusga at maninira sa atin, lalo na kung hindi naman tayo kilala nang lubusan ng mga taong iyon.
Tama lang ang desisyon ni Piolo Pascual.
Kris Aquino – Kapuripuri ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo
Gusto lang naming magbigay ng mula sa pusong opinyon namin tungkol sa mga ginagawang pagtulong ngayon ni Kris Aquino sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo at baha na may nakasunod-nakatutok na mga camera sa kaniyang pagmamagandang-loob.
Una, may mga camera man o wala ay isang kapuri-puring aksiyon ang ginagawa ni Kris para sa mga nagdarahop nating kababayan ngayon. Maraming kababayan din natin ang mayroong sobra-sobrang puwedeng ipamigay pero hindi naman nila ginagawa, kailangan ng isang sinserong puso para gumawa ng mga ipinakikita ngayon ni Kris Aquino.
At mula sa kolum na ito ay maraming-maraming salamat kay Kris Aquino sa ginagawa niyang pagpapatawid sa ating mga kababayan sa busilak niyang puso.
James Yap – Miss na miss si Baby James
Kuwento ng isang kaibigan namin, isang gabi ay nakasabay nilang kumain sa isang simpleng restaurant lang si James Yap na mayroong mga kasama, ipinagpalagay ng mga nandoon na pamilya ng basketbolista ang mga kasama niyang kumakain.
“Parang parents niya at mga kapatid ang kasama ni James. Nagpakasimpleng pamilya. Bisayaan sila nang Bisayaan, tawanan sila nang tawanan. Naisip lang naming magkakasama, parang ngayon lang niya nakakasama ang family niya,” unang kuwento ng aming kaibigan.
Dumating ang Bisayang kaibigan ng grupo. Pinakiusapan nila itong bantayan at isalin sa Tagalog ang pinag-uusapan ni James at ng kaniyang mga kasama. Tuwang-tuwa ang aming kaibigan sa kaniyang nalaman.
Eto ang salin Tagalog ng usapan nila: “Ay, kalaki na ni Baby James, guwapo, saka matalino, English nang English. Nagkukuwento siya tungkol sa mga friends niya sa school, saka sa mga bansang pinupuntahan nila ng mommy niya at ni Kuya Josh niya.”
“Sayang nga, mabilis lang ang oras kapag kasama ko siya, kulang na kulang, miss na miss ko ang anak ko,” si James ang nagkukuwento.
Sabi naman ng Nanay ni James, “Nami-miss na nga namin si Baby James, maliit pa kasi siya noong huli naming makita. Sa mga billboard na lang namin siya nakikita ngayon, saka sa mga TV commercials.
“Basta, aalagaan mo ang sarili mo, huwag kang masyadong magpapagod. Pag may kailangan ka, tawag ka lang sa amin, huwag mong sasarilinin ang mga problema mo na tulad noon,” sabi ng ina ng basketbolista.
Ayon sa aming kaibigan ay wala silang naramdamang kayabangan kay James Yap sa kabila ng pagiging sikat niyang basketbolista. Totoong-totoo ang obserbasyon, ni bahagyang angas ay hindi kakambal ng personalidad ni James Yap, sa hardcourt lang siya nakikipag-upakan dikta ng kayang propesyon.