Quantcast
Channel: Showbiz
Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Cristy Per Minute • Enero 1-15, 2017

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminEnero 1 – 15, 2017

  Mocha Unson
 
Mocha Unson
  Duterte Pacquiao
 
Pres. Duterte & Manny Pacquiao
   Carlo Caparas
 
Carlo Caparas
  Regine Velasquez
 
Regine Velasquez
  Karla Estrada
 
Karla Estrada
  Kris wth Bimby and Josh Hawaii
 
Bimby, Josh & Kris sa Hawaii
  Sharon Cuneta
 
Sharon Cuneta
  Gabby Concepcion 
 
Gabby Concepcion
  BB Gandanghari
 
BB Gandanghari
  Nora Aunor
 
Nora Aunor

2017 – Bawal ang maging tamad sa gustong umasenso

Tapos na ang Pasko. Sabi nga ng matatanda ay lugmok na ang nayon. Butas na ang bulsa ng mga Pinoy. Pero ang pinakamahalaga, sa kabila ng kakapusan ng mas nakararami sa atin, ang kultura ng Paskong-Pinoy na pagpapaligaya sa kapuwa ay buhay na buhay pa rin.

Dumating na ang Bagong Taon. Ipagpag natin ang lahat ng hindi kagandahang pangyayari sa kasalukuyang taon at bigyan natin ng puwang ang pag-asa sa ating puso na ang taong 2017 ay magiging payapa at produktibo para sa ating lahat.

Sa isang masusing pagbabalanse ay napatunayan na mas pinaghahandaan natin ang pagpitada ng Bagong Taon. Sinasalubong natin ang New Year na may mga putukan. Naghahanda tayo ng mga prutas na puro bilog.

Sabi ng iba ay huwag tayong maghahain ng manok sa hapag. Kakalaykayin daw kasi noon ang ating kabuhayan sa papasok na taon. Huwag din daw magsasama ng mga prutas na maasim. Aagawin daw noon ang tamis ng ating pakikipagrelasyon.

Unang-una, ano naman ang kinalaman ng manok sa ating kabuhayan? Anong prutas din ang walang sangkap na asim na kaagawan ng tamis?

Ang bawal ay ang maging tamad, ang pangangarap na hindi kinakambalan ng aksiyon, ang paghahangad na tumama nang milyun-milyon sa lotto pero hindi naman tumataya.

Isang mapagpalaya, mapayapa at mabiyayang 2017 po para sa ating lahat!

Mocha Uson – Dinaig pa ang pamilya ni Pres. DU30 sa porma

Busog na busog sa mga negatibong komento ngayon si Mocha Uson mula sa mga tinatawag niyang bashers at trolls. Ayaw siyang tantanan, talagang pinabubundat ng mga ito ang kaniyang tiyan sa masasakit na mensahe, dumidighay na siguro ngayon ang nagpapaseksing singer.

Magtanim ka nang malakas na hangin at bagyo ang aanihin mo. parang paglalaro lang ng pelota ang buhay. Kung gaano kalakas ang pagpalo mo ng bola sa pader ay iyon din ang siguradong babalik sa iyo.

Tinawag niyang bugok ang mga hindi sumasang-ayon sa kaniyang mga opinyon, kabugukan din ang ibinabalik sa kaniya ngayon, at mas matitindi pang paglalarawan.

Maraming nagpadala ng text messages sa amin noong isang araw, hindi na namin babanggitin pa ang kanilang mga pangalan dahil kakapusin ang aming espasyo, pero sila ang mga lehitimong manunulat na minsang tinawag na “presstitutes” ni Mocha Uson.

Ayaw nilang patulan ang pabuka-bukakang singer sa entablado. Sayang na sayang daw kasi ang mahalaga nilang oras, kaya nga noong nagsalita siya sa isang pagtitipon ay naging abala ang mga media men.

May nagpunta sa CR, may tumutok sa kanilang gadget, nagkukuwentuhan ang iba at maraming nagsipagtaas lang ng kilay habang nagmamagaling sa pagsasalita si Mocha.

Eh, ano ngayon kung maraming kumokontra sa pagkakatalaga sa kaniya ng MMDA bilang ambassadress ng MMFF? Lahat ba ay inaasahan niyang sasang-ayon sa posisyong ibinigay sa kaniya?

Eh, ano rin ngayon kung kinukuwestiyon ang pinahawakang puwesto sa kaniya sa MMFF, wala na bang karapatang pumuna ang mga kababayan natin sa ipinagmamalaki niyang posisyon?

Nang tanungin si Mocha kung ano ang magagawa niya bilang ambassadress ng MMFF ay isa lang ang kaniyang tugon – pag-iingay.

Komento naman ni SOS, “Talaga naman pong nakakabuwisit ang babaeng iyon, ang kapal po talaga ng mukha ng Mochang iyon! Kung makapagsalita siya, eh, parang walang problema sa kredibilidad niya.

“Kaya ang dami-dami niyang bashers! Kinukuwestiyon ang credibility niya, tinatanong kung ano ba ang alam niya? Kasi nga, saan ba naman kasi siya kilala?

“Di raw ba sa pagtuwad-tuwad sa entablado at panglalandi sa mga lalaking kinukuha niya sa audience? Nadikit lang ang pangalan niya kay Pangulong Duterte, feeling niya, eh, powerful na rin siya!

“Kung ang mismong family nga ng presidente, eh, low profile lang, di po ba? Kaya mahiya-hiya naman sana ang Mocha na ‘yan sa mga pinagsasasabi niya kung may natitira pa siyang kahihiyan sa katawan niya!” inis na komento ni SOS.

Manny Pacquiao – Inendorso ni DU30 na President-to-be sa 2022

Hindi na kailangang dumating ang Pasko para magbigay ng regalo ang isang taong natural nang may busilak na puso. Pasko o hindi ay palaging bukas ang kaniyang mga palad sa pagpapasaya at pagtulong sa kaniyang kapuwa.

Iyon si Senador Manny Pacquiao para sa mga kababayan niya sa General Santos City, mula Enero hanggang sa katapusan ng taon ay nand’yan lang siya para dumamay sa mga pangangailangan ng mga kababayan niya, hindi pinagbago ng kasikatan at kayamanan ang Pambansang Kamao.

Kuwento ng mga kaibigan naming nagtatrabaho sa Senado ay ang room ni Senador Pacquiao ang palaging pinipilahan ng mga kababayan nating nangangailangan ng ayuda.

Sabi pa nito, “Sa Senate, alam na alam mo kung sino ang mambabatas na madaling lapitan. Palaging may pila sa kuwarto-opisina niya. Iyong mga kilalang sarado ang mga palad, walang kapila-pila!

“E, si Senador Manny, hindi nawawalan ng pila sa office niya. Madali kasi siyang hingan ng tulong, maraming nagpupuntahan sa kaniya dahil napakabukas ng palad niya,” sinserong kuwento ng aming source.

Kaya naman patuloy ang pagbaha ng mga biyaya para sa ating kampeong boksingero, lahat ng tulong na ibinibigay niya ay ibinabalik din sa kaniya ng kapalaran, mas maraming-maraming doble pa nga.

Katwiran ni Pacman, kapag nawala tayo sa mundo ay walang-wala tayong madadala, ang tanging maiiwanan lang natin ay ang magagandang alaala mula sa mga taong minsan isang panahon ay nasagip natin sa matinding kagipitan.

Buong-ningning na inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Manny Pacquiao bilang “president-to-be” para sa taong 2022. Kuwarenta’y tres anyos na ang Pambansang Kamao sa susunod na presidential election.

Nakikita raw kasi ni Ka Digong na malaki ang magagawa ni Senador Pacquiao para sa ating mga kababayan, hawak daw ng Pambansang Kamao ang disiplinang kailangang pairalin sa pamumuno ng ating bayan, pati ang walang kakuwesiyun-kuwestiyon niyang katapangan.

Pero isang masayang ngiti lang ang itinugon ng senador-boksingero sa mga papuri ng ating pangulo, para sa kaniya ay napakarami pa niyang dapat matutuhan, hindi pa siya hinog sa panguluhan.

Direk Carlo J. Caparas – Abangan ang pelikula ng El Shaddai

Gusto naming mapanood ang Miracles Are Forever, ang pelikulang idinirek ni Direk Carlo J. Caparas na hinati sa tatlong bahagi, ang tatlong kuwento ay hango sa libro ng mga milagro ng El Shaddai.

Pumayag ang tagapamuno ng El Shaddai na si Brother Mike Velarde kina Direk Carlo at Tita Donna Villa na maisapelikula ang tatlong magagandang istorya para patunayan sa publiko na nagaganap ang mga milagro sa ating buhay.

Sa isang episode ay nagpakitang-gilas sina Yassi Pressman at Mark Neumann, sa isa pang bahagi ay si Assunta de Rossi naman ang nagpamalas ng galing sa pag-arte, pero sa tatlong episode ng Miracles Are Forever ay mas nakapang-iimbitang manood ang kuwento ng Mamasapano SAF44 Untold Story na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez.

Bukod kina John Arcilla at Sid Lucero ay nakasasabik panoorin ang mga anak na aktor ng mga personalidad na mayroon nang napatunayan. Si Raf Fernandez ni Daboy, si Gabriel de Leon ni Christopher, si Elvis Gutierrez ni Tito Eddie at si CJ Caparas ni Direk Carlo.

Nasusubaybayan namin ang mga pagtitipon ng El Shaddai sa telebisyon. Nararamdaman namin ang matinding pananampalataya ng mga miyembro ng grupo ni Brother Mike na nagwawagayway ng panyong puti at nagsasahod ng payong nang pabaligtad para sa biyayang gusto nilang matanggap, gusto naming mapanood iyon ngayon sa malaking telon.

Bukod sa magagaling na artistang kinuha nina Direk Carlo at Tita Donna para sa trilogy ay gusto uli naming maramdaman ang walang makakukuwestiyong husay sa pagsusulat ng istorya ni Direk Carlo J. Caparas na nagsimula sa mga komiks, na pagkatapos ay naging pelikula na, kaya kaniyang-kaniya lang ang titulong Komiks King.

Regine Velasquez – Marunong tumanaw ng utang na loob

Sa kabila ng kaniyang kaabalahan ay nagagawan pa rin ng paraan ni Regine Velasquez na bigyan ng pagpapahalaga ang mga taong katuwang niya sa kaniyang propesyon.

Kailan lang ay binigyan niya nang sapat na oras ang kaniyang mga designers at stylists, nagpa-party ang Asia’s Songbird sa mga nag-aasikaso sa kaniyang mga gown kapag mayroon siyang concert, pati ang mga nag-aayos sa singer-actress sa kaniyang mga lakad.

Mga kaibigan din ng anak-anakan naming si Ogie Narvaez-Rodriguez ang mga designers at stylists na pinasaya ni Regine. Panay-panay raw ang kuwento ng mga ito tungkol sa kagandahan ng puso ng singer-actress, bibihira na nga lang naman ngayon ang mga personalidad na naglalaan ng panahon sa pagpapasalamat at pagtatawid ng utang na loob.

Masasarap ang ihinandang pagkain ni Regine, nakahanda na rin ang mga basket na pang-Noche Buena ng kaniyang mga bisita, at isang gabing hindi makakalimutan ang inikutan ng kanilang mga kuwentuhan.

Napakasarap namnamin ng mga papuri sa talikuran. Lumalaganap iyon sa buong kapaligiran. Kaya naman mula noon hanggang ngayon ay nandito pa rin ang isang Regine Velasquez.

Namamayagpag pa rin siya sa kabila ng mga nagdaratingang magagaling na singers, paborito pa rin siya ng buong bayan, lalo na ng mga becki.

Karla Estrada – Anyare? Bakit parang pinakawalan sa kusina?

Text ng isang anak-anakan namin, “‘Nay, nanonood ka ba ng Christmas Special ng ABS-CBN? Watch ka, tingnan mo kung gaano kasyuba si Karla Estrada!” Salamat, salamat, Bhoyzee Caragay.

Nag-switch kami ng channel, umalis muna kami sa HGTV, nasa gitna ng entablado sina Karla Estrada, Jolina Magdangal at Melai Cantiveros, nagho-host sila, kapansin-pansin nga ang sobrang laki ng nanay ni Daniel Padilla.

Pagdikitin man ang katawan nina Jolina at Melai ay mas malapad pa rin si Karla, nakaumbok pa ang kaniyang sobrang yaman na bilbil, tama ang punto ng mga tagahanga ni Enrique Gil na unahin munang asikasuhin ni Karla ang kaniyang katawan bago ang paninira sa kanilang idolo.

Hindi namin alam kung bakit lumapad nang husto si Karla, nakakapagpalapad ba ng katawan ang mga biyayang dumarating sa kanilang pamilya dahil sa anak niyang si Daniel Padilla?

Palagi bang nakatambay si Karla sa kanilang kusina? Kung bakit naman ipinalabas pa ang Christmas Station ID ng Dos, naka-sleeveless pa si Karla, kaya kitang-kita ang mga nagmumura niyang braso sa laki.

Nalilibang yata ang nanay ni Daniel sa kakakain, mas interesado kaming bigyan ng malasakit ang kaniyang kalusugan, makasasama sa kaniya ang sobrang pagtaba.

Sabi pa ng isang miron, “Iyon ang dapat niyang tinatanggal, ang mga taba-taba niya sa katawan, hindi si Quen na kasama sa group picture, pero tinanggal niya sa ipinost niyang picture!”

Kris Aquino – Bumalik kaya ang ningning ni Kris ngayong 2017?

Nasa ibang bansa man ngayon si Kris Aquino na kasama ang kaniyang mga anak para sa isang masarap na bakasyon ay siguradong nasa Pilipinas pa rin ang kaniyang utak.

Hindi naging mabait kay Kris ang nakaraang taon, naganap sa kaniyang buhay at career ang isang karanasang kahit siguro sa kaniyang panaginip ay hindi inakala ng aktres-TV host na magaganap, ang mawalan siya ng network.

Hanggang ngayon ay isang malaking tandang-pananong pa rin para sa mas nakararami ang kinauwian ng kaniyang career noong 2016. Sino nga ba ang mag-aakala na sa isang iglap lang ay mawawalan pala ng trono ang isang nagrereyna-reynahan?

Totoong-totoo ang kasabihan na hindi lahat ng biyaya ay naiipon lang sa iisang tao. Milyonarya si Kris, sikat, pero hungkag naman ang kaniyang puso.

Nasa ganoong estado siya pero puwede rin palang dumating sa kaniya ang pagkakataong mapagsaraduhan ng pintuan ng matatawag na balon ng kaniyang mga biyaya.

Nasira tuloy ang kapaniwalaan na - What Kris wants, Kris gets - dahil dinaot ang kaniyang career sa taong 2016. Pero pana-panahon lang naman ‘yan. Baka sa 2017 ay ngumiti na uli sa kaniya ang kapalaran.

Baka sa kaniyang pagbabalik ay mayroon na palang matatawag na mother studio si Kris Aquino. Walang mayhawak ng bukas. Lahat ay posibleng mangyari.

Sharon Cuneta – Pumapayat na si Mega para sa movie nila ni Gabby

Nagpista ang mga tagahanga nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion nang ibalita namin sa Cristy Ferminute na kumpirmado na ang kanilang pagbabalik-tambalan sa Star Cinema.

Sa isang iglap ay dinagsa na kami ng mga song request (Throwback Thursday kasi iyon), pakipatugtog daw namin ang P.S. I Love You at Dear Heart, ang unang dalawang pelikulang pinagtambalan nina Gabby at Sharon.

Sabi ni Rein Cortez ng Dimples Fishcrackers na pati ang pirma ng Megastar ay plakadung-plakado, “Ako ang magbubukas ng sinehan sa unang araw ng showing ng movie nila! Pagkatapos ko sa isang sinehan, lilipat pa ako sa iba, panonoorin ko uli iyon!”

Hindi naman nagpakabog si Bradly Guevarra na tanging si Sharon Cuneta (sige na nga, pati si Sheryl Cruz!) ang ginagawang inspirasyon sa buhay.

“Ito na iyon! Pagkatapos nang napakahabang paghihintay! Directed by Cathy Garcia-Molina! Napakaligaya ko!” komento ni Bradly.

Nagkakuwentuhan kami ng mga dati naming katrabaho sa ABS-CBN. Sila mismo ang nagpatotoo sa amin na napakalaki na ng ipinayat ngayon ni Sharon Cuneta.

Sa personal daw ay mas kapansin-pansin ang malaking ibinagsak ng timbang ngayon ng Megastar. Hindi naman masasabing maliit na maliit na ang bewang ni Sharon, pero kumpara noon ay napakalaki ng iniliit ng kaniyang katawan, pati raw ang braso ng singer-actress ay hindi na nagmumura sa katabaan.

Kailangang karirin ni Mega ang pagpapapayat dahil malapit nang simulan ang shooting ng pelikula nila ni Gabby Concepcion.

BB Gandanghari – Kahawig na ngayon ni Carmina

Malapit nang mapa-sign of the cross ang kaibigan naming nakakita kay BB Gandanghari sa isang mall sa Amerika. Umalis kasi ito ng Pilipinas ay Rustom Padilla pa ang pagkakilala nito sa aktor, alam naman nito ang kuwento, pero iba pa rin daw kapag personal mo nang nakita ang pagbabagong-anyo ni Rustom.

Nasa women’s section si BB Gandanghari, bumibili ng mga underwear, may kasama siyang guwapong lalaki na sa tingin ng aming kaibigan ay isang Mexicano.

“Alam mo, na-shock talaga ako! Alam ko naman na nagpalit na siya ng gender, kuwentuhan iyon sa opisina namin, pero iba pa rin kapag nakita mo na mismo ang isang taong lalaking-lalaki noong umalis ka, pero girl na girl na ngayon!” reaksiyon ng aming kaibigan.

Ang payat-payat daw ni BB, seksing-sexy, maliliit ang mga braso at binti. Babaeng-babae na nga ang dating mister ni Carmina Villaroel.

Tanong ng aming kaibigan, kahit minsan daw kaya ay hindi naamuyan ni Carmina ang tunay na gender ni BB, habampanahon daw bang barado ang ilong ng aktres?

“At may hawig siya kay Carmina ngayon, ha? Puro pink ang binibili niyang underwear, nakakaloka talaga, sinusundan-sundan namin siya ng mga anak ko habang nagsi-shopping,” natatawa na lang na komento ng aming kaibigan.

Posisyon ng pamilya ay tanggap na nila ang naging kapalaran ni Rustom, kung saan siya maligaya ay hindi na kokontra ang kaniyang ina at mga kapatid, pero mayroon silang kundisyon.

Huwag na lang sanang ipakilala pa ni BB Gandanghari sa kanila ang lalaking nagpapaligaya sa kaniya ngayon.

Tama nang alam nila ang milagro, huwag na lang nilang makita ang santo, ganoon ang kanilang paninindigan ngayon.

Nora Aunor – Hindi sinuportahan ng Noranians ang Kabisera sa MMFF

 Kundi ba naman talagang inaalat ang mga pelikulang lahok sa MMFF. Sino ba ang mag-aakala na makikieksena pa ang bagyong Nina sa mismong Kapaskuhan?

Napakaraming araw na puwedeng manalanta ang bagyo, pero tumiyempo pa sa Pasko, kung kailan may ipinagdiriwang ang buong mundo ay saka pa ito nakisali.

Malaking kabawasan sa kikitain sa takilya ng walong pelikulang lahok sa MMFF ang hindi kagandahang klima. Kung iyong wala ngang bagyo ay tamad na tamad na silang lumabas ng bahay dahil sa sobrang trapik, iyong may bagyo pa kaya, lalong hindi na lalabas sa kalye para manood ng sine ang ating mga kababayan.

May hagupit sa umpisa pero may bawi sa bandang dulo ang komento ng isang kaibigan-anak-anakan naming nanood ng pelikula ni Nora Aunor sa MMFF.

Ang kaniyang sabi, “Nakakaanim na pelikula na ako mula noong Pasko. Itong kay Ate Guy, marami-rami naman kami sa pinagpanooran kong sinehan. Okey na sana, kaso, nalaman namin ng kasama ko na kaya pala kami umabot nang beinte, eh, libre ang mga senior citizens.

“Ganoon pala sa Makati. So, malinaw na kaming apat na magkakasama lang pala ang nagbayad, the rest, eh, free admission na.

“Uulitin ko lang ang madalas kong sabihin sa iyo noon na nand’yan pa rin naman ang mga Noranians, aktibo pa rin naman sila, pero iyon nga lang, hindi sapat ang bilang nila para gawing hit ang pelikula ng idolo nila.

“Publiko ang susi sa pagkita ng pelikula at wala nang publikong sumusuporta kay Nora Aunor. Sa totoo lang tayo. Magpakatotoo na tayo.

“Pero in fairness, magaling si Nora Aunor sa Kabisera. Siya ang saving grace ng pelikula. Isang malaking kahangalan na hindi man lang binigyan ng grade ng Cinema Evaluation Board ang Kabisera.

“Kahit man lang sana Graded B, eh, binigyan ang movie niya dahil hindi naman pipitsugin ang obra ni Nora Aunor,” papuri ng aming anak-anakan sa pagganap ng Superstar.

Isang kaibigan namin na maraming taon nang namumundok ang dumalaw sa kaniyang pamilya nitong Kapaskuhan. Natural, nagkayayaan silang magkakamag-anak na manood ng mga pelikula sa MMFF, pinili nilang panoorin ang Die Beautiful na pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros.

Ang komento ng aming kaibigan, “Fifteen years na akong hindi nakakapanood ng sine, ngayon na lang uli, nakakaaliw ang Die Beautiful! May dapat ika-insecure sina Vice Ganda at Bossing Vic Sotto kay Paolo Ballesteros!

“Ang galing niya, suwabe ang timing, kaya naman pala rumarampa siya sa mga international competition! Magaling ang becki!” superlatibong papuri ng aming kaibigan. 

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 251

Trending Articles